CHAPTER 9: Choosing Love Over Dream.

3353 Words
CHAPTER 9: Choosing Love Over Dream. Written by: CDLiNKPh MAKALIPAS ANG DALAWANG LINGGO... Dahil sa madalas na pag-o-overtime sa trabaho ni Brandon ay naisip din naman ni Jasmine na gumawa ng paraan para libangin ang sarili niya. Nag-umpisa siyang magtinda ng kakanin sa tapat ng school. Simula no'ng araw na awayin siya ni Brandon dahil sinunog daw niya ang sinaing niya ay nag-aral na talaga siyang magluto. Mabuti na nga lang at may libreng wifi siyang nasasagap mula sa bus terminal na katabi ng bahay nila kaya nakapag-aral siyang magluto at nagagamit pa niya ngayon para kumita. Iyon nga lang, no'ng araw na iyon ay pinaalis din siya sa pwesto niya dahil may mga tinda naman daw sa loob mismo ng school. Bawal daw siya roon. Alam naman niya na kaya lang siya pinaalis doon ay dahil mas pinipili pa ng mga estudyante na sa kanya bumili kaysa sa mga tinda sa loob. Nagalit pa tuloy ang school dahil sa ginawa niya. Wala naman siyang magawa dahil alam niyang bawal naman talagang magbenta roon. Kaya naman hindi na niya ipinaglaban pa at isinuko na lang ang naisip niyang raket at bagsak ang balikat na umuwi na lang. Pag-uwi niya ay nagulat pa siya nang makitang bukas ang ilaw doon. Agad siyang nagmadali paakyat ng maliit na hagdan. Mukhang umuwi ng maaga si Brandon. Pero nagulat siya nang makita na hindi lang si Brandon ang naroon na nakaupo sa lamesa kundi maging si Corbin at parehas na nakasimangot ang mga ito! "Wala na kaming trabaho, Jasmine. Naipatalo ng boss namin sa sugal iyong talyer niya. Bago na ang may-ari niyon ngayon kaya lahat kaming lumang nagtatrabaho ay tinanggal na," malungkot na sabi ni Brandon. Para ngang hiyang-hiya pa ito sa kanya. Alam naman niya na kaya ganoon si Brandon ay dahil nahihiya itong sabihin sa kanya na mahihirapan na itong pakainin siya. Pinilit niyang ngumiti kahit na sa totoo lang ay namroblema rin siya. Hindi pa sila nagbabayad sa upa ng bahay at maging ang bills sa kuryente at tubig ay malapit na ring dumating. "Huwag kayong panghinaan ng loob dahil marami pa namang talyer diyan. Makakahanap pa kayo ulit ng trabaho!" Pagpapalakas ng loob niya sa dalawa. "Sana nga, Jasmine. Sigurado ako na hindi na ako sasagutin ni Monique kapag nalaman niya na wala na akong trabaho. Hindi pa nga kami mag-asawa ay wala na akong trabaho. Hindi pwede 'to." Down na down din si Corbin. "Huwag kayong panghinaan ng loob. Ako nga rin, pinaalis na ron sa pinagtitindahan kong kakanin sa school pero positibo akong makakahanap din ako ng trabaho. Let's do our best, guys!" Energetic na sabi niya. Para namang nahawa na si Brandon sa ngiti niya at ngumiti na rin ito. "Ikaw ang bahala, Jasmine. Hindi na kita pipigilan dahil alam ko naman na naiinip ka rin dito sa bahay. Pwede kang mag-apply kahit saan mo pa gusto, basta huwag lang sa theater." Natigilan siya sa sinabi ni Brandon. "Theater? Hindi punasok sa isip ko ang theater pero bakit ayaw mo roon, Brandon?" nagtatatakang tanong niya. "Alam mo kasi, Jasmine, dahil kasi sa theatre kaya nama--" "Shut up, Corbin!" Bigla na lang sumigaw si Brandon na ikinagulat nilang dalawa ni Corbin. "Huwag ka nang magtanong kung bakit, Jasmine. Basta ayaw ko lang at sundin mo na lang kung ano ang sinasabi ko." Sa isang