"Ano po ang nangyayari sa labas?"
Kagigising ko lang. Ang una kong ginawa ay kunin ang telepono ni Jax. iche-check ko sana kung mayroon siyang mensahe dahil nasanay akong kausap siya sa magdamag. Nakalimutan ko na wala na palang baterya iyon. Pagkalabas ko sa kwarto naabutan ko ang mga magulang sa sala. Nakasuot ng kapote na lumabas si tatay, si nanay ang napagtanungan ko.
"Nagka-land slide! Naharangan ang daan papasok rito! Wala tayong daraanan kung sakaling hindi tumigil ang ulan at magbaha!" May pangamba sa boses niya ngunit hindi naman umabot sa punto na nagpapanik.
"Po?"
Lumapit ako sa bintana at sinilip ang ginagawa ni tatay sa labas. Inaayos niya ang bubong namin na nasira yata ng malakas na hampas ng puno. Nakakatakot ang galit na ulan. Marami ang tumamang bagyo sa lugar namin ngayong taon ngunit ito na ang masasabi kong pinaka malakas.
"Hindi po ba tayo pwedeng dumaan sa kabila, Nay? Mas malayo pero wala naman po yatang sagabal sa daan?"
"Pwede nga. Pero hindi sila magpapadala ng mga sasakyan rito kung wala pa namang sinasabi ang punong opisyal."
Nag-aalala ko siyang tiningnan na naging abala sa paghawi ng kurtina ng bintana na nababasa. Malayo ang kabilang daan. Kung magkakaroon ng emergency, matatagalan silang makarating dito. Wala kaming sasakyan. Mahihirapan din ang kalabaw sa malakas na bagyo kung gagamitin ito upang makaalis.
Ang daan papunta kina Jax ay naharangan ng bumagsak na lupa. Maputik iyon at hindi kaagad maaalis kaya't walang makakaraan na tulong papunta rito mula sa kanila. Hindi ko rin siya nakakausap dahil naubusan ng baterya ang telepono niya kahapon.
Inutusan ako ni nanay na bumalik sa kwarto at mag-ayos ng ilang gamit. Paghahanda na rin kung sakaling kailanganing lumikas. Nakabukas na ang tv sa sala sa muli kong paglabas. Ibinabalita roon ang lagay ng mga apektadong lugar. Kasama na nga roon ang sa amin at ang daan na nabarahan ng malalaking tipak ng putik na bumagsak.
Tahimik kong kinalma ang sarili at naupo sa sala, sa tapat ng tv. Nakabantay ako sa balita habang abala ang mga magulang sa pag-aayos ng bahay. Bukod sa malakas ang ulan, sobrang lakas din ng hangin. Napapatingala ako sa yero naming bubong sa tuwing tumutunog iyon na para bang isang pako na lang ay tatangayin na ito ng hangin.
"Apo ba iyon ng Senyora?"
Mula sa pagtingala sa mga yero ay napunta kay nanay ang tingin ko. Sa telebisyon nakatutok ang mga mata niya. Pagbaling ko roon ay lugar namin ang nasa balita. Ang malaking tipak ng putik na nakaharang sa daan ay pinagtutulungan na alisin ng mga tao.
Nagbabadya na ang pagbaha. Tinaasan na rin ng opisyal ang alerto sa aming lugar at nagpadala na ng mga maaaring sumundo para sa paglikas. Pero kung hihintayin namin iyon baka maabutan na kami ng pagbaha. Kaya siguro nagtulong tulong na ang ibang tao upang maalis na ang nakaharang na putik sa daan kahit delikado at malakas pa ang ulan.
"Nasaan po?" Nagtatakang tanong ko dahil si Jax lang naman ang apo ng Senyora na narito.
"Nadaanan ng camera 'yong apo ng Senyora!" Saad niyang mariin ang titig sa tv, inaantabayanan na muling lumabas si Jax.
Kumunot ang noo ko. Paano mapupunta si Jax diyan? Hindi mo nga mapapaglinis iyon sa mansion at masama pa ang loob nang atasan kami ni Mrs. Montemayor na linisin ang isang kwarto noon sa paaralan. Nilingon ko si nanay at inilingan siya. Nasa telebisyon ang mga mata niya, samantalang nakatingin ako sa kanya.
"Baka nagkamali lang po kayo. Hindi po iyon mapupunta diyan. Maarte sa katawan iyon-"
"Hindi! Iba ang itsura ng apo ng Senyora! Wala naman iyon magiging kamukha rito dahil dayuhan ang pigura niya! Mas gwapo rin kumpara sa mga nakatira rito!"
