KABANATA ONE

2922 Words
"Tila ikaw ay naguguluhan, Haya. Hayaan mo't ipapaintindi ko sa 'yo," ani ng hindi ko mawari kung anong klaseng hayop ito. Hindi pa rin natatanggal ang takot ko sa kaniya lalo pa't lumipad na ito pababa at ngayon ay nakalapag na sa lupa. Isa pang ipinagtataka ko, bakit tinatawag nila akong Haya? Eh, hindi naman iyon ang pangalan ko! Malakas lang siguro ang pagkakauntog ng ulo ko sa bus kaya hanggang ngayon ay natutulog pa rin ako at panaginip lang lahat ng ito. Sana nga, panaginip lamang ito. "Gusto ko po muna sanang malaman kung bakit Haya ang tinatawag niyo sa 'kin? Zariya po ang pangalan ko,” pagtatama ko sa kaniya. "Ang salitang 'Haya' rito ay tumutukoy sa isang binibini, ito ay pagbibigay respeto na rin kung 'di pa alam ang tunay niyang ngalan." So, ibig sabihin... ang Haya ay binibini? Miss sa English? Gano'n ba? Kakaiba nga naman talaga ang mundong 'to. They have their own vocabulary. "Kaya huwag kang magtaka kung tawagin ka ng sino mang nilalang dito ng Haya sapagkat ikaw ay bagong salta lamang at hindi pa kilala ng lahat." Ibig din bang sabihin na totoo ang lahat ng sinasabi niya sa nangyayari ngayon? Hindi ba ito panaginip lamang? Hindi ba nila ako prinaprank? Ano ba talaga ang nangyayari? Kung hindi ako kilala ng lahat, paano ako mabubuhay rito? Mag-isa ko lang sa mundong ito? Hindi ko yata kaya! Nasanay akong laging nasa tabi ko sina Mama at Papa. Hindi ko ma-imagine na wala sila sa buhay ko. Simula pagkabata hanggang ngayong 20 years old na ako, sila ang kasama ko. Nakaramdam ako ng lungkot nang maisip ko ang pamilya ko. Kumusta na kaya sila ngayon? Alam ba nilang nawawala ako? Hinahanap ba nila ako? Paano ko sasabihing nasa kakaibang mundo ako ngayon? Paano ako makakabalik sa mundo ko? Unti-unti, nagsi-sink in na sa utak ko kung ano talaga ang nangyayari. "Miss na miss ko na ang pamilya ko." Namuo sa gilid ng mga mata ko ang luha. Humarap ako sa kaniya, itinabi ko muna ang takot. Gusto ko na talagang bumalik sa normal na buhay ko. "Parang awa niyo na po, kung totoo man talaga itong nagyayari ngayon, p’wes, ibalik niyo na ako sa mundo ko. Nakikiusap ako, please?" "Pasensya ka na, Zariya, pero hindi ka maaaring bumalik sa modernong mundo hangga't hindi mo pa natatapos ang misyon mo rito." Nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulat. "Misyon? Anong misyon po?" Lumipad muli ito sa sanga na nasa tapat ko. Tumingala naman ako para tingnan siya at dinggin ang susunod niyang sasabihin. "Iyon ay ang protektahan ang Kaharian ng Norland laban sa isa pang Kaharian na nais pabagsakin ito." Kumunot ang noo ko. Ako? Pro-protektahan ko ang Kaharian ng Norland? Paano? Eh, 'di hamak na normal na estudyante lang ako. Anong magagawa ko para protektahan ito? "Paano po? Eh, wala naman akong powers na gaya ng mga Prinsipeng nasa panaginip ko. Parang imposible naman 'yon," ani ko na hindi pa rin naniniwala sa sinasabi niya. "Malaki ang tulong na magagawa mo upang manatili ang kapayapaan sa Kaharian na ito. Ikaw ang magiging dahilan upang hindi magwagi ang isa pang kaharian." "Ano po bang Kaharian ang tinutukoy niyo?" Maliban sa Kaharian ng Norland ay may isa pang Kaharian? Kailangan kong malaman ito para mapadali ang sinasabi niyang misyon ko. Sasabihin ko lamang sa Hari ang pangalan ng Kaharian na gustong pabagsakin ang Norland para mapaghandaan nila at ang Norland na mismo ang unang susugod upang talunin ang Kahariang iyon. Oh, edi tapos agad ang misyon ko, 'di ba? Gano'n lang kadali. Napakatalino ko naman! Napangisi ako sa naisip kong paraan para makabalik agad sa mundo ko. Hindi na ako magtatagal sa mundong ito. "Kaharian ng Lacandia, ang Kahariang pinamumunuan ng iyong Ina." Nawala ang kaninang ngiti sa 'king labi at napalitan ng pagkunot ng noo dahil sa pagkalito. Nandito si Mama? Paanong nagkaroon ng Kaharian si Mama? "Kung iniisip mong ang iyong Ina sa modernong mundo ang tinutukoy ko ay nagkakamali ka. Hindi ikaw si Zariya sa mundong ito." Napahinto siya at tiningnan ako nang seryoso. "Hayaan mong magbalik-tanaw tayo para maintindihan mo ang lahat ng sinasabi ko," dagdag pa nito. Hindi ako makaimik dahil 'di ma-absorb ng utak ko ang mga sinasabi niya. Paanong hindi ako si Zariya? Eh, ako nga si Zariya! "Iwaksi mo muna ang lahat ng katanungan sa iyong isipan at tumingin ka sa aking mga mata. Aking ipapakita ang iyong tunay na katauhan. Kung sino ka nga ba sa mundong ito." Gaya ng sinabi niya, pinakalma ko muna ang sarili ko. Hindi ko muna inisip ang mga tanong na bumabagabag sa 'kin. Gusto kong malaman ang lahat. Gusto kong masagot ang mga tanong na kanina pang lumulutang sa aking isipan. Matapos pakalmahin ang sarili, tumingin na ako sa kaniyang mga mata. Ilang saglit lang no’ng ipinikit ko ang mga mata ko ang paglitaw ng senaryo sa aking isip. Isang senaryo ng labanan sa panig ng dalawang lalaki, kapwa nakasuot ng korona na sa wari ko, sila ay parehong Hari. Nasa isang madilim na kagabutan sila at napapaligiran ng mga nagtataasang puno. Parehas silang magaling. Tuloy-tuloy ang palitan ng kanilang mga espada. Animo'y sanay na sanay sa pakikipaglaban. Walang ayaw magpatalo ngunit nakakuha ng pagkakataon ang isang Hari upang hawakan ang braso ng kalaban patalikod at itulak ito dahilan para matumba ang isa pang Hari sa lupa. Tinutok niya ang espada sa mukha ng natumbang Hari. '"Wala ka nang magagawa, Valor. Akin na ang kagubatang ito! Mapapasaakin ang lahat ng pagmamay-ari mo," ani ng Haring nagwagi. Bakas sa boses nito ang poot at galit. Nang huhugutin na pataas ng Hari ang kaniyang espada para tuluyang bumaon sa leeg ng Hari na kalaban niya ay naunahan na siya agad nito. Mabilis ang pangyayari. Bumaliktad ang kanilang posisyon. Nahawakan ni Haring Valor ang katabi nitong espada at mabilis na ibinaon 'yon sa tapat ng dibdib ng kalaban nang paliparin niya ang kaniyang espada. "Tama na ang kasakiman mo, Hellion!" Ang Haring kaninang nagwagi ay unti-unting natumba ngayon. Siya ay tinawag na Hellion… Haring Hellion. Tumayo mula sa pagkakahiga si Haring Valor. Tinitigan niya lamang si Haring Hellion na nakahandusay na sa lupa habang walang tigil sa pag-agos ng dugo sa dibdib nito hanggang sa nabawian na ito ng buhay. Matapos ang senaryo na 'yon, may isa na namang eksena ang lumitaw. Ito naman ay ang usapan ng dalawang babae. Ang isa ay isang Reyna at ang isa naman ay... a-ako? Tama, ako nga 'yon! Kamukhang-kamukha ko 'yon! "Ano ang nais mong gawin ko, Ina, para ipaghiganti si Ama?" Nakaupo siya ngayon sa malaking kama habang ang Reyna ay nakatalikod at nakatanaw sa terrace ng kwarto. Lumingon at naglakad ang Reyna papalapit sa kaniyang Anak. Naupo na rin ito sa kama. Seryoso ang kaniyang mukha na humarap sa Anak na Prinsesa. "Ipapadala kita sa Kaharian ng Norland upang mag-espiya. Iuulat mo sa 'kin ang lahat ng kaganapan doon upang sa gano'n, mapag-isipan kong mabuti ang planong digmaan laban sa kanila. Ipaghihiganti natin ang iyong Ama. Pababagsakin natin si Haring Valor at ang kaniyang kaharian!" "Iyon lang ba