iglap ay biglang nawala ang ngiti sa labi ni Brandon. Para bang nasira na ang mood nito at bigla na lang umalis sa harapan nila ni Corbin. Nagkatinginan na lang sila ni Corbin nang makaalis na si Brandon. Nagkibit balikat na lang din ito at mukhang ayaw nang magsalita. Pero siya ay nabuhay ang curiosity. Ano ang mayroon sa theater at bakit parang malaki ang galit ni Brandon sa trabahong iyon? Mukhang hindi pa talaga niya kilala si Brandon. Wala pa siyang gaanong alam tungkol dito. ----- SINUBUKAN ni Jasmine na mag-apply no'ng mga sumunod na araw pero hindi naging madali para sa kanya na gawin iyon. Hindi niya akalain na hindi rin pala madaling maghanap ng trabaho lalo pa at wala siyang naaalala na kahit ano tungkol sa sarili niya. Ni hindi nga niya alam kung ano ang edad niya. Iyon pa kayang tinatanong sa kanya ng mga nag-iinterview sa kanya kung saan siya nag-aral o kahit anumang background tungkol sa pamilya niya? Kahit na tindera sa karinderya o mga crew sa fast food ay ayaw siyang tanggapin. Nakapagtataka raw kasi na wala siyang kahit anumang masagot pagdating sa mga ganoong klase ng bagay kaya napagkakamalan siya na masamang tao. Sa paglalakad niya ay bigla siyang may nadaanan na isang maliit na theater na malapit sa simbahan. Ewan ba niya kung bakit ngayon lang niya napansin na may ganoon sa lugar na iyon, e malapit lang naman iyon sa bahay nila. May nakalagay na 'wanted theater actress' na sign board sa labas. Hindi na sana niya papansinin iyon dahil bigla niyang naalala iyong sinabi ni Brandon na huwag sa theater mag-aapply pero bigla niyang nakita si Monique na pumasok sa loob. Pumasok siya sa loob para sana batiin si Monique pero bigla siyang naengganyo na panoorin ang mga nagre-rehearsal doon. Umupo siya sa gilid ng stage kung saan maraming upuan. Kumukutikutitap, bumubusibusilak Ganyan ang indak ng mga bumbilya Kikindat - kindat, kukurap -kurap Pinaglalaruan ng inyong mga mata Hindi maintindihan ni Jasmine kung bakit parang nakaramdam siya ng matinding excitement habang nanonood sa performance ng mga nasa stage. Para bang isang pamilyar na pakiramdam ang pumasok sa kanya. Para bang nagawa na niya ang ganito noon. Pero paano naman? Isa siyang kriminal kaya malabo na mayroon siyang alam sa pagtatanghal o musika. Tumitibok-t***k, sumisinok - sinok Wag lang malundo sa sabitin Pupulupot-lupot paikot ng paikot Koronahan ng palarang bituin Na-move lalo si Jasmine sa performance na napapanood niya. Tila parang tutubi ang mga nagsasayaw sa unahan. Kay lalambot ng katawan ng mga ito na sumasabay sa indayog ng musika. Sabay-sabay ang paggalaw ng lahat at masigla ang mga ito at walang kahit na sinumang manonood ang hindi makakakuha ng atensyon ng lahat. Hindi siya makapaniwala na rehearsal pa lang ang nakikita niya dahil halos perpekto na iyon. Masayang-masaya siya habang nanonood. Parang gusto niyang pumunta sa stage para kumanta at sumayaw. Para bang natural na para sa kanya na gawin ang bagay na iyon. Nang biglang may pumasok na malabong ala-ala sa utak niya. Nakita niya ang sarili niya na sumasayaw at kumakanta sa stage na agad ikinasakit ng ulo niya. "Hoy, Jasmine!" Bigla siyang natauhan nang mapansin na nasa tabi na pala niya si Monique. "Mukhang enjoy na enjoy ka sa panonood diyan, ah? Balita ko ay naghahanap ka raw ng trabaho sabi ni Corbin. May nahanap ka na ba? Gusto mo bang sumali na lang sa amin?" excited na tanong ni Monique. "A-ah, k-kuwan, ano kasi e—" Hindi na niya naituloy ang sasabihin pa sana niya dahil bigla na lang siyang hinila ni Monique papunta sa stage. Tapos nang magrehearse ang mga grupong naroon kanina kaya wala ng tao sa harapan at nakaupo na sa audience area ang mga nagsasayaw kanina. "Mrs. Lukring! May gusto pong mag-apply na bagong theater actress. Siya po si Jasmine, kaibigan ko!" Tuloy-tuloy na sabi ni Monique. Pinasadahan siya ng tingin ni Mrs. Lukring mula ulo hanggang paa. "Maganda kang bata. Sana lang ay hindi ka boses palaka. Hala, sige kanta," sabi nito. "Ah, k-kuwan, ang totoo po kasi niyan--" "Huwag mo akong bibiguin. Ipakita mo sa akin na you are not just a face," pagputol ni Mrs. Lukring sa sasabihin pa sana niya. Mabilis ang mga naging pangyayari at namalayan na lang niya ang sarili na inabutan na ng mikropono ni Monique. Bigla na lamang tumunog ang sound system at napansin niya na lahat ng mga pinapanood niyang nagsasayaw kanina ay siya naman ngayong naging audience niya at hinihintay siya na kumanta. Ipinikit niya ang mga mata niya. Para bang may nagsasabi sa kanya na kumanta na siya at ilabas niya kung ano ang nasa laman ng puso niya. Tinatawag siya ng musika... Sa wari ko'y Lumipas na ang kadiliman ng araw Dahan-dahan pang gumigising At ngayo'y babawi na Sa isang iglap ay nawala na sa isipan niya ang pagbabawal ni Brandon sa kanya. Lalo na nang makita niya na tila natigilan ang mga nanonood na tao sa kanya at tutok na tutok ang mga ito sa kanya. Na para bang saglit lang na mawala siya sa paningin ng mga ito ay may masasayang na sandali Tuloy pa rin ang awit ng buhay ko Nagbago man ang hugis ng puso mo Handa na 'kong hamunin ang aking mundo Pagkat tuloy pa rin Sa chorus na iyon na naghiyawan ang mga tao. Kitang-kita sa mata ng mga ito ang matinding excitement at saya habang nakikinig sa malamig na boses niya. Maraming nakikisabay sa pagkanta niya habang siya ay patuloy lamang na kumakanta ng buong puso. Sa pamamagitan ng pagkanta ay para bang natagpuan niya ang nawawala niyang pagkatao. Alam niya na masaya siya sa ginagawa niya... Tuloy pa rin ang awit ng buhay ko Nagbago man ang hugis ng puso mo Handa na 'kong hamunin ang aking mundo Pagkat tuloy pa rin Iyon na ang huling bahagi ng kanta. Halos hinihingal pa siya ng matapos ang kanta na iyon. Natigilan siya ng mapansin na para bang natulala rin ang mga tao. Bigla siyang kinabahan. Kanina ay parang okay naman ang reaksyon ng mga ito pero bakit ngayon ay parang natutulala ang lahat sa kanya. Sumablay ba siya sa huling bahagi ng kanta? Bigla bang hindi nagustuhan ng mga ito ang pagkanta niya? Bigla siyang napatingin kay Mrs. Lukring. Kung kinabahan siya sa pagkatulala ng crowd kanina ay mas lalo siyang kinakabahan sa tingin nito ngayon. Nakakatakot kasi ang mga mapanuring mata nito. Para bang lulununin ka niyon ng buhay. Pero bigla na lamang itinaas ni Mrs. Lukring ang mga kamay nito at biglang pumalakpak. "Bravo! That was a really good performance! You're hired, Ms. Jasmine!" Bigla na lamang sumigaw ng ganoon si Mrs. Lukring. Sa isang iglap ay bigla na ring nagsitayuan ang mga tao sa audience