Chapter 7

1567 Words
"Please don't make it hard for me, Robert," saad ko sa kabilang linya. "Wala na tayo kaya huwag na huwag ka ng tatawag sa akin." "Rosel, please. Gusto kitang makausap. Please." "No," maikli kong tugon saka pinatay ang tawag. Ayoko ng marinig pa ang boses niya dahil tila sibat iyon na tumutusok sa aking dibdib. Hindi pa rin mawala ang hapdi sa puso ko at alam kong hinding-hindi iyon mawawala kung hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang komunikasyon ko sa kaniya. Hiwalay na kami at siya mismo ang may gusto niyon. Kahit masakit ay pipilitin ko siyang kalimutan para na rin sa ikatatahimik ng aking kalooban. Ini-off ko ang aking cellphone dahil patuloy pa rin siya sa pagtawag. Ayoko na siyang kausapin pa. Mas makabubuti sa aming dalawa na huwag ng mag-usap o magkita pa. *** MADILIM-DILIM pa kinaumagahan ay tumulak na ako papunta sa shop dahil baka dumating si Robert. Gano'n kasi siya noon sa tuwing hindi ko kinakausap sa cellphone. Maaga siyang pupunta sa bahay kinabukasan para makipag-ayos. Muli kong isinara ang shop nang makapasok na ako. Dito na lang ako magpapalipas ng oras. Kung kailangan pagtaguan ko si Robert ay gagawin ko. Kahapon ng umaga ko lang kasi nalaman sa kapatid kong si Faye na buntis daw si Mila at si Robert ang ama. Inoobliga raw ni Tata Vering si Robert na pakasalan si Mila. Tumulo na naman ang luha ko. Niloko ako ni Robert. May relasyon pa kami pero nakikipaglandian na siya sa pinsan ko. Noon pa man ay may hinala na ako sa kanilang dalawa pero ipinagsawalang kibo ko na lang dahil may tiwala ako kay Robert, lalo na kay Mila. Hindi man kami magkasundo ng pinsan ko pero nagtiwala pa rin ako dahil hindi ang tipo ni Robert ang gugustuhin ni Mila. Ang gusto ng pinsan ko ay isang lalaking mayaman at kilala sa lipunan. 'Yong lalaking kayang ibigay sa kaniya ang anumang luho na gustuhin niya. Kaya nagulat na lang ako nang malamang ikakasal na silang dalawa. Napailing na lang ako. Siguro ay natauhan na si Mila na imposibleng may magkagusto sa kaniya na mayamang lalaki dahil mayamang babae rin ang habol ng mga 'yon. Minsan na rin kasing nabanggit sa akin ni Mila nang mag-reunion ang pamilya namin na mas gusto niyang makapangasawa ng makisig na lalaking nagmamay-ari ng kompanya gaya ng mga nababasa niya sa mga pocketbook na siya namang pinagtawanan ko. Sa madaling salita ay guwapo, binata, mayaman at pinapantasya ng mga kababaihan. Nilamon na rin kasi siya ng mga kwentong nababasa niya na isang bilyonaryong may-ari ng pamosong kompanya na na-in love sa isang ordinaryong empleyada. Sa panahon ngayon ay ewan ko na lang kung makahanap pa siya ng gano'n dahil sa pocketbook at mga pelikula lang may ganoong lalaki. Ang reyalidad ngayon ay mayaman, may asawa't anak at may edad na lalaki ang nagpapatakbo ng isang malaking kompanya. Congrats na lang kung lumabas sa pocketbook o telebisyon ang lalaking pinapantasya niya. Kinuha ko ang mga materyales na kailangan para magawa ang item na ni-request ng kliyente. Ito na muna ang pagkakaabalahan ko dahil hindi naman ako dinadalaw ng antok. Masyado pa namang maaga para magbukas ng shop. Mamaya pang alas nuwebe dadating ang isang kliyente na pi-pick-up ng items. Nilagyan ko ng glue stick ang glue gun at sinimulan kong idikit ang maliit na figurine na anyong anghel sa maliit din na crib. Ang item kasi na iyon ay pang-giveaway para sa binyag. Lalaki ang bibinyagan at blue na ribbon ang napili nilang motiff. Sa halos isang oras na lumipas ay natapos kong idikit ang may dalawandaang piraso niyon. Isa-isa kong isinilid ang bawat isa sa isang maliit na plastic kasama ang maliit na papel kung saan nakalagay ang pangalan ng bibinyagan at ang petsa kung kailan gaganapin ang binyag. Madali lang siyang gawin kaya mas gusto ko ang ganitong trabaho. Kaunti lang ang trabaho, pero malaki ang income. Kung tutuusin ay triple pa ang kinikita ko rito sa shop kaysa sa sahod ko noong namamasukan pa ako. Sa mahigit isang taon ko sa negosyong ito ay marami na akong naipundar. Nakabili ako ng dalawang sasakyan, dito ko rin kinuha ang pinangbayad ko sa loan ng bahay na tinitirhan ko ngayon at dahil sa negosyong ito ay natutulungan ko ang mga magulang ko sa pagpapa-aral sa dalawa kong kapatid. Kaya minsan ay iniisip ko na kahit gaano ko pa kamahal si Robert ay hinding-hindi ko ipagpapalit ang kabuhayan ko. Maraming lalaki sa mundo, hindi lang siya. Siguro ay mayroon ngang nakalaan para sa akin katulad ng sabi ni Mang Isko. Eksaktong alas siyete nang dumating si Mang Isko para magbukas ng shop. Nagulat siya nang madatnang naroon ako sa loob at abala sa paggawa ng mga items. "Maaga kang dumating dito, anak?" Itinaas na niya ang roll up doors matapos tanggalin ang padlock. "Kani-kanina lang po, Mang Isko." Tipid akong ngumiti at ipinagpatuloy ang ginagawa. "Ah... Rosel, dumaan ako sa bahay mo kanina." Tila ayaw niyang ituloy ang sasabihin. Napakamot pa siya sa ulo. "S-si Robert naroon sa labas ng bahay mo. Parang inaabangan ka." "Hayaan n'yo na po ang taong 'yon," tugon ko nang hindi inaalis ang paningin sa ginagawa ko. Ang ganda na kasing tingnan ng maliit na anghel na nakahiga sa maliit na crib. "Ayoko na po siyang makita." Mahina lang ang boses ko at dama ko ang pagbuntong-hininga ni Mang Isko. "Ikaw ang bahala, Hija. Basta kung may maitutulong kami ni Nita, huwag kang mahihiyang magsabi." "Opo. Marami pong salamat, Mang Isko." Tumingin ako sa gawi niya at nahagip ng paningin ko ang ngiti niya sa labi habang kinukuha ang walis tambo. Nang pumatak ang alas otso ng umaga, ay sabay-sabay na nagsidatingan sina Tin, Jinky at Marco. Agad na pumwesto si Marco sa harap ng computer para i-print ang mga design na ni-request ng kliyente. Matapos iyon ay kinuha niya ang balloon blowing machine sa warehouse at nagsimula ng lagyan ng hangin ang lobo. Naging abala kami sa pagsisilbi sa mga customer na dumating hanggang sa namalayan ko na tanghali na pala. Papunta na sana ako sa mini pantry na naroon sa shop nang marinig kong naghiyawan sina Tina at Jinky. "Kanino kaya galing?" tanong ni Jinky. "Ecuadorian Rose 'yan. 'Yan ang pinakamahal sa lahat ng variety ng rose." "Ang ganda!" sigaw naman ni Tin. "Malamang para sa akin 'yan, Ate Jinky." Naudlot ang tangka kong pagpasok sa mini pantry dahil narinig ko ang sinabi ng dalawa. Ecuadorian Rose is one of my favorite flower. Curious din ako kung para kay Tin o kay Jinky ang bulaklak. Malapit na kasi ang birthday ni Tin, wedding anniversary naman bukas nina Jinky at Marco. Minsan ng sinorpresa ni Marco ang asawa kaya may posibilidad na kay Jinky ang bulaklak na 'yon. "For Miss Rosel Diaz," nakangiting saad ng delivery boy. "S-sa akin?" Napanganga ako sabay turo sa aking sarili. "Kayo po, Ma'am si Miss Rosel Diaz?" Nang tumango ako ay inilapag niya ang bouquet of roses sa ibabaw ng glass cabinet saka may inilabas na papel. "Pakipirmahan na lang po ito, Ma'am, bilang patunay na natanggap n'yo ang bulaklak. Atubili akong lumapit. Wala akong ideya kung sino ang nagpadala ng mga bulaklak. Hindi ganoong klase ng bulaklak ang pinadala sa akin noon ni Robert. Isang beses lang siyang nagpadala ng bulaklak at hindi na nasundan pa. Ordinaryong rosas lang iyon pero tandang-tanda ko pa ang sayang naramdaman ko nang makatanggap ng bulaklak mula sa kaniya. "K-kanino galing?" Nanginig ang boses ko. Hindi ko inaasahan na makakatanggap ako ng ganitong uri ng bulaklak. Masaya ako pero kalakip niyon ay takot na baka isa lamang itong biro. Na baka nagkamali lang ang delivery boy. Na hindi talaga ako ang receiver ng bulaklak na iyon. "Pakipirmahan po muna, Ma'am." Inabot niya sa akin ang papel kaya pinirmahan ko iyon. Nanginginig pa rin ang kamay ko nang tanggapin ko ang bulaklak. Pulang-pula ang kulay ng mga iyon. Sa tingin ko ay mahigit sampung piraso ang mga rosas. "Nariyan po ang pangalan ng sender, Ma'am." Itinuro ng delivery boy ang maliit na papel sa pagitan ng dalawang rosas saka nagpasalamat at magalang na nagpaalam. "Oh my God, Ate Rosel," tili ni Tin. "Bagong manliligaw mo? Mayaman siguro 'yan." "Sino 'yan, Ate?" nakangiting tanong ni Marco saka nagbiro. "'Yan na ba ang susunod na makakatikim ng suntok ko?" "Ano ka ba, Marco," saway ni Jinky sa asawa. "Huwag mo ngang bibiruin ng ganyan si Ate Rosel." Hindi ako makaimik dahil sa sobrang excitement na nararamdaman ko. Ngayon lang talaga ako nakatanggap ng ganitong uri ng bulaklak. Mahilo-hilo ako sa sobrang tuwa. Akma na akong papasok sa maliit ba opisina nang muli kong marinig ang tinig ni Tin. "Ate Rosel, sino ang nagpadala? Pa-share naman ng pangalan, Ate." Muli akong humarap sa kanila. Nakatingin silang tatlo sa akin na tila ba naghihintay na sabihin ko kung sino ang sender ng mga bulaklak na 'yon. "Basahin mo na, Ate. Dali." Tumayo si Tin at excited na tumabi sa akin. Lumayo ako nang kaunti para hindi niya mabasa ang nakasulat sa maliit na papel. Parang ayaw kong kunin ang papel na iyon at basahin ang nakasulat pero dahil curious din ako ay dahan-dahang kinuha ng naginginig ko pang kamay ang kapirasong papel at binasa ang nakasulat. For the most beautiful girl I met, Hope it's okay if I ask you out for dinner. I'll pick you up at five. Drew
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD