CHAPTER 3
I L A W ' S P O V
"Tapos ko na pong linisin ang lahat, Sir," wika ko nang malagay ko sa loob ng basurahan ang lahat ng mga kalat na nasa sofa kanina. Nagtataka pa rin ako kung bakit ganoon kadami ang mga kalat na nandoon gayong nung umalis naman ako ay malinis na ang office niya.
"Do you want coffee? Or juice, water?"
Narinig ko na napasinghap si Zandro sa aking likuran. Saglit itong sinulyapan ni Sir Isidro kaya bumalik ito sa pagtitipa sa laptop niya.
"Lalabas na po kung wala na po kayong iuutos, Sir," nag- aalalangang sabi ko. Bakit nag- aalok siya ng kape? Ganito ba siya sa lahat ng mga trabahante niya rito?
Yumuko ako sandali sa kanya at mabilis na tumalikod at naglakad. Ngunit nakakatatlong hakbang pa lang ako ay nagsalita ulit ito.
"May ipapalinis pa sana ako sa 'yo,"
Umubo na naman si Zandro.
"Saan po, Sir?" tanong ko at inayos na ang aking mga panlinis na dala.
""Yong banyo sana. Tumae kasi si Zandro doon kanina ipapalinis ko sana,"
"Tumae ba ako, Sir? Hindi ako pumapasok d'yan sa banyo mo tapos ako pa ang aakusahan mong tumae d'yan? Ikaw lang naman ang nakakapasok sa cr mo. Sa labas kaya ako nagbabanyo!" pagrereklamo ni Zandro. Sumenyas si Sir Isidro na lumapit ito sa kanya na agad namang sinunod ng secretary nito.
Inakbayan niya si Zandro at tinapik ng malakas ang balikat nito. Hindi na ata tapik 'yon dahil mukhang hinampas niya. Napangiwi si Zandro at sunod-sunod itong tumango. Kahit ako ay napangiw dahil mukhang masakit 'yon.
"Oo! Oo tumae ako d'yan kanina. Tumae ako. Pero hindi naman mabaho at wala naman akong iniwang bakas d'yan. Ipapalinis lang ulit ni Sir Isidro. Alam mo naman 'tong boss natin, ayaw niya sa madudumi kaya gusto niya malinis lahat ng nasa paligid niya," nagkamot pa ito ng batok at dahil maputi ay halata ang pamumula ng magkabilang tainga nito.
"Tama. Mabuti at hindi natin nakalimutan na ipalinis ang banyo, 'no? Masakit kasi ang tiyan niya kanina kaya limang beses atang pumasok sa banyo ko,"
Nalaglag ang panga ni Zandro sa narinig.
"Limang beses?" tanong ni Zandro. Bakas sa mukha nito ang pagtataka.
Muling tinapik ni Sir Isidro ang balikat niya. Hindi nga kasi tapik kasi parang hampas na. Sa sobrang lakas parang matatanggal ang baga ni Zandro. Napaubo ang lalaki.
"Tama! Limang beses akong pumasok d'yan. Masakit pa nga hanggang sa ngayon." Humawak ito sa kanyang tiyan. "Tinitiis ko na lang. Kaya pakilinis lang ng banyo ni Sir Isidro, ah? Pasensya ka na. Dito ang banyo niya, pumasok ka na lang sa loob,"
Kahit naguguluhan sa inaasta nila ay pumasok pa rin ako sa loob ng banyo. Ang inaasahan ko ay bubungad sa akin ang mabahong amoy at maduming banyo. Ngunit kabaligtaran ang bumungad sa akin.
Malinis na malinis ang buong banyo at mabango. Sabi nila madumi 'to? Lumapit ako sa bowl at makintab pa 'yon sa aking mukha.
Wala namang dapat na linisin dito sa loob, ah?
Wala akong makitang madumi kaya ano ang lilinisan ko rito?
Lumabas na ako upang magtanong sa kanila. Naabutan ko silang dalawa na nagsisigawan.
Ang ulo ni Zandro ay nasa gitna ng kilikili ni Sir Isidro at panay naman ang hampas ni Zandro sa kamay niya upang bitawan siya nito.
"Hindi na ako makahinga! Bitawan mo nga ako!"
Kahit ako ay natatakot na dahil namumula na ang mukha ni Zandro.
"Ahhmm... Ano po ang nangyayari?"
Napatigil silang dalawa. Nang mag- angat ng tingin sa akin si Sir Isidro ay matamis itong ngumiti sa akin at binitawan si Zandro. Napahawak kaagad ito sa kanyang leeg at naghahabol ng hininga niya.
"Ayos lang po ba kayo? Nakakahinga naman po kayo ng maayos?" nag- aalalang tanong ko rito.
Si Sir Isidro na ang sumagot para sa kanya. Ayan na naman siya sa pagtapik sa balikat na parang hampas na.
"Ayos lang siya. Training niya lang 'to. Anyways, tapos ka na bang maglinis? Mabaho ba sa loob kaya ka lumabas? Ang dugyot mo talaga, Zandro! Nakakahiya sa kanya!"
"Wala naman pong kalat sa loob, Sir. Malinis naman po ang banyo n'yo at wala naman pong dapat na linisin," sagot ko.
Nagkatinginan silang dalawa. Si Zandro ay hinahaplos pa rin ang kanyang leeg.
"Kung wala na po kayong ipapalinis sa akin ay lalabas na po ako, Sir," paalam ko sa kanila.
Bitbit ang aking mga panlinis ay naglakad na ako palabas.
Kinuha ko na ang aking mga gamit para makauwi na ng bahay. Dadaan pa ako sa tindahan para bumili ng bigas at ulam namin. Pinahiram ako ng pera ni Saddie. Ibibili ko rin ng gatas ang anak ko. Nagpapadede pa rin ako sa kanya. Pero sinanay ko na siyang uminom sa milk bottle niya para sa tuwing may trabaho ako ay may pamalit kami.
Naabutan kong naglalaro sa sala ang aking anak nang pumasok ako sa loob.
"Sam- sam! Nandito na si Mama!"
Nang marinig niya ang aking boses ay agad itong tumingin sa pintuan. Mabilis niyang iniwan ang mga laruan niya. Ang mga maliliit nitong mga paa ay tumakbo papunta sa akin. Muntik pa itong matumba buti na lang ay nasalo ko ito.
Yumuko ako upang buhatin siya.
"Kumusta ang Sam- sam ko? Naging good girl ka ba kay Lolo at Lola habang wala si Mama?" tanong ko gamit ang pambatang boses.
"Es! Es!" sagot niya at hindi pa mabigkas ang letrang Y.
"Hindi ka umiyak?"
Umiling ito. "'Di yak Sam- sam,"
Tinuro pa nito ang kanyang sarili. Pinugpog ko ng halik ang buong mukha ng anak ko bago ito nilapag sa sahig.
Nahirapan ako ng husto nung nanganak ako sa kanya. Sa center lang ako ng nanganak at midwife ang nagpa- anak sa akin. Ang kasama ko pa ay 'yong isang kapit- bahay namin dahil hindi naman maiwan- iwan ni Lolo si Lola sa bahay.
Kaunti lang ang mga gamit niya. Buti na lang noong malaki- laki na si Sam- sam ay may mga mabubuting puso na nagbibigay sa kanya ng mga damit. Naaawa rin ang mga ka- barangay naman sa amin dahil sa sitwasyon namin.
Ako lang ang may kakayahang maghanap- buhay sa amin. At apat pa kaming nasa bahay. Kaya sa tuwing may ipapagawa sila, may ipapalinis, o ipapalabang mga damit ay ako agad ang kanilang tinatawagan.
"Ilaw, nandito kana pala. May dala ka bang bigas? Hindi pa ako nakakapagsaing dahil wala na tayong bigas,"
Lumapit muna ako sa kanya upang magmano. "May binili po ako, Lo. Nandoon po sa sala, may sardinas din akong binili d'yan para pang- ulam natin mamaya,"
Mabilis na kinuha ni Lolo ang bigas para makapagsaing na ito. Dalawang kwarto lang itong bahay namin. Ang maliit na sala ay wala masyadong mga gamit kung hindi ang malaking sofa lang at ang lumang divider. Naalala ko nung bata ako ay marami pang mga laman itong sala namin. May tv pa kami. Kaso nung nawala ang mga magulang ko ay unti- unting binenta ang mga gamit hanggang sa ito na lang ang natira.
Magkatabi lang ang bahay namin ng Lola at Lolo ko. Kaya nung mawala ang mga magulang ko ay dito na kami tumira. Gawa ito sa semento pero ang bubong ay marami ng butas dahil sa tagal ng panahon. Tumutulo na sa tuwing malakas ang ulan at kailangan maglagay ng timba para hindi bumaha sa loob.
Kinabukasan ay pumasok ulit ako sa aking trabaho. Sa ibang floor na ang lilinisan ko pero ilang minuto lang ang nakalipas ay bigla na lang iniba at doon na naman ako sa top floor kung nasaan ang office ng CEO.
Naglalakad pa lang ako sa hallway ay nakita ko na agad si Zandro sa labas ng office ni sir Isidro. Nakatayo ito na parang isang guard.
"Good morning po!" nakangiting bati ko at tumungo.
"Good morning. Bilin pala ni Sir na unahin mo raw munang linisin ang hallway bago ang office niya dahil may meeting pa siya at malelate siya ng punta rito,"
Kumunot ang aking noo. Mas mabuti nga na wala pa siya ay lilinisan ko na ang office niya para kapag nagtrabaho ito ay wala ng istorbo mamaya. Pero bakit baliktad 'to?
"Makakaistorbo po ako kung mamaya ko pa lilinisin ang office niya. Mas mabuti pong habang wala siya ay sisimulan ko na po," sagot ko.
Iniiwasan ko rin na makita siya dahil pinapaalala niya sa akin ang nangyari nung gabing 'yon. Sa dami ng naikama niyang babae naalala niya pa ako?
Umiling si Zandro bago ngumiti sa akin. "Unahin mo na lang dito sa hallway. Iyon kasi ang bilin niya sa akin. Tatawagin na lang kita mamaya kapag nad'yan na siya,"
Gulong- gulo ako habang nagmamop ako ng sahig. Walang ibang dumadaan at pumupunta sa floor na 'to. Kesa doon sa baba na marami akong nakakasalubong. Dahil siguro nandito ang office ng CEO kaya hindi ka pwedeng basta- basta na lang na tumapak dito.
Bandang alas nuebe ay dumating si Sir Isidro. Kumaway- kaway pa ito sa akin kahit nasa pinakadulo ako ng hallway at ganon din siya.
"Ilaw!"
Excited itong pumunta sa pwesto ko. May halo ng takbo ang bawat lakad niya. Ang presko niyang tingnan sa suot niyang white longsleeve at itim na trousers. Hindi nakikita ang mga tattoo nito sa braso. Bumaba ang tingin ko sa katawan niya at naalala kong may mga tattoo rin siya sa dibdib niya.
Tumikhim ito nang maabutan niya akong nakatitig sa katawan niya. Nahawakan ko na rin 'yan dahil pinahawak niya sa akin nung may nangyari sa amin. Pilit ko na 'yong binaon sa limot.
"Pumasok kana sa loob. Simulan mo na ang paglilinis dahil nandito na ako,"