ILANG SANDALI lang ang pinalipas niya at magalang siyang nagpaalam kina Riva at Amelia. Nagpahatid na siya kay Ryan, idinahilan niyang maraming kliyente na dapat niyang harapin. Madali naman niya itong nakumbinse dahil peak season na para sa negosyong iyon. Ewan ba niya pero karamihang nagpapakasal ay mula December hanggang June.
“Ma’am, may LQ ba kayo ni Sir Ryan?” tanong sa kanya ni Jenna. “Hindi kayo blooming ngayon.”
“Pagod lang ako,” matamlay na sagot niya. “Don’t bother me unless it’s important, okay?”
“Yes, ma’am. Paano kung tumawag si Sir Ryan?”
Tiningnan niya si Jenna na may namumuong pagkapikon. “Kahahatid lang niya sa akin. Hindi nga lang bumaba ng sasakyan.”
Pagpasok niya sa sarili niyang opisina ay dumeretso siya sa CR at naghilamos. Kahit kailan ay ganoon ang ugali niya. Basta naguguluhan siya, kung hindi niya magawang maligo ay hilamos ang unang taktika niya sa sarili. Pagkuha niya ng towel sa cabinet upang ipangtuyo sa mukha ay namataan niya ang isang bagay doon.
Dala niya iyon nang lumabas at pabagsak siyang naupo sa swivel chair. Kinuyom ng palad niya ang strip. Hanggang ngayon matapos ang isang buong linggo buhat nang matuklasang niya ang tungkol doon ay hindi niya alam kung paano tutukuyin ang totoong nararamdaman.
Nilaro-laro ng daliri niya ang strip. Isang malaking pagbabago sa buhay niya ang kahulugan ng resultang sinasabi ng strip na iyon.
She was pregnant. At hindi na siya dapat magtaka. She made love to Ryan countless times. Nang maisip niya ang tungkol sa proteksyon ay huli na.
Mapakla siyang ngumiti. Kapag nalaman ni Ryan ang kalagayan niya, malamang ay unahan pa nito sa pagpapakasal ang sariling mga magulang. Naturingang siya ang eksperto sa okasyong iyon ay si Ryan naman ang mas masigasig sa pagpaplano. He had a lot of concept in mind, from fairy tale to contemporary. At sa tuwing bubuksan nito ang paksang iyon ay siya ang umiiwas.
Nasaan na ang plano niyang paghihiganti? Sa nagdaang mga araw ay mas nararamdaman niya na ang alaala ni Ramil ang nawawala sa sistema niya. Napapalitan iyon ng presensya ni Ryan. At halos ay masakop na ni Ryan ang buong sistema niya.
Mariin siyang pumikit. Mahal na niya si Ryan. At nang malaman niyang buntis siya, tila dumoble pa ang pagmamahal na iyon. But she was afraid. Gumugulo sa isipan niya ang nauna niyang balak. Paano kung mag-backfire iyon sa kanya?
May namuong luha sa sulok ng kanyang mga mata. She thought of her married life with Ramil. Saka niya muling tinimbang kung dapat nga bang pinlano niyang maghiganti. Dapat nga bang si Ryan ang sisihin niya kung bakit nabigo siya sa expectation niya sa buhay nila ni Ramil? Dapat nga bang si Ryan ang sisihin niya sa mga pagkakataong ang binata ang umaagaw sa balintataw niya kahit noong kasal pa siya kay Ramil? At dapat nga bang sisihin niya si Ryan nang maaksidente si Ramil?
She swallowed painfully. Biased man siya ngayon o hindi pero matindi ang pakiramdam niya na wala namang kasalanan si Ryan. Manapa ay siya. Dahil siya ang naghanap ng mapagbubuntunan ng sisi. Dahil hindi niya kaya ang guilt feeling na sa kabila ng si Ramil ang pinakasalan niya ay sumasalit pa rin sa isip niya si Ryan at ang halik na namagitan sa kanila nang gabing una niya itong makaharap.
Isang kaylalim na paghinga ang ginawa niya.
“YOU DID a great job, future sis-in-law!” yakap sa kanya ni Riva.
Tapos na ang kasal ng mga magulang nito at walang hindi pumuri sa preparasyong inihanda nila. At hindi matakaw sa papuri si Riva. Kahit na pantay lang sila sa effort sa preparasyon ng kasalang iyon ay palagi nitong ibinabato sa kanya ang kredito. At buong-buo rin sa tinig nito ang pagmamalaki sa kanya bilang magiging hipag.
Nag-alisan na ang mga bisita. Nakaalis na rin sina Romeo at Amelia. Inihatid ito ng driver sa Westin Philippine Plaza upang doon mag-overnight.
Bago natapos ang okasyong iyon ay hindi na rin nila napigil si Romeo Olivares na ianunsyo ang tungkol sa engagement nila ni Ryan. Maraming nagulat, partikular na ang mga dalagang anak ng kaibigan nina Romeo at Amelia. Bakas sa mukha ng mga ito ang pananaghili at panghihinayang.
She was proud. Nang humarap sila ni Ryan sa madla ay tila naninikip pa ang kanyang dibdib. Kung hindi nga lang siya nagpipigil ng emosyon ay hindi malayong napaiyak na siya roon.
“Eve, are you okay? Parang medyo maputla ka,” concerned na wika sa kanya ni Riva.
Sinikap niyang ngumiti. “Wala ito. Medyo nagulat lang ako kay P-papa. Hindi ko ine-expect na ia-announce niya ang tungkol sa amin ni Ryan.”
“I can’t blame him, Eve. Obvious namang welcome ka sa pamilyang ito. I’m sure, ngayong tapos na ang kasal nila, ang pamamanhikan naman sa inyo ang kukulitin ng dalawang matandang iyan. Oh, future sis-in-law, excited na rin ako para doon. Flower girl si Geneva, ha?”
“Of course,” agaw na sagot ni Ryan na lumapit sa kanila. “Hinahanap ka ni Giovanni, Riva. Hindi na kaya ang kakulitan ng anak mo. Sumuko na.”
“Sus! Sila ngang dalawa ang magkakampi, eh,” wika nito pero lumayo na rin.
“Something wrong, honey? Parang hindi ka okay,” pansin din sa kanya ni Ryan.
Umiling siya. “I’m fine. G-ganito lang talaga ako kapag mismong kasal na. You know, the pressure na baka may pumalpak.”
Kumunot ang noo nito. “Ano bang palpak? Narinig mo naman siguro ang sinabi nila. They all envy this wedding. Very elegant and classy yet you have made this affair so intimate.”
“T-thank you.”
“Hon, palagay ko’y mas marami ka pang magiging kliyente pagkatapos nito. Aba, ang mga amiga nina Papa, nahawa na rin sa kanila. Magre-renew na rin daw ng marriage vows at sa iyo ipapa-commission. But forgive me, medyo diniscourage ko sila. I told them we have our own wedding to plan at baka hindi mo maasikaso ang sa kanila.”
Nakatingin lang siya dito.
“Galit ka? Eve, hindi ko naman pinangunahan ang diskarte mo sa business mo. I just… well, gusto ko kasi sana na magpakasal na muna tayo. How about three months from now? Do you think that time is enough for all the necessary preparation? En grandeng kasal ang gusto kong ibigay sa iyo.”
Kunwa ay wala siyang narinig. “Ryan, m-may mga staff naman ako na mag-aasikaso ng pagliligpit dito. Puwede bang ihatid mo na ako? I felt tired.”
He touched her. “Ang dami namang kuwarto sa itaas,” he smiled. “Oh, hell, bakit ba hindi na lang doon sa kuwarto ko?” Inakay siya nito. “Come, ako din naman ay parang nakadama ng pagod.”
Marahan niyang ipiniksi ang sarili dito. “Ryan, I want to go home.”
Lumambong ang pagtataka sa mukha nito. Ilang sandali siyang pinagmasdan saka napailing. “Okay, kukunin ko lang ang susi ng sasakyan.”
“NANINIBAGO ko sa iyo,” mahinang sabi ni Ryan nang sakay na sila ng kotse nito. Nakalabas na sila ng Corinthian Garden at tinutugpa ang daan pauwi sa bahay niya. At hindi siya kumikibo. Narinig niya ang paghugot nito ng hininga. He slowed down dahil palapit sila sa intersection. Inabot nito ang kamay niya. “May problema ba, hon?” masuyong tanong nito.
Umiling siya. Sa sulok ng mga mata niya, alam niyang hindi ito naniniwala. Seconds later at tinawid nila ang intersection.
“Hindi ako sanay na ganyan ka,” he said again.
Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi niya alam kung bakit pero bigla na lang siyang napaiyak. Hindi lang basta iyak. Napahagulgol siya.
“Eve?” pagtataka at pag-aalala ang pumuno sa tinig ni Ryan. “Ano ba ang nangyayari sa iyo?”
“Buntis ako, eh,” sigok niya.
“Buntis k—what?!” tila tinamaan ng kidlat ang reaksyon nito. Nasa tapat sila ng isang mall, ipinasok nito iyon doon pero hindi siya nagtanong. Nang maiparada nito sa level parking ang kotse ay saka ito pumihit ng upo paharap sa kanya. “Buntis ka?” he asked.
Tumango siya, walang kamalay-malay sa anxiousness na nasa tinig ni Ryan. Ang atensyon niya ay nasa pagpapahid ng luha. Sinasabihan niya ang sarili na tumahan na pero hindi niya alam kung bakit saganang-sagana pa rin ang likidong iyon na umaalpas sa kanyang mga mata. Maybe, she could blame it to her pregnancy.
“Eve, honey,” mahinang wika ni Ryan at inabot siya. Para naman siyang papel na tinangay ng hangin papunta dito. Yumakap siya dito at saka itinuloy ang pag-iyak sa dibdib nito.
She sobbed for more moments. At hindi niya alam kung napagod na siya sa pag-iyak kaya tumahan na siya o nahiya na siya kay Ryan. He remained quiet. Hinagod-hagod lang nito ang likod niya.
Humiwalay siya ng yakap dito at naghagilap ng tissue. “Nabasa ko na iyang damit mo,” paos na wika niya.
“Damn this shirt,” may tigas na wika sa kanya ni Ryan na siyang ipinagtaka niya. Kahit ang anyo nito ay naging pormal. “Now, let’s talk seriously. When did you know you’re pregnant?” tanong nito.
Napalunok siya. “Ryan.”
“Answer me. Kailan pa?”
“Last week.”
“Last week? At ngayon mo lang sinabi sa akin?”
Napapitlag siya. Hindi siya sanay na nagtataas ng boses si Ryan. At hindi niya alam kung bakit nakadarama siya ng takot. And, hell, parang maiiyak na naman siya. “H-hindi ko alam kung paano ko sasabihin, eh.”
“Oh, yeah. Gusto mo iyong babaha muna ng luha,” sarkastikong wika nito.
“I didn’t plan this. B-balak ko nga sanang magpareseta ng pills kaso huli na. B-buntis na pala ako.”
Nagtagis ang mga bagang ni Ryan. Tiningnan siya nito at binalingan ang manibela. Binayo nito iyon.
“Sorry.”
“Sorry?” ungol nito. “We’ll get married. Tomorrow.”
“Ryan—”
“Don’t “Ryan” me!” pabulyaw na wika nito. “Magpapakasal tayo, bukas din. Period.” Binuhay nito ang makina at mabilis na inilabas ng parking.
Maraming salitang gustong lumabas sa bibig niya pero nanatiling tikom iyon. Pero nang makita niya kung saan sila papunta, hindi na siya nakatiis. “Bakit diyan?”
Pinukol siya nito ng tingin. “Iuuwi na kita. Ganoon na rin iyon. Mag-asawa na tayo bukas.” Bahagya lang itong nag-menor sa gate ng Corinthian at pinasibad na iyon pabalik sa mansyon.
Bakas ang pagtataka sa mukha ni Riva nang makita sila nito. Buhat sa lawn ay sumunod ito sa kanila sa garahe.
“Kuya?” At mabilis na bumaling sa kanya. “Eve?”
Halos pahaltak siyang ibinaba ni Ryan sa sasakyan. “Dito na siya titira mula ngayon,” paasik na sagot ni Ryan sa kapatid at hinila na siya pagpasok sa malaking bahay. Mahigpit ang hawak nito sa kanya. Kulang na lang ay kaladkarin siya nito paakyat sa ikalawang palapag ng bahay.