CHAPTER 5
“Pero teka lang. Parang naiiyak kana d'yan, ah? Baka gawin mong pamunas ang basahan. Ito na lang, pwede naman 'tong damit ko. 'Wag mo lang singahan may meeting pa kasi ako mamaya. Yakapin na lang din kita,”
Awtomatiko akong napatakip sa aking mga mata nang itaas niya ang laylayan ng kanyang suot na longsleeve at natanggal na sa kanyang tuck in. Akmang ipupunas na 'yon sa akin. Sa isang iglap nasa harapan ko na siya. Nasulyapan ko pa ng kaunti ang abs niya.
Binabawi ko na pala ang sinabi ko. Minuto lang pala ang itatagal ng pagseseryoso niya. Ganito ba talaga siya? Napakapalabiro niyang tao. Talagang nakakatawa ang bawat hirit niya at napapatawa niya ako kahit hindi ko iyon pinapakita sa kanya. Hindi ako makapigil na mag- isip. Kung paano kaya siya kapag kaharap na niya ang kanyang mga empleyado? Ako lang ba ang binibigyan niya ng ganitong ugali? 'Yong madaling makasama at puno ng mga biro. O baka naman ganito talaga siya sa lahat ng taong nakakasalamuha niya?
“Sir! Hindi naman ako naiiyak, eh!”
“Hindi ba? Akala ko naiiyak ka, eh. Yakap na lang gusto mo? Free hug lang,”
Binuksan niya ang dalawang kamay at akmang yayakapin ako.
Mabilis akong umiling sa kanya. Niyakap ko rin ang aking sarili at umatras ng isang beses.
“Bawal po mangyakap, Sir.”
“Ikaw nahihiya ka pa, eh. Grabe nga ang yakap mo sa akin bumaon pa ang kuko mo sa likod ko nung magta—
Hindi ko na siya pinatapos sa sasabihin niya at agad kong tinakpan ang bibig niya gamit ang aking palad. Kailangan ko pang tumingkayad para lang maabot siya.
“Tapos na 'yon, Sir! Maraming taon na ang nakalipas kalimutan na lang natin 'yon!”
Late ko na napagtanto ang posisyon naming dalawa. Dikit na dikit ang aking katawan sa dibdib niya. Nanlaki rin ang mga mata niya na.
Naghugas naman ako ng kamay kanina! Hindi naman madumi 'tong mga papel na hinawakan ko.
“Sorry, Sir! Sorry po! Malinis po ang kamay ko pangako po!”
Tinanggal ko na ang aking kamay at umatras ulit.
Napatakip si Sir Isidro sa bibig niya at tinuro naman ako ng bakanteng kamay niya.
“Tsansing 'yon, Ilaw! Tsansing ka sa akin! Style mo lang 'yan para madikit sa akin. Ilalim, binatang pilipino ako, ano ka ba... Kailangan mo muna magpaalam sa Mommy ko bago mo ako mahawakan,”
Tinakpan pa nito ang sarili niya. Ang kapal din pala ng mukha nitong si Sir Isidro. Pagbibintangan pa akong tsansing?
“Tsansing? Hindi ganoon ang balak ko, Sir! Tinakpan ko lang ang bibig mo dahil masyado kang maingay!”
Inayos niya ang kanyang damit. Sa harapan ko mismo, binalik niya ang pagkakatuck- in ng damit niya. Saglit ko pang nasulyapan ang kulay itim na boxer nito dahil sumilip ng kaunti.
“Nakita ko 'yon, ah? Tumingin ka sa boxer ko mga 2 seconds. May pagnanasa ka ba sa akin? Aminin mo na habang maaga pa baka maagaw pa ako sa iba. I'm so handsome... I'm the most handsome creation my parents have ever given the world. ”
Nababaliw na ba siya?
Hinimas- himas niya pa ang kanyang panga at inayos ang buhok niya. Gwapo siya pero ang kapal ng mukha niya. May sayad ata sa utak 'tong CEO ng Havoc Perfume Company.
“Sir!” tumaas na ng kaunti ang aking boses. Kung hindi ko lang boss 'to, baka lumipad na ang mop sa pagmumukha niya.
Biglang bumukas ang pintuan at niluwa nun si Zandro. May dala ng kape galing sa Starbucks.
“Nandito na ang kape n'yo, Sir!”
Tinaas niya ang dalang kape upang ipakita 'yon sa amin. Ang bilis naman? Ilang minuto pa lang siyang nawala, ah?
“You got here so quickly! Didn't I tell you to head to the branch that's the farthest away from here?”
Napameywang pa itong hinarap si Zandro.
“Sir, may malapit lang na branch d'yan tapos paborito mo pa. Bakit pa ako bibili sa malayo?”
Naglakad siya papunta kay Sir Isidro at nilahad ang bitbit nitong kape. “Go ahead and drink it while it's hot. Enjoy your coffee, Sir!”
Nakabusangot na ang mukha ni Sir Isidro habang iniinom niya ang kape niya. Pinagpatuloy ko ang aking paglilinis, bumalik din sa trabaho si Zandro, at siya naman ay umiinom lang ng kape. Mukhang hindi pa nag- eenjoy dahil magkasalubong ang kilay.
"Zandro, what time is my next meeting?"
Malapit na akong matapos sa aking paglilinis. Tapos na akong mag vacuum sa buong office niya. Naligpit ko na rin ang mga kalat sa sofa kanina.
"Your next meeting is going to start after lunch. Pag- uusapan natin ang tungkol sa bagong model since magrerelease tayo ng bagong collection,"
Dito ako nagtatrabaho pero wala akong ni isang perfume na ginagamit galing sa kumpanya niya. 'Yong ibibili ko ng perfume ipambibili ko na lang ng gatas at diaper para sa anak niya. Ang perfume na ginagamit ko ay inuutang ko pa na one month to pay. Tipid na tipid pa 'yon para lang umabot ng ilang buwan.
Niligpit ko na ang aking gamit para makalabas na. "Ilaw, gusto mo ng kape?"
Sa bahay hindi ko lang iniinom ang kape. Madalas kapag wala kaming ulam ay sinasabaw ko 'yon sa kanin para gawing ulam. At wala nga akong dalang baon na ulam dahil ang itlog na binili ko kanina ay iniwan ko para sa anak ko. Kahit hindi na ako makakain basta busog lang ang anak ko. May asin akong binaon kanina at iyon ang gagawin kong ulam. Kahit sobrang kape lang ang ibibigay ni Sir Isidro ayos na rin 'yong gawing ulam para sa pananghalian mamaya. May pera naman akong nilaan para sa ulam ko pero bente pesos lang. Kahit bente parang ayaw kong igastos para sa ulam ko kaya nagbaon pa rin ako ng asin. Sa locker area lang din naman ako kumakain.
"Ayaw n'yo na po ba?"
"Ayoko na. Marami pang laman 'to. Wala namang rabies ang laway ko. Proven and testes mo naman 'yon,"
Malakas na napaubo si Zandro. "Kung ayaw mo po pwedeng akin na lang po 'yan?"
"Ang kuripot naman. Tira- tira pa ang ibibigay," dapat sana ay pabulong lang 'yon pero rinig na rinig ko pa rin. Tumayo si Sir Isidro upang ibigay sa akin ang kape niya.
"Here this is yours. You love to drink coffee? Next time we'll order two,"
Nang kinuha ko ang kape ay medyo marami pa nga ang laman nun. "Salamat dito, Sir!"
Uulamin ko lang ang starbucks na kape.
Dumating ang oras para sa pananghalian namin. Nagpaiwan ako sa loob ng locker area. Doon ako umupo sa pinakasulok. Nilabas ko ang aking baong kanin at binuhos doon ang kape. Nakaka- apat na subo pa lang ako nang biglang may pumasok sa loob. Nabitin ang isang kutsarang kanin na isusubo ko sana.
"What are you doing? Oh god, why are you eating here?"