Naiangat niya ang mukha nang makitang pababa na mula sa pangalawang palapag ng mansion ang taong kanina pa hinihintay. Napatitig siya dito habang binabagtas nito ang mataas at may modernong pagkakadisenyo ng hagdan. Hindi niya maikurap ang mga mata sa isang tila knight and shining armor sa kakisigan ng lalaking nakasuot ng itim na amerikana na ilang hakbang na lamang ay nasa unang palapag na ng kinapapaloobang pagkalaki-laking bahay na iyon. Ngunit hindi pa man ay dagli na nitong itinigil ang paglalakad nang ituon nito ang paningin sa kanya. Sa lumipas na mga sandali ay mataman na siyang pinakatitigan ng lalaki.
“Don Manuel, siya nga po pala ang sinasabi ko sa inyong bago nating kasambahay,” saad ng isang may katandaan nang babae na siyang sumalubong sa taong kabababa pa lamang.
Hindi umimik ang taong sinabihan, bagkus ay ipinagpatuloy nito ang pagtitig sa natatanging babaeng nakatindig sa gitna ng malawak na espasyo ng welcome hall ng mansion na tantya nito ay nasa average lang ang height pwera pa sa may balinkinitang hulma ang pangangatawan. Nakapusod ang buhok nito at kasalukuyan nang nakasuot ng itim na bistida na inibabawan ng kulay puting apron, iyon ang uniporme ng mga babaeng naninilbihan doon.
Samantalang naibaba niya naman ang paningin at tila ba nailang sa kakaibang klase ng pagmamasid na ginagawa nito sa kanyang kabuuan.
“Siya?” tanong ng lalaki na tila ba hindi malaman kung galit o may confusion lang sa tono ng pananalita.
Wari ay na-rattle siya sa malaking boses nito at bahagya ring kinabahan. First time niya itong marinig na nagsalita sa ganoong tono ng boses. Kabaligtaran sa napakamalumanay na pagkausap nito sa kanya dati. Dahil doon ay bigla siyang napaisip. Totoo kaya ang usap-usapang naririnig niya noon pa man na may pagkasuplado raw talaga ang lalaki? May anger issue rin daw ito at may pagka-strikto lalo na sa sarili nitong mga kasambahay. Dahilan daw kung kaya madalas ay pabigla-bigla na lamang umaalis ang mga katulong nito.
“Oho, Don Manuel. Pagpasensyahan n'yo na ho at wala pa ho kasi akong makitang iba na ipapalit sa huling katulong na umalis. Ngunit huwag po kayong mag-alala, kung hindi n’yo naman po siya magustuhan ay pu-wede naman po ulit tayong humanap ng i-” isang pantig na lamang ang sasabihin ng tumatayong mayordoma ng mansion na iyon nang matigilan ito nang biglang umentra sa pagsasalita ang lalaki.
“Ilang taon na sya?” sambit agad nito nang mahalatang tila wala pa sa tamang edad ang nag-a-apply na katulong.
“Sa pagkakabanggit niya ho sa akin kanina ay labing-walong taong gulang po, Don Manuel,” sagot ng kausap.
Lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib sa puntong iyon. Ang totoo’y sa isang buwan pa ang kanyang kaarawan. Sa isang buwan pa siya magiging legal na labing-walong taong gulang. Sinabi niya lang iyon dahil alam niyang malabo talaga siyang makakapasok doon kung hindi niya pagsisinungalingan ang edad. Hindi naman kasi naging isyu ang pagiging underage niya sa mga dating pinagtrabahuan. Tanda niya pa na dahil sa pagmamakaawa niya na makapagtrabaho sa batang edad ay naging advantage iyon sa kanyang mga naging amo. Mababa ang naging pasahod ng mga ito sa kanya which is kailanman ay hindi naging isyu sa kanya. As long as may maayos siyang tinitirhan at nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, para sa kanya ay sapat nang kabayaran ang mga iyon sa maayos niyang pagtatrabaho sa mga ito.
Narinig niya ang pagtikhim nito at muling paglalakad. This time ay tinahak na nito ang direksyon papunta sa kanyang kinaroroonan.
“Anong pangalan mo, hija?” matamang na tanong nito.
“K-Kat-Kat po,” tila nasasamid niyang sagot na nanatiling nakatungo.
“Kat-Kat?” bahagyang kumunot ang noo nitong muling tanong.
"Ahm, nasanay na daw po siya sa ganoong tawag sa kanya, Don Manuel," ang matandang babae na ang nagpaliwanag nang maitanong rin nito iyon kanina.
Bahagya niyang nilingon ang matanda na nag-interview sa kanya mahigit isang oras na rin ang nakakalipas. Ang ipinagtataka niya ay parehas ang naging reaksyon ng mga ito nang marinig ang pangalang gusto niyang itawag sa kanya. Bakit kaya? Hindi ba bagay sa kanya ang ganoong inuulit-ulit na pangalan? Kung hindi man, balewala rin naman sa kanya dahil iyon na ang nakasanayang itinatawag sa kanya ng mga taong nakakakilala sa kanya dati pa.
“Maria Asuncion Katalina Garcia po ang totoo kong pangalan,” saad niya kapagkuwan. May pagkamahaba talaga ang totoo niyang pangalan pwera pa sa may pagka-old fashion, kaya naman hindi niya ginagamit.
Tumango-tango ang lalaki at nagsimulang magpalakad-lakad paroo’t parito, na wari ba ay may malalim na iniisip. Maya-maya pa ay tumungo ito papalapit sa kanya at huminto mismo sa kanyang harapan. Kumilos ang kanang kamay nito at banayad na hinawakan ang kanyang baba. Sa pamamagitan noon ay dahan dahan nitong itinaas ang kanyang mukha upang ituon niya ang paningin dito.
“Magmula ngayon, ang itatawag ko na sa iyo ay, Karina,” may diin at may otoridad na saad nito habang tinititigan siya sa mga mata.
Napatulala siya sa tinuran ng lalaki na noo’y binitawan na ang kanyang mukha at ngayon nga ay matayog na ang pagkakatayo sa kanyang harapan. Pasimple niyang nahagod ng paningin ang kabuuan nito. Ah, wala pa rin itong pagbabago. Napakakisig at napakagwapo pa rin. Sa pagkakatanda niya ay ganitong ganito ang ayos nito noong una niya itong makita. Pulido ang pagkakaayos ng makapal at itim na buhok nito na ginamitan ng hair gel. Ang balbas at bigote ay neat ang pagkaka-style ng pagkakaahit na binagayan ang medyo mapanga nitong mukha. On point din ang pormahan nito gaya ng dati at masasabi mo talagang isang kapitapitagang uri ng personalidad sa kanilang lugar.
It was five years ago noong unang magkrus ang kanilang landas. Ang bilis ng panahon. Sino ba ang makapagsasabi na pagkatapos ng ilang taon ay maisasakatuparan niya ang pangarap na tumapak sa mansion nito at somehow ay maging parte ng mundong ginagalawan ng lalaki. Hindi niya pa rin makalimutan noong pagkatapos ng nangyaring tagpong iyon sa pagitan nila ng Doktor ay nagbahay bahay siya at nagmakaawa upang may kumupkop sa kanya. Wala namang problema sa kanya ang magtrabaho dahil sa batang edad ay expose na siya sa mga gawaing bahay dahil sa iyon lamang ang paraan niya para matulungan ang sakiting mga magulang. Maaga siyang naulila noon at naitatawid niya lamang ang pang-araw araw na pangangailangan sa pamamagitan ng pagiging isang helper sa palengke. Sa araw na iyon ay laking pasasalamat niya sa isang pamilyang kumupkop sa kanya kahit pa ilang beses din siyang inabanduna at paminsan minsan ay bigla na lamang ipinapasa sa ibang tao kahit hindi ipinapaalam sa kanya.
Tandang tanda niya pa noong bigyan siya ng pera ng lalaking ito. Ang totoo’y sapat na sa kanya pangtawid gutom iyon sa ilang linggong panunuluyan sa kalye ngunit nang makahanap ng magkukupkop sa kanya ay ipinamigay niya iyon sa mga nakitang pulubi sa tabi ng daan. Ang tanging itinago niya lamang ay ang panyolitong ginamit ng lalaki sa pagpahid sa kanyang mga luha sa kanyang pisngi. Na hanggang ngayon ay nasa kanya pa rin, pinakaaalagaan at pinakaiingat-ingatan, gaya ng matagal ng inililihim na pagtingin sa lalaki.
Oo, inaamin niya na magmula noong mga oras na iyon ay humanga na siya dito, sa pisikal na aspeto man, pati na sa ipinakitang pag-uugali nito. At sa mga dumaang panahon, ang pagkagusto na iyon ay na-develop sa pagkakaroon ng malalim na feelings sa lalaki. Pinakaaabangan niya ito sa plaza noon sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon na mamili sa palengke. Doon ay malapit ang ospital na pinagtatrabahuan nito bilang isang kapitapitagang Doktor. Noon ay madalas niyang nasasabi sa sarili, balang araw, kapag dumating ang pagkakataong muling magkrus ang landas nila ng lalaki ay sisiguraduhin niyang mapapaibig niya rin ito. Kung kaya naman noong mabalitaan niya na nangangailangan ito ng isang kasambahay ay wala na siyang pagdadalawang isip pa na mag-apply dito. Isang bagay na tinutulan ng kapwa katulong at kaibigan na si Janet sa kadahilanang maayos naman ang pakikitungo ng mga amo nila sa kanila, patunay ang ilang tao nang pananatili nila sa mga ito. Isa pa, nalulungkot rin ito na baka hindi na sila magkita pa dahil bukod sa wala siyang sariling telepono, malayo rin ang bahay ng Don. Sa huli, worried din ito, dahil kung mamalasin na hindi siya matanggap roon ay tiyak na wala na siyang trabahong babalikan sa ginawa niyang pagtakas. Pero dahil sa matagal na niyang pangarap na makasama ang lalaki ay buo ang loob niya at malakas ang fighting spirit na matatanggap siya nito bilang kasambahay sa mansion nito na isa sa pinakamalaki at pinakamagandang bahay sa lugar ng Calumpit, Bulacan.
Marahan niyang naipilig ang ulo mula sa pagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa kanya sa nakaraan. Itinuon niya ulit ang atensyon dito na tila ba umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang pangalang itinawag nito sa kanya. Wari ba ay bininyagan siya nito at binigyan ng panibagong pagkatao.
“O-Opo.” Isang pagtango lamang ang itinugon niya dito na tila ba walang kareklareklamo sa pangalang ibinigay nito. Ayos lang iyon sa kanya, kung iyon ang paraan para mapalapit lang sa lalaking ito. Alam niya naman in no time ay masasanay din siya na gamitin ang pangalang iyon.
Tumango rin naman ito at dagling pumaharap sa mayordoma.
“Aling Rosita, kayo na ang bahala sa kanya,” anito na sinimulan nang lumakad upang tunguhin ang pintuan papalabas. Mabilis nitong nilampasan ang bagong hired na katulong. “Siya nga pala, I finalyzed all the list na kailangang ihanda sa darating na linggo. It’s on the top of my desk, in my office,” saad pa nito na hindi man lang nilingon ang matandang babae.
“Opo, Don Manuel,” tugon naman ng sinabihan.
Samantala, halos mapatalon siya sa excitement habang hawak sa kamay ang panyolito na kasalukuyang nasa bulsa ng unipormeng suot-suot. Dinala niya ito para sana ipakita sa lalaki at sa pamamagitan nito’y baka sakaling maalala siya nito, pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Sa kabila noon ay ayos lang naman din para sa kanya. Baka hindi pa talaga iyon ang tamang panahon para doon. Panatag naman ang kalooban niya dahil sigurado siyang makikita na ito ng madalas dahil dito na siya titira. For sure this time ay mas madali itong malalapitan at makakausap.
Inilabas niya ang nakatuping panyolito at mabilis na dinala sa kanyang mga labi. Hindi niya makakaila na madalas niyang hagkan ang bagay na iyon. Iba kasi ang hatid ng bagay na iyon sa kanya. Para itong may mahika na sa tuwing nalulumbay siya ay pinapagaan nito ang kanyang pakiramdam at sa tuwing masaya naman ay doble pang kasiyahan ang hatid noon. Iyon ang dahilan kung bakit sa kabila ng paulit ulit na rejection na natatanggap niya ay hindi siya nawalan ng pag-asa na balang araw ay aangat din sa buhay at makakasama ang lalaki. At sa araw na iyon ay nag-uumapaw ang kanyang kagalakan sa dibdib dahil tila nagsilbing lucky charm ang bagay na iyon para matanggap siya sa trabaho.
Muli ay inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng marangyang bahay ng Don. Sabi na nga ba, she was destined na manilbihan sa bahay na ito. Ilang taon na niyang ipinagdarasal iyon at sa wakas ay dininig na ng Panginoon na isang araw ay mapagsilbihan niya ang lalaki. Iyon naman ang matagal na niyang pinapangarap, ang maibalik niya ang kabutihang ginawa nito sa kanya maraming taon na ang nakakalipas.
Sa mga oras na iyon ay binalik niya sa bulsa ang panyo, inayos ang pagkakatayo at itinaas ang noo. Ngayong nasa poder na siya ng lalaki ay malapit na rin matupad ang matagal na niyang inaasam-asam na mangyari. Ang tuluyang mapalapit dito at kalaunan ay mapaibig ang lalaking iyon na aware naman siya na doble ang agwat nito sa kanyang edad. However, wala siyang pakialam. Ang lalaking iyon ang dahilan kung bakit patuloy siyang lumalaban sa buhay at nangangarap na balang araw ay magkaroon ng sariling pamilya, masaya at nagmamahalan. Isang simpleng bagay na ipinagkait na maranasan niya ng kanyang mga magulang noon.
Sa isiping iyon ay nagpalabas siya ng malalim na buntong hininga. Kapagkuwan ay isang pagkatamis tamis na pagngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Today, marks her first day sa mansion at pagbubutihan niya ang bawat sandali ng paninilbihan doon lalo na kay Dr. Manuel Guevara.