“But it’s too much Ma! Nakalimutan mo na ba ‘yung hirap natin noon mapalabas lang ng kwarto si Reign? And now you’re asking her not to step out of her room for a week?!”
Nanlamig ang buong katawan ko. Hindi ko akalaing mauungkat pa ang nakaraan. Akala ko’y nabaon na ito sa limot.
“Pwede ba TJ?! Tumigil ka na sa pagkampi mo kay Reign! Kaya mas lalong tumitigas ang ulo niyan dahil kinukunsinti niyong magkakapatid! Palagi niyo na lang dinadahilan ang nangyari noon pero matagal na ‘yaon! Matanda na si Reign!”
“Alam namin na galit kayo ni Papa dahil sa ginawa ni Reign. Alam din namin na galit kayo sa mga Savage dahil sa lupa pero-”
“Anlaa naman! Walang pero pero! Kung ayaw niyang sumunod sa atin, sige’t lumayas siya pero kalimutan niyang isa siyang Valderrama!”
Nakarinig ako ng pagkatok sa pinto ng kwarto ko kaya agad kong inalis ang pagkakadikit ng tainga ko rito. Pinalis ko ang luha sa pisngi ko at tumayo ng tuwid. Tumikhim ako tyaka pinihit ang doorknob para buksan.
Dito ko nakita sa harapan ko si Kuya MJ. Panay ang pagkaway niya habang abot tainga ang ngiti at nilalakihan pa ang mga mata. Napailing ako at pilit pinigilan ang pagtawa. He’s wearing a brown tweed jacket, a white shirt, a thin red tie, and brown trousers – imitating Mr. Bean! Palagi niya itong ginagawa sa tuwing malungkot ako dahil alam niyang bata pa lang ako ay ito na ang nagpapatawa sa akin. Sa paulit-ulit na panunuod ko rito ay naging paborito ko ito. Kaya nga mayroon din akong sariling teddy sa higaan ko na kasama ko palagi gaya niya.
“Hindi na ako bata Kuya,” paalala ko kasabay ng pagpasok niya sa kwarto ko at pagsarado ko ng pinto. Panay lang siya sa paggaya ng facial expressions at gestures ni Mr. Bean kaya naman kahit ayoko sanang matawa ay hindi ko rin ito napigilan sa bandang huli. “Mukha kang tanga!”
Tanda ko pa noong unang beses kong napanuod si Mr. Bean. Hindi agad ako natawa dahil nagtaka lang ako kung bakit hindi ito nagsasalita. Hanggang sa nakasanayan ko na lang. Tutal ay may mga pagkakatulad din kami. Eventually, he was able to make me laugh through his silly antics and made me realize the importance of finding joy even in the smallest of things.
Ginawa na naman ni Kuya MJ ‘yung sayaw ni Mr. Bean kaya mas lumakas ang tawa ko at napahawak pa ako sa tyan kakatawa. Si Kuya MJ talaga ang madalas na magpatawa sa pamilya namin kaya hindi na bago itong ginagawa niya ngayon. Mabuti na lang din at nandito siya dahil kung hindi’y siguradong malulungkot lang ako dahil sa mga narinig ko.
Ayoko man ay nadamay ko na naman ang mga kapatid ko sa problemang ako mismo ang naglagay sa sarili ko. Alam kong lagi silang nandyan para sa akin kaya rin siguro lumakas ang loob ko noong magdesisyon akong puntahan si Joaquin sa Maynila – then from there, things just got out of hand.
“Did you miss me babe?” tanong ni Kuya MJ bago ako niyakap nang mahigpit. Ganuon din ang ginawa ko pabalik.
“Of course kuya. Namiss ko kayong lahat. I’m really sorry for making you worry.”
“As long as you’re safe babe then it’s okay.” Hinimas niya ang buhok ko na parang bata bago pinisil ang pisngi ko kaya napangiwi ako. “Kumain ka nga ng mas marami, nangayayat ka.”
“Ikaw naman tumataba.” Nanlaki ang mga mata niya at medyo inaway ako dahil sa panunukso ko. Sa amin kasing magkakapatid, siya talaga ang body conscious. Paano’y kakaiba ang paniniwala niya:
The way to a woman’s heart is through his 6-pack abs.
Nagtawanan kami bago muling niyakap ang isa’t isa.
Ilang minuto kaming magkayakap ni Kuya MJ bago siya humiwalay at tumingin sa akin ng seryoso.
“Mukhang hindi namin mapagbabago ang isip ni Mama sa ngayon.” Huminto siya bago bumuntong hininga. “Sinubukan na ni Kuya TJ pero hindi umubra. Kahit humingi na kami ng tulong kay Papa ay mas tumutol lang ito. Mukhang kailangan mo nga munang manatili sa kwarto mo ng isang linggo. Don’t worry, hindi kita hahayaang ma-bored dito.” Itinaas niya ang isang kamay niya na para bang nanunumpa. “Pangako.”
I smiled weakly. “Ayos lang. Naiintindihan ko sila. Mababaw pa nga ‘yung punishment nila kumpara sa nagawa ko kung tutuusin…” I’ve imagined a lot of worst case scenarios in my head habang pabalik pa lang kami ng Batangas at mabuti na lang ito ang napili nila imbes na kalbuhin ako o ipahabol sa mga kalabaw.
“But are you sure you’ll be okay here?’ tanong ni Kuya MJ sa akin, tila ba naninigurado na kaya ko ngang mag-isa ngayon. Alam ko rin naman na marami silang ginagawa sa kumpanya namin at siguradong naaabala ko sila ngayon dahil sa mga impulsive decisions ko sa buhay.
“I have to. It’s not as if I have another choice,” bumuntong-hininga siya at tumango. Alam niyang tama ako, para namang may ibang choice kami pare-pareho.
Tumayo na si Kuya MJ at akmang lalabas na ng kwarto ko nang huminto pa siya. “Gusto mo ba talagang pakasalan ang lalaking ‘yon?”
Pakiramdam ko ito ang tanong ng buong pamilya ko ngayon. Dahil kahit naman anong pagtutol nila, may pakielam pa rin sila sa nararamdaman ko.
At nang makita ni Kuya MJ na napaisip pa ako sa kanyang tanong ay tipid siyang ngumiti.
“Rest well,” sabi niya bago tuluyang lumabas ng kwarto ko.
***
Inabot ni Kuya MJ sa akin ‘yung wedding invitation na natanggap nila. At paglabas niya ng kwarto, rito ko lang ito nagawang buksan.
Mukhang tuloy na tuloy na nga ang kasal sa linggo. Kaya lang wala na ‘yung bride. Akala ko nagbibiro lang si Dax noong sabihin niyang isang linggo pagkatapos ng engagement ay kasal na namin. Masyado kasing mabilis ang paglipas ng bawat araw kaya akala ko posible pang maatras ito. Kaya lang sa nakikita kong mabilis nilang pagkilos, mukhang wala na silang balak ipagpaliban ito.
Kaya lang paano ‘yun? Handa na kaya ang lahat: ‘Yung guests, giveaways, venue, tyaka paano ‘yung wedding gown ko? Hindi ko alam kung ano pa ang kailangan sa kasal pero parang wala pa naman akong naasikaso para rito. Mula sa simbahan, sa Savage Hotels Manila gaganapin ang reception ng kasal namin ni Dax ayon sa invitation. Posible bang ginawa na nila Mrs. Savage lahat para sa amin ni Dax? At kailangan na lang namin magpakita rito gaya ng nangyari sa engagement?
Napatitig ako sa litrato namin ni Dax. Kung paano namin tingnan ang isa’at isa rito, aakalain talaga ng kahit na sino na may relasyon talaga kami. Mahirap isipin na umaarte kami dahil parang pareho kaming in love.
I couldn’t help but stare at Daxon’s face for another few seconds. Ako lang din mismo ang tumigil dahil nami-miss ko na siya agad.
Pilit kong inalis ang isip ko sa kasal at kay Dax. Dahil kung hindi’y baka mabaliw ako ngayong gabi.
Nakakapagtaka lang. Ang alam ko kasi, dahil nandito na ako sa poder ng pamilya ko, dapat ay okay na ako. Sigurado akong ‘di na ako mapipilit pang ikasal kay Dax. Hindi ba’t iyon naman ang gusto ko in the first place?
Nakatapos na naman akong magbasa ng libro. At dahil wala na akong iba pang pwedeng gawin bukod dito ay nagdesisyon na akong matulog. Isang linggo pa ako rito sa loob ng kwarto ko kaya kailangan ko nang simulan ang pagsulat ng listahan ng mga bagay na pwede kong gawin.
Hindi naman ito magiging mahirap para sa akin. Natagalan ko nga ito ng mahigit isang buwan, ano lang ang isang linggo? Parang magbabakasyon lang ako. Wala nga lang cellphone at laptop dahil pareho itong kinuha mula sa akin. Ayaw daw nila na magpasundo ako kay Dax – as if na gagawin ko iyon. At ayaw nilang maapektuhan ako sa mga mababasa ko online. Malamang ay mas kalat na ang tungkol sa kasal namin ngayon.
Pagkahiga ko sa kama, pinatay ko ang bedside lamp bago nagtalukbong ng kumot. Ang sarap pa rin talaga sa pakiramdam makahiga sa sariling kama, mas kumportable, kaya nakaramdam agad ako ng antok. Siguro’y dala na rin ito ng matinding pagod ko nitong nakakaraan. Kung dati kasi ay pagod na ako sa trabaho ko sa kumpanya namin, doble ang pagod ko ngayon sa Savage Enterprises.
Bigla ko tuloy naisip si Dax. Ano kaya ang reaksyon nito matapos malaman na wala na ako sa Maynila? Nagulat ba siya? Nagalit? O di kaya natakot? Naapektuhan man lang ba siya sa bigla kong pagbalik sa Batangas? Baka naman hindi pa rin niya alam ang tungkol sa pagkawala ko dahil palagi naman siyang busy. Palaging hindi ako ang priority niya.
Napailing ako. Dapat talaga hindi ko na siya isipin simula ngayon. Kaya naman sinubukan ko nang matulog.
Unti-unti na akong dinadalaw ng antok nang mapadilat ako sa sigaw na narinig ko sa labas. Halos humiwalay ang puso ko sa katawan ko dahil dito.
“Anong ginagawa mo rito?!”
Agad kong binuksan ang ilaw sa kwarto ko at napabangon. Lumapit ako sa bintana at binuksan ito. Dinungaw ko kung anong nangyayari sa labas at nang maaninag, napatakip ako ng bibig. Nakita ko ang pagbagsak ni Dax sa hardin namin dahil sa pagsuntok ni Kuya PJ!
Sisigaw na sana ako para patigilin sila nang lapitan ni Kuya PJ si Dax at hilahin patayo gamit ang kwelyo. Akmang susuntukin na naman niya ito!
“Ang lakas naman ng loob mo magpakita pa rito!”
Walang naisagot si Dax dahil sinuntok siya ulit ni Kuya PJ! Tumumba ulit ito sa lupa!
“Tumigil na kayo!” malakas na sigaw ko at mabuti naman ay umabot ito sa kanila.
Pareho silang napatingin sa akin. Galit ang makikita sa mukha ni Kuya PJ samantalang ngumiti naman si Dax nang makita ako kahit na ininda niya ang sakit ng putok niyang labi. Umayos siya ng pagkakatayo at hinarap ako na para bang walang nangyari.
“Ano bang ginagawa niyo?!” Huminto na sila at akala ko ayos na ang lahat. Pero bigla kong nakita sila Mama at Papa sa bandang likod ni Kuya PJ. Dire-diretso si Mama kay Dax at gaya ng inaasahan, sinampal niya ito gaya ng ginawa niya sa akin. Siguro’y doble pa ang lakas dahil halos matumba ito!
“You’re not welcome here kaya umuwi ka na sa Maynila!” malakas ang pagkakasabi ni Mama kaya sapat lang para marinig ko.
“Si Reign-”
“Wala kang kinalaman sa anak namin. Kaya ‘wag niyo nang pangarapin ikasal sa isa’t isa dahil hindi ‘yon mangyayari,” sabi ni Papa bago hinimas ang likod ni Mama para pakalmahin ito.
“Maghihintay ako,” Ang tigas talaga ng ulo ni Dax!
“Kahit maghintay ka pa buong buhay mo ay hinding-hindi magbabago ang desisyon namin. Kaya umalis ka na!” Hinampas ni Mama si Dax sa dibdib ng ilang beses pero hindi ito tumumba. “Nagiisang anak namin si Reign! Ang lakas ng loob mong basta na lang siyang kunin sa amin!”
Si Kuya PJ na ang pumigil kay Mama at sinama niya ang mga magulang namin pabalik sa loob ng bahay bago pa sila atakihin sa puso.
Ngayon ay mag-isa na lang si Dax sa hardin namin. Noong una ay nakayuko siya’t nakatitig lang sa lupa pero kalaunan ay nagangat din siya ng tingin sa direksyon ko kaya nagtagpo ang mga mata namin.
Kung bakit nagawa ko pang kumaway at ngumiti ay hindi ko rin alam. Dahil ba nagaalala pa rin ako sa kanya sa kabila ng lahat?
Makahulugan ang tinging ipinukol niya sa akin. Para bang may gusto siyang sabihin pero hindi niya magawa. Hindi naman kasi niya ito pwedeng isigaw at hindi ko rin hawak ang phone ko ngayon kahit tawagan niya ako. Walang paraan para makapagusap kami. At siguro iyon na rin ang mas makakabuti sa ngayon – ang hindi namin masabi sa isa’t isa ang nararamdaman namin maging ang mga bagay na tumatakbo sa isip namin.
Pareho lang namin tiningnan ang isa’t isa na tumagal din ng ilang minuto.
Ang alam ko masama ang loob ko sa kanya noong huli kaming nagkita pero ngayon ay bakit gusto ko lang siyang lapitan at yakapin? Bakit sa kabila ng lahat ng nalaman ko ay handa pa rin akong bumalik sa kanya basta sabihin lang niya?
Kumilos si Dax maya-maya, hindi ko malaman kung anong hinahanap nito sa paligid pero hinintay ko lang ito. Nang makakuha siya ng may kalakihang sanga ng puno, may sinulat siya sa lupa gamit ‘to at inintay kong matapos ito para mabuo sa isip ko ang ibig niyang iparating.
“I’m sorry.”
Ito ang isinulat niya gamit ang lupa kaya naman nakaramdam ako ng kirot sa loob ko. Sorry pero para saan? Sorry dahil hindi siya tumupad sa usapang sasamahan ako pauwi sa Batangas? Sorry dahil hindi niya sinabi sa akin ang tungkol kay Richelle at nasaktan niya ako dahil dito? Sorry dahil kahit ako ang pakakasalan niya ay may ibang babaeng laman ang puso niya?
Reign! Baka nakakalimutan mong kontrata lang ang relasyon niyo!
Nakita kong may isinusulat pa siya pero hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataong makapagbigay sa akin ng mensahe.
Sinarado ko ang bintana maging ang kurtina bago naupo’t nagtago mula sa kanya. Yumukyok ako at pilit na pinaliwag sa sarili ang sitwasyon. Dahan-dahan kong hinampas ang dibdib ko dahil naninikip ito sa hindi ko malamang dahilan. Bakit ganito na lang ang epekto niya sa akin?
Paulit-ulit ko na lang ba makakalimutan kung saan ang lugar ko sa buhay ni Dax?
***
Nagising ako dahil sa malakas na sigawan sa bahay. Akala ko pa noong una ay parte pa ito ng panaginip ko. But I immediately woke up because of the sound of glass breaking.
Tumayo ako at sumilip sa bintana, wala na si Dax sa hardin namin. Hindi kaya…
Kahit alam kong grounded ako sa kwarto ko ay lumabas pa rin ako para makita kung ano ang nangyayari. Ang tindi ng nerbyos ko dahil naalimpungatan ako. Isang scenario lang din ang laman ng isip ko.
Dito ko naabutan si Kuya MJ na nakabantay sa may hagdanan. “Not now babe.” Nabasa na yata niya kung ano ang gagawin ko kaya nandito siya. Umiling ito nang tangkain kong lagpasan siya para malaman kung anong nangyayari.
Magtatanong na lang sana ako sa kanya nang marinig ko ang boses ni Papa. “Umalis ka na sa pamamahay namin!” ngayon ko lang narinig si Papa magalit ng ganito, mariin at nanginginig ang kanyang boses. Si Mama kasi ang madalas na makikitaan ng emosyon sa kanilang dalawa.
“Uuwi po ako kasama si Reign. Hayaan niyo pong pakasalan ko siya.”
Boses ito ni Dax! Hindi na ako nakapagpigil at tinakasan ko na si Kuya MJ. Lumusot ako sa ilalim ng braso nitong nakaharang sa akin.
“Reign!”
Patakbo akong nagpunta sa sala namin pero natigilan ako nang makita ko si Dax na pinapalibutan ng mga security guards namin! Nasa harapan niya ngayon sina Mama, Papa, at Kuya PJ.
Kahit na pinakabata sa mga kuya ko, si Kuya PJ ang namamahala sa mga security guards namin. Kumbaga’y siya ang boss ng mga ‘to kaya naman kahit anong iutos niya ay susunod kaagad sila. Malalaki ang mga katawan nila dahil karamihan ay dating sundalo. Oo’t takot ako kay Kuya TJ pero iba ‘yung takot ko pagdating kay Kuya PJ dahil siya ang pinakatahimik sa aming lahat pero pisikal ipakita ang galit.
“At sa tingin mo hahayaan namin mangyari ang gusto mo? Pagkatapos mo kaming bastusin?!” sigaw ni Mama at hinawakan siya ni Kuya PJ sa balikat para pakalmahin dahil namumutla na ito.
Hindi ba umuwi si Dax? Iisa pa rin ang suot niya kagabi. Ibig sabihin ba ay sa labas lang siya natulog? O natulog man lang ba siya?
“Kung hindi pa namin natanggap ang wedding invitation niyo, hindi namin malalaman na ikakasal na ang unika iha namin. Sa tingin mo, sinong magulang ang matutuwa sa ginawa niyo?” sabi naman ni Papa at nakita ko ang panginginig ng buong katawan nito dahil sa galit.
Hinahampas ni Mama ang kanyang dibdib na para bang naninikip ito. “Wala kang respeto! Hindi porke isa kang Savage ay hahayaan naming bastusin mo kami!” mangiyak-ngiyak sila. Ngayon ko naramdaman ‘yung bigat ng nagawa ko at maging ako gusto nang umiyak.
“Patawarin niyo po ako kung hindi agad ako nakapunta para hingin ang permiso niyo. Pero mabuti ang intensyon ko kay Reign,” sabi ni Dax na hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan o parte lang ito ng pagarte niya para maibalik ako sa poder niya.
Lumapit si Kuya PJ kay Dax, kita ko sa mukha nito na wala siyang intensyong kampihan ito at hindi bumebenta ang mga sinasabi ni Dax. Ako ang natatakot para kay Dax ngayon dahil oras na may mali siyang sabihin ay baka hindi na siya makatapak sa labas ng bahay namin ng buhay.
“Paano namin paniniwalaan ang salita lang?” mariin ang naging pagbitaw ni Kuya PJ ng bawat salita. Matalim din ang tingin nito kay Dax. “Isa kang Savage, isa kang negosyante, ang tulad mo magaling lang sa salita pero kulang sa gawa. Kung nabilog mo ang ulo ng kapatid namin, ibahin mo kami.”
Sa takot na saktan ulit nito si Dax gaya ng nangyari kagabi ay lalapit na sana ako para pumagitna sa kanila. Ayoko na lang na magkasakitan pa sila ng dahil lang sa akin.
Kaya lang hindi ko inasahan ang sunod na nangyari.
Lumuhod si Dax sa harapan ni Kuya PJ. Lumuhod siya sa harapan nila Mama at Papa! Lumuhod na naman siya!
Tinakpan ko ang bibig ko sa sobrang pagkabigla. Ayoko man ay may tumakas na luha sa gilid ng mga mata ko.
“Hayaan niyo pong pakasalan ko si Reign.”
Ilang beses ba niyang balak lumuhod para sa akin? Ilang ulit niyang ibababa ang sarili niya?
Hindi ko maintindihan. Talaga bang ganuon na lang kahalaga ang kasal na ‘to kay Dax para ibaba niya ang sarili niya ng ganito? Para kanino niya ginagawa ito? Para sa akin… o para sa kumpanya nila?
Binaling ko ang atensyon ko kay Kuya PJ dahil alam kong siya ang may kontrol sa sitwasyon ngayon. Nang makita ko ang pagtango niya sa kanyang mga tauhan ay tumindi ang takot sa loob ko.
“Umalis ka na Dax!” sigaw ko pero hindi niya ako pinansin. Hindi ba niya nakikita kung gaano kaseryoso anag nangyayari at nagmamatigas pa siya ngayon? Bakit hindi na lang siya makinig sa akin?!
Nakita kong humakbang na palapit kay Dax ang mga tauhan naming. At dahil alam ko nang masama ang ibig sabihin ng pagsenyas ni Kuya PJ kanina sa kanila ay hindi na ako nagpapigil pa at humarang na ako sa harapan ni Dax.
“Reign, ‘wag ka nang makisali!” sigaw ni Mama pero kunwari na lang ay wala akong narinig.
“Stop it! Please, just let him go!” pakiusap ko habang nakapikit. Naramdaman ko ang paghawak ni Dax sa mga balikat ko para alisin ako sa harapan niya pero hindi ako nagpatinag.
“Ako nang bahala rito,” sabi niya pero dahil alam kong hindi niya kakayanin ang buong pamilya ko ng mag-isa, hindi ako nakinig sa kanya.
Akala ko kakaladkarin na ako ng mga kapatid ko dahil sa pangingielam ko. Kaya nagtaka ako nang wala na akong narinig mula sa kanila. Tyaka ko na lang idinilat ang isang mata ko para makita kung ano nang nangyayari.
Masama ang tingin nilang lahat sa akin lalo na si Kuya PJ. Halatang nagbibilang na ito sa kanyang isip. Binibilangan na niya ako dahil gusto niya akong umalis at ‘wag makisali sa kanila. Naghihintay na lang din ng instruction ang kanyang mga tauhan. Kaya oras na umalis ako sa tabi ni Dax, siguradong mabubugbog talaga siya.
“Gusto mong pakasalan si Reign?” tanong ni Kuya TJ bigla kaya sa kanya napunta ang atensyon ng lahat. Tumabi sa akin si Dax at nakita ko naman ang pagtango niya bilang sagot. “Then you need to earn her yes.”
“Si Reign ang nagiisa naming kapatid. Hindi namin siya basta-basta ibibigay sa ‘yo,” sabi ni Kuya MJ.
Napalunok ako. Parang butas ng karayom ang kailangan niyang pagdaanan.