NANGINGIBABAW sa tahimik at madilim na kalsadang tinatanglawan ng streetlights ang friction ng sinasakyan kong skateboard. Diretso ang tingin sa daan, bahagya akong nag-squat at naghanda para sa isang Ollie.
Isa, dalawa, tatlo—gadangkal ang iniangat ng board ko mula sa kalsada matapos ang isang maliit kong pag-indayog. Pagkabalik ng mga paa sa deck ay mabilis akong nakabalanse upang muling magpatuloy sa pagpadyak.
Pinaghalong tuyo at sariwang dahon galing sa iba't ibang punong nabasa ng ulan ang ibinuga kong singhap. Ang bawat haplos ng hangin sa pisngi ko ay bahagyang malamig para sa panahon.
Pangisi-ngisi pa ako nang matigilan sandali sa pagdating nang maliliit na butil ng ambon. Itinabi ko ang mga reklamong gustong iusal, inayos ang suot kong sumbrelo at saka binilisan ang pagpadyak sa kalsada.
Isang liko at ilang hakbang na lang ako mula sa vending machine nang may marinig akong sigaw—galing sa isang lalaki, sa 'di kalayuan. Mabilis ang ginawa kong pagpasada ng tingin sa paligid. Ngunit wala akong napala ro’n kaya't bahagyang kumunot ang noo ko.
Naisip ko—mas ikatutuwa ko kung lasing lang iyon kaysa multo.
Kibit-balikat kong inapakan ang isang dulo ng board ko't marahang iniliko para huminto. Inabot ko ang nakaangat na dulo niyon at saka bumaba.
Hawak sa isang kamay ang nakatayo kong board, isa-isa kong pinindot sa vending machine ang mga pinabiling drinks sa akin nina Pat. Pasimple pa akong sumusulyap sa paligid dahil sa mga mumunting kaluskos sa katahimikan ng gabi.
Dala ang plastic bag laman ng mga binili, ang pag-alis ko sana’y nauwi sa pagkakaestatwa.
“Oh, boy.”
Mabibilis na bulto mula sa grupo ng mga nagtatakbuhang lalaki ang patungo sa kinatatayuan ko.
Tulad ng isang palapit na sasakyang sasagasa na sa akin, napirmi ang mga paa ko sa semento sa halong gulat at taranta pagkamutawi ng, “Shit.”
Mabilis ang atake at pagdaloy ng adrenaline sa kalmado kong sistema nang binitiwan ko ang board. Handa na akong harapin at tanggapin ang kapalaran ko ngunit…
“Anak ka ng!”
Wala pang limang segundo'y naglaho na ang grupo ng mga kabuteng lalaki sa malapit na eskinita. Nanatili ako sa pag-apak sa board at handang pag-alis dahil ayaw ko pang pumayag na gano’n lang ‘yon.
“Ano na?”
Ngunit katulad kanina ay sinalubong lang akong muli ng katahimikan na parang walang nangyari. Napabuga ako ng hangin. Na siyang sinundan ng ilang sarkastikong tawa.
“’Ba ‘yan…”
Inis akong napakamot sa sentido. Hindi ko malaman sa sarili ko kung naghahanap ba ako ng gulo o ano.
Sa isang iglap ay napalitan ng pagsapo sa board ang pagpadyak ko sana sa daan. Ngayon ay dahil naman sa isang lalaking bigla na lamang tumilapon sa kalsada, sa harap ko mismo.
“Aray!”
Namimilog ang mga mata, ako ang napangiwi sa daing nito. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o matatawa, nang maaktuhan ko ang pagsadlak ng mukha nito sa daan. As in, lips flat on the rocky road talaga. Kahit pave ‘yung kalsada, oo.
“Uh, ano, excuse me, napaa—”
Singhap ang tumapos sa sinasabi ko nang biglang bumangon ang lalaki. Ah mali—matapos siyang higitin sa kwelyo ng isa pang lalaki.
“H-Hindi ako kasama sa kanila!”
“J? Vj?”
Naagaw ko ang atensyon ng dalawa't sabay silang napatingin sa akin. Ang kawawa kong pinsang si Vj na nakipag-lips to lips sa kalsada at ang lalaking mukhang papatay kung makatingin.
Tikom ang bibig, agad akong nagsisi sa biglaan kong pagsasalita nang magtagal ang mariing tingin sa akin ng hindi kilalang lalaki. Halos magtindigan ang mga balahibo ko sa pintang malinaw na galit at lamig sa mga mata niya.
Oh boy, oh no.
Napalunok ako ng wala sa oras ng pabalya nyang binitiwan si Vj para lapitan ako.
Oy!
Vending machine ang sumalubong sa likod ko pagkaatras.
Ang bilis namang sumagot ng universe sa mga reklamo ko. Hindi ko naman direktang sinabing gusto ko ng gulo!
Napatalon ako sa gulat ng bigla niyang hinablot ang board na hawak ko.
Tumitig siya sa akin matapos. O siguro mas akma 'yong nanlisik ang tingin niya sa ‘kin. Matagal. Nakakatakot. Pero noon ko lamang mas malinaw na nakita ang mga mata niya, sa likod ng may kahabaang bangs. Kulay brown iyon at halos maging pitch black na sa dilim.
Sa lahat ng klase ng tao, hindi ako pinanganak na duwag.
Magsasalita sana ako ngunit namilog na lamang ang mga mata ko nang tuluyan niyang makuha ang board mula sa akin. Kumaluskos ang mga boteng laman ng dala kong plastic bag pagkabitiw ko ro’n. Buo na agad sa isip kong bawiin ang board pero…
“Anong—‘yong board ko! Siraul—”
Walang paglagyan ang pagka-bigla't galit ko nang harap-harapan niyang binali ang skateboard ko.
DUDE! BINALI NIYA ANG BOARD KO!
At maniniwala ka ba? Ginawa niya 'yon gamit lamang ang mga kamay nya't hita!
Anong klaseng uri ng lamang lupa siya?! Imposible!
Tulad ng isang walang kwentang bagay, inihagis lang niya kung saan ang board kong nahati sa dalawa. At ang lahat ng iyon ay walang-awa lang naman niyang ginawa habang tuon sa akin ang malamig niyang mga mata.
Lumong-lumo ako at animong puso ko ang nahati sa nangyari.
Ang mahal kong board… sinira lang ng…
Naging isang matigas na linya ang mga labi ko pagkasinghap. Ang init na namuo sa pisngi ko ay gawa ng purong galit.
“Anong problema mo?!” Tinulak ko ang isang balikat niya ngunit hindi siya natinag. “Ano'ng ginawa ko sa 'yo para sirain mo ang board ko?!”
Hindi ko na maalala ang pagkaka-tiklop ko kanina dahil lang sa mga tingin niya.
Biruin mo? Matapos kong pag-ipunan ang bawat parte ng board kong 'yon, sisirain niya lang? Ano siya, hilo?!
Patay ang emosyon ng mukha niya sa kabila ng galit ko. Wala siyang ibang ginawa kundi titigan ako ng ngayo'y seryoso, ngunit malamig pa rin niyang mga mata. Ang galit doon ay naglaho na.
“Sabihin n’yo sa kaniya tigilan na niya ang pakikipaglaro. Siya ang humarap sa akin nang matapos na ang kalokohang 'to.” Malalim ang boses niya't halos makasugat sa lamig.
Kunot ang noo, mahigpit na kumuyom ang mga kamao ko.
Anong pinagsasabi nito? Kung sino man ang tinutukoy niyang isa pang lamang lupa ay wala akong pakialam!
Pagka-sulyap sa pinsan kong si Vj ay pumihit siya patalikod at nagsimulang maglakad paalis.
Tila nagliyab ang gigil ko nang tamad niyang sinipa paalis sa daan ang isang kapiraso ng board ko.
“Hoy.” Mahina ngunit halos manginig sa galit ang boses ko.
Likod sa akin, huminto siya sa paglakad.
“Sinira mo ang board ko… tapos aalis ka na lang basta?”
“Jen, kalma—pwede naman nating…” Natahimik ang bumubulong na si Vj nang dahan-dahan akong lingunin ng lalaking walanghiya.
Wala pa rin siyang reaksyon at mukhang wala talaga siyang pakialam sa ginawa niya.
“Alam mo ba kung ilang taon kong iningatan 'yon? Kung ilang taon ang ginugol ko para lang mapaganda ang bawat parte no'n?”
Malalalim na ang bawat paghinga ko't malapit na akong sumabog sa galit, pero ang tao sa harapan ko'y tila manhid. Hindi ko nga alam kung buhay ba siya, o sadyang paralisado lang ang lahat ng senses sa katawan kaya't hindi makaramdam.
“Hindi ako interesadong malaman.”
Tatalikuran na naman sana niya kami pero sinugod ko na ng suntok.
Siraulo ka!
Ngunit mas nanggigil ako ng balewala niyang nasapo ng palad ang kamao ko, kahit pa nakatagilid na siya't mukhang hindi inaasahan ang pag-atake ko.
Nang magtamang muli ang linya ng mga mata namin ay may nakita akong kaunting bahid ng gulat sa kaniya, na siyang mabilis din namang nawala.
Binawi ko ang kamao ko't umambang muli ng suntok sa kanya. Ngunit tulad ng kanina'y balewalang nasalo lamang muli ng palad niya 'yon.
“Sanay kang sumuntok pero hindi mo ako matatamaan kung gan’yan ka kabagal kumilos,” hambog niyang kumento.
Nagngingitngit sa galit, binawi ko ang kamao at galit na pinandilatan ko ang kayabangan niya.
Mabagal? Ako? Ano bang alam nito?!
Parang nangati akong totohanin ang pagpatol ko sa kaniya kung maaari lang! Ang sarap siguro sa pakiramdam 'pag tinamaan ko ang isang ito ng hook kick sa panga. Iyong may pag-ikot na kasama!
Hindi ako umimik ng muli siyang tumalikod at umalis nang tuluyan—dahil ilang beses ko na siyang napatay sa isipan ko. Ito ang turo sa akin ng papa ko tuwing nagagalit ako at naiisip kong gamitin sa labas ng match o sparring ang skills ko sa taekwondo.
Sinundan ko na lamang siya ng tingin hanggang sa tuluyan siyang maglaho sa dilim.
Maka-apak ka sana ng tae! HUH!
“Grabe, akala ko katapusan na ng maliligayang araw ko…” Bumuntonghininga ang pinsan kong si Vj na para bang noon lang siya nakahinga nang maayos.
NAGTI-TRAINING na lang kami kinabukasan ay iniisip ko pa rin ang ginawa nang lalaki sa board ko pati nang kahambugan niya.
Hindi ako pala-tanim ng galit o sama ng loob pero hindi talaga ako makatulog, hangga't hindi ko nakukumpirmang naka-apak nga siya ng dumi sa daan o na kinarma siya sa ginawa niya.
“Laki galit mo riyan? Maliliparan ka ng ibang punching bag oy!” Humalakhak ang ka-team kong si Migz sa pagkakatulala ko sa inosenteng bagay na nasa harapan.
Pinanlisikan ko naman ng mata ang punching bag habang nagpa-fighting stance.
Humigpit ang pagkakakuyom ng kanang kamao ko, matapos maalala ang pagtitig sa akin ng seryoso at malalamig na mga mata ng mayabang na lalaki kagabi. Mabagal kong ibinuga ang singhap.
Isa, dalawa, tatlo.
Hakbang, pihit, sipa.
Umalingawngaw ang pagtama ng paa ko sa punching bag na iniisip kong siya. Agad iyong tumilapon dahil sa impact at hindi sinasadyang timilapon kay Migz na siyang pinaka-malapit.
Mula sa pagko-concentrate ay napangiwi ako nang na out of balance ito at natuluyan sa pagtumba. Ang akma ko sanang paglapit ay naudlot pagkarinig sa mahihina niyang daing.
“Sorry,” bulong ko, alanganing natatawa at nagsisisi.
Mangiyak-ngiyak siyang nag-thumbs up. “N-Nice spinning hook kick, Jen.”
Alanganing napa-thumbs up na lamang din ako rito.