I have lost the opportunity to say it back. Wala na akong ginawa kung hindi ang umiyak ng umiyak. Lumaki na ng lumaki ang bikig sa lalamunan ko at nabarahan na ang salita. Sinabi ko kay Irene na sasabihin ko iyon kahit ako na ang mauna. Pero naunahan niya ako at ang malala pa ay hindi ko iyon nasabi pabalik hanggang sa buhatin niya ako at makatulog ako na umiiyak. I badly want to tell him that I love him. But I want to tell him that at the perfect time like how perfect last night was.
"Don't disturb her. She's still asleep..."
May ingay akong narinig. Hindi ko pa sigurado kung saan nanggaling at sino ang kausap ngunit kahit tulog pa ang kalahati ng diwa'y kabisado ko ang boses ni Jax. Marahan akong dumilat. Hanggang ngayo'y ramdam ko ang hapdi sa aking mata gawa ng aking pag-iyak magdamag. Namulatan ko ang likod ni Jax. Nasa pintuan ito at nakaharang.
"Alam kong tulog! Kaya nga gigisingin ko! Gigisingin ko ba iyan kung gising na siya!" Boses ni Irene.
Umupo ako. Bago ko pa masilip si Irene na nahaharangan ng malaking katawan ni Jax ay naitulak na siya nito palabas at naisara na nito ang pinto sa pagmumukha niya. Kinalabog ni Irene ang pintuan at mula sa labas ay nagsisisigaw.
"Tanghali na! Kung hindi gigising si Clementine iiwan na namin kayong dalawa!"
"You will not be allowed in there without me. Bababa kami pagkagising niya-"
"Clementine!" Sabay mas malakas na kalampag ni Irene sa pinto.
May kasamang gigil ang hampas niya. Sa lahat kasi siya ang pinaka-excited nang banggitin ni Jax na ang balak niyang itinerary ng mga ito ngayong huling araw ay ang pag-go-golf sa exclusive place sa Tagaytay. Sinabi ni Jax ang lugar ngunit kahit mauna sila'y hindi sila makakapasok kung wala si Jax. Dahil si Jax ang member na golfer doon at hindi kami.
"Damn it..."
Nagmura si Jax at binutas ng masamang tingin ang pinto. Nag-aalala niyang nilingon ang kama kung nasaan ako. Nag-aalala siyang magising ako sa ingay ni Irene kaya nang malingunan akong gising na at nakaupo na sa kama ay lalong gumuhit ang gatla sa kanyang noo.
"Si Irene iyon? Nandito sila?" Paos kong tanong. Masakit ang lalamunan ko.
Bumaba ako sa kama. Lumapit ako sa kanya upang hawiin siya at makita kung sino ang mga narito. Nasa sala ang lahat ng kagrupo namin at pinakikialaman ang mga kagamitan ni Jax doon. Ang iba ay tumatalon pa sa malambot na couch habang nakaupo. Si Coach at Peter lang ang hindi magulo. Nag-uusap sila sa tabi ng salaming pinto palabas sa pool. Maaaring nakita nila ang nagkalat na petals ng mga bulaklak doon at kandila na pinatay na ng ihip ng hangin.
"Bakit hindi mo ako ginising?" Lingon ko sa kanya.
Binalingan ko ang orasan. Alas diyes na. Mag-aayos pa ako at babiyahe. Huling araw na namin ito at napag-usapan namin ni Irene na susulitin namin ang araw na ito bago bumalik sa Mindoro. Inisip niya siguro na pagod ako sa pag-iyak. Nakagayak na siya. Nakakahiya na ako na lang ang hihintayin ng mga narito. Pinanliitan ko siya ng mata. Nang maalala ang kagabi, sabay kaming napangiti sa isa't isa. His confession last night sending me a rush of euphoria until at this moment. Sinupil ko ang ngiti ko sa pamamagitan ng pagkagat sa aking ibabang labi.
"Maliligo lang ako. Bumaba ka na roon. Pag-almusalin mo na lang muna sila habang nag-aayos ako."
Lumakad sa aking labi ang mga mata niya nang kagatin ko ulit iyon. Habang nasa labi ko ang mga mata niya, napakagat din siya sa ibabang labi niya.
"Okay..."
Ngumisi siya. Lumapit siya sa akin. Humawak siya sa gilid ng aking bewang. Binaba niya ang kanyang mukha. Bibigyan niya ako ng halik kung hindi lang kumatok si Irene sa salamin na dingding ng kwarto. Naitulak ko si Jax bago pa niya maabot ang labi ko. Tinaasan ako ng kilay ni Irene. Nangungusap ang mga mata nito na parang sinasabi sa akin na inuuna ko pa ang landi. Nang makitang nakatingala ang mga kasama namin sa ibaba, nagmadali na akong pumasok sa banyo.
Hindi ko inasahan na mag-e-extend kami rito. Naubusan tuloy ako ng damit. Puting dress shirt na ni Jax ang isinuot ko. Naisuot na niya ito kahapon ngunit sobrang bango pa rin. Marami siyang damit sa cabinet at pipili na lang ako pero ito ang gusto ko dahil naghalo na rito ang pabango niya at natural niyang mabangong amoy. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganoon. Ang sarap lang sa pakiramdam at nakakakalma sa tuwing kumakapit sa akin ang kanyang amoy.
Maluwag iyon sa manggas at sa aking bewang. Tinupi ko na lang ang manggas at ginamitan sa bewang ng dala kong manipis na pambabaeng sinturon upang bumagay sa isusuot kong puting rubber shoes. Pagkabukas ko pa lang sa pinto ng kwarto, nasa akin na ang mga mata ni Jax. He intently stared at the clothes I was wearing. His lips were slightly parted. He looked amazed. Nang magtama ang mga mata namin, sinara niya ang kanyang bibig at ngumisi siya. Nasa mataas siyang upuan ng island counter. Bumaba siya roon at sinalubong ako. Mapang-angkin niyang inilagay ang isang braso sa aking bewang paikot sa aking likod. Dumampi ang labi niya sa sintido ko. Wala siyang pakialam sa mga matang nanunuod.
"What do you want for breakfast? Ipagluluto kita. I could cook anything fried."
I caught a glimpse of our groupmates. Puro pinirito nga ang nakahain sa kanila. Nakatanghod silang lahat sa amin. Si Irene na inagaw ang hotdog ni Peter ay nakataas ang kilay na nakatingin sa amin ni Jax habang kumakagat. Samantalang ang iba ay natigil na rin sa pagkain para lang panuorin kami. Kahit alam na nila, may parte pa rin sa kanila na hindi makapaniwala. Marahil ay hanggang ngayon ay nagtataka sila sa biglaang pagbaligtad ng mundo namin ni Jax. Kulang na lang noon ay saksakin ko siya. Ngayon, ako na ang nagpapasaksak sa kanya.
"Hindi na, Jax. Anong oras na rin. Sa sasakyan na lang ako kakain," mahinang turan kong nakatingala sa kanya.
Tinanguan niya ako. Lumayo siya sa akin upang lumapit sa fridge. Binuksan niya iyon at naglabas ng ilang ready to eat na pasta na galing sa kilalang cafe. May sandwich din. Nakasunod ang mata sa kanya ng lahat hanggang sa maipasok niya iyon sa built in microwave upang initin. Normal lang ang kilos niya samantalang nagpipigil na akong mamula ng husto. Hindi talaga ako sanay na inaasikaso niya ako sa harapan ng marami. Wala siyang sinabi ngunit alam kong para sa akin iyon. Para mabaon namin at sa sasakyan ko kakainin.
Nakatingin sa kanya ang lahat ngunit mga nagsi-iwas nang gumalaw ang ulo ni Jax. Bumaling siya sa akin. Ngumiti siya sa akin bago muling yumuko at ibinalik ang mata sa microwave. Umatras siya't nakahalukipkip na sumandal sa gilid ng kitchen island. Nakatitig siya sa microwave. Nang tumunog iyon, kumilos siya. Inilabas niya ang pagkain at niyaya na ang lahat na umalis. Hindi niya pinahawak sa akin ang pagkain dahil mainit ang lagayan. Siya ang nagbukas niyon. Siya na rin ang nagsubo sa akin. Sa buong biyahe ganoon ang nangyari. Dalawa kaming kumain ng dala niya at wala siyang inalok maski isa sa aming mga kasama.
After a long drive and after arriving in Tagaytay, we stopped in front of the guard house. Kakilala na si Jax. Binuksan niya lang ang bintana upang kawayan ang guard ay pinapasok na kami kaagad. Pagkapasok pa lang halos dumikit na ang mukha ko sa bintana ng sasakyan. Kulay luntian ang buong paligid dahil sa mga puno at damo. Lahat ng dinaraanan namin ay mayroon no'n. Tatlo o limang guard house ang dinaanan namin bago lumitaw ang pangalan ng buong lugar. Sa pangalan pa lang ng lugar, alam ko nang nasa mataas kaming lugar.
Ang mga kasama namin, kuha na ng kuha ng picture. Ako, ginagala lang ang tingin at binubusog ang mga mata. Sa gitna ng luntiang paligid ay lumitaw ang mga real estate. Mayroon mga bahay at mayroon mga building. Kahit ganoon ay hindi mai-alis ang payapang ambiance rito. Marahil ay dahil kahit mayroon mga building at bahay ay mas marami pa rin ang mga puno. Tumigil ang sinasakyan namin nang nasa harapan na ng isang building doon.
"Akin na," si Jax sabay agaw sa dala kong bag bago bumaba ng sasakyan.
Ang lahat ng gamit namin ay narito na. Kanya kanya na sila ng baba ng bag at bitbit ng gamit. Mamayang gabi kasi'y babiyahe na kami pabalik sa Mindoro. Nakasunod kaming lahat sa kanya papasok. Walang humarang sa kanya, mayroon lang ilang bumati. Nginitian niya lang ang mga ito at nagdire-diretso na siya sa elevator.
"Oh my god! Ang ganda!" Si Irene iyon na tila hindi nauubusan ng baterya ang telepono at panay ang picture.
Pagkapasok pa lang sa apartment ni Jax, hindi nila naitago ang singhap. Hindi sila pinagalitan ni Jax kahit tila mga bata silang pinakialaman ang mga gamit doon. Malaki ang apartment niya at ang teresa ay nakaharap sa bulkang taal at buong taal lake. Malaki at paikot ang teresa niya kaya naman mula rin dito ay tanaw ang buong eksklusibong lugar. Bukod dito ay mayroon ding mga building sa ibaba. Mayroon mga bahay at mga establisyemento na mga kainan. Mga spa at iba pa. Sobrang lawak ng lugar lalo na ang malaking parte ng field na sa palagay ko ay ang golf course. Sa field ay mayroon dalawang golf cars na umaandar. Maaaring ang lulan nito ay mga naglalaro ng golf sa ibaba.
"Let's eat lunch first?"
Bumalot ang mainit na katawan ni Jax sa aking likuran. Sinundan niya ako sa teresa. Nagustuhan ko ang hangin dito kaya nagpaiwan ako kay Irene nang magyaya siyang pumasok sa loob. Kiniling ko ang ulo ko upang lingunin si Jax.
"Saan?"
"I made a reservation at the clubhouse. Tinawagan ko. Hinahanda na nila ang pagkain ngayon."
Hindi na ako nagsalita. Tinanguan ko siya. Nginitian niya ako at hinila paalis sa teresa. Niyaya niya ang mga kasama namin at muli kaming lumabas. Nagsasakyan pa kami dahil malaki ang lugar at mapapagod kaagad kung lalakarin kahit ang sabi ni Jax ay malapit lang naman.
Pagkababa sa sasakyan, panibagong singhap ang narinig ko mula sa kanila. Ang clubhouse rito ay parang malaking modernong mansyon. Malalaki at magagara ang disenyo ng pundasyon. Mayroon pool sa harapan at mababang hump bridge. Sa kabilang banda ay ang three sixty view na katulad sa apartment ni Jax. Matatanaw ito habang kumakain.
Sa gitnang parte ng clubhouse nagtungo si Jax. Wala itong pintuan at parang gazebo na sobrang laki. Mayroon lamesa at mga upuan na nakaayos doon. Mayroon mga puting sapin. Sa isang tabi ay ang pahabang lamesa na mayroon mga stainless roll tap chafting dish na makikita lang sa mga buffet. Mga nakasara iyon ngunit alam kong ulam ang laman. Sa tabi nito ay ang mga nakatayong de-uniform na mga tao na sa palagay ko ay ang mga waiter at waitress nitong clubhouse. Mayroon din dalawang nakasuot ng pang-chief na nagluluto ng iba't ibang uri ng steak.
"Dito tayo kakain?" Nagtatakang baling ko kay Jax dahil walang tao rito at kami lang.
Tumango siya. Nakita niya ang pagpasada ko sa kabuuang ayos ng buong lugar.
"Did you like it? I reserved it last night."
Kumunot ang noo ko.
"Last night? Bakit ang dami ng pagkain? Sa atin itong lahat?"
Tumango siya. Nagkatinginan kami. Nagtataka pa ako nang una kung bakit ganito karami ang putahe at mga mamahalin ang pagkain kung lunch lang naman. Nakaayos pa ang buong lugar na animo'y may dinadaos na okasyon. Naintindihan ko lang nang bumaba ang mata niya sa magkahugpong namin na mga kamay na parehong mayroon suot na singsing.
Nagsimula na naman na magbara ang lalamunan ko. Pag-angat ng mukha niya, nahuli ko ang mariin niyang titig. Para sa kanya ay totoong kinasal kami kagabi kaya't kailangan ay mayroon reception para sa kainan. Lumabi ako at kahit marami nang nai-iyak kagabi'y nagsisimula na namang mag-init ang mga mata ko.
"Saan nanggaling itong singsing? Nakatago sayo?"
"Before we jump, I bought a ring..."
All of a sudden, I remembered the day we jumped off the cliff. Noong araw na tanungin niya iyon habang kasalukuyan na nahuhulog kami, nakabili na siya ng singsing?
"When I asked you if you would marry me, if you answered yes, I was so ready to marry you the next day."
Nanginig ang labi ko na nakanguso. Naiiyak na naman ako. Bakit pakiramdam ko sa aming dalawa ako ang mas maswerte? Wala akong mai-offer sa kanya habang siya, ino-offer niya sa akin ang buong mundo niya. I have nothing to give, even so, he values me above everything else.
"We have no engagement ring. Ang plano ko kasi kapag pumayag ka, pakakasalan na kita. Hindi na kailangan ng engagement."
Mariin akong napakagat sa ibabang labi ko. Pailalim ko siyang tiningnan ng masama. Saan niya ba nahuhugot 'yang mga salita niya? Humigpit ang hawak ko sa kanyang kamay. Takot na takot akong bitiwan siya. Baka kasi hindi siya totoo. Nang ngumiti siya, natanto ko na hindi siya mawawala kahit bitiwan ko siya. Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Gamit isang kamay, hinampas ko siya ng malakas sa dibdib. Kasabay niyon, bumagsak na naman ang luha ko. Narinig ko siyang mahinang natawa bago ko naramdaman ang braso niya na niyakap ako.
"Bakit palagi kang umiiyak? Hindi ko tuloy alam kung malungkot ka ba o masaya." Tumawa siya.
Kinurot ko siya sa braso. Malakas ulit siyang tumawa. Nakalapat pagilid sa dibdib niya ang mukha ko. Ang isang braso niya'y nasa aking katawan. Ang isang kamay ay ginamit pamunas sa luha ko. Ang mga kasama namin wala nang pakialam sa aming dalawa dahil maraming pagkain at hindi sila magkandatuto kung ano ang uunahin nila.
They rested after eating lunch. Nagsikilos lang nang yayain na silang mag-golf ni Jax. Bumalik ang excitement nila na nakalimutan panandalian dahil sa mga pagkain na nakahain sa kanila kanina. We went to the golf course. Seven uniformed caddies assisted us. Sila ang nagturo ng tamang posture sa mga kasama namin. Samantalang si Jax naman sa akin.
Akala ko nang una ay lalandiin ako ni Jax lalo at nasa likuran ko siya at nararamdaman ko siya sa aking pang-upo. Mabuti naman at matino niya akong tinuruan. Natapos kami na panay bulong niya sa tenga ko ngunit walang hipuan na naganap.
Tanghali na kami nakaalis kaya't kapos na kapos ang oras para sa kanila. Ayaw pa nilang umuwi. Kaya lang, may pasok na bukas at hindi na pwedeng ipagpaliban ang pag uwi ngayong gabi. May iba pa kaming mga napuntahan, tulad ng bowling center at mga indoor and outdoor activities. Hindi nga lang nagtagal at parang naging tour na lang ang nangyari.
"You agreed last night. Does that mean you agreed to marry me? Hindi na kailangan maghintay ng tatlo o limang taon?"
Nasa pier na kami nang itanong iyon ni Jax. Walang ibang pasahero rito kung hindi kami lang ng mga kasama namin. Hindi ko alam kung nirentahan ni Jax o siya ba ang may-ari nito. Nasa loob ang lahat. Kami ni Jax ay nasa railing. Nang papunta kasi'y gusto kong sumilip dito ngunit binawal niya ako. Kaya lang niya ako hinayaan ngayon dahil kasama ko siya.
Pakagat pa lang ang dilim. Sakto ang uwi namin sa paglubog ng araw. Nang lingunin ko siya'y iba na naman ang kulay ng mga mata niya. Ang kulay clementine na araw ay nagre-reflect sa kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Umikot ako. Tinalikuran ko ang magandang tanawin at hinarap si Jax. Kahit hindi ko tingnan ang araw, para ko na rin 'yong nakita dahil sinasalamin ito ng kanyang mga mata. Ngayon ko lang na-appreciate ang totoong ganda ng araw dahil naroon ito sa mga mata niya.
Hindi pa namin nakakausap ang mga magulang ko. Natatakot ako na hindi nila tanggapin si Jax. Pero kung paiiralin ko ang takot, pareho kaming mahihirapan ni Jax. Kakausapin ko sila ng maayos. If they love me, I know they will understand me eventually. Ayokong dumating sa punto na kailangan kong pumili kung pamilya ko ba o si Jax. If ever they are against us, I don't want to choose between them and Jax. Dahil kahit sino ang piliin ko sa kanila, magiging masakit para sa akin iyon. I decided that it's not bad to try. I love him so I'll marry him and convince my parents that I love him. Kung makikita nila na masaya ako, alam ko na matatanggap nila.
"Papayag ba ako na isuot mo sa aking daliri ang singsing na ito kung hindi pa rin ako payag na magpakasal?" Sabi ko pagkatapos kong itaas ang aking kaliwang kamay.
Lalong kuminang ang mga mata niya. Hindi dahil sa araw kundi dahil sa sagot ko. Ang dalawang kamay niya ay nasa railing at kinukulong ako. Binaba niya ang kanyang mukhang upang i-level sa akin. Dinilaan niya ang labi niya. Nabasa iyon dahilan upang lalo 'tong pumula.
"Sigurado ka? Aayusin ko bukas na bukas ang mga papel natin kung sigurado ka na. Let's sign and then we can get married. Pirmahan muna natin saka tayo magpapakasal sa simbahan-"
"Pipirmahan muna?" Nagsalubong ang kilay ko. "Hindi ba dapat mauuna ang kasal sa simbahan at doon tayo pipirma?"
"Pwede iyon. Ako na ang bahala sa lahat. Para kung sakali na magbago ang isip mo at hindi mo ako siputin sa simbahan. Wala ka nang kawala dahil kasal na tayong dalawa."
Napanganga ako. Ako pa talaga ang pinag-iisipan niya na hindi sisipot? Pagkatapos ko siyang halikan sa stadium? Sa harapan ng maraming tao? Pagkatapos kong um-oo kagabi at umiyak magdamag? Ako nga ang dapat na matakot na hindi niya siputin!
Nanliit ang mata ko at pagilid siyang tiningnan. Ngumisi lang siya bago kami sabay na natawa. Hindi nagtagal, nang lumamig ang hangin, pumasok din kami. Hindi na siya nilubayan ng ngiti at ngisi niya hanggang sa lumitaw ang buwan at palitan ang araw.
"Tulog na ba sila? Baka pwedeng ngayon ko na sila kausapin?" Tukoy niya sa mga magulang ko.
Nasa tapat na kami ng bahay. Nakahinto na ang sasakyan ngunit hindi pa kami lumabas. Hawak niya sa dalawang kamay ang manibela. Bahagya siyang nakalapit sa bintana at sinisilip kung bukas pa ba ang ilaw sa loob ng bahay. Nakangiti akong napailing. Hindi siya mapakali kanina pa. Pagkababa pa lang sa ferry ang dami na niyang tinatawagan.
"Tulog na sila, Jax. Maaga kaming natutulog kapag normal na araw. Tatadyakan ka lang ni tatay palabas kung iistorbohin mo sila."
Nilingon niya ako. Naabutan niya akong naghuhubad ng seatbelt. Nakabukas ang ilaw sa loob ng sasakyan niya kaya't kitang kita ko na kahit magpanggap siya na matapang ay alam kong kinakabahan siya. Sumeryoso ang mga mata niya. Nakahawak pa rin siya sa manibela. Tila nakalimutan niya na 'yong bitiwan. O sadyang ayaw niyang bitiwan para may makapitan siya habang kinakabahan.
"They like me, right? The last time I talked to them, they were kind to me. Sigurado ako na papayag sila sa atin. Kung hindi naman, makikiusap ako. Kung kailangan kong lumuhod, gagawin ko."
"Hindi mo kailangan gawin iyon, Jax. You're a changed man. Wala na silang dahilan para ayawan ka."
Humalik ako sa pisngi niya at nagmadaling bumaba. Wala na siyang nagawa kung hindi panuorin akong umalis. Umikot ako sa sasakyan niya at tumakbo papuntang gate. Tumigil ako. Binalikan ko ng tingin ang sasakyan niya. Nakababa na ang bintana roon. Nagpalipad ako ng halik na nagpangiti sa kanya. Pagkapasok ko sa bahay, tulog na nga sila.
Naging mahimbing ang tulog ko sa gabi na iyon. Nagising lang ako sa mahinang katok sa pintuan. Namulatan ko ang bintana na hindi ko maayos na naisara. Maliwanag na sa labas ngunit mababa pa ang araw. Mula sa bintana ay pumapasok ang malamig na pang-umagang hamog. Amoy na rin ang sinusunog na mga tuyong dahon sa kalapit namin na bahay. Ang mga manok sa likod bahay ay nagsisimula nang tumilaok.
"Clementine..."
Nagsabay ang mahinang katok at tawag ni tatay sa likod ng pinto. Hindi nila ako naabutan kagabi ngunit nasa sala ang ilang gamit ko kaya alam ko na alam nilang nakauwi na ako. Hindi na ako nag-isip kung anong kailangan ni tatay. Agad akong umupo at bumaba ng kama. Pagkabukas ko sa pintuan, tumambad sa akin si tatay na mayroon hawak na brown envelope. Nawala ang antok ko nang iumang niya sa akin iyon.
"Ano po iyan, tay?" May pagtatakang tanong ko habang inaabot iyon.
"Hindi ko rin alam. Pinabigay lang ng senyora sa apo niya. Kagabi pa iyan. Ngayon ko lang maibibigay dahil kararating mo lang."
Naintindihan ko na galing ito sa senyora. Napaisip ako kung anong laman nito pero mas napaisip ako kung sinong apo ang tinutukoy niya. Kasama namin si Jax. Isa lang ang naman ang apo ng senyora na narito. Tila nabasa ni tatay sa mga mata ko iyon.
"Dumating ang isang apo ng Senyora. Dito mag-aaral. Ang narinig ko tapos na raw mag-aral pero makiki-sit in sa inyo. About farming ang mga subjects na papasukan. Sa palagay ko magiging kaklase mo iyon."
Hanggang sa matapos akong maligo nasa isip ko ang sinabi ni tatay. Apo ng senyora? Iyon ba 'yong Jace? Yung nakita ko noon? Ngayon pala iyon nandito? Kailan pa kaya iyon dumating? Nagbibihis na ako ng uniform nang mahagip ng mata ko ang envelope. Hindi ko pa ito nabuksan. Naligo muna ako. Muntik ko nang makalimutan kung hindi ako napatingin sa kama. Naka-wax seal iyon gamit ang tatak ng mga Valiente kaya madaling masasabi kung may nagbukas. Nakasara pa iyon kaya nasisiguro ko na hindi inalam ni tatay kung ano ang laman.
Nagsusuklay ako ng buhok na tinungo ang kama. Inabot ko ang envelope. Tumigil ako sa pagsuklay upang mabuksan. Habang binubuksan, nagtataka ako kung ano ito. Madikit ang pang seal. Medyo nahirapan ako ngunit nang tuluyang mabuksan iyon at mailabas ang laman ay pinanghinaan ako. Nagtaasan ang mga balahibo ko. Para akong hinatulan ng guilty sa masamang bagay na aking nagawa.
Ngayon ko lang ito naalala. Sa tuwing kasama ko si Jax wala ito sa isip ko. Hindi ko naalala na mayroon kaming usapan ng lola niya. Inilapag ko ang envelope sa aking hita. Ang isa kong kamay ay naitakip ko sa aking bibig. Ang isa pa ay hawak ang titulo. Naroon ang pangalan ko at nang mabasa ng mabuti saka ko natanto na ang titulo na ito ay ang titulo ng tatlumpung hektarya na ipinangako ng senyora.
Itinago ko na muna iyon sa cabinet. Pag-iisipan ko muna kung paano ko ito ibabalik. Pagkalabas ko sa kwarto naabutan ko si nanay na naglilinis ng pinggan. Nakatulala ito sa kawalan ngunit ang mga kamay ay nagsasabon ng pinggan. Paulit ulit iyon at sa iisang parte lang ang sinasabon. Lalapitan ko sana ngunit naunahan ako ng tawag nila Irene sa labas. Kasama nito sa Harry at sinusundo ako. Lumapit ako sa pinto at isinigaw kay nanay na papasok na ako. Nag-antay ako ng tugon pero patuloy lang siya sa pagkuskos ng pinggan. Nang muli akong tawagin ni Irene, tinakbo ko na ang pagitan ng bahay at gate.
Habang naglalakad, iniisip ko kung paano ko ibabalik ang titulo na iyon. Una pa lang, kahit pumayag ako sa kasunduan namin ng matanda wala naman akong balak na kunin iyon. Hindi na kami nagkausap ng senyora. Hindi ko rin alam kung may alam ba siya tungkol sa amin ng apo niya. Ngayon ko naisip na hindi lang sina nanay at tatay ang dapat na kausapin namin. Kailangan ko rin kausapin ang senyora para malaman niya na hindi ito kasunduan para sa akin. Na mahal ko ang apo niya at hindi ko kailangan ng kahit ilang hektarya.
"Anong problema ng mga iyan?"
Natigil ako sa pag-iisip dahil kay Irene. Naka-angkla ang kamay nito sa isang braso ko kaya dinig na dinig ko ang hinaing niya. Malapit na kami sa arko kung saan naghihintay si Cathy. Nakatingin si Irene sa mga nagkukumpulan na mga babae. Narinig pa namin na tumili ang isa. Mayroon itong mga hawak na compact powder. Hindi na yata umabot sa powder room at dito na sa labas mga nag-ayos.
"Anong ginagawa ng mga iyan? Aakalain mong mga Geisha at Maiko sa puti ng mga mukha!" Salubong na tanong ni Irene kay Cathy nang marating na namin ang arko.
Wala lang na nilingon ni Cathy ang mga tinutukoy ni Irene na mga tumpok ng babae. Nagsimula siyang maglakad habang sinasagot ang tanong ni Irene. Sumunod kami sa kanya. Nauuna siya ng kaonti. Palingon lingon lang siya sa amin habang nagsasalita.
"May bago kasing estudyante. Ayon kay Mrs. Montemayor, pinsan daw ni Jax. Gwapo kaya mga nagkumpulan ang mga iyan. Tingnan mo si Eloisa. Patung patong na ang lipstick sa pisngi at labi."
Nagulat ako nang mawala ang kamay ni Irene sa braso ko. Ni hindi ko nasundan ang kilos niya. Nasa harapan na ito. Nasa tabi na ito ni Cathy at sa braso na nito naka-angkla. Nahihila nito si Cathy dahil sa pagmamadali niyang pumasok. Napailing ako. Nakarinig lang ng gwapo.
Naiiwan na kami ni Harry. Pagkalagpas sa unang building may nadaanan ulit kaming grupo. Mga nakaupo sa batong benches. Hindi iyon purong mga babae. Halo iyon na mga babae at lalaki. Magkakaharap at kahit hindi kami lumapit alam namin na may mga pinag-uusapan. Hindi nakaligtas iyon kay Irene kaya muli itong nagtanong kay Cathy. Nagawa pa nitong lantaran na ituro ang grupo na iyon.
"Pati iyang mga iyan 'yong pinsan din ni Jax ang pinag-uusapan? Ganoon ba talaga kagwapo na pati lalaki nakikisali?"
Sinundan ng tingin ni Cathy ang itinuro ni Irene. Inisa isa niya munang tingnan ang mga iyon. Ang mga estudyante na ito ay galing sa mas mababang year sa amin.
"Iyang mga iyan ba? Hindi ang pinsan ni Jax ang pinag-uusapan ng mga iyan. Ang pinag-uusapan ng mga iyan si Maya."
"Si Maya? Nandito si Maya? Pumasok na?"
Tumango si Cathy kay Irene. Nanguna akong maglakad kay Harry. Sinabayan ko sina Irene at Cathy na maglakad para masilip sila. Kahit hindi kami malapit ni Maya nakaramdam pa rin ako ng pag-aalala para sa kanya. Ang huli ko kasing kita sa kanya ay noong umiiyak siya sa harapan ni Jax. Mula noon hindi na siya pumasok.
I don't know what does heartbreak feel like for a woman. Pero base sa pag-iyak niya at paghinto pansamantala sa pag-aaral, sigurado akong nasaktan siya. Ngayon na pumasok na ulit siya, siguro naka-move on na siya? Napag-isip isip niya na sayang ang oportunidad na inalok sa kanya ng paaralan sa ibang bansa. Bata pa siya. Mas bata siya sa amin ni Jax. Matalino at malayo pa ang mararating. Besides, hindi rin naman naging sila kaya't hindi ganoon kalalim ang naramdaman niya.
"Oo. Pumasok na. Ngayong araw lang."
"Ang tagal niyang hindi pumasok ah? Sigurado ako na hindi na iyan matutuloy mag-aral sa ibang bansa! Bakit ang tagal daw nawala? Nagkasakit ba?" Si Irene.
Umiling si Cathy.
"Walang sakit..." Nilingon kami ni Cathy. "Buntis..."
Nakatingin ako sa kanya. Hindi ko pa iyon agad naintindihan. Paulit ulit pa muna 'yong um-echo sa utak ko. Nang maproseso ko, bumagal ang aking paghakbang. Unti unti, umawang ang labi ko. Natulala ako hanggang sa tuluyan na akong tumigil maglakad. Kasabay nito'y huminto rin ang aking paghinga. Ang kamay ko na hawak ang aking shoulder bag ay nawalan ng lakas. Nabitiwan ko iyon. Hindi iyon napansin nang dalawa. Nagpatuloy sila sa mabagal na paglalakad. Kahit nalagpasan na nila ako naririnig ko pa rin ang pag-uusap nila.
"Buntis?! Paano?! Sinong nakabuntis?!"
Kagaya ni Irene, iyon din ang tanong ko. Ang kaibahan lang, parang alam ko na ang sagot. Bago tumigil sa pagpasok si Maya, iisang lalaki lang ang nakasama niya. May posibilidad na... I stopped thinking. I can't voice and think about it. I feel like something shattered inside me. Hindi ko maipaliwanag. Biglang may nabasag sa akin. Tumigil si Cathy sa paglalakad. Humarap siya kay Irene. Wala pang binibigkas na pangalan si Cathy, nagsisimula nang gumuho ang mundo ko.
"Si Jax daw. Ang sabi ni Maya si Jax ang ama..."