At dahil biglaan ang mga pangyayari, animo'y naging estatwa si Mattia sa pagkakatayo at hindi agad nakakilos. Malapit na sana siyang malapa ng kalaban kung hindi lang may umeksena.
Narinig nila ang malakas na putok ng b***l, at bago pa man madampian ng pangil ang balikat ng binatilyo, natamaan ng bala sa ulo ang halimaw.
Napanganga na lamang sila nang bumagsak ang Matruculan sa kanilang paanan. Sabay-sabay silang lumingon sa pinagmulan ng bala. Mas nagulat pa sila nang makita ang pagmumukha ni Detective Bobby, nakatayo ito sa likod ng mayabong na halaman at nakahawak sa b***l.
Nagmamadaling lumapit si Detective Bobby sa mga kabataan at kabuntot nito sa likod si Paxton.
"May nasaktan ba sa inyo?" tanong agad ni Paxton sa kanila. Umiling naman si Joriz.
Pagtingin ng dalawang pulis sa nilalang na binaril, pareho silang nagimbal nang makita ang itsura nito.
"Ganyan ba ang itsura ng Matruculan!" bulaslas muli ni Paxton. Hindi naman nagsalita si Detective Bobby, seryoso lamang itong nakatitig sa halimaw.
Napasimangot si Chubs dahil kahit si Paxton ay may kakayahang makakita ng elemento, pero siya ay hindi pa rin iyon nakikita.
Maya't maya pa ay napaligiran ng usok ang katawan ng halimaw at nakita nilang para itong kandilang nauupos o natutunaw. Nagbago ang anyo nito at naging katawan ng animo'y isang tao.
Nagulantang si Chubs nang sa wakas ay nakita na rin niya ang nilalang. Ngunit sa kasawiang-palad ay hindi elemento ang nakikita niya ngayon kundi katawan ng tao. Isang magandang babae na may mahabang buhok, subalit duguan dahil sa mga pinsalang natamo.
"Nag-iba siya ng anyo?" nagtatakang bulong ni Nigel.
"O baka 'yan talaga ang tunay niyang kaanyuan?" hinuha ni Mattia, "Ano bang nangyayari? Hindi ko na maintindihan!"
"Ang mga nilalang ba ng dilim ay tao rin na sinumpa lamang?" naguguluhan din si Chubs.
"Nakikita mo na Chubs?" tanong ni Mattia. Lumingon ang matabang lalaki sa kaniya.
Naudlot ang pag-uusap nila nang bigla na lamang sumingit ang detective at tumawa. "Kalokohan! Napasobra kayo sa panonood ng mga horror movies."
"Hindi mo ba nakikita na tama kami?" tugon naman ni Joriz. "Totoo nga na may Matruculan at nasa harap mo na siya ngayon!"
"Matruculan? Isa lamang 'yang tao na nagsuot ng costume!" pagkakaila pa rin ng lalaki.
"Sir-" sasabat sana si Paxton pero nagsalita muli si Joriz.
"Anong costume?! Paano mo maipapaliwanag 'yong nakita mo kanina?"
"Umusok lang 'yong costume niya at natunaw sa araw," pagbabale-wala pa rin ni Detective Bobby at nagkibit lang ng balikat.
"Araw?! Nasaan ang araw dito?!"
Pagkasabi ni Joriz niyon ay napagtanto nilang lagpas na ng alaseis ng hapon at pakalat na nang tuluyan ang dilim. Mabuti na lamang at naaabot pa sila ng ilaw, mula sa gawi ng Painted Anitos.
"Oo nga, noh?! Gabi na pala. Kailangan na pala nating kumilos agad. Sir, ikaw na magbayad ng additional fee sa owner," baling ni Paxton sa kasama.
"What?! Bakit ako?"
"Ikaw po pinakamatanda rito kaya ikaw na po ang kumilos. Tumawag na rin po kayo ng kukuha ng bangkay. Tutal ay sabi mo ay tao 'yan hindi ba?" tudyo ni Chubs, "Ikaw na rin po bahalang magsulat ng case report namin tutal ikaw naman nakakaalam ng mga pangyayari, 'di ba?"
"Bakit pinapasa n'yo lahat sa akin ngayon?! At saka bakit ganyan ang ayos mo?" sita nito sa bistida at suot na wig ni Chubs.
"New style 'to ngayon," sabi lamang ng matabang lalaki at nagkibit ng balikat
"Ang mga kabataan ngayon, hindi ko na talaga maintindihan! Mga bastos na nga, ang pangit pa ng mga style!" nairita nang wika ni Detective Bobby pero siya na ang humugot ng phone upang tumawag sa ambulansya at sa lokal na kapulisan.
Pinigil naman nina Chubs at Joriz ang mapatawa nang malakas dahil nauto na naman nila ang pobreng detective.
Ngunit seryoso pa rin ang mga mukha nina Mattia at Nigel, nangangamba pa rin sila sa mga pangyayari. May misteryo pa ring nakapalibot sa paglitaw ng mga nilalang ng dilim.
***
After Two Weeks...
Dalawang linggo ang lumipas. Sa kasalukuyan ay naging mapayapa sa buong barangay na kinabibilangan ni Nigel. Natigil na ang mga p*****n na nagaganap ngunit naroon pa rin sa puso ng mga mamamayan ang takot- ang pangamba na manumbalik pa rin ang mga sugo ng dilim.
Nagpaalam ang dalawang paranormal investigators sa pamilyang Lazaro. Ngayon ay tapos na ang kanilang misyon at napuksa na ang namiminsala sa bayan. Wala na silang dahilan pa upang manatili. Lalo pa't anumang oras ay maaari silang ipatawag muli ng HEAP.
"Maraming salamat sa tulong ninyo. Hindi namin makakalimutan ang lahat ng ginawa ninyo, hindi lang sa akin pero sa buong barangay at sa Roxas City," madamdaming pamamaalam ni Nigel sa grupo.
Naisipan nina Chubs at Joriz na bumisita muna sa bagong kaibigan bago sila tuluyang lumisan at bumalik sa Manila. Dito na rin sila nananghalian, bukas ng umaga ang alis nila.
Pagkuwa'y lumabas si Jaelyn sa kwarto at dala-dala nito sa bisig ang bagong silang na sanggol. Kamakailan lamang ay nailuwal na nito ang bunsong anak.
"Bye, baby. Grow well," natutuwang wika ni Joriz na hinawakan pa ang kamay ng masayahing sanggol.
"Sigurado ba kayo na aalis na kayo mga iho?" tanong ng babae sa kanila. "Pwede naman kayo manatili rito hangga't kailan ninyo gusto."
"Maraming salamat po, ma'am, pero kailangan na namin bumalik sa Manila. Sa susunod na buwan po ay siguradong may panibago na namang misyon na ibibigay sa amin," paliwanag ni Chubs na napakamot sa ulo.
"Ganito po talaga kapag summer. Pagdating ng Agosto, sa opening of the school year, siguradong walang masyadong ibibigay sa amin na misyon," dugtong ni Joriz.
"Alam din po kasi ng HEAP na mga students pa po kami. Ayaw po nilang makaabala sa studies ng mga batang paranormal investigators. Binibigyan lang po kami ng misyon kapag summer, sembreak at christmas vacation," - si Chubs.
"Oh?" bulaslas ni Nigel. "Pwede ba akong sumali diyan?"
"Depende kapag nakapasa ka sa mga exams nila," tugon ni Joriz pagkatapos ay bumulong, "Dudugo ang utak mo sa mga exams nila... literal na dudugo..."
"Mahirap makapasok?" wika ng binatilyo na tila nabigla.
Pilit na ngiti lamang ang naging sagot ng dalawa. Natandaan nila ang mga panahon na hirap na hirap silang makapasok sa HEAP.
"Oh paano? Mauna na kami," huling pamamaalam ni Chubs.
"Ikamusta n'yo na lang ako kina Mattia at Lolo Guido, kapag nagkita na kayo! Hindi na kasi sila dumalaw sa amin pagkatapos ng mga nangyari!" pahabol na sigaw ni Nigel habang naglalakad ang dalawa.
Nagkatinginan sina Joriz at Chubs, bigla nilang naalala ang tungkol kay Mattia. Hindi na nagparamdam ang mag-lolo sa kanila pagkatapos magapi ng Matruculan. Ano na kaya ang nangyari sa dalawa?
Samantala nang makaalis ang dalawang dayuhan ay bumaling si Nigel sa ina. May pagsusumamo sa kaniyang mga mata nang magsalita. "Ma, dadalaw po ako kay Papa ngayon. Gusto n'yo bang sumama?"
Saglit na natigilan ang ginang, pagkatapos ay nagbaba ng tingin.
Tuluyan nang pinagdurusahan ni Rolando ang ginawang pagkakamali sa loob ng kulungan. Ngunit kailangan bang magdusa rin ang mga anak sa kamalian ng ama? Kahit ayaw ng babaeng makita ang dating asawa, siguradong maghahanap at maghahanap pa rin ang mga bata sa kanilang tunay na ama.
Pagkuwa'y napabuntong-hininga ang ginang bago binanggit ang kasagutan. "Okay, Nigel. Sasama ako," anito at tumingin nang diretso sa binatilyo.
Nagningning ang mga mata at napangiti si Nigel dahil sa labis na katuwaan. "Matutuwa po siya dahil makikita niya po si Baby Rolly," aniya na tinutukoy ang bunso niyang kapatid. Kinuha niya ang sanggol sa bisig ng ina, kinalong at nakipaglaro.
***