ang aking gagawin, Ina?" tanong ulit ng kaniyang Anak. "Hindi, dahil kailangan mo ring paibigin ang limang Prinsipe. Paibigin mo silang lahat at sirain ang kanilang relasyon bilang magkakapatid. Kailangan mo itong gawin, Amity." Hindi pa ako nakak-get over sa nakita ko at may panibagong senaryo muli ang lumitaw. Pero this time, ramdam kong nanginig ang buong katawan ko dahil sa sobrang takot. Nangyari na nga ang digmaan. Maraming kawal at ordinaryong mamamayan ang nasawi. Nakahandusay ang lahat na wala nang buhay. Ang paligid ay puno ng dugo. Ang napakagandang Kaharian ng Norland ay nasira na. Natupok na ito ng malakas na apoy. Ang Hari ay nakahandusay na at wala na ring buhay katabi ng kaniyang tatlong Anak na Prinsipe. Ang isang Prinsipe naman ay pinilit tumayo para lumaban sa kabila ng sugat na natamo pero nabigo pa rin ito. Maging sa huling buhay niya ay lumaban siya. Hanggang sa nag-focus ang balik-tanaw sa huling Prinsipe. "M-Marahil ay natalo at nabigo kami ngayon. Ngunit hindi ako papayag na magwagi ang kasamaan sa kabutihan." Tumingala siya sa kalangitan. Pinilit niyang magsalita kahit naghihinalo na ito. "Hinihiling ko na bigyan kami ng pangalawang buhay upang proteksiyon-an at panatilihin ang kapayapaan sa pinakamamahal naming Kaharian. Ako ay Anak ni Haring Valor na nag-uutos na iyong dinggin at tuparin ang aking huling hiling," wika nito bago ipinikit nang tuluyan ang kaniyang mga mata. Kasabay no'n ay ang siyang pag-alingawngaw ng nakakatakot na halakhak ng isang babae. Nagwagi kami. Nagwagi ang Kaharian ng Lacandia! Halos matumba ako matapos ang pagbabalik-tanaw. Napahawak ako sa puno para hindi tuluyang matumba. "Ngayon ay klaro na sa iyo kung bakit naririto ka. Kailangan mong ibahin ang takbo ng mga pangyayari sa pangalawang pagkakataon." "A-Ako si A-Amity?" naguguluhan ko pa ring tanong. "Ikaw nga, Prinsesa Amity." Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Ako at si Prinsesa Amity ay iisa lang. Ako si Prinsesa Amity sa aking nakaraang buhay. Nagpabalik-balik ako ng lakad sa harap ng puno. Kung ako si Amity, ibig sabihin, ako ang dahilan kung bakit nagwagi ang aming Kaharian noon? Nagampanan ko nang maayos ang utos ng Mahal na Reyna. "So, kailangan ko pong hindi sundin ang ipinag-uutos ng Reyna para magtagumpay sa misyon ko?" tanong ko matapos kong ma-realized kung paanong nagwagi ang Kaharian ng Lacandia. Malaki ang naging parte ni Prinsesa Amity sa planong ginawa ng kaniyang Inang Reyna. "Nasa iyo na 'yon kung anong diskarte ang iyong gagawin. Ang tanging maipapayo ko lamang sa 'yo, 'wag kang iibig sa limang Prinsipe. Hindi mo kontrolado ang emosyon nila kaya mas mabuting ikaw na ang umiwas." Lumipad na naman siya sa isa pang sanga. "Zariya, malaki ang magiging epekto kapag may isang Prinsipe ang umibig sa 'yo. Maaaring umulit muli ang nangyari noon o mas malala pa ang magiging epekto nito sa buhay mo ngayon. Maaaring ikaw ay hindi na makabalik sa iyong mundo, makakalimutan mo nang tuluyan ang memorya mo at mananatili ka rito habang-buhay." Ano? Mananatili ako rito habang-buhay? Ayoko! Bakit kasi sa dinami-dami ng tao sa mundo, ako pa ang napiling magreincarnate kay Prinsesa Amity? "Ano naman po ang mapapala ko kapag nagtagumpay ako?" "Makakabalik ka sa mundo mo. Sa mundong 'yon, maaari na ang lahat. Hindi mo na kailangang pigilan pa ang iyong nararamdaman." Parang nabitin ako sa sinaad niya. Ano ang nais niyang sabihin? Anong kinalaman no'n sa nararamdaman ko? "Tara na mga kasama, halina at paroroon tayo sa palasyo!" sigaw ng isang lalaki dahilan para maagaw ang atensyon ko. Lumingon ako sa pinanggalingan ng sigaw. Nangunguna sa paglalakad ang lalaking sumigaw at sa likod nito ay ang mga kasamahan niya. Bakas na naghihirap ang mga ito dahil sa suot nilang damit na punit-punit at madudungis ang mga mukha. "Sige na, Zariya. Humayo ka na at gawin ang iyong misyon. Narito lang ako kung may nais ka pang itanong." Tumango ako sa kaniya at ngumiti. Hindi na ako natatakot sa hitsura nito dahil mabait naman siya. Siya na lang din ang ang p'wede kong hingan ng tulong at ang nag-iisang may alam ng tunay kong pagkatao. Mukhang hindi nga ito prank or joke time. Unti-unti ko nang natatanggap ang mga nangyayari. Imbes na magreklamo at umiyak, mas nanaisin ko na lang na gawin na ang misyon ko para makaalis din dito agad. Tinalikuran ko na siya at sumabay sa paglalakad kasama ang mga taong papunta ngayon sa palasyo. "Ano ang kaganapan sa palasyo?" tanong ko sa babae na mukhang ka-edad ko lang. "Mamimigay raw si Prinsipe Ravi ng tatlong butil ng ginto sa gaya naming mga mahihirap," walang alinlangang sagot niya kahit hindi niya pa ako kilala. Teka, Prinsipe Ravi ang sinabi niyang pangalan? Isa siya sa mga Prinsipe. Kailangan ko yata talagang makapasok sa palasyo para makita at makilala ang limang Prinsipe na kasama sa misyon ko. Nang nasa harap na kami ng napakalaking gate na gawa sa metal, nakisiksik ako sa gitna. Hindi kasi kagaya ng damit ko ang damit nila. Mas maayos ang suot kong white dress kumpara sa kasuotan nila. Baka may makapansin at 'di ako payagang pumasok. "Ipinagbilin sa 'kin ng Prinsipe na sa oras na makapasok kayo sa loob, pumila kayo nang maayos upang mabilis ang pamimigay ng ginto ng Mahal na Prinsipe. Iwasan rin ang pakikipagtulakan," bilin ng isang kawal. Ito yata ang pinakaleader ng mga ng hukbo. "Masusunod, Heneral," sigaw ng lahat. Sabay-sabay kaming pumasok. Paano ako nito? Pipila kaya ako? Ngunit makikita nila ang damit ko. Hindi p'wede! Kailangan kong pumuslit at pumunta sa ibang direksyon. Habang naglalakad ang lahat papunta sa linya, lumilingon ako sa paligid. Wala akong nakitang kawal sa bandang kanan na direksyon. Busy ang lahat sa pag-aayos sa pila and I grab that as opportunity para lumiko. Pasimple akong pumuslit paalis sa kumpol ng mga tao para walang makahalata. May mga nakahilerang malalaking puno sa daanan dahilan para makatago ako at hindi ako mapansin. "Saan ba ito papunta? Baka mamaya makasalubong ako rito ng kakaibang nilalang. Nakakaloka pa naman itong mundong 'to," pabulong kong reklamo sa 'king sarili. Binilisan ko ang paglalakad hanggang sa makarating ako sa malawak at napakagandang hardin. Puno ng mga makukulay na bulaklak ang paligid at nakaapak ako ngayon sa bermuda grass. Sa gitna ng malawak na hardin, may isang malaking bilog na lamesa na napalibutan ng anim na upuan. May poste't bubong rin ito na kahit umuulan ay maaari pa ring tumambay. Para siyang isang gazebo sa modern world. "Napakabait talaga ni Prinsipe Ravi." Agad akong nagtago sa likod ng isang puno nang marinig ko ang usapan ng dalawang babaeng paparating. "Napahanga na naman ako sa kaniya. Maliban sa angking kagwapuhan, may bukal rin siyang puso para tuulong sa mga dukha. Nararapat talaga na siya ang sumunod sa yapak ni Haring Valor," dagdag pa ng isang kasama niya. Nagtuloy lang sila sa paglalakad at nilagpasan ang puno na pinagtataguan ko. Papunta sila ngayon kung nasaan ang mga taong nakasabayan ko kanina. Hindi ko matanaw kung ano na ang nangyayari ro'n dahil sa mga punong nakaharang. Tumingala ako at nakaisip ng paraan. Inilislis ko muna ang manggas ng damit ko at inalis ang suot kong tsinelas. "Mabuti na lang at marunong akong umakyat," nakangiti kong sambit. Noong bata pa ako, lagi akong umaakyat sa puno ng mangga sa likod ng bahay namin. Madali lang sa 'kin itong gawin dahil sa payat ako at 'di mabigat ang katawan para makaakyat. Maingat kong inakyat ang puno. Hindi ko alam ang punong ito dahil ngayon ko lang itong nakita. Basta may malalagong dahon ito at maraming sanga pero wala namang bunga. Nang makarating sa taas, tanaw ko na ang harap ng palasyo. Nakapila na ang lahat. Nasa harap nila ang lalaking namimigay ng ginto na suot ang eleganteng kasuotan ng isang Prinsipe. Kahit sa malayo, naaninag ko pa rin ang mukha nito. Tama nga ang usapan ng dalawang babae kanina. Napakagwapo nga! Bagay sa kaniya ang malaginto nitong buhok dahil malaginto rin ang kaniyang puso para tumulong. Perpekto ang hubog ng katawan para sa mga labanan na kaniyang haharapin. Ang mas ikinahanga ko pa ay ang mga ngiti niya. Napakagenuine! Hindi mo mahahanapan ng kaplastikan. "Napakalaking ibon sa taas ng puno!" Halos lumundag ang puso ko sa gulat dahil sa taong nagsalita. "Ay, anak ng ibon!" Tumingin ako sa baba at nakita ko ang nakabungisngis na lalaki na may kulay pulang buhok. Nagpanic tuloy ako dahilan para ako'y mamali sa paghakbang ng paa ko kaya't huli na para kumapit dahil nahulog na ako nang tuluyan. Ramdam ko ang sakit ng likod at bandang pwet-an ko dahil sa pagkakabagsak. "Ayos ka lang ba, Haya?" Dali-daling lumapit ang lalaking dahilan ng pagkahulog ko. Napukol ang atensiyon ko sa suot niya. Nakasuot din ito gaya ng suot ni Prinsipe Ravi. "Baliw ka ba? Sino ang magiging okay matapos mahulog sa puno?" "O-Okay? Ano ang iyong ibig sabihin?" Tila isa itong bata na walang kamuwang-muwang sa salitang binitawan ko. Wala akong balak na sagutin ang tanong niya. Sumasakit lalo ang parte ng katawan ko na tumama sa lupa. Ngunit kahit pa ganoon ang kalagayan ko sa harap ng lalaking ito, hindi pa rin ako nito tinutulungan. Napatakip na lamang ako ng mukha. Kailangan ko pa bang mag-explain muna bago niya ako tulungan? "Prinsipe Nesh," tawag ng babaeng mukhang ka-edad ko lang. Isa siya sa dalawang babaeng nag-uusap kanina. Nasa likod siya ng tinawag niyang Prinsipe Nesh. Nag-aalalang humakbang siya papalapit sa amin. Nang makita niya ako, napatakip ito ng bibig at mukhang nagulat. "Anong ginagawa mo riyan, Haya?" Naglalaro siguro? Nakahiga ako habang naglalaro, tsk! Napasapo na naman ako sa noo sa pangalawang pagkakataon. Nanatili lang kasi ang babae sa harapan ko at tinitingnan lang din ako. Pinakalma ko muna ang sarili dahil baka mag-war shock ako rito. "Imbes na tanungin niyo ako ng walang kwentang tanong, bakit 'di niyo na lang ako tulungan?" "Oo nga, ano?" pagsang-ayon ng babae. Bumuntong-hininga na lamang ako. Ang ganda namang bungad nito sa 'kin. Ganito ba talaga ang mga tao rito sa palasyo? Idadasal ko talaga na sana pahabain pa ang pasensiya ko at sana buo pa ang katawan ko hanggang sa makabalik ako sa mundo ko. Magsisimula pa lang ang misyon ko pero stressed na ako sa mga taong nasa paligid ko at idagdag pa ang sakit sa katawan na inabot ko. Kahit na ayaw kong manatili rito, wala na akong magagawa. Marahil ay tanggapin ko na lamang ang magiging kapalaran ko. Sana lang talaga ay magwagi ako sa misyon ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD