NAKIPAGSABAYAN si Maurice sa daloy ng mga taong naglalakad patungo sa entrace ng mall. Nang makapasok siya sa loob ay agad niyang hinanap kung saan banda ang restroom para makapaghugas siya ng kamay at matanggal na ang mga duming nagsumiksik sa kaniyang kuko.
Huminto muna siya sa paglalakad at nagpalinga-linga dahil baka may makita siyang signage na magtuturo sa kaniya kung saan banda ang restroom ng mall. Hindi naman nabigo si Maurice dahil segundo lang ay nakita na niya agad kung saan ang restroom.
Agad niya itong tinungo at pagdating niya roon ay sinipat niya kung saan ang pambabae bago siya pumasok. Pagpasok na pagpasok niya sa loob ay nilinis niya ang mga kukong nagpahiya sa kaniya. Kung hindi lang sana madumi ang kaniyang kuko nang hawakan ng lalaking nagpakilalang Julius ay papangarapin niya pang makita ito muli. Tila hindi nga mabura sa isip niya ang mukha ni Julius at maging ang mabangong amoy sa loob ng sasakyan ng lalaking iyon ay nanoot na sa kaniyang ilong.
“Miss, para kang bata riyan na naglalaro ng bula! Kanina ka pa riyan!” matinis na boses ng babae na pumukaw sa kaniya.
Nang tingnan niya ang babae ay nakasalamin ito at nakapamaywang. Mistulang istriktang principal ng isang eskwelahan ang dating lalo na’t nakataas pa ang isang kilay nito habang nakatingin sa kaniya.
“I’m sorry,” hingi niya ng paumanhin ngunit walang sagot mula sa babae. Batid niyang patuloy lamang itong nakamasid sa kaniya.
Binilisan ni Maurice ang paghuhugas ng kaniyang kamay at tinapat iyon sa hand dryer. Pagkatuyo ng kaniyang mga kamay ay pasimple siyang naglakad palabas ng restroom at dumeretso na siya sa bilihan ng kaniyang skin care set na ginagamit. Iyon lang naman ang sadya niya rito sa mall at pagkatapos niyang makabili ay uuwi na rin.
lilang hakbang na lang ay makakarating na si Maurice sa kaniyang patutunguhan nang biglang may humarang na isang babae sa kaniyang daraanan. Ngumiti ang magandang babae at bumati sabay abot ng isang piraso ng papel sa kaniya. Tinanggap niya naman ang nasabing papel.
“Hi, what is this for?” tanong niya habang sinisimulang tingnan kung ano ang mga nakasulat sa papel.
“Ma’am, as we celebrate The Orchard Salon and Spa’s first anniversary we have some amazing package deals today! If you are interested to avail our services kindly visit us and it is located at the second floor in front of Pretty Me Studio,” wika ng babae kaharap.
“Okay, you got me! I will visit The Orchard Salon and Spa after I buy some stuff there.” Itinuro niya sa babae kung saan siya bibili.
“Thank you, ma’am. See you there po!” nakangiting saad ng babae.
Matamis rin na ngumiti sa babae si Maurice at tuluyan na niya itong iniwan. Naisip niyang tamang-tama lang ang pagharang sa kaniya ng babae dahil mukhang kailangan na nga niyang magpalinis ng kaniyang kuko. Tiningnan niya ang kaniyang kamay at kahit nakapaghugas na siya sa may restroom ay may naiwan pa ring dumi.
Parang mahirap pa iyong tanggalin at wala pa siyang nail tools sa bahay. Tutal, nandito na siya sa mall at isang sakay na lang sa escalator ay makikita na niya ang salon and spa na sinabi ng babae kaya’t pupunta na lang siya roon. Sapagkat mahigit isang buwan naman na hindi siya nakapasok ng salon. Subalit kung binabalak niyang magpa-salon ay dapat mabilis ang kaniyang kilos. Hindi siya maaring magtagalan bago bumalik sa bahay dahil baka magkagulo roon kapag may makapansing wala siya roon at nakalabas siya nang walang nakakaalam.
Dali-daling kinuha ni Maurice ang dalawang box ng skin care set nang makita ito at agad na nagbayad sa cashier. Matapos maiabot sa kaniya ang sukli at paper bag ay nagmamadali siyang lumabas para puntahan ang nasabing salon. Ilang sandali lang ay nahanap niya naman agad dahil tinandaan niya ang sinabi ng babae na katapat lang ito ng photography studio na Pretty Me ang pangalan.
Pagpasok ni Maurice sa loob ng salon ay agad siyang nagpa-assist. Bale manicure at pedicure ang napili niyang package services at may libre ng foot spa.
“Kaya ba in just thirty minutes?” Naitanong niya pa.
“Hindi, ma’am.” Umiling ang babae. “May foot spa po kasi na kasama ang service niyo kaya baka abutin tayo ng dalawang oras.”
“Two hours?” ulit niya. “How about manicure and pedicure lang?”
“It takes more than an hour, ma’am,” sagot ng babae.
Napakamot siya sa ulo. “Nagmamadali kasi ako kaya huwag na iyong foot spa kasi matatagalan tayo. Manicure and pedicure na lang at pwede rin bang dalawa kayo? Magdadagdag na lang ako ng bayad.”
“Sige, ma’am,” tugon ng babae at tumawag ito ng kasama.
Nagsimula ang dalawang babae na empleyado ng salon na linisan siya. Sa galaw ng mga ito ay halatang eksperto na at magagaan pa ang mga kamay. At habang nililinisan siya ay namili siya ng magandang kulay ng nail polish na gagamitin para sa kaniya.
Ivory ang napiling nail polish ni Maurice para hindi matingkad ang kulay at hindi masakit sa mata. Ibinukod niya iyon at tinitigan ang mga ginagawa sa kaniya. Kinakausap siya ng dalawang babae kaya’t hindi niya ramdam ang paglipas ng oras at huli na lang niya napansin na patapos na ang mga ito. Konting pahid lang ng top coat at maya-maya lang ay nasilayan na niya ang malinis niyang kamay. Pulido pa ang pagkagawa ng mga ito.
Maya-maya’y tumayo si Maurice at binigyan niya ng tip na may kasamang good feedback ang dalawang babaeng naglinis sa kaniya. Sunod ay kinuha niya ang bag at dalang paper bag tapos nagpaalam ng maayos upang lisanin ang naturang salon.
Mabilis ang mga hakbang niya papunta sa exit door ng mall kung saan ang paradahan ng mga taxi sa labas. Sasakay na lang siya ng taxi pauwi para hindi siya maligaw. Ngunit hindi pa man siya ganap na nakalabas ng mall ay sumalubong na sa kaniya ang tatlong lalaki na bodyguard ng kaniyang ama.
Namutla siya nang makita ang mga ito.
“Uwi na tayo, ma’am.” Kinuha ng lalaki ang kaniyang dalang paper bag.
Mistulang tuta si Maurice na sumunod sa sinabi ng lalaki. Patungo sila ngayon sa parking area ng mall habang nakasunod sa kanila ang dalawa pang lalaki na iyong isa ay may kausap sa cellphone.
Sumakay sila ng sasakyan at pagdating nila sa bahay ay sumalubong sa kaniya ang galit na mukha ng kaniyang ama. Malamang napasugod ito nang mabalitaan na tumakas siya. Kung hindi pa pala siya tumakas ay hindi siya pupuntahan nito.
“Bakit mo ginawa ito?” kompronta ng kaniyang ama “Halos patayin mo kami sa pag-aalala sa’yo kung saan ka pumunta!”
“Nag-mall lang ako, daddy!” paasik niyang tugon.
“Hindi ka ba marunong magpaalam ng maayos?” ani ng kaniyang ama sa malakas na boses.
“Nagpaalam ako pero hindi ako pinayagan nilang makalabas dahil iyon daw ang bilin mo! Hindi ito ang usapan natin, daddy! Hindi ka tumutupad sa usapan natin! Kahit pa iyong limang oras lang na hinihingi ko sa’yo ay hindi mo maibigay sa akin. Inuna mo pa ang pakikipag-bonding mo sa pamilya mo samantalang araw-araw mo naman silang nakakasama. Sana man lang naisip mo na naghihintay ako sa’yo rito. Sabagay ano pa nga bang magagawa ko eh kabit mo lang naman ako sa mata ng ibang tao!” mangiyak-ngiyak niyang sumbat sa ama.
“Sana klinaro mo kung umaga, hapon o gabi ang dapat kong pagpunta rito. Ngayon lang ako pumunta dahil ang akala ko okay lang kahit anong oras basta mabisita lang kita rito.” Sa pagkakataon na iyon ay naging kalmado ang boses ng kaniyang ama.
Nahimasmasan si Maurice sa paliwanag ng kaniyang ama. May punto nga ito na sana ay klinaro niya kung anong oras ang gusto niyang pagbisita nito kaniya.
Hindi siya nakasagot sa kaniyang ama. Nahiya siya at hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin. Kung kailan ay akmang hihingi siya ng tawad sa ginawa ay saka naman ito nagsalita.
“Dahil sa ginawa mo mas maigi na lang na doon ka na muna manatili sa isla—”
Nanlaki ang mata niya sa sinabi ng kaniyang ama. Alam niya ang islang sinasabi nito at napakalayo niyon. Pag-aari iyon ng kaniyang ama at wala pang nakatira roon pero mayroong bahay bakasyunan.
“What? No! Ayaw ko roon, dad!” madiin na tanggi niya.
“Iyon ang kagustuhan ko kaya wala kang magagawa! Take it or leave it!” mas madiin na saad ng ama.
“Diyan ka lang naman magaling!” Masama niyang tiningnan ang kaniyang ama at iniwan ito sa may sala.
Bitbit ni Maurice ang kaniyang paper bag ay walang lingon siyang umakyat sa hagdan papunta sa kaniyang silid. Kung mananatili siya sa harapan ng kaniyang ama ay magtatalo’t magtatalo lamang sila. Naririnig niya pa ang pagtawag ng kaniyang ama sa kaniyang pangalan at sinasabi nitong hindi pa sila tapos mag-usap. Subalit hindi na niya ito pinansin pa at papahupain na lang muna niya ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa.
Sigurado naman siyang dito ngayon matutulog ang kaniyang ama. Kakausapin na lang niya ito ng maayos bago umalis bukas. Linggo naman kinabukasan kaya’t batid niyang hindi naman ito magmamadaling umalis sa bahay lalo na’t nagtatampo siya.