"Sino ang may gawa nito?!" Asik ko na ikinagulat ng mga tao sa paligid lalo na ni sir Lim. Lumapit kaagad si Vanessa sa akin at bumulong sa tenga ko.
"Si .. Lauren," aniya.
Hindi na 'ko nagulat pero nakaramdam na kaagad ako ng galit sa katawan. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa niya 'to sa'kin. Wala akong ginawang masama sa kan'ya para ipahiya ako ng ganito.
Ito na siguro ang tinutukoy niya kanina pero paano niya nalaman? Sino ang nakapagsabi sa kan'ya kung si tiya Rosa, ninang Lydia, at Vanessa lang ang sinabihan ko tungkol doon?
"Y-You're .. pregnant?"
Biglang napunta ang tingin ko kay sir Lim na ngayon ay nakatingin sa cellphone niya. Kaagad siyang nag-angat ng tingin ngunit may bahid na ng pagkagulat ang mukha niya.
Dumagundong ang kaba sa dibdib ko, hindi ko alam kung paano ko siya sasagutin na hindi niya mapapansin na nagsisinungaling ako sa kan'ya. Hindi niya p'wedeng malaman na buntis ako kasi may posibilidad na sabihan niya kaagad ang kaibigan niya.
"Uhm.. huwag po kayong maniwala d'yan, sir. Fake news po 'yan, g-gusto lang talagang gumanti nung babaeng nag-post niyan," biglang sabi ni Vanessa nang mapansin nito na hindi ko kaagad nasagot ang tanong ni sir Lim.
"Gumanti? Why? And .. and who is the woman you are referring to?" Nagtataka na tanong ni sir Lim.
"H-Huwag niyo na lang po isipin kung ano ang nakalagay d'yan. Uhm.. alis na po kami at salamat po kanina," tugon ko at inaya ko na ring umalis si Vanessa.
Ayoko na makialam pa siya tungkol do'n. Kapag hindi kami umalis paniguradong marami pa siyang itatanong at baka malaman pa niya ang totoo. Ayokong mangyari 'yon, hindi ako makakapayag.
"Alam mo ba kung nasa'n siya?" Tanong ko kay Vanessa nang napadaan kami sa may hallway papuntang cafeteria.
"Hindi ko nga alam kung sa'n nagpunta ang bruhang 'yon. Bakit ba kasi nagawa niya 'yon sa'yo? Wala ka namang kasalanan sa kan'ya pero sobra-sobra kung magpahiya sa'yo. Sa tingin ko nga siya rin 'yong nagpakalat nung mga pictures," tugon niya habang nakatingin sa paligid.
'Yon din ang sa tingin ko, wala namang may ibang galit sa'kin kundi siya