KABANATA THREE

3413 Words
"Ano ang nais mong gawin pagkagising niya, Ravi? Pakatandaan mo na hindi natin siya lubos na kilala."   Narinig ko ang boses ng isang lalaki. Gising na ako ngunit mas pinili kong ipikit muna ang aking mga mata. Papakiramdaman ko muna ang nasa paligid ko lalo pa't narinig ko ang pangalan ng isang Prinsipe.   Mukhang nandito si Prinsipe Ravi dahil nabanggit ng taong nagsalita ang pangalan nito.   "Alamin muna natin kung ano ang tunay na nangyari. Baka kasalanan ito ni Nesh kung kaya't nahulog ang Haya sa puno."   Namangha ako sa boses ng nagsalita. Napakagwapo ng boses at kalmado pa. Ang sarap sa tainga pakinggan. Kung marupok lang siguro ako, paniguradong nahulog na ako dahil lang sa boses niya kahit 'di ko pa nakikita ang mukha niya.   "Anong ako? Wala akong ginagawa sa kaniya, Ravi. Hindi ko nga alam kung anong dahilan ng kaniyang pagkakahulog," sabat ng isa pang lalaki. "Kaya hindi ako ang dapat mong sisihin, hindi ko kasalanan 'yon," dagdag pa nito. Bakas sa boses nito na naninindigan siyang wala nga siyang ginawang masama.   Siya ba itong kupal na dahilan ng pagkakahulog ko? Aba, mukhang nagmamalinis pa siya, ah! Siya naman talaga ang dahilan kung bakit ako nahulog. Bakit ba kasi bigla-bigla na lamang siyang nanggugulat?   Hindi na ako nakatiis pa. Kailangan ko ring ipagtanggol ang sarili ko. Hindi maaaring ako ang magmukhang masama rito. Ako na nga itong nahulog tapos magiging kasalanan ko pa?   "Anong hindi mo kasalanan? Hoy! Kung hindi mo sana ako ginulat, edi sana hindi ako nahulog, 'di ba?"   Halos nagulat silang lahat dahil sa biglaang pagsigaw ko sa lalaking nasa tabi ko na may kulay pula na buhok. Nilibot ko ang paningin ko sa loob ng kwarto. Limang lalaki ang kasama ko ngayon. Naupo tuloy agad ako mula sa pagkakahiga at niyakap ang sarili. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang may suot at kompleto pa naman akong damit.   Okay, ako na ang judgemental.   Lahat sila ay nakasuot ng eleganteng damit pang-prinsipe. Halatang mamahalin ang uri ng telang ginamit. May hawig ang suot nila sa traditional dress ng mga taga-Korea which is the "hanbok". Gaya lang ito ng damit ng mga Prinsipe at Prinsesa na napapanood ko sa mga Korean Dramas. Magkakaparehas ang kulay ng kanilang suot. Ang panloob nila ay kulay puti na may mahabang manggas na pinatungan ng kulay itim na parang bestida. May kakaibang ibon at bulaklak na disenyo ang nakaburda rito na ginamitan ng puting sinulid. White and black lang talaga ang kulay ng kabuuang suot nila. Kapansin-pansin ang kulay gintong laso na nakatali sa may bandang ibaba ng dibdib nila dahilan para magkashape ang suot nila. Animo'y nakadress talaga sila pero hindi, dahil nakasuot pa rin sila ng itim na pantalon. Hindi ba sila naiinitan?    Maging ang suot nila sa paa ay magkakapareho rin. Nakasuot sila ng kulay black na boots. Ang astig! Hindi ko na yata kailangang pumunta sa Korea para lang makakita ng hanbok sa personal dahil nasa harap ko na ito ngayon.   Mula sa suot nilang pang-ibaba, binalik ko ang paningin ko sa pang-itaas nila at napansin ko ang telang nakatali sa noo nila. Kulay pula ito at may disenyong ibon sa gitna na pareho lang sa nakaburda sa kanilang damit. Nakita ko na ang disenyong iyon! Iyon ang disensyong nakalagay sa pulang tela na nakabandera sa bungad ng gate kanina. Kung hindi ako nagkakamali, flag nila 'yon. Ito ang sumisimbolo sa kanilang Kaharian.   "Totoo ba ang kaniyang sinabi, Nesh?" Tumingin ang lalaking tinatanaw ko lang kanina sa lalaking dahilan ng pagkakahulog ko.    Mas gwapo pa pala sa malapitan si Prinsipe Ravi. Hindi lang ang pisikal na anyo lang ang nakakamangha sa kaniya, gayon din ang kaniyang magandang pag-uugali.   "Hindi ko naman akalain na magugulat siya," nakabusangot niyang sagot. Saka niya ako tiningnan nang masama. Inirapan ko rin siya agad   Bakit parang ako pa ang may kasalanan sa pagkakahulog ko?   Paanong hindi ako magugulat, eh, napakatahimik ng lugar tapos bigla siyang magsasalita. Pinagkamalan pa niya akong malaking ibon! Eh, kung tukain ko kaya siya ngayon?   Bumaling sa 'kin si Prinsipe Ravi. Nakatayo siya sa gilid ng kama kung saan ako nakaupo ngayon. "Humihingi ako ng tawad sa inasta ng aking bunsong kapatid. Ngunit Haya, nais ko sanang malaman kung ano ang ginagawa mo sa itaas ng puno?"   Tumingala ako sa kaniya kasabay ang pagbilis ng t***k ng puso ko. Anong sasabihin ko? Tila umurong ang dila ko at ayaw gumana ng utak ko. Wala akong maisip na dahilan.   Ang hirap isipan ng dahilan kung bakit nga ba nasa isang puno ang gaya kong binibini? Lalo pa't ang binibini sa mundo nila ay dapat umasatang mahinhin.   Hindi ko maaaring sabihin na kaya ako umakyat sa puno ay para makita siya.   "Isa ka bang espiya?"   Nawala ang atensiyon sa akin ni Prinsipe Ravi dahil sa nagsalita.   Napatingin ako sa gilid ng bintana. Seryosong nakatingin sa 'kin ang may kulay dirty white na buhok. Bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa sobrang kaba at takot. Bakit ba siya ganiyan tumingin? Nakakamatay!   "Kumalma ka, Cozen." Sumabat na rin ang lalaki na may kulay orange na buhok. Siya 'yong lalaking napakayabang kanina. Muntik pa niyang halikan ang kamay ko. Isa rin pala siya sa limang Prinsipe. Kung gayon, siya ang pinakaunang Prinsipe na nakilala ko. Nasa paanan ko siya pero nagsimula na siyang humakbang papalapit sa akin.   "Wala sa napakaamo at maganda niyang mukha ang pagiging espiya. Marahil ay nasa taas siya ng puno dahil hinahanap niya ang pinakagwapong Prinsipe na walang iba kung 'di ako. Tama ba aking Haya?" Nasilayan ko na naman sa labi nito ang nakakalokong ngiti. Pinandilatan ko naman siya ng mata. Hanggang rito ba naman ay manghaharot siya.   "Ang kapal mo!" Nilayo ko ang mukha niya sa 'kin dahil pilit niya itong nilalapit.   Katulad ni Ravi ay gwapo rin siya. Idagdag pa ang magkabilaang malalalim niyang dimples pero hindi tatalab ang isang 'to sa 'kin. Halatang playboy! Hindi ako magpapadala sa mga mabulaklak niyang mga salita.   "Dern, itigil mo na 'yang kahanginan mo. Hindi mo ba halata, mas nandidiri ang Haya sa 'yo kaysa magmalapuso ang kaniyang mga mata. Sa unang pagkakataon, hindi tumalab ang karisma mo," singit ng lalaking dahilan ng pagkakahulog ko, si Prinsipe Nesh.   Nagsitawanan silang lahat maliban kay Prinsipe Dern at sa lalaking may kulay asul na buhok. Malamang ay naasar si Prinsipe Dern kaya hindi ito natawa. Ang ipinagtataka ko, 'yong seryosong lalaki na nasa bintana, wala man lang siyang reaksiyon sa tinuran ng kaniyang kapatid.   "Huwag niyo akong pinagtatawanan!" Bumaling ulit si Prinsipe Dern sa 'kin. "Marahil ay nagpapakipot lamang siya. Mas gusto ko nga ito. Mahihirapan muna ako bago ko siya makuha. Napakagandang hamon!"   Dahil sa inis, inirapan ko ito sabay sabing, "Mama mo hamon!"   Silang lahat ay kumunot ang noo. Hindi yata nila alam ang ibig sabihin ng Mama at mas lalong hindi nila alam ang sarcastic na expression na sinabi ko. Ginagamit ko ang expression na iyon sa mga kaibigan ko para barahin ang sinasabi nila.   "Paumanhin mga Mahal na Prinsipe..." Napalingon kaming lahat sa babaeng nasa 40's na kapapasok lang sa kwarto. Nakasuot ito ng damit ng isang taga-silbi. Nag-bow muna siya at saka inangat ang kaniyang ulo. "Nabalitaan ko po kasi kay Ysabelle na narito raw ang Haya na kasama ko kanina."   Nakatitig siya sa 'kin ngayon. Ako ba ang tinutukoy niya? Ako lang naman ang Haya na narito. Malamang ay ako nga pero nakakapagtaka dahil hindi ko naman siya kasama kanina.   "Siya ba ang tinutukoy mo?"   "Siya nga, Prinsipe Ravi. Siya po ang sinasabi kong magiging bagong Kharim niyo. Iniwan ko siya kanina sa hardin at 'di ko inakalang aakyat siya sa puno. Marahil ay gusto niya lang akong tanawin at hanapin."   Napanganga lang ako sa sinasabi niya kay Prinsipe Ravi. Walang akong kaalam-alam pero hindi ako kumontra sa mga binigkas niya. Mas okay na rin ito dahil wala akong ibang dahilan na ipapalusot. Sakyan ko na lang ang sinasabi niya.   "Pasensiya na po," yumuko ulit ang babae.   "Kung gano'n, maari mo na siyang sunduin at ihatid sa inyong silid upang siya'y makapagpalit," kalmadong wika ni Prinsipe Ravi.   Tumango ito at humakbang siya papalapit sa 'kin. Habang inaalalayan niya akong tumayo, naagaw lahat ang atensiyon namin nang unang maglakad palabas ang lalaking may kulay asul ang buhok. Siya ang lalaking walang imik kanina pa. Nakatayo lang siya sa gilid ng bintana at tila may malalim na iniisip. "Mauna na ako," wika lang nito at 'di man lang nag-aksayang lumingon. Ang kaniyang boses ay napakalamig. Mukhang masungit at nang-i-snob ang isang iyon.   "Saan na naman kaya pupunta si Arsh?" Narinig kong tanong ni Prinsipe Nesh.   Nagkibit-balikat lang naman sa kaniya si Prinsipe Dern.   Hindi ko na lamang sila pinansin. Sinuot ko na ang tsinelas ko at saka ako humawak sa kamay ng kasama ko. Medyo masakit pa kasi ang likod at binti ko. Epal kasi itong si Prinsipe Nesh! Mababali pa yata ang mga buto ko sa mundong ito.   "Mauna na kami Prinsipe Ravi, Prinsipe Cozen, Prinsipe Dern at Prinsipe Nesh," pagpapa-alam ng matandang babae bago yumuko.   Sumunod na rin ako sa pagyuko bago sila talikuran.   "Sandali," napahinto kami sa paglalakad.   Napalingon kami kay Prinsipe Ravi. Nakatitig siya sa 'kin ngayon. Hindi ko alam pero hindi ko magawang iwasan ang titig na iyon.   "Ibig kong malaman ang iyong ngalan, Haya."   Nagkatitigan kami ng ilang segundo bago ako sumagot. "Z-Zariya ang pangalan ko."   Hindi ko maaring banggitin ang pangalang Amity dahil iyon ang tunay kong pagkatao rito. Gagamitin ko na lang ang pangalan kong Zariya, tutal iyon naman talaga ang totoo kong pangalan. Mas gusto ko pa ring makilala nila ako bilang si Zariya, ang totoong ako.   "Zariya," pang-uulit niya. "Ang ibig sabihin ay kagandahan at katingkaran. Tugmang-tugma sa 'yo." Ngumiti ito na nagbigay ng hindi maipaliwanag na pakiramdam sa 'kin. "Masaya akong makilala ka, Haya Zariya."   Ngumiti lamang ako. “Ganoon din ako, Mahal na Prinsipe.”   Tuluyan na kaming lumabas sa malawak na silid na 'yon. Nakaalalay pa rin sa 'kin ang babaeng bigla na lang sumulpot kanina at pinagtakpan ako. Magpapasalamat ako dahil sa ginawa niyang iyon.   "Dapat nag-iingat ka, Prinsesa," bulong niya sa 'kin na ipinagtaka ko.   Tama ba ang narinig ko? Tinawag niya akong Prinsesa?   "Kilala mo po ako?"   Tanging pagtango lang ang sinagot niya. "Mamaya na tayo mag-usap dahil delikado kung dito ko sasabihin sa 'yo lahat. Baka may makarinig pa sa atin."   Itinuon niya ang paningin sa dinadaanan namin. Nagtitinginan sa 'kin ang ilang kawal at babaeng mukhang taga-silbi rin na nakakasalubong namin. Nagtataka siguro sila kung sino ako. Ako lang naman ang ordinaryong estudyante mula sa modernong mundo na napadpad dito sa kakaiba nilang mundo.   Medyo mahaba rin ang nilakad namin. Napakalawak kasi nitong hallway ng palasyo. Nang tuluyan na kaming makalabas, lumiko kami pakaliwa. May isa pang dalawang palapag na bahay ang nakahiwalay mula sa pinasukan namin kanina. Gaya sa palasyo, ito rin ay gawa sa bato kaya hindi ito basta-basta masisira. Sa gilid ng dinadaanan namin ay puno ng makukulay na bulaklak at mga ilang puno. Napakapresko at maaliwalas na tingnan.   "Dito namamalagi ang mga Kharim na tulad natin. Hindi lahat ng Kharim ay nakakapasok at nakakapagsilbi sa Hari at sa mga Prinsipe. Bilang lang ang mga Kharim na pinapayagang makasalamuha ng mga Prinsipe lalo na ang Hari," pagsisimula nito.   Iginaya niya ako sa isang silid. Walang ibang tao rito maliban sa aming dalawa. Nagtungo siya sa isang cabinet at ako naman ay naupo sa kama. May dalawang kama ang nasa silid na ito, tig-isa siguro kami.   Napag-alaman ko na ang ibig sabihin ng salitang Kharim ay taga-silbi. Kung ganoon, magiging taga-silbi ako ng limang Prinsipe.   "Mabuti na lamang at umalis na ang Kharim ng limang Prinsipe at ikaw na ang papalit. Makakatulong ito sa 'yo para mapabilis ang misyon na ibinigay sa 'yo ng iyong Inang Reyna." Patuloy lang siya sa paghahalungkat ng damit sa cabinet.   "Alam niyo po ang tungkol sa misyon ko?"   Humarap na ito sa 'kin dala ang nakatuping damit. "Oo, alam ko. Dahil tulad mo, inutusan din ako ng iyong Ina upang mag-espiya. Tayong dalawa ang magsisilbing mata niya rito upang mapagplanuhan nang mabuti ang pagpapabagsak sa Kaharian ng Norland."   So, bago dumating si Prinsesa Amity rito, may nauna nang nagtra-traydor sa palasyo? Kaya mas napagplanuhan nang maayos ang pagpapababagsak sa Norland dahil hindi lang pala iisa ang traydor.   "Makinig ka, Prinsesa Amity... Kailangan mong mag-ingat sa bawat kilos na iyong gagawin dahil matatalino ang mga Prinsipe. Baka isang galaw mo lang, masisira lahat ang plano ng 'yong Ina."   Hindi ako kumibo. Tanging pagtango lang ang aking ginawa. Wala siyang kaalam-alam na hindi ko susundin ang inuutos ng Reyna. Ibang misyon ang kailangan kong gawin. Iyon ay ang misyon na pangalagaan ko ang Kaharian upang makabalik ako sa mundo ko. Hindi nila alam lahat na hindi lang ang Norland ang tra-traydorin ko, maging ang sariling Kaharian ko, ang Lacandia.   Bigla akong nakaramdam ng konsensiya.   Hindi, Zariya. Tama lang ang gagawin mo. Gagawin mo ito para makabalik ka sa payapa mong buhay.   "Kailangan mo na magpalit, Prinsesa. Ito ang iyong isusuot." Inabot niya sa 'kin ang nakatuping damit.   Kinuha ko naman ito agad at hinawakan para makita ang kabuuan nito. Gaya 'yon sa suot ng babaeng nasa harap ko ngayon.   "Ako nga pala si Celia, Prinsesa Amity. Kharim Celia ang itawag mo sa 'kin," pagpapakilala nito. "Maiwan na muna kita upang makapagpalit ka. Hintayin na lamang kita sa labas, Mahal na Prinsesa." Yumuko muna siya bago niya ako tinalikuran.   Matapos niya isarado ang pinto, inalis ko na ang white dress na suot ko. Ewan ko nga kung saan galing ang puting dress na ito. Kinuha ko na lamang ang binigay sa akin at sinuot. Gaya rin ito ng hanbok ng Korea.   Binubuo ng kulay puting blusang istilong bolero at isang mahabang saya, na may natatanging proporsiyon. Mahaba ang kulay rosas na sa saya kaya naman nagmumukhang matangkad ang isang maliit na babaeng katulad ko ang magsusuot nito. Nakabukang gaya ng mga pakpak ang manggas ng blusa, samantalang ang saya nito ay nagsisimulang lumuwang mula sa dibdib at kaakit-akit na sumasayad sa sahig. Kapansin-pansin rin ang breastline nito na pinapalamutian ng naiibang uri ng laso, na ang magkabilang dulo ay nakalaylay mula sa pagkakabuhol nito. Ang neckline ay binurdahan ng magagandang disenyo ng bulaklak na may matingkad na kulay. Sinuklay ko na rin ang buhok ko at tinalian ito ng laso na paribbon at saka naglagay ng kulay gintong hairpin na may bulaklak din na disenyo.   Humarap ako sa malaking salamin, napakaganda ng kinalabasan. Ang sosyal naman tingnan ng mga taga-silbi rito. Humahawig sa mga damit pang-maharlika. Hindi mo aakalain na taga-silbi ang magsusuot ng damit na ito.   Ilang saglit lang ay lumabas na ako. Nadatnan kong naghihintay sa labas si Kharim Celia. Iginaya niya ako palabas, naglakad-lakad kami hanggang sa makarating kami sa hardin. Dito ang pinuntahan ko kanina at dito rin ako nahulog. Napakalawak talaga ng hardin ng palasyo. Nakakaenganyo pa ang mga bulaklak na narito.   Nanatili kaming nakatayo lang sa gilid at tanaw ang limang Prinsipe na kasalukuyang abala ngayon sa pag-e-ensayo sa malawak na field ng hardin. Nakatutok ang atensiyon naming dalawa ni Kharim Celia sa mga Prinsipe.   "Ang unang Prinsipe ay si Prinsipe Ravi. Siya ang may kulay ginto na buhok. Siya rin ang panganay na Anak ni Haring Valor. Ang Prinsipe na pinakamabait, responsable, maaasahan at nakatakdang susunod sa yapak ng kaniyang Ama. Ang kaniyang puso ay malapit sa mga mahihirap na mamamayan ng Kaharian kaya naman labis siyang minamahal ng mga nasasakupan ng kaniyang Ama. May kakaiba rin itong kakayahan. Kaya niyang alisin ang kapangyarihang taglay ng isang nilalang na may angking kapangyarihan na hindi mas mataas ang posisyon kaysa sa kaniya. Sa tuwing may kalokohang ginagawa ang kaniyang mga kapatid, pinaparusahan niya ang mga ito sa pamamagitan ng pag-alis sa kanilang kapangyarihan upang hindi nila magamit ng ilang araw."   Nakatitig ako ngayon kay Prinsipe Ravi. Halata talaga sa mukha at kilos nito ang isang tunay na Prinsipe. Unang kita ko pa lang sa kaniya, napahanga na niya ako. Hindi ako magtataka kung bakit siya ang susunod na maging Hari ng Norland.   "Ang ikalawang Prinsipe ay si Prinsipe Cozen na may kulay puting buhok." Bumaling ang paningin ko sa lalaking kapalitan ni Prinsipe Ravi ng espada. "Ang Prinsipe na ito ay kabaliktaran ni Prinsipe Ravi. Ito ay sakit sa ulo ni Haring Valor dahil madalas na nadadawit sa g**o at mga ordinaryong mamamayan pa ng Kaharian ang laging inaaway." Ang tinutukoy ni Kharim Celia ay ang Prinsipe na binigyan ako ng matalim na tingin kanina at sinabihan pa na ako raw ay isang espiya. Hindi na ako magtataka na lagi nga itong napapa-away. "May kakayahan siyang manlinlang at magpalit anyo kaya mag-ingat ka Prinsesa sa bawat taong nakakasalamuha mo dahil hindi mo malalaman kung sila ba talaga iyon o si Prinsipe Cozen na nagbabalat-kayo."   Kailangan ko talagang itikom ang bibig ko tungkol sa misyon ko lalo pa't may gano'ng klaseng kakayahan ang isang Prinsipe.   Bumaling naman ngayon ang tingin namin sa Prinsipeng walang imik kanina. Kasalukuyan siyang nag-e-ensayo magpana. Maging sa pagpana ay wala siyang kasama, ang loner naman niya.    Ang mas nakaagaw ng pansin ko ay ang kulay asul nitong buhok. Bagay na bagay sa kaniya ang ganoong kulay dahil sa maputi nitong kutis.   "Siya ang ikatlong Prinsipe, si Prinsipe Arsh. Ang pinakatahimik, seryoso at minsan mo lang makitang magsalita. Takot din ang ibang Kharim na kausapin siya dahil sa angking kasungitan nito pero kahit gano'n pa man, maraming kababaihan pa rin ang humahanga sa Prinsipe. Ngunit kahit anong pagpapansin ang gawin nila, walang epekto ito sa Prinsipe." Hindi ko alam pero ang pagiging seryoso niya ang mas nakaka-attract lalo sa kaniya. Sa kaniya ko nakikita ang fictional character na nababasa ko sa mga libro noon, ang mysterious at cool guy na sobrang gwapo. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit maraming babae ang nagkakagusto sa kaniya. "Kakaiba ang kakayahang taglay nito. Napakatalino ni Prinsipe Arsh na umaabot sa puntong kaya niyang solusyon-an ang lahat ng problemang ibabato sa kaniya. Isa pa ay kaya niya ring basahin ang nasa isipan mo. Kaya naman Prinsesa Amity, iwasan mong isipin ang iyong misyon sa oras na kasama mo si Prinsipe Arsh."   Itinatak ko ang bilin niya sa aking isip.   Sa Prinsipeng ito pala ako mas dapat mag-ingat dahil p'wede niyang basahin ang iniisip ko. Masyadong madaya ang kapangyarihan niya, ah!   "Si Prinsipe Dern naman ang pang-apat na Prinsipe. Sa kanilang lima, siya ang mahilig magpaibig ng mga Haya. Dinadaan niya sa mabubulaklak na salita at sa kahanginan. Mahal na Prinsesa, binabalaan kitang huwag kang magpapadala sa mga matatamis na binibigkas niya sapagkat matapos kang paibigin, maglalaho 'yan bigla at 'di na muling magpaparamdam." Grabe, siya ang ghoster sa kanilang magkakapatid. "Ang kakayahan naman niya ay kaya niyang pahabain ang ano mang klaseng parte ng kaniyang katawan," dagdag pa ni Kharim Celia. Ang flexible naman pala ng kaniyang katawan.   Ang tinutukoy ni Kharim Celia ay ang unang Prinsipeng nakita ko rito sa Norland. Ang Prinsipeng may kulay kahel na buhok. Hindi na ako nagulat dahil first impression ko talaga sa kaniya ay babaero.   Ibig sabihin, ang bunsong Anak ni Haring Valor ay ang lalaking may pulang buhok na dahilan ng pagkahulog ko sa puno.   "Siya naman ang bunsong Prinsipe, si Prinsipe Nesh. Ang pinakasutil na Anak ni Haring Valor. Napakakulit at hindi pa talaga handa na maging isang ganap na Prinsipe. Masyado pa siyang bata at mas ibig pa niyang makipaglaro sa ibang kabataan na kaedad niya. Sa pagiging isip-bata, hindi pa niya kayang gamitin nang tama ang kaniyang kapangyarihan kaya kahit saan ay nagkakaroon ng sunog. Hindi pa sapat ang kaniyang kaalaman upang ingatan ang kaniyang kapangyarihan. May angking kakayahan siyang magpaliyab at gumawa ng apoy gamit lang ang kaniyang dalawang palad."   Bumuntong hininga si Kharim Celia. "Lahat sila ay may kakayahan ding mawala na parang bula at lumipat sa ibang lugar. Sila lang ang may ganoong klase ng kapangyarihan."   Napamangha ako sa bawat kapangyarihang taglay ng mga Prinsipe. Kailangan kong ihanda ang sarili ko sa oras na masaksihan ko na mismo sa harap ko ang kakayahan nila dahil may posibilidad na himatayin ako.   "Ngayong kilala mo na ang limang Prinsipe, umaasa akong magagampanan mo nang maayos ang iyong misyon, Prinsesa Amity."   Nilingon ko ito at nginitian siya. "Makakaasa ka, Kharim Celia."   Dalawa lang ang p'wedeng mangyari sa misyon ko. Ang maulit ang dating nangyari sa nakaraan o maiba ang takbo ng tadhana sa kasalukuyan.   Pero isa lang ang titiyakin ko, gagawin ko ang lahat makabalik lang sa mundo ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD