‘Don't be fooled by the calendar. There are only as many days in the year as you make use of. One man gets only a week's value out of a year while another man gets a full year's value out of a week.’ – Charles Richards
“Kung marunong kang humalik, gusto mo bang testing-in natin ang kakayahan mo?” seryosong sabi niya kaya naman naitulak ko kaagad siya papalayo.
Pakiramdam ko tuloy ay sobrang pulang-pula na ang mukha ko dahil sa ginawa niya. Nang makalayo ako sa kanya ay narinig ko pa ang pagtawa niya kaya naman napatingin ulit ako sa kanya. Kainis, bakit ba naman kasi siya pa ang nakasama ko sa time loop na ‘to.
Feeling ko tuloy ay pinaglalaruan talaga ako ng tadhana. Buti sana kung makakalimutan namin parehas ‘yong nangyari ngayon, kaso hindi eh, at ang malala pa ay parehas naming maaalala habang ‘yong lalaki kanina ay makakalimutan ‘yong mga nangyari ngayong araw.
Bakit ba naman kasi ang unfair ng mundo. Akala ko na okay lang na siya ang kasama ko dahil mukhang okay naman siyang kasama, pero binabawi ko na ‘yong sinabi ko na ang cute niya no’ng una kaming nagkita. Hindi sapat na cute lang siya dahil mapang-asar siya.
Hindi naman talaga ako madaling mapikon pero ewan ko ba, kapag sa kanya nanggagaling ‘yong pang-aasar naiinis kaagad ako.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko na lang sa kanya para na rin maiba ang usapan. Akala ko pa nga ay tatawanan niya lang ulit ako at hindi sasagutin pero hindi naman.
“To my hideout,” maikling sagot niya at sumeryoso na ulit siya. Hindi naman na niya ako inasar pa ulit tungkol do’n sa nangyari kanina. Mukhang ako lang talaga ang naba-bother kaya naman hindi ko na lang ipinahalata sa kanya.
Tama na ‘yong pang-aasar niya kanina, baka kapag dinagdagan niya pa ay tuluyan na akong mapikon sa kanya, dahil mas may kailangan pa naman kaming gawin kaysa sa mag-asaran. Hindi naman na ulit ako nagtanong pa at tumahimik na lang.
Hindi ko alam kung saan kami pupunta dahil hindi naman niya sinasabi ‘yong lugar, ang sabi niya lang ay sa hideout niya. Ang nasa isip ko tuloy ay parang ‘yong katulad sa mga hideout ng mga gangster, pero mukhang hindi naman siya gangster.
Bigla rin tuloy akong nagtaka sa sarili ko kung bakit parang ang dali ko lang sumama sa kanya kahit na no’ng nakaraan ko lang siya nakilala talaga. Wala rin akong ibang alam tungkol sa kanya kung hindi ang pangalan niya lang. Bukod pa ro’n ay wala na.
Kaya naman kaysa ma-bored ay humarap ulit ako sa kanya pero sinigurado ko na may distansya kung sakali man na maisipan niya ulit mang-trip. Saglit lang naman siyang tumingin sa akin at tumingin na ulit sa kalsada.
“Anong buong pangalan mo? Ang alam ko lang ay Andrew,” tanong ko sa kanya. Akala ko ay hindi siya sasagot pero mabuti na lang at nagsalita siya.
“Andrew Roxas,” maikling sagot niya kaya naman napatango na lang ako.
“Ilang taon ka na at anong pinagkaka-abalahan mo sa buhay?” tanong ko pa ulit sa kanya.
“I’m 27 years old at isa akong Engineer,” hindi ko naman maiwasan na mamangha sa sinabi niya. Kung gano’n ay halos ka-edad niya lang din pala sina Hazel at Luna. Pare-parehas kasi silang mas matanda sa akin ng isang taon. Engineer pala siya.
Hindi ko naman maiwasan na pagmasdan siya at do’n ko lang napansin na mukha nga siyang engineer. No’ng hindi pa kasi kami magkakilala talaga ay akala ko ay office worker siya, ‘yong tipon laging nasa opisina at gumagawa ng kung ano-anong paper works.
Hindi ko tuloy maitago ang pagkamangha, para sa akin kasi ay hindi gano’n kadaling maging Engineer. Kaya nga naa-amaze kaagad ako kapag nakakakilala ako ng Architect or Engineer. Well, lahat naman ng course ay hindi gano’n kadali.
Kaya lang ay para sa akin ay ang cool at ang astig ng mga Engineer. Ewan ko ba, natutuwa kasi ako kapag nakakakita ako ng estudyante na may dala-dalang mga naglalakihang ruler at kung ano-ano pang papers na plate ang tawag.
“Saan ka nakatira? Kasama mo ba ang mga magulang mo sa bahay o nakabukod ka sa kanila?” tanong ko pa ulit. Napakunot naman ang noo ko sa kanya ng saglit siyang tumingin sa akin. Bakit, may mali ba sa tanong ko? Tanong ko sa sarili ko.
“I’m living alone, sa may Star Molly Condominium,” maikling sagot niya. Ang tipid naman nitong sumagot, isang tanong isang sagot. “Bakit? Pupuntahan mo ba ako sa condo ko?” pahabol na sabi niya pa kaya naman tinarayan ko siya.
“Dream on. Kailangan ko lang malaman kung saan ka nakatira para kung sakali na maulit ulit ang araw na ‘to ay alam ko kung saan kita pwedeng puntahan,” paliwanag ko sa kanya. Mukhang may taglay din pala na kayabangan at kahanginan ang isang ‘to. “Anyway, kasama mo ba ang girlfriend mo sa condo mo?”
Napansin ko naman ang pa-simpekng pag-ngisi niya sa tanong ko kaya naman bigla kong naalala kung ano ang sinabi ko sa kanya. Mahangin! Baka akala niya siguro ay gusto kong malaman kung may girlfriend ba siya o wala.
“Ang ibig kong sabihin, may iba ka bang kasama sa condo mo? Para naman kung sakaling puntahan kita ay walang biglang sasabunot sa akin,” paliwanag ko pa.
Narinig ko naman na tumawa muna siya bago siya sumagot. “Mag-isa lang ako sa condo, wala akong kasama. Gusto mo bang mag-apply bilang girlfriend ko?” naka-ngising tanong niya pa.
Bigla tuloy akong nainis sa kanya at parang gusto kong lagyan ng tape ang bibig niya para hindi na ngumisi. Pasalamat siya at bagay sa kanya kaya hindi nakakaumay tignan. Kaya lang ay nagyayabang pa siya, major turn off tuloy kaagad.
“Sige, mangarap ka pa ng gising,” mataray na sabi ko sa kanya at umayos na lang ng upo. “Wala ka namang kwentang kausap,” reklamo ko pa sa kanya.
Kainis. Ayaw maki-cooperate. Para nga sana alam ko kung ano ang gagawin o kaya naman ay alam ko kung saan ako pupunta kung sakali. Pero mukhang puro kalokohan lang ang nasa isip niya, mukhang mali pa pala ang first impression ko sa kanya.
Akala ko pa naman ay cool at seryoso siyang tao pero mukhang hindi naman pala.