"Baka tauhan po ng mga taga balita? Taga-maynila? Mga dayo? Tumulong na po siguro-"
"Ayan! Tingnan mo! Hindi ba't siya iyan!" Tinuro niya ang tv. Tuwang tuwa dahil napatunayan sa akin na totoo ang sinabi niya.
Salubong ang kilay kong ibinalik ang mga mata sa tv. Kinukuhanan ng camera ang mga nagtutulong tulong na tao na maalis ang putik sa daanan. Hanggang sa tumutok ang camera sa partikular na lalaking naroon. Nanlalaki ang mga mata ko at hindi makapaniwalang napanganga. Napa-angat ako sa upuan at kulang na lang ilapit ko ang mukha sa screen para makasigurado sa nakikita.
Mayroong hawak na pala si Jax. Naglalabasan ang muscles nito sa mga braso sa bawat pagpala niya sa putik paalis sa daan. Marumi ang suot nitong puting damit na naputikan. Bakat na rin doon ang kanyang katawan. Basang basa sa ulan at walang kaalam alam na nakatutok sa kanya ang camera ng babaeng news anchor na kasalukuyang naroon. Lumapit ang babae sa kanya at balak yatang interview-hin siya.
Napasimangot ako at naikuyom ang kamay. Sa pamumula ng babae alam kong natipuhan nito si Jax. Napairap ako at sumandal sa likod ng upuan. Naghalukipkip ako at nanliliit ang mga matang naghihintay sa gagawin ni Jax.
Maganda ang news anchor na ito at sikat. Bata pa lang ngunit malayo na ang narating. Dahil siguro magaling itong magbalita bukod sa maganda nitong katawan at mukha. Sa palagay ko nga'y magka-edad lang sila ni Jax.
Napabuga ako ng hangin at patagong nagngitngit nang hawakan nito sa braso si Jax. Nahinto si Jax at naagaw ng babae ang atensyon niya.
Nagkatitigan sila!
Nag-usap sila!
Napalunok ako at tila gusto ko biglang sumugod doon! Mapapahamak na ang mga tagarito nagawa pa talaga nilang maglandian?! Sa harapan ko pa?! Sa tv pa talaga?!
Umigting ang panga ko at unti unting nagliliyab sa upuan. Pasimple akong nagagalit dahil ayokong makahalata si nanay sa aking tabi. Nakahalukipkip ako at patapik tapik ang kamay sa braso. Ang isang paa ko'y patapik tapik na rin sa sahig. Kung pwede lang akong pumasok sa loob ng tv, siguro pinag-umpog ko na sila.
Nabawasan lang ang init ng ulo ko kay Jax nang makitang ilingan niya ang babae. Inalis niya ang kamay nitong humawak sa braso niya. Mayroon siyang sinabi sa camera man bago nawala sa kanya ang camera. Napangisi ako at napairap sa hangin dahil sa pagkapahiya ng babae. Lumayo ang babae sa kanya at iba ang kinuhanan ng pahayag.
"Buti nga sayo..." bulong bulong ko habang nakatitig sa magandang news anchor na nasa tv. Pabalik balik ang sulyap nito kay Jax kahit mayroon ibang ini-interview.
Tumayo ako nang tawagin ako ni nanay para tumulong sa pag-aayos ng mga gamit. Habang nagsisilid ng ilang gamit sa bag, kinain ako ng pag-aalala kay Jax. Naputol lang ang pag-iisip ko nang sigawan ako ni nanay sa kwarto mula sa sala. Kusa ang pagbilis ng t***k ng puso ko nang isigaw nitong nasa labas si Jax.
Tumayo ako para sumilip sa bintana. Kausap ni Jax si tatay sa kahoy na gate namin. Papadilim na ang langit at mas magiging delikado kung maaabutan kami ng gabi.
"Kumilos ka na, Clementine!"
"Opo!"
Tinanggal ko ang tingin kay Jax at tumalima sa utos ni nanay. Inayos ko ang mga damit at ilang mga importanteng gamit sa bag pero hindi ko muna iyon dinala.
Hindi na ako nagpaalam. Kumuha ako ng payong at lumabas. Tinakbo ko ang distansya ng bahay at gate. Kulay puti ang damit niya na naputikan kaya't malayo pa lang kitang kita ko na ang dumi doon. Mas maputik itong tingnan ngayon kaysa kaninang nasa tv siya.
Tumigil ako sa gilid ni tatay, medyo malayo kay Jax. Awtomatikong lumipat sa akin ang mga mata ni Jax kaya't napabaling din sa akin si tatay.
"Sa mansion muna nila tayo. Pinapalikas daw tayo ng Senyora doon," si tatay at umatras ng isang hakbang. "Pumasok ka na rin sa loob. Aayusin ko ang mga gamit roon para makaalis na tayo."
Tinanguan ko si tatay. Sinundan ko ng tingin ang likod niya hanggang sa makapasok siya sa bahay. Abala sila sa pag-aayos ng mga gamit kaya nagawa kong lapitan si Jax at payungan siya. Bahagya siyang yumuko at tinulungan ang sarili na sumilong sa akin. Hanggang dibdib ko ang gate na kahoy samantalang lumagpas lang iyon ng kaonti sa bewang niya.
"Gaano ka na katagal sa ulanan?" Nag-aalalang tanong ko.
Nangungulay violet na kasi ang labi niya. Hindi magiging ganito ang kulay nito kung ngayon lang siya nabasa ng ulan. Alam kong tumulong siya sa pag-alis ng mga putik pero hindi ko alam kung gaano na siya katagal roon bago dumating ang mga nagbabalita.
"Apat? Lima? Anim na oras? Hindi ko sigurado. Tumulong akong alisin ang mga putik sa daan para makapunta sayo."
Nag-aalala ako at gusto kong magalit sa kanya. Paano kung napahamak siya?
"Delikado iyon Jax. Paano kung may bumagsak ulit at naroon ka?"
Salubong ang kilay ko at gusto ko siyang sermunan. Naawa nga lang ako dahil sa itsura niya kaya hindi ko na ginawa.
"Mas delikado kung hindi kita mapupuntahan. Lalakas pa itong ulan. Nag-aalala ako na ma-trap kayo at hindi makaraan. Hindi ka na rin kasi nagreply."
Pinagmasdan ko ang tubig na bumabagsak sa buhok niya. Binabasa niyon ang kamay kong nakahawak sa gate. Ang mahahabang pilikmata niya'y basang basa rin. Sa bawat kurap niya'y may nalalaglag doon na tubig. Sinuklay niya ng mga daliri ang kanyang basang buhok upang mapunta sa likod iyon at hindi ako matuluan. Pagkatapos ay hinilamos niya ang isa niyang kamay sa kanyang mukha para mawala ang tubig ulan at makita ako ng maayos.
"Nawalan kasi ng battery ang cellphone mo. Wala naman akong charger..."
Tumango siya't ipinatong ang isa niyang kamay sa kamay kong nakahawak sa payong. Dalawa na kaming nakahawak doon. Nagkatitigan kami. Sa tingin ko alam niyang iyon ang dahilan kaya hindi na ako matawagan at makapag-reply sa kanya.
"I was worried but I'm here too because I want to see you," humigpit ang hawak ng kamay niyang nasa ibabaw ng kamay ko na nakahawak sa payong.
Nahirapan akong huminga. Hanggang ngayon hindi ako makapaniwala na boyfriend ko siya. Na narito siya sa harapan ko, sinugod ang ulan, nag-alis ng putik sa daan para mapuntahan ako dahil nag-aalala siya. Ang sarap sa pakiramdam na may taong nag-aalala para sa kaligtasan ko.
"Pagkagising ko, ibinalita sa akin ni lola ang nangyari sa daan papunta sa inyo. Natakot ako. I thought you might get hurt and scared. Sinama ko ang mga tauhan ni Lola para tulungan ako na makatawid papunta rito..."
Napangiti ako pero hindi pa rin napapalis ang pag-aalala ko na baka magkasakit siya dahilan ng pagkababad niya sa ulanan. Inangat ko ang isa kong kamay at hinawakan siya sa pisngi. Sobrang lamig niya. Nagkatinginan kami. Napalabi siya at nangingiti ang mga mata. Itinaas niya rin ang isa niyang kamay. Hinawakan niya ang pulso ng kamay kong nasa pisngi niya. Inalis niya iyon doon at hinalikan ang palad ko.
"Baka magkasakit ka, Jax. Pumasok ka na sa loob ng sasakyan mo at magpalit ka ng damit."
Namamangha niya lang akong tinitigan at kinagat ang ibabang labi niya.
"Nag-aalala ka na magkasakit ako?" Nangingiti siya at bahagyang inilapit sa akin ang mukha.
"Siyempre..." Lumabi ako.
"Kapag nagkasakit ba ako, aalagaan mo ako?" Nangingisi na tanong niya.
Napangiti ako. "Siyempre..."
Lumaki ang ngisi niya. "Dito lang ako sa ulan. Gusto ko magkasakit-"
"Tigilan mo nga!" Hinampas ko siya sa tiyan.
Natawa siya. Natawa na rin ako.
"Pwede ba akong pumasok? Tulungan ko na kayo sa dadalhin niyo?"
"Hindi na! Kaonti lang ang gamit namin! Kaya na ni tatay iyon! Pumasok ka na sa sasakyan mo at magpalit ka kaagad ng damit!"
Tinulak ko siya sa dibdib at pinilit na magpalit ng damit sa sasakyan. Pagkapasok niya saka ako bumalik sa bahay. Palabas na sila nanay pagkapasok ko. Tinakbo ko ang bag na dadalhin ko sa kwarto. Pagkalabas ko ulit, diretso na kami sa sasakyan ni Jax. Malinis na ang suot niya. Sinunod niya ang sinabi ko na magpalit ng damit.
Habang nasa loob ng sasakyan nakita kong marami nga ang tauhan nila na narito. Maging sina Harry sa mansion din pansamantalang tutuloy. Pinanuod ko silang sumakay sa ibang sasakyan. May mga hayop rin na nilikas sa malaking track.
Nasa back seat kami ni nanay at nasa front seat si tatay, katabi nito si Jax. Nagtama ang mga mata namin ni Jax sa rear-view mirror. Hindi siya nagsalita ngunit nabasa ko sa mga mata niya na gusto niya akong katabi.
"Ang Lola mo ba ang nagpasundo sa amin?"
Nahiwalay sa akin ang mata niya. Hinarap niya si tatay nang kausapin siya nito.
"Opo, Tito," magalang na sagot niya kay tatay at nagsimula nang mag-drive.
"Tumulong ka pala sa pag-alis ng mga putik na bumagsak? Napanuod ka namin ni Clementine!" si Nanay na hindi maitago ang katuwaan sa boses. Na para bang isang karangalan ang makita sa tv.
Natatawang sinulyapan ni Jax sa backseat si nanay. Nang magawi ang tingin niya sa akin, namula ang tenga niya. Napalabi ako at gusto kong matawa. Hindi niya yata naisip na nakita siya sa camera. Live ang pag-broadcast kaya kahit pinatigil niya ang camera man nang mahuli niyang kinukuhanan siya'y huli na.
"Opo, Tita. Para po mas mabilis maalis at mapuntahan ko... mapuntahan namin ang mga tagarito," nagkatinginan kami bago siya nahihiyang kumamot sa kanyang batok at ibinalik ang tingin sa kalsada.
Napapadalas ang sulyap ko sa rear view mirror. At sa tuwing napupunta ang mata ko roon, nagkakatinginan kami ni Jax na para bang sabay kaming napapatingin sa isa't isa.
Nag-iwas ako ng tingin. Umusog ako at nagtago para hindi niya makita. Baka kasi makahalata si nanay sa tabi ko. Isa pa, maputik sa daan at baka maaksidente pa kami sa ginagawa niyang pagsulyap sulyap sa akin.
Pagkapasok sa mansion, pababa ang Senyora sa hagdan para salubungin kami. Nag-utos siya sa mga katulong na samahan kami sa mga tutuluyan namin na kwarto.
Nakapamulsa lang si Jax at nakasandal sa railing ng hagdan. Nasa akin ang mga mata niya nang madaanan ko siya sa hagdan. Mariin ang titig niya ngunit hindi nagtangkang lumapit dahil nasa tabi ko sila tatay.
Naramdaman ko ang pagsunod niya sa aking likuran. Binagalan ko ang pag-akyat. Nakatingala ako at hinintay kung napansin ba ng mga magulang ang sadya kong pagpapa-iwan. Nang makitang diretso lang silang nakasunod sa mga katulong, nilingon ko si Jax na nasa gilid ko na. Titig na titig siya sa akin.
"Two days, seventeen hours, two minutes, and fifty seconds..." Pabulong na sabi niya habang sinasabayan ako sa mabagal na paghakbang.
"Hmm?" Naguluhan ko siyang tiningnan.
"That's the exact days and time I didn't see you..."
I was taken aback with his words. Kung hindi ko pinilit ang mga paa baka natigil na ako sa paghakbang.
"Binilang mo?" Pinamumulahan kong tanong.
"Yes, because I miss every inch of you every millisecond."
Bumilis ang hampas ng dibdib ko at naiwang naka-awang ang bibig. Ang hinliliit na daliri niya'y pasimpleng kinuha ang hinliliit ko.
Nanlaki ang mata ko. Binawi ko iyon at ikiniling ang ulo upang tingnan ang mga nasa likuran. Nakayuko sila at nasa paghakbang sa hagdan ang mga mata.
Nakagat ko ang ibabang labi ko at nawala ang kaba na may makakita sa ginawa ni Jax. Pagbalik ko ng tingin sa katabi'y nakatitig sa labing kagat kagat ko ang puno ng emosyon na mga mata niya.
"Jax," pabulong na saway ko sa kanya pagkabitaw sa aking labi. Umakyat sa mga mata ko ang titig niya.
"Let's meet after dinner. Go out of your room at seven, I'll bring you the charger."
"Okay." Pagkatango ko, nanguna siya sa pag-akyat at kinausap si tatay.