Dahil kailangang maembalsamo, masuri at malaman ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima, dinala ang mga bangkay sa Archibald Funeral Homes.
Pagkababa nila sa tricycle ang nakita nila sa harap ay apat na palapag na commercial building. Malawak naman ang gusali at may parking lot pa sa gilid. Sa unang palapag ay makikita agad ang malaking karatula ng punerarya.
Naglakad sila papasok sa gusali at binati sila ng guwardiya na nagbabantay sa entrance door. Tinanong nila rito kung saan ang pasukan ng punerarya at tinuro naman nito ang kaliwang automatic sliding door. Dire-diretso silang nagtungo sa loob at tumapat sa reception area.
"Good evening po, magtatanong lang po kami kung nandito pa po si Dr. Villegas," tanong agad ni Joriz sa babaeng receptionist.
Tumango naman ito. "Opo, ano pong kailangan n'yo sa kaniya?"
"Aba! Nandito na pala ang mga Junkies!"
Sabay-sabay silang napalingon sa lalaking nagsalita. Nakasuot ito ng white polo na may itim na necktie, slacks at dark blue jacket na may police logo sa breast pocket. Nang makita ang taong papalapit, napasimangot sila nang malaki. Kabaliktaran ng malaking simangot nila ang mapang-asar at malapad na ngisi sa mukha ni Detective Bobby Ullyses Simon I. Tupas.
"Iyan na si Mr. Poopshoe," bulong ni Chubs sa kaibigan.
"Detective Buysit kamo!" wika naman ni Joriz at napairap.
Isa siya sa mga detective officers ng NBI at siya rin ang madalas nilang maka-partner sa pagresolba ng mga misteryo. Mas matanda ito sa kanila ng sampung taon pero wala silang balak na galangin ito dahil sa pambu-bully nito sa kanila. At hindi rin ito naniniwala sa paranormal kaya ang tingin nito sa kanila ay mababa. Inaamin nilang hindi nila kasundo ang lalaki.
Tinatawag sila nitong Junkies na ang ibig-sabihin ay d**g addict. At tinatawag nila itong Mr. Poopshoe, mula sa salitang gumshoe na ang ibig-sabihin ay detective. Pinalitan lang nila ang orihinal na salita ng "poop" dahil naisip nilang mas bagay sa lalaki.
Ngunit mas gusto ni Joriz na tawagin itong Detective Buysit dahil kapag ginawang acronym ang pangalan nito ay buysit daw ang kalalabasan.
"Paano ba 'yan? Ako ang unang nakakuha ng coroner's autopsy report. Ang bagal n'yo kasi!" pang-aasar pa nito at itinaas ang hawak na long brown envelope.
"Huwag na nating pahabain pa, ano laman n'yan Detective Buysit?" wala sa mood na tanong ni Joriz.
"Mga katibayan na tama ako!" nagmamayabang nitong sabi na tinuro pa ang sarili. "Hindi Matruculan o ano pa mang fictional na karakter ang namiminsala sa bayan! Katulad ng sinabi ko sa inyo, tao ang may kagagawan ng lahat ng ito. Isang kriminal na masahol pa sa demonyo."
Napakamot sa ulo si Joriz. "Iyan na naman tayo, eh! Paano mo maipapaliwanag na ang mga biktima ay puro mga buntis at nawala ang mga fetus sa sinapupunan nila?"
"Paano mo naman maipapaliwanag ang pagkamatay ni Janelle Amurao? Iba ang cause of death niya," tugon ng lalaki. At syempre hindi nila naunawaan ang tinuran nito. Nagkatinginan lamang silang dalawa. Nasa mga mata nila ang pagtataka.
"Anong pinagsasasabi mo, Detective Buysit?!" wika ni Joriz.
"Hindi buntis si Janelle Amurao."
"Ha? Totoo ba 'yan?"
"Ayaw n'yo pang maniwala? Oh, 'yan na, kayo na ang magbasa!" Binato lamang ng lalaki sa kanila ang brown envelope, mabuti na lamang at nasalo ni Chubs. Binuksan nila ang laman nito at sabay na napanganga't napasinghap sa mga nabasa.
"Sinabi ko na sa inyo, hindi halimaw ang may kagagawan," wika muli ni Mr. Poopshoe, este Detective Bobby.
Napatingin silang dalawa sa binatang pulis.
"Ayon sa death investigation report, dalawa lamang sa tatlong biktima ang buntis. Hindi nagdadalang-tao si Janelle Amurao," paliwanag ni Detective Bobby, "Isa sa mga katibayan na walang Matruculan! Kaninang umaga nang makausap ko ang live-in partner ni Janelle, naramdaman ko nang hindi nagsasabi ng totoo ang lalaking 'yon."
"Wala pa ring sapat na katibayan," pagtutol ni Joriz, "hindi pa rin ako naniniwala lalo na kung galing sa 'yo."
"Ano bang pakialam ko kung maniwala kayo o hindi?" anito.
Nagpatuloy sa mahabang pagtatalo ang dalawang magkaribal. Samantala, may naalala si Chubs at kinuha muli ang candle wax sa loob ng bagpack niya. Tinanggal niya ang pagkakabalot niyon sa tissue at sinuring mabuti.
"Ah, alam ko na!" bulaslas niya nang maintindihan ang hugis ng kandila.
"Bakit Chubs?" Naudlot ang pakikipag-away ni Joriz at luminga sa kaibigan.
Inayos ni Chubs ang pagkakahawak niya sa upos ng kandila at ipinakita sa binatilyo ang hugis na nabuo roon. Napanganga at nanlaki ang mga mata ni Joriz nang mapansin din ang itinuro ng kasamahan.
"Ngayon naintindihan ko na kung bakit sinabi ni Lolo Guido kanina na hindi halimaw ang naminsala sa bahay ni Mang Rolando," litanya ni Chubs habang nakatitig pa rin sa hugis ng taong nakahulma sa natunaw na kandila.
"Kung ganoon tama ang buysit na 'to. Tao nga ang pumatay kay Janelle Amurao," usal ni Joriz at napabuntong-hininga, "Mali nga tayo."
"Hindi pa natin sigurado. Paano naman sina Carol Montalban at Marietta Conception? Sino o ano ang pumatay sa kanila? Pareho silang buntis. At kung tao man ang pumapatay, sino kaya ang may sala?" Marami pa ring palaisipan sa utak ni Chubs.
"Oy, anong pinagbubulungan ninyo?" parang na-out of place naman si Detective Bobby dahil hindi na siya pinapansin ng dalawang binatilyo.
Natuon ang atensyon nila sa ingay ng seleponong biglang nag-ring. Kinuha agad ni Joriz ang gadget sa loob ng bulsa ng pantalon at tinignan kung sino ang tumatawag. Kinagulat pa niya nang mabasa ang pangalan ni Lolo Guido.