2

1524 Words
“ROMY, sa Sweet Creations tayo. Iyong bakeshop ni Dindin,” wika ni Scarlett sa driver at pahinamad na naupo sa backseat ng latest model ng Honda Accord. Ilang linggo na siyang “nagtitiis” sa sasakyang iyon. She had a purple Corvett and pink Beetle, both customized according to her liking pero matapos siyang mabangga dahil sa isang pangkaraniwang gitgitan sa trapiko ay kinumpiska ng mama niya ang kanyang lisensya. Binigyan siya ng driver upang siyang gumawa ng isa sa iilang bagay na mga paborito niyang gawin. Why, she loved driving a lot. Hindi nga lang siya pinapayagan ng mga magulang na mag-long drive mag-isa na isa sa mga wish din niya. Masama ang loob niya. Buhat nang matuto siyang magmaneho ay hindi nangyaring nagpamaneho siya sa iba kung pangsarili lang niya ang lakad niya. Kapag hawak niya ang manibela, literally and figuratively, pakiramdam niya ay hawak niya ang buong buhay niya. Pero dahil sa isang barumbadong driver na siyang nakabunggo sa Beetle niya at nakipagtalo pa sa kanya sa gitna ng kalye, inatake ng paranoia ang mama niya. For the time being, bawal muna siyang magmaneho. God, miss na miss na niya ang mga kotse niya. Siya ang bukod-tanging humawak sa manibela ng mga iyon buhat nang i-deliver sa kanila. Bago inilabas ng casa ang mga iyon ay fully-customized na. At matapos ipaayos ang Beetle ay mukhang bagong-bago na uli iyon. Pero sorry na lang siya dahil kahit anong pa-cute niya sa mama niya ay ayaw pa rin nitong pumayag na magmaneho siya uli. At kahit na sabihing bihasang driver si Romy, hindi niya matatanggap na hahawakan nito ang manibela ng kahit alin sa mga iyon. Not sorry that she was indeed possessive of her big toys. And so she was using her mother’s car. May iba pa namang sasakyan sa garahe nila kung kakailanganin ng mama niya ang sasakyan. Oh, this is my life as a privileged, she thought blandly. Lumaki siyang walang alam sa kahirapan ng buhay maliban sa mapanood ang mga iyon sa TV o kaya naman ay ang pagsama-sama niya sa mga charitable works ng ilang kaibigan. Ilang beses na ba niyang tiningala ang MRT, wondering how it would felt na makasakay sa ganoon? Of course, sa ibang bansa ay nakasakay na siya sa kung anu-anong train at cable car pero dito sa Pilipinas, ramdam na ramdam niya ang pagiging neglected. The irony of being pampered yet neglected. Ang daming bawal sa kanya. For one thing, bawal mag-commute. Walang dahilan para gawin niya iyon. Her family had drivers at her beck and call. Kahit siguro iutos niyang ipagmaneho siya hanggang may kalsada sa Pilipinas ay susunod ang mga iyon. Ah, hindi pala. Dahil sa bahay nila, hindi naman siya ang mas susundin ng mga drivers. May listahan ang parents niya kung saan siya hindi puwedeng ipagmaneho. Never to any slum area at sa kung anu-ano pang lugar na puwede siyang mapahamak. Katwiran ng mama niya ay karaiwang brusko ang ugali ng mga tao sa ganoong lugar. Nag-iinuman sa kalye, nag-aaway. Nagrarambulan. So typical scene in a television drama. Pero ang hindi alam ng mommy niya, nakarating na rin siya sa slum area. Siyempre, nagkaroon yata siya ng laya nang magmaneho siyang mag-isa. She groaned inwardly. Nami-miss niyang lalo ang pagmamaneho kapag naiisip niya kung saan-saan siya nakakatakas noon. A rich, spoiled brat. Hindi lang isang tao ang nagtaguri sa kanya ng ganoon. Balewala iyon sa kanya dahil madalas kaysa sa hindi ay totoo naman iyon. Hindi siya naiinsulto, hindi rin natutuwa. Minsan, pakiramdam niya, manhid siguro siya. Hindi pa yata niya naramdaman na-offend sa buong buhay niya. Pero ano ang magagawa niya? Lumaki siyang ang paniniwala, lahat ng gawin niya ay kinaluluguran ng mga magulang niya at iba pang mga taong malapit sa kanila. She was the apple of their eyes. Maliban na lang sa kung manganganib ang buhay niya, lahat ng gusto niyang gawin ay nasusunod. Kagaya na lang ng pagkahilig niya sa bulaklak. She had a superb talent pagdating sa flower arrangement. Pinag-aral pa siya ng ikebana sa Japan. At isa lang iyon sa maraming training na dinaluhan niya sa iba’t ibang panig ng mundo upang malinang nang husto ang talento niya sa pag-aayos ng bulaklak. Para lang gamitin ang talento sa isang pangkaraniwang wedding consultancy shop. Well, termino iyon ng isang snob niyang tiya. And as usual, wala siyang pakialam. Basta masaya siya sa pag-aayos ng bulaklak, kahit pa nga hindi siya bayaran, okay lang sa kanya. Iba ang pakiramdam niya kapag nakakapag-ayos siya ng bulaklak. Hindi niya naiisip kung lugi ba siya sa pagod o maski sa mismong puhunan niya sa mga bulaklak. Kapag pinuri ang flower arrangement niya, sulit na ang lahat ng pagod at puhunan niya. Isa pa, hindi naman siya talaga lugi. Eve was a businesswoman. Kaya nga nakasundo niya ito dahil hindi ito mapangdaya. Hindi ito kumukuha ng kontrata na ito lang ang kikita. Lahat silang wedding suppliers—na tinatawag na ngayong wedding girls ay tiyak na may kikitain basta kinuha ang serbisyo o produkto nila. Ito pa ang nagsa-suggest sa kanya na magdagdag ng presyo kapag masyadong mababa ang quote niya para sa trabaho niya lalo at can afford naman ang kliyente nila.  “Why don’t you own a flower shop? Kayang-kaya kitang ikuha ng puwesto sa Power Plant Mall. Puro nasa alta sosyedad pa ang magiging kliyente mo. Iyang mga ikinakasal ng Romantic Events, puro never heard. Dalawa lang yata ang ikinasal na celebrity. At hindi pa masyadong sikat.” Komento iyon ng isa pa niyang snob na kamag-anak. Pero wala pa rin siyang pakialam. Hindi naman siya naghahabol na kumita ng pera. Bakit pa siya mag-iinteres kumita ng pera? Sa interest pa lang ng trust fund na iniwan sa kanya ng lolo niya ay mabubuhay na siya. And her parents had a lot of money they didn’t need any pension nor life insurances for future security. But of course, dahil nga mga negosyante ang mga magulang niya, alam niyang patuloy pa rin ang mga ito sa pagkuha ng iba’t ibang investments. Hindi niya kailangan ng flower shop. Ang laki-laki ng bahay nila at kahit okupahin niya ang kalahati niyon para magsilbing workroom niya ay pupuwede. But of course, ipinagpagawa siya ng ama ng work area sa isang bahagi ng malawak nilang bakuran. Masaya na siya na ang Romantic Events lang ang ginagawan niya ng mga bulaklak. She purchased the flowers at pagkatapos ayusin ay saka niya ide-deliver kay Eve. Hindi niya kailangan nang malaking market. Masaya na siya na mayroon siyang nababahaginan ng kaligayahan niyang mag-ayos ng bulaklak. At parang bahagi na rin ng pagkakawang-gawa niya na sa Romantic Events makipag-tie up. Hindi siya sumisingil nang mahal. Maibahagi lang niya ang talento niya sa mga taong hindi magagawang magbayad ng mahal para lang magkaroon ng magandang ayos ng bulaklak sa importanteng okasyon ng mga buhay nila, ang saya na niya. At isa pa, she had earned true friends because of Romantic Events. Si Eve, una na sa listahan. Si Dindin at siyempre si Lorelle. At lahat na ng iba pang wedding girls. Mga tunay na kaibigan ang turing niya sa lahat dahil alam niya—ramdam niya, hindi naman siya kinaibigan ng mga iyon dahil marami siyang pera. Kinaibigan siya dahil sa siya ay siya. She had faults—dahil hindi naman siya perpekto. Pero kapag ang mga wedding girls ang kapiling niya, mas nakakakilos siya nang ayon sa kagustuhan niya. Malaya niyang kinakalimutan ang social etiquette na hindi aaprubahan ng mga tiya niyang palaging de-numero ang kilos. Kung bakit naman kasi, parents lang niya ang nag-spoil sa kanya at hindi pa nasama ang maraming tiyo at tiya. “Don’t do that! It’s unethical... That pearl is so small for the occasion, a five-carat diamond would look better… Sumama ka sa mga pinsan mo sa Caribbean cruise. Maa-out of place ka sa magiging topic sa mga susunod na party kapag hindi ka sumama sa kanila... You have to experience that…” Kungsabagay, parang out of place na nga rin siya sa mga pinsan niya buhat nang maging involved siya sa Romantic Events. Para sa mga ito ay nakaka-degrade sa kanilang angkan ang ginawa niyang association sa wedding shop ni Eve. Wala man lang daw sense of elegance and class. Hah, kung alam lang nila kung gaano karaming middle-budgeted wedding ang nagawa nilang pabolosa dahil sa talent nilang mga wedding girls. Pero siyempre, ang paniniwala ng halos lahat ng Formilleza, mientras mahal, iyon ang maganda at class. Bahala sila sa buhay niya. Basta siya, maliban sa flower arrangement, ang focus lang niya ngayon ay si Chad. Ang mapansin nito ang siyang kina-career niya. Alam niya, her snob family wouldn’t approve of Chad. But then, ano ba ang pakialam niya kung apruban man ng mga ito si Chad o hindi? Basta si Chad ang gusto niya. Si Chad O’Hara. And she would be Scarlett O’Hara. Napangiti siya. Tadhana talaga iyon. She would have that very iconic name. “Romy, humanap ka nga ng short cut. Baka naman may amag na iyong brownies pagdating natin kina Dindin,” inip na wika niya nang mapansing mabagal ang daloy ng trapiko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD