PINAGMASDAN ni Damian si Cameron habang nagsasampay ito ng mga damit ni Hunter mula sa sari-sari store. May tipid na ngiti na nakaguhit sa mga labi nito. Pinisil niya ang matambok na pisngi ni Hunter. “Masaya ang mama mo, Hunter, ah. Inalagaan mo ba siyang maigi habang wala ako? Hindi mo siya masyadong pinahirapan?” Nakatingin lang ito sa kanya habang ibinubukas-sara ang mga kamay. Ibinalik niya ang tingin niya kay Cameron. Masaya siyang makita ito na nakangiti na. Mula nang ipanganak nito si Hunter, hindi na niya ito nakitang nakasimangot o nalungkot nang husto. Tila nakalimutan na nito ang lahat ng masasamang bagay na nangyari dito. Alam niyang si Hunter ang nagbigay ng pag-asa rito, ang nagbigay kahulugan muli sa buhay nito. Aminado siya na kinabahan siya nang husto nang hindi nit