area at nagsihiyawan na naman. Para bang nagkaroon lamang ng late reaction ang lahat at bigla nang isinisigaw ang pangalan niya. "Ang galing mo!" "Lodi!!!" "Marry me! I fell in love with your amazing voice!" "Welcome to our team, Jasmine!' Sunod-sunod na reaction ang mga narinig niya mula sa crowd. At sa kauna-unahang pagkakataon matapos niyang makilala ang sarili bilang Jasmine, ay nakaramdam siya ng matinding kasiyahan. Para bang biglang tumaas ang self confidence niya. Pakiramdam niya ay ito ang mundo na para sa kanya. Ang mundo ng musika... Alam niya na ayaw ni Brandon sa lugar na iyon pero ito ang lugar niya. Ito ang trabahong para sa kanya. Ngayon na niya narealize kung bakit tila ba sinadya ng Diyos na hindi siya matanggap sa mga trabahong ina-applyan niya kanina, iyon pala ay dahil narito ang kapalaran niya. Sa entablado. "Little girl, hindi na kita papakawalan. Sign a contract now." Bigla na siyang nilapitan ni Mrs. Lukring at inabutan ng ballpen at isang kontrata na binigay ng assistant nito. Natuwa siya dahil ni hindi na siya dumaan sa interview o background checking tulad sa mga inapplyan niya. Pipirma na sana siya roon ng bigla na lamang may tumawag ng malakas sa pangalan niya. Ang pagsigaw na iyon na halos magpadagundong sa buong entablado sa sobrang lakas. Para bang umurong ang dila niya nang makita niya na halos umuusok sa galit na pumasok si Brandon sa loob ng theater! Galit na galit na inagaw ni Brandon ang kontrata sa kanya at hinagis pabalik iyon sa assistant ni Mrs. Lukring. Hinablot nito ang kamay niya at halos kaladkarin siya pababa ng stage. Nagulat ang lahat ng tao na nakakakita sa mga nangyayari. Maging si Mrs. Lukring ay hindi rin makapag-react agad. Wala ring makapagpigil kay Brandon dahil halatang galit na galit na ito at para bang mananapak nang sinumang pipigil dito. Nakalabas na sila ng theater nang matagpuan niya ang sarili niyang dila dahil sa pagkabigla. "Brandon, bitiwan mo ako, nasasaktan ako!" pagpupumiglas na sabi niya. Tinulak na niya palayo si Brandon pero mukhang hindi ito magpapatalo at hinawakan na naman siya sa wrist niya. "Hindi ba at sinabi ko naman sa 'yo na mag-apply ka na sa iba, huwag lang sa theater? Bakit ba matigas ang ulo mo?!" paninigaw nito sa kanya. Biglang bumalik ang ngiti niya nang mabanggit nito ang salitang 'theater'. Naalala niya iyong masayang pakiramdam niya kanina habang kumakanta. "Because I love it there, Brandon! Masaya rito dahil wala kang ibang gagawin kundi ang kumanta, sumayaw at umarte. Mag-eenjoy ka habang nagta-trabaho. Mapapangiti at mapapahanga mo pa ang lahat ng taong manonood sa 'yo nang dahil sa talento mo. Kung mapapanood mo lang kung gaano sila kagaling kanina, siguradong mag-eenjoy ka rin, Brandon. Kung narinig mo lang ang boses ko habang kumakanta ako, sigurado ako na hahanga ka rin sa akin, Brandon. Hindi lang ako basta isang kriminal na walang maalala, Brandon. May talento rin ako," masayang sabi niya na tila hindi alintana ang nakasimangot na mukha ni Brandon. "Tapos ka na?" walang kangiti-ngiti na tanong ni Brandon. Nawala rin tuloy ang ngiti sa mga labi niya. "Brandon, bakit ba kasi ayaw mo na roon ako magtrabaho? Hindi ko kasi makita ang dahilan--" "Kapag sinabi kong ayaw ko, ayaw ko!" Bigla na namang sumigaw si Brandon. Umurong na naman ang dila niya nang dahil sa takot. Ayaw talaga niya kapag nagagalit sa kanya si Brandon. Nai-i-stress talaga siya. Bumuntong-hininga na lang si Brandon nang hindi na siya magsalita saka na ito tumalikod at binitawan ang kamay niya. "Kung gusto mo talaga rito sa theater, fine. Hindi na kita pipigilan. Pero kung ang gusto mo ang masusunod, mas maigi pa siguro kung umalis ka na lang sa bahay ko at maghiwalay na tayo ng landas, Jasmine." Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang sinabi ni Brandon. Talagang ganoon kalaki ang galit nito sa theater para magawa nito na itaboy siya palayo? Hindi siya makapaniwala! "Binibigay ko na sa 'yo ang desisyon, Jasmine. Bahala ka na..." Iyon lang at umalis na si Brandon sa harapan niya. Nanlulumo naman na pumasok siya pabalik sa theater. Napansin pa niya na napangiti si Mrs. Lukring nang makita siyang bumalik. Ganoon din sina Monique at iba pang mga performers sa theater na iyon. Alam niya na iniisip ng mga ito na bumalik siya para sundin ang binubulong ng puso niya. Ang pag-awit. Pero mas matimbang nga ba talaga para sa kanya ang kagustuhan niyang kumanta kaysa kay Brandon? Alam niya na kapag tinanggihan niya ang opportunity na ito ngayon ay maaaring hindi na muli pang dumating ito. Alam din niya na kung tatanggihan niya ang trabahong ito ay mas lalo lang siyang mahihirapan na maghanap pa ulit ng iba. Pero magagawa ba niyang tiisin talaga na malayo kay Brandon? Maisip pa lang niya ang bagay na iyon ay para bang gusto nang tumulo ng luha niya. Parang hindi niya kaya na mawala si Brandon. Para siyang mawawalan ng isang paa kapag nalayo siya rito. Yes, sa tingin niya ay mahal na talaga niya si Brandon. Mahal na mahal niya ito, to the point na handa siyang ipagpalit ang kahit anumang bagay na gusto niyang gawin para lang dito. Kahit pa ang pangarap niya... "I'm sorry, Mrs. Lukring pero hindi po ako pipirma sa kontrata. Pasensya na po kayo sa abala," malungkot na sabi niya nang makalapit siya rito. "May talento ka, Hija. Bihira lang ang mga performer na katulad mo na kayang bihagin ang puso ng mga audience sa pamamagitan lamang ng isang kanta kaya talagang nanghihinayang ako sa 'yo. Pero hindi kita masisisi na nahihirapan ka ngayon sa pagpili kaya hindi kita pipilitin. Pero kung sakaling magbago ang isipan mo ay palaging bukas ang theater para sa 'yo," mabait na sabi ni Mrs. Lukring. Ibang-iba na ito sa mukhang mataray at nakakatakot na matanda kanina. "Maraming salamat, Mrs. Lukring." Iyon lang at niyakap pa niya ito at maging sa Monique na bagama't medyo nainis kay Brandon ay binigyan pa rin naman siya ng lakas ng loob. Umalis na siya roon para umuwi sa bahay nila. Kailangan niyang makausap si Brandon. ----- UMUWI si Brandon sa bahay at kumuha agad ng gin na nakita niya sa maliit na ref nila. Tinungga agad niya iyon at umupo siya sa isang tabi habang gulong-g**o ang utak. Alam niya na sa sinabi niya kay Jasmine ay sigurado siya na iiwan na siya nito. Hindi naman niya ito masisisi. Papiliin ba naman niya ito laban sa pangarap nito, e. Napangisi siya ng mapakla nang maisip na talagang malabo na suyuin pa siya ni Jasmine sa kabila ng mga sinabi niya rito. Alam niya na siya ang mali dahil hinahadlangan niya ang gustong gawin ni Jasmine pero ano ang magagawa niya? Natatakot siya na magaya si Jasmine sa nangyari sa dati niyang asawa. Pero sa kabilang banda, ang ginawa niyang paghadlang sa gusto nito ay nangangahulugan na rin na tapos na ang lahat para sa kanilang dalawa. Napaka-ironic lang isipin na hindi naman sila totoong mag-asawa pero parang natatakot siyang isipin na magagawa talaga siyang iwan ni Jasmine. Damang-dama niya ang kirot sa puso niya kapag naiisip na hindi na niya ulit ito makikita. Hindi na niya maririnig ang malambing at malumanay na boses nito. Hindi na niya ito magagawang mahalin... Alam niya na kahit papaano ay disente ang kita sa theater. Kapag kumikita na ng pera si Jasmine ay hindi na siya nito kakailangan. Wala na siyang silbi pa rito at sigurado siya na makakahanap na ito ng lalaki na mas magugustuhan nito kaysa sa kanya. Naihagis niya ang bote na hawak niya nang maglaro sa isip niya na maaaring magkaroon ng ibang lalaki sa buhay nito si Jasmine. Hindi pa man nag-e-exist iyon ay para bang nagpupuyos na ang dibdib niya sa sobrang selos. Napaigtad siya nang biglang may kumatok mula sa pintuan. Mabigat ang katawan na tumayo siya at nanlaki ang mga mata niya nang makita si Jasmine! Hindi niya maintindihan pero bigla na lamang tumibok ng malakas ang puso niya lalo na nang magkatitigan sila nito. Para bang nangungusap ang mga mata nito at gusto siyang yakapin! Akmang isasara niya ang pinto nang itulak nito iyon. "Brandon, mag-usap tayo!" Determinadong sabi nito. "Ano pang dapat nating pag-usapan? Sumali ka na sa theater 'di ba? Kung inaakala mo na magbabago pa ang isip ko at mapapapayag mo pa ako na roon ka magtrabaho ay nagkakamali ka. Alam mo, mabuti pa siguro kung umalis ka na lang, Jasmine. Hindi naman talaga tayo totoong mag-asawa hindi ba—" Nagulantang siya nang pabalya nitong isinara ang pinto nang malakas. "Bakit ba ganyan na lang kadali para sa 'yo ang itaboy ako?! Hindi mo ba nakikita, Brandon? Nandito ako ngayon sa harapan mo! Hindi pa ba malinaw sa 'yo na ikaw ang pinili ko?!" Pagsigaw na ni Jasmine. Nagulat siya sa narinig niya. Siya... Siya talaga ang pinili ni Jasmine? Nang hindi siya magsalita ay bigla na lamang siyang sinugod ng yakap ni Jasmine. Ipinanlaki iyon ng mga mata niya at nagmistula siyang isang tuod. "Ikaw ang gusto kong makasama habang buhay, Brandon. Kung magagawa ko nga ang gusto kong gawin pero hindi naman kita makakasama ay hindi bale na lang..." mahinang sabi nito. Sa sinabi nito ay bigla na lamang tumibok ng malakas ang puso niya at higit sa lahat, unti-unti nagkaroon ng luha ang mga mata niya. "Hindi ako pumirma ng kontrata at hinding-hindi na ako babalik ulit doon nang walang permiso mo, Brandon. Ikaw ang susundin ko dahil asawa kita," dugtong pa nito. Sapat na ang mga narinig niya para yakapin niya pabalik si Jasmine. Wala na talaga siya ngayong pakialam ngayon kahit hindi pa niya totoong asawa ang babaeng kayakap ngayon. Ang alam lang niya ay masaya siya na kasama niya ang babaeng kayang ipagpalit ang pangarap nito para lamang sa kanya. Mahal niya si Jasmine pero hindi na niya kailangang sabihin pa iyon dito. Tama nang maiparamdam niya sa pamamagitan ng pagyakap dito ng mahigpit na mahal na mahal niya ito...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD