Kabanata 1: Si Mattia

1462 Words
Tahimik siyang nakapalumbaba sa bintana ng bus habang pinapanood ang kaganapang nasa labas ng sasakyan. Hindi sila makadaan sa kalsada sapagkat hinihintay nilang matapos ang paradang nakasalubong. Anupa't nagdulot ito ng mabigat na trapiko. Pinanood ni Mattia ang makukulay na mga kasuotan, mga nagsisilakihang carnival feather hat, mga magagandang majorette na nakangiti habang inihahagis sa ere ang baton na nasasalo agad ng mga kamay, ang sabay-sabay na pagtambol ng mga musikero at ang nakakaindak na tono ng xylophone. Masaya ang kapaligiran ngunit hindi siya nadadala ng nakakaaliw na tanawin sapagkat ang puso niya'y malungkot at mabigat. Napabuntong-hininga siya habang nakatingin pa rin sa mga taong nasa labas ng sasakyan. Ang iba roon ay kinuha ang kanilang mga cellphone upang ma-record ang kaganapan. Hindi nainip ang mga ito dahil nasiyahan sa nakikita, maliban sa kaniya na gusto nang matapos iyon at makauwi. Dumaan ang grupo ng mga kabataang may hawak na malaking tarpaulin. The Talahong Festival 2023 — nabasa niya ang malalaking letra doon. "Nakalimutan ko, piyesta pala ng talaba at tahong ngayon," aniya sa isip, "Nawala na sa isip ko. Hindi ko rin napaalala kay Lolo Guido. Sabagay, kahit naman sabihin ko wala naman kaming maihahanda." At muli siyang nagpabuntong-hininga nang maalala ang naganap kanina. Hindi na naman siya natanggap sa trabaho, sinikap naman niyang makapasa sa interview ngunit hindi sapat ang kaniyang qualifications. Nakatapos lamang siya ng GAS strand sa Señor Highschool at nakapagdesisyong huwag nang pumasok sa kolehiyo sapagkat wala silang sapat na salapi. "Kailangan ko ng trabaho. Kung makakaipon ako ng pera, saka lang ako makakapasok sa college," wika niya sa sarili, "Pero sayang hindi nanalo ang pagiging pogi ko sa HR kanina." Sinuklay niya ang buhok gamit ang daliri. Itinaas niya ang bangs na nahulog sa kaniyang noo. Pinunasan niya ng kamay ang tumutulong pawis. Hindi niya maintindihan ang pabago-bagong klima, iyong isang araw lamang ay may bagyo, ngayon naman ay mistulang maprito siya ng araw. May itsura din ang binatilyo. Matangos ang ilong, makapal ang kilay, malalantik ang pilik-mata at hugis-puso ang labi. Hindi masasabing siya na ang pinakagwapo sa mundo dahil hindi naman ganoon kakinis ang kaniyang mukha. Ngunit ang angking kakisigan ay kitang-kita sa kaniyang postura. Matangkad siyang lalaki, moreno, mamasel ang mga braso, maganda ang tindig ng katawan. Halatang sanay at banat sa mga trabahong pamprobinsya. Muli niyang ibinalik ang paningin sa parada. Naglakbay ang kaniyang isip. Pinlano niya sa utak kung paano sasabihin sa kaniyang Lolo na nabigo siya sa lakad. Ngunit nabaling ang atensyon niya sa iba nang may makitang lalaking naglalakad sa gilid ng bus. Nakasuot ito ng itim na hood jacket, naka-sunglasses at facemask. Nagpalinga-linga pa ito bago pumasok sa loob ng sasakyan. Hindi niya maialis ang paningin sa lalaki dahil parang kakaiba ang kilos nito. Naramdaman niyang may hindi magandang plano ang misteryosong pumanhik. Nakasuksok ang kanang kamay nito sa bulsa ng jacket at patingin-tingin sa mga pasahero ng bus. Kumunot ang noo niya. Inisip niya kung ano kaya ang tinatago ng lalaki at mukha itong balisa. Maya-maya pa ay huminto ito sa harap niya at biglang naglabas ng b***l. "Holdup 'to!" Napanganga siya nang ibaling nito ang hawak na sandata sa mga pasaherong natakot. Pati ang bus driver sa harap ay nagitla at napataas ang kamay. Walang ibang nakarinig sa sigaw ng mga babaeng pasahero dahil sa ingay ng mga musikerong dumadaan. Lahat ng tao sa labas ng sasakyan ay abalang nanonood sa parada. Hindi alintana ng mga parokyano na may holdup-an nang nagaganap doon. "Seriously? Sa piyesta n'ya pa 'to naisipang gawin?" naisip na lamang ni Mattia. Napasapo siya sa ulo at napailing. "Wala na talagang pinipiling oras at lugar ang mga kriminal." Isa-isa nitong tinutukan ng b***l ang mga pasahero. Nahintakutan naman ang mga sibilyan at ibinigay ang wallet saka mga cellphone. Ilang saglit pa ay sa kaniya naman tumapat ang nguso ng b***l. Nanatili lamang siyang nakatitig sa lalaki. Walang bahid na takot sa kaniyang pagmumukha. "Akin na ang pera mo!" Hindi siya umimik sa sinasabi nito. "Hindi ako natatakot mamatay pero hindi pa ako pwedeng mamatay. Kailangan ako ni Lolo." Ito ang kaniyang naisip. "Ano ba! Bingi ka ba? Sabi ko akin na ang pera mo!" Humigpit ang hawak ni Mattia sa dalang crossbody bag. Napansin din niya sa gilid ng mga mata na pinapanood siya ng ibang mga pasahero. Sinukat niya ang kakayahan at napagtantong maililigtas niya ang mga sibilyan. Bale-wala sa kaniya ang lalaking ito. "Wala akong pera." Bumaling siya muli sa lalaki. Totoo naman ang kaniyang sinabi. Wala talaga siyang sapat na salapi. "Gusto mo bang iputok ko 'to!" pagbabanta naman nito. Imbis na matakot ay hinawakan niya ang sandata at tinutok ang nguso nito sa gilid ng tiyan. "Iputok mo," simple niyang sabi. Naisip niyang hindi naman siya mamamatay kung sa gilid lamang tatama ang bala. Napanganga ang mga taong nanonood. Kahit ang lalaking nagbabanta ay hindi makapaniwala sa kaniyang naging tugon. "Gawin mo nga. Iputok mo," paghahamon pa niya. "Ano?" "Iputok mo nga." Ngunit parang nag-panic lamang ang mokong. Nagpabalik-balik ang tingin nito sa kaniya at sa hawak na b***l. Tila nalito ito sa kung anong gagawin. Nagtaka si Mattia. Bakit ganito ang reaksyon ng lalaki? Hindi ba dapat ay gawin nito ang sinasabi niya? "I-Ipuputok ko talaga 'to!" pagbabanta nito ngunit nautal. Napansin niyang nawalan ng determinasyon ang tinig ng kausap. "Sige nga! Iputok mo." "Ipuputok ko talaga!" Pero kahit sabihin ng lalaki ay hindi naman nito ginagawa. "Iputok mo nga eh!" Alam niyang paulit-ulit na lamang sila ng mga sinasabi. Bakit ba kasi ayaw pang kalabitin ng lalaking ito ang b***l? Natatakot ba ito? Ngunit bakit ito natatakot? Napansin ni Mattia na nawalan ng lakas ng loob ang kaharap at lumuwang ang pagkakahawak nito sa sandata. Mabilis niyang hinablot ang b***l sa kamay nito at napasinghap naman ang kalaban sa kaniyang pagkilos. Napanganga rin ang mga pasahero sa paligid, ngunit nasa mga mata nila ang kasabikan at kasayahan sapagkat nagawa niyang maagaw ang b***l. Itinaas ng lalaking holdupper ang dalawang kamay at kinakabahan na umatras. Tumayo si Mattia upang harapin ang kalaban at humakbang nang isa palapit. Itinutok niya ang b***l sa lapag at sinubukang kalabitin upang magbigay ng warning shot ngunit natigilan. Kinalabit niya muli ang trigger ngunit wala pa ring nangyari. Nagtataka na sinuri niya ang hawak at inilabas ang magazine. Napanganga siya nang mapagtanto kung ano ang hawak. "Laruan lang 'to!" banas niyang sabi na binato ang lalaki at natamaan naman ito sa ulo. "Aray, Linte! Bilat ni bay." Napamura pa ito sa ibang wika at napahawak sa noong natamaan ng laruang b***l. Nang marinig iyon ng mga tao ay nagkagulo na sa loob ng sasakyan. "Peke pala ang hawak niyang b***l! Sugurin na natin!" Narinig ni Mattia na sigaw ng isang sibilyan. Sumugod nga ang mga ito at binugbog ang holdupper. Napailing na lamang si Mattia nang magmakaawa ang loko-loko sa harap ng maraming tao ngunit sa kasawiang-palad ay buysit pa rin ang mga ito sa perwisyong dinala ng kriminal. Sa huli ay naibalik ang mga ninakaw na gamit. Lumabas siya sa sasakyan at nilakad na lamang ang kalsada. Siguradong matatagalan siya kung mananatili pa siya sa loob ng bus. Ayaw na niyang makisali pa sa pagkaladkad sa lalaki patungo sa presinto. Nakaramdam siya ng kaunting awa, ngunit sana'y maging leksyon ito ng holdupper. Nilakad niya ang kahabaan ng kalsada, kasabay ang mga taong kasapi ng parada. Habang nakikisabay, siya rin ay nagmuni-muni. Takot. Ito ang naging hadlang kaya hindi lumaban ang mga tao kanina. Takot din ang naging dahilan kaya natalo ang lalaki. Takot na normal lamang nadarama ng isang tao sa dibdib. Takot na kahit na kailan ay hindi niya naranasang maramdaman. Noong musmos pa si Mattia, siya ay nadawit sa isang aksidente at nanganib ang kaniyang buhay. Muntik na siyang mamatay sapagkat malubha ang naging pinsala sa kaniyang utak. Hindi na niya matandaan kung ano ang nangyari. Ngunit ang salaysay ng kaniyang Lolo Guido noon, siya raw ay nahulog sa puno ng acacia at tumama ang ulo sa bato. Tatlong araw daw siyang na-coma at ginawa ng doktor ang lahat upang siya'y makaligtas. At nagawa nga niyang mabuhay subalit naging permanente ang pinsala sa kaniyang Amygdala. Ito ang parte ng utak na responsable sa emosyon at fear stimuli ng isang indibidwal. Matapang ang tingin sa kaniya ng karamihan ngunit hindi nila alam na hindi naman katapangan ang pinapakita niya. Sadyang wala lamang siyang kakayahan na matakot. Inaamin niya na dahil sa ganitong klaseng abilidad ay hindi rin siya nakakaramdam ng panganib kaya lagi niyang inilalagay ang sarili sa alanganin at mapanganib na sitwasyon. Madalas siyang mapagalitan ni Lolo Guido dahil dito. At isang beses ay umiyak sa kaniya saka sinabing ayaw siya nitong mamatay. Iniisip ni Mattia. Kung normal siyang tao ay mas magiging magaan kaya ang kaniyang buhay?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD