Paraisong Pinagkanlungan
Ilang taon na ba? Simula noong una kong gawin ang bagay na ikinagagalit sa akin ng aking ina. Hindi niya mainitindihan ang sakripisyong nais kong ibigay dahil inuubos nito ang aking kalakasan. Sakripisyong minsan ay pinag-alayan niya din ng buhay at pagmamahal. Paraisong nais niyang huwag kong tapakan.
Kaunting panahon na lamang at iluluwal ko na ang anghel na namalagi at inalayan ko ng pagmamahal mula sa aking sinapupunan. Hindi man sila naggaling sa akin, buong puso ko silang inibig mula sa kaibuturan ng aking puso.
"Ito na ang huli Ina, kung papipiliin lamang ako ay nais kong ipagpatuloy ang aking nasimulan. Ang maghandog ng buhay para sa mga taong nais maging magulang".
Humahanga akong tumingin sa aking ina. Hindi rin ako makapaniwala sa sakripisyong inialay niya noon sa amin. Kaya ipinangako kong tutumbusan ko iyon ng walang hanggang ligaya.
"Ganito ba ang nararamdaman mo noon habang dinadala mo kami? Ang sarap sa pakiramdam Ina. Natupad kong bigyan ng kaligayahan ang walong pamilya gaya ng ginawa mo noon sa aming mga pamilya. Nais kong suklian ang sakripisyo mong magluwal ng supling sa mundo para mabuo ang kani-kanilang pamilya".
"Napakaganda mo Ina. Salamat sa iyo at naranasan kong magbigay ng buhay sa mga anghel na magbibigay ng kulay sa mundo ng isang pamilya. Kung sakali mang dumating ang panahon na hanapin nila ako gaya ng paghahanap ko sa iyo. Ilalahad ko na ang buhay nila ay galing sa kailaliman ng aking puso. Mula sa kaloob-looban ng aking pagkatao. Ang pag-ibig ko sayong walang makakatumbas ng kung ano pa man. Ang pag-aalay ng paraisong bubuo sa kanilang buhay".
Nakangiti kong pinagmamasdan ang musmos na nasa aking tabihan. Isang anghel na magbibigay kasiyahan. Habang hawak ang palad ng aking ina. Naluluhang inakay patungo sa pintuan.
"Halika na Ina. Tiyak na lalaki siyang maligaya".