KABANATA TEN

3004 Words
"Kumusta ang iyong kapatid, Ysabelle?" tanong ko sa kaniya nang makasabayan ko siya sa pagpasok sa kusina. Dala-dala namin ang kaniya-kaniyang plato na niligpit dahil katatapos lang kumain ng Hari at ng mga Prinsipe. Hindi ko na siya natanong kahapon dahil matapos akong iwan ni Prinsipe Arsh sa hardin, dumiretso na ako sa kusina at tumulong sa gawaing kusina maghapon. Pinaalam ko rin si Ysabelle kay Kharim Celia at naintindihan naman nila. Hindi ko na nga alam kung anong oras na siya bumalik, e'. "Nasa mabuting kalagayan na ang aking kapatid, Zariya. Laking pasasalamat ko sa 'yo dahil pinaalam mo ako kay Kharim Celia," nakangiting sagot nito. “Maraming salamat ulit.” Huminto ako saglit sa paglalakad at nilingon siya kasabay ng tipid na ngiti sa 'king labi. Hangga't may kaya akong gawin, gagawin ko lalo pa't buhay ng isang tao ang pinag-uusapan. Masaya akong okay na ang kapatid niya. Sana ay bumuti na ang lagay nito at ‘di na muling magkasakit pa. Dahan-dahan kong binaba ang mga dalang plato sa mga huhugasin. Mahirap nang sumablay dahil mukhang napakamahal ng mga ito. Kung makakakuha siguro ako ng kahit isang kutsara man lang at mapuslit ito sa modern world, for sure p'wede ko ito ibenta sa mga collector ng mga sinaunang gamit. Malaki rin ang kikitain ko 'pag nagkataon. Isa pa, halata namang gawa ito sa gold. "Kharim Celia…" May pamilyar na boses ang pumaibabaw sa loob ng kusina. Nagsiayos ng tindig ang mga taga-silbi. Hindi ko makita kung sino ang nagsalita dahil nanatili pa rin akong nakaupo sa gilid ng lamesa na nakaharang kaya't 'di ko makita ang pinto kung saan nakatingin ngayon ang lahat. Tinatamad ako kaya 'di na ako nag-aksayang tumayo pa. Aalis din naman siguro siya agad kung sino man siya. "Magandang umaga, Prinsipe Nesh." Yumuko ang lahat at sabay-sabay nilang binati ito. So, si Prinsipe Nesh pala ang pumasok. Naalala ko na naman ang una naming pagkikita. Kamuntikan na akong mabalian ng buto dahil sa pagkakahulog sa puno at siya ang may kasalanan nu’n. Idagdag pa na ako ang kasama niya noong muntik nang masunog ang garden. Ano pa kaya ang susunod na p'wedeng mangyari kapag siya ang kasama ko? Kakabahan na talaga ako. Mukhang hindi umaayon ang mga pangyayari kapag kaming dalawa na ang nagsama. May hatid yatang kamalasan ang kombinasyong Zariya at Prinsipe Nesh. "Ano ang iyong kailangan, Mahal na Prinsipe?" Boses 'yon ni Kharim Celia. "Nais kong malaman kung narito ba si Zariya, Kharim Celia? May isang kawal kasi akong nakasalubong at pinapasabi na isama ko raw si Zariya sa pangangabayo." Ano? Bakit ako? Teka, wala akong alam sa pangangabayo. Baka may masamang mangyari pa sa 'kin kung sasama ako lalo pa’t si Prinsipe Nesh ang kasama ko. Baka masipa naman ako ng kabayo ngayon. "Psst!" May narinig akong sumitsit. Nilingon ko kung sino 'yon at nakita ko si Ysabelle na pasimpleng kumaway. Nakatayo siya sa gilid ng lamesa at sinenyasan niya akong tumayo. Umiling ako dahil ayokong magpakita at sumama sa Prinsipe. Nanatili ako sa pagtago sa ilalim ng lamesa. "Zariya?" Tinatawag na ako ngayon ni Kharim Celia. Tatayo ba ako o magkukunyaring wala ako rito? Pero marami rin ang nakakaalam na narito ako ngayon, nakaupo. Baka mas mapagalitan pa ako 'pag 'di ako sumagot. Kaya naman unti-unti akong tumayo kahit pa labag sa aking kalooban. "Tinatawag mo po ako, Kharim Celia?" Agad silang lumingon sa gawi ko. Pati si Prinsipe Nesh ay nakatingin na sa 'kin ngayon. Nagtataka siguro sila ngayon kung sa'n ako nanggaling dahil 'di ako nagpakita kaninang bumati ang lahat ng mga taga-silbi sa bagong dating na Prinsipe. "Nar'yan ka lang pala," pasimula ni Kharim Celia. "Iyo raw samahan si Prinsipe Nesh sa pangangabayo." Umiling ako agad. "Pero Kharim Celia..." Hindi na ako nito hinintay na makapagdahilan."Huwag na magdahilan pa. Sige na Zariya, bumalik ka na lamang dito pagkatapos niyong mangabayo." Wala na akong magawa kaya nakabusangot akong humakbang. Hinihintay ako ngayon ni Prinsipe Nesh sa pinto. Nang nasa tapat na niya ako, nagsimula na rin siyang humakbang. Ako ang naunang maglakad sa aming dalawa. Huminto ako dahil nagtataka ako kung ba't ako ang nauunang naglalakad ngayon? Alam ko ba ang daan, ha? "Teka, ba't ba ako ang nauuna?" Eh, 'di ko naman alam kung sa'n kami pupunta. Ngumisi ito kaya naman napakunot naman ang noo ko. Ang ngisi nilang dalawa ni Prinsipe Dern ay nagbibigay sa 'kin ng 'di maipaliwanag na kaba. Kasi naman ang mga ngisi nila, parang may masamang balak. Ang mga ngiting hindi ko madaling mapagkatiwalaan. Napakajudgemental ko talaga! "Maging ako ay nagtataka rin kung ba't ikaw ang nangunguna. Marahil ay alam mo na kung saan tayo patungo?" Kahit isang buwan na akong narito sa mundo nila, 'di ko pa rin kabisado ang pasikot-sikot dito. Kahit nga sa buong palasyo ay hirap pa rin akong kabisaduhin ang bawat sulok. Kailangan ko pang humingi ng tulong kay Ysabelle o sa ibang taga-silbi kung sa'n banda ang tinutukoy ni Kharim Celia na silid sa t'wing inuutusan niya ako. Nanatili ako sa p'westo kong nakatayo lang. Inilahad ko ang kamay ko sa daanan at sinenyasan siyang maunang maglakad. Tahimik lang itong nakangiti at ilang saglit lang ay naglakad na nga siya. Ako na ngayon ang nakasunod sa kaniya. "Ba't kasi ako ang tinawag mo? Wala naman akong alam sa pangangabayo. Sana lang talaga ay 'di ako masipa ng kabayo kung 'di maninipa rin ako." Nagsasalita ako habang naglalakad. Totoo naman ang sinabi ko, wala akong alam sa pangangabayo kaya wala akong ambag sa gagawin nilang pangangabayo ngayon. Nagtaka ako nang huminto kami sa silid-paliguan ng mga Prinsipe. Maliligo pa ba siya? Hindi ba’t mas magandang maligo na lamang siya matapos mangabayo? Pagpapawisan lang din naman siya. "Samahan mo ako sa loob upang kunin ang gagamitin mong damit," ani nito. Akala ko pa naman ay maliligo siya. Kukunin lang pala ang kasuotan. Pumasok kami sa loob. Naupo muna ako sa isang upuang naro'n habang hinihintay ang ibibigay niyang damit. Kasalukuyan siyang nangangalkal sa malaking cabinet. Ilang saglit lang ay inabot niya na sa 'kin ang hawak niya na nakatuping damit. "Magbihis ka na at gano'n din ako." Nanlaki ang mga mata ko. "Ha? Sabay tayong magbibihis?" "Gusto mo ba?" Tumawa ito nang mahina. Tiningnan ko siya nang masama kaya mas lalo na naman itong bumungisngis. "Masyado akong mabait para gawin 'yon. Hindi ako kagaya ng aking kapatid na si Dern. Isa pa, napakabata ko pa sa bagay na iyon." Nakahinga ako nang maluwag. Buti naman! At saka hindi naman ako papayag if ever na gano'n ang gusto niya. Upakan ko pa silang dalawa ni Prinsipe Dern, eh! "Sige na, hintayin na lamang kita sa labas." Hindi na niya hinintay ang isasagot ko. Bigla na lang siyang nawala sa harapan ko. Nawa'y lahat may gano'ng klaseng kapangyarihan. Bigla ka na lang mawawala sa ano mang oras na iyong nanaisin at mapuntahan agad ang ibang lugar na walang kahirap-hirap. Bago magpalit, siniguro ko munang naka-lock 'yong pinto. Mahirap na at baka may biglang pumasok tapos si Prinsipe Dern pa. Kinuha ko ang damit na binigay ni Prinsipe Nesh. Tiningnan ko ito, katulad ito ng mga nakikita ko sa napapanood kong drama's. Outfit ito ng mga taong nagangabayo. Fitted na faded blue jeans at white long sleeve. Katulad ang tela nito sa hanbok na sinusuot ko. Nagpalit ako agad at itinabi muna sa gilid ang suot kong hanbok. May pa-outfit pang ganito, eh, 'di naman ako marunong mangabayo. Isinuot ko na rin ang brown combat boots na bigay rin ni Prinsipe Nesh. Ang ganda naman, mukhang matibay ang pagkakagawa. Tumapat ako sa malaking salamin na nasa gilid ng cabinet. Tiningnan ko ang aking kabuuan. Nakalugay ang curly hair ko na hanggang balikat. Hinayaan ko na ring matakpan ang noo ko ng ilang hibla ng bangs ko. Mas maganda akong tingnan sa ganitong kasuotan. Lumabas na ako at nadatnan ko sa gilid ng pinto si Prinsipe Nesh na nakasandal. Nakasuot din siya ng kapareho kong outfit. Hindi nga lang fitted ang long sleeve niya dahil 'di pa nahubog nang maayos ang katawan niya. Halatang nasa murang edad pa siya. "Tara na? Malamang ay kanina pa naghihintay sa atin si Ravi," wika niya. Prinsipe Ravi? Kasama namin siya? Biglang kumalabog ang puso ko. Gusto ko ulit pumasok sa loob at tingnan ulit ang sarili ko kung maayos ba talaga ang hitsura ko. "Kasama natin s-siya?" "Oo. Ang hinala ko nga ay siya ang nag-utos sa isang kawal na sabihin sa 'kin na isama ka," sumbat niya. Ba't naman niya gagawin 'yon? Ba't naman niya ako gugustuhin na makasama? Ah, mali! Bakit ba ganito ang mga iniisip ko? Malamang taga-silbi ako kaya ibig sabihin, kailangan lang nila ako ro'n in case na may iuutos sila. Minsan talaga, ayoko ng mindset ko. Nasosobrahan ang pagiging assumera! Inaya na ako ni Prinsipe Nesh na maglakad at magtungo sa malawak na bukirin nila. May ilang kawal ang nakasunod sa amin. Ganito talaga ang buhay ng isang taong may dugong bughaw. Buntot na nila ang mga kawal. Habang tinutungo namin ang bukirin, maraming mga kakaibang nilalang kaming nakakasalamuha. Ang iba ay mga unano, higante, kalahating tao at kalahating hayop. Hindi ako nakakalabas ng palasyo kaya ngayon ko lang sila makikita. Ganito pala ang ganap sa labas. Normal lang ang lahat. Hindi nila alintana ang pagkakaiba ng bawat isa in terms of physical appearance. Abala ang lahat sa kaniya-kaniyang gawain. "Magandang umaga, Prinsipe Nesh," bati ng mga nakakasalubong namin. Binabalik naman ni Prinsipe Nesh ng matamis na ngiti ang bawat pagbati nila. Bakas sa lahat na maganda ang pamumuno ni Haring Valor. Maayos ang lahat ng nasa paligid, napakapayapang tingnan. Para lang akong nasa palengke sa modern world pero mas organized nga lang dito dahil maayos na nakapila ang mga mamimili. Iyon nga lang ay 'di rin maiiwasan ang g**o, gaya ng ginawa ng dalawang nahuli ni Prinsipe Cozen noong isang araw. Pero I'm sure naman na nahuhuli at nabibigyan din ng punishment ang mga 'yon. Mga 10 minutes na rin ang tagal simula nang maglakad kami. Ngayon ay tanaw ko na ang napakalawak nilang bukirin. Nagsitayuan ang mga taong naroon na busy sa pamimitas ng mga gulay. May dala-dala silang tig-iisang basket at may laman na 'yon na ilang gulay. Sinalubong nila kami ng isang malawak na ngiti. I smiled back at them. Pati sa farm nila ay organized din. Nasa kanang bahagi ang tanim na mga palay at sa kaliwa naman ay ang mga tubo. Wow, sugarcane! Ang tagal ko nang 'di nakakakain no'n. Sa sobrang lawak ng bukirin, 'di ko na maisa-isa ang iba pang mga tanim na naroon. Mga matataas na puno ang nasa pinakadulo ng bukirin na nagbibigay ng sariwang hangin. Itong bukirin nila ay malapit sa kagubatan na pinasukan ko noong madaling araw na nag-ulat ako sa 'king Inang Reyna. Masukal ang kagubatang 'yon, expect ko na rin na maraming wild animals ang naninirahan do'n. "Kailangan mo ba ng tulong ko?" Napalingon ako sa gawi ni Prinsipe Nesh. Kasalukuyan na kaming naglalakad sa maputik na lupa. "Hindi na, kaya ko naman." Hindi man ako sanay na maputik ang dadaanan pero 'di rin naman ako maarte para magreklamo. Pero nagpumilit ito. Inilahad niya ang kaniyang kamay para umalalay sa 'kin. Nahihiya man ay tinanggap ko na rin ang kamay niya. Mas nakakahiya na tumanggi sa Prinsipe. Ipinatong ko ang kamay ko sa palad nito at sabay kaming naglakad. "Mukhang matatagalan tayo kung maglalakad pa tayo," an'ya. "So? Ano gagawin natin? Eh, wala namang p'wedeng masakyan dito sa bukid." Ang mga kabayo naman ay nasa gitnang bahagi pa ng malawak na bukirin nila. Kailangan talaga naming maglakad muna bago makarating do'n. "Humawak ka nang maiigi.” Iyon lang sinabi nito at naramdaman ko na lang na 'di na nakatapak sa lupa ang mga paa ko. Agad kong tiningnan ang mga paa ko. Lalo akong napahawak nang mahigpit sa kamay niya. Nakalutang kami ngayon! "Hala, hoy! Baka mapa'no ako nito," nerb'yos kong ani. "Huwag kang kabahan. Madalas man akong sumablay, kaligtasan mo naman ang unang iisipin ko kung may mangyaring masama." Ewan ko pero bigla akong napangiti. Hindi na ako umimik pa. Nag-eenjoy din naman ako ngayon. Never ko inasahan na mararanasan kong lumutang sa hangin. Hindi humahakbang ang mga paa at mismong ang hangin ang gumawa ng paraan para makapunta kami sa paroroonan namin. "Nesh!" sigaw ng lalaking lagi kong inaabangan sa palasyo. "Ravi, narito na kami ni Zariya." Unti-unti kong naramdaman ang pagtapak ng mga paa ko sa lupa. Inalis ko na rin ang kamay ko mula sa pagkakahawak kay Prinsipe Nesh. "Isinama mo pala si Zariya," nakangiting bumaling sa 'kin si prinsipe Ravi. Yumuko ako sa kaniya bilang pagbibigay respeto. Katulad din ng suot namin ni Prinsipe Nesh ang suot nito. Ang pinagkaiba lang ay mas fitted sa kaniya ang long sleeve na suot, bakas tuloy ang magandang hubog ng katawan niya. Napalunok ako dahil napakatikas ng kaniyang katawan. Mas lalo siyang naging hot sa 'king mata nang gumulo ang buhok nito dahil sa hampas ng hangin. Hindi ko talaga maiwasang humanga sa kaniyaang panlabas na anyo. "Akala ko ay pinapatawag mo siya kaya sinundo ko muna siya bago pumunta rito," paliwanag ni Prinsipe Nesh. Pagtataka ang puminta sa mukha ni Prinsipe Ravi. Bakit parang wala siyang alam sa sinabi ni Prinsipe Nesh? Akala ko ba ay siya ang may utos na samahan ko sila? "Wala akong matandaan na pinapasundo ko siya..." Pinutol ko agad ang sasabihin ni Prinsipe Ravi. Parang alam ko na kasi ang sunod niyang sasabihin. "Babalik na lang po ako sa palasyo," pagpuputol ko sa sinasabi ni Prinsipe Ravi. Baka na-misunderstand lang ni Prinsipe Nesh ang sinabi ng kawal kanina. Baka 'di talaga ako pinapatawag ni Prinsipe Ravi. Nakaramdam tuloy ako ng hiya kaya agad akong yumuko at tumalikod sa kanila. Babalik na lang talaga ako sa palasyo. Isa pa, wala naman akong alam sa pangangabayo kaya mas okay na 'yon. Akmang hahakbang na ako nang maramdaman kong may humawak sa kanang kamay ko. "Sandali, Zariya..." Boses 'yon ni Prinsipe Ravi. Lumingon akong muli sa kaniya pero 'di pa rin niya inaalis ang pagkakahawak sa kamay ko. Naging dahilan ito kung ba't bumilis ang t***k ng puso ko. "Narito ka na rin naman, samahan mo na kami sa pangangabayo," wika ni Prinsipe Ravi. "Pero 'di ako marunong mangabayo, Prinsipe Ravi. Hindi pa ako nakakasakay sa kabayo," pag-amin ko. Sa 20 years na pag-eexist ko sa mundo, never pa akong nakasakay sa kabayo. Noong pumunta kami sa Baguio, inaya ako ni Papa na mangabayo pero tumanggi ako. Pinapangunahan kasi ako ng takot at kaba. Takot na baka mahulog ako at kaba dahil mag-isa ko lang na sasakay no'n. "Ako ang bahala sa 'yo," nakangiting sagot niya sa 'kin. Naglakad na kaming tatlo papalapit sa dalawang kabayong nakahanda na. Parehas na malaki at kulay brown ang dalawang kabayo. Lumapit si Prinsipe Ravi sa isang kabayo. "Zariya, nais kong ipakilala sa 'yo ang aking kaibigan na si Angelito." Ang tinutukoy niya ay ang kabayong haplos-haplos niya ang mukha ngayon. Natatakot man ay nilakasan ko ang loob kong hawakan din ito sa mukha. "Masaya akong makilala ka, Angelito." Napangiti ako dahil 'di man lang umiwas ang kabayo sa paghaplos ko. Akala ko ay sisipain ako dahil ngayon lang ako nito nakita. "Huwag kang mag-alala, mabait ang isang 'to," natatawang wika ni Prinsipe Ravi. Tumango ako dahil tama naman ang sinabi niya, mabait nga ang alaga niya. "Kung gayon, tara na." Naagaw ni Prinsipe Nesh ang atens'yon ko. Nakasakay na siya sa isang kabayo. Bakit ang dali lang para sa kaniya na makasakay? Paano ako? Nasaan ang kabayo na gagamitin ko? Paano ako sasakay ro'n? "Halika na, Zariya. Aalalayan na kitang makasakay." "Saan?" Nagtataka kong tanong dahil wala pa namang bagong kabayo na dumating, tig-isa pa lang sila ni Prinsipe Nesh. "Kay Angelito," an'ya. Ha? 'Di ba kabayo niya 'yon? "Iisang kabayo lamang ang gagamitin natin," dagdag niya. What? Does it mean na aangkas ako sa kaniya? Pero... Walang paalam na kinuha niya ang kamay ko. Sinabi niya sa 'kin na aalalayan niya ako sa pag-apak sa nakasabit na apakan sa kabayo para makasakay. Nanginginig akong umapak pero nawala rin ito agad dahil panatag naman akong nasa likod ko si Prinsipe Ravi. Naramdaman ko ang paghawak niya beywang ko para i-lift up at tuluyang makasakay ako. Sumunod na rin siyang sumakay. Naiilang ako dahil ilang inches lang ang layo ng mga katawan namin, nasa likuran ko siya. Uminit lalo ang pisngi ko nang kunin niya ang tali sa bandang leeg ng kabayo dahilan para makulong ako sa dalawang kamay nito. Amoy na amoy ko rin ang mabango niyang halimuyak. "Handa ka na ba?" Para akong nakuryente nang bumulong ito. Sobrang lapit niya sa 'kin dahil ramdam ko ang hininga niya sa tainga ko. Nagbigay ito ng kiliti sa 'kin. Tanging pagtango ang sinumbat ko. Kinakabahan akong lumingon dahil may chance na magdikit ang mga mukha namin at baka kung ano pa ang mangyari. Naunang umalis si Prinsipe Nesh, mabilis ang pagpapatakbo nito. Sumunod na rin kami. Ang kaba at takot na nararamdaman ko kanina ay nawala dahil kay Prinsipe Ravi. Alam kong safe ako kung siya ang kasama ko. Binaybay namin ang napakalawak na ground field. Napakagandang tanawin ang kabuuan ng bukid habang nakasakay sa kabayo. Hanggang sa pumasok kami sa loob ng kagubatan. Kakapasok pa lang namin ay dumako agad ang paningin ko sa isang masukal na parte ng kagubatan. Parang may nakamasid kanina pa sa amin. Hindi naalis ang tingin ko ro'n lalo na't may naaninag akong dalawang tao, isang babae at isang lalaki. Habang papalapit sa gawing iyon, namukhaan ko ang lalaki. Kahit na isang beses ko pa lang siyang nalapitan nang maiigi, malakas ang hinala kong si Prinsipe Arsh 'yon. Nakumpirmi ko pa ito nang makita ko ang kulay ng buhok niya. Siya lang ang may gano'ng kulay ng buhok, kulay asul. Nahalata yata nilang nakatingin ako sa kinaroroonan nila kaya agad silang nawala. Saan sila nagpunta? Kung si Prinsipe Arsh nga 'yon, ba't niya kami pinagmamasdan? At sino ang babaeng kasama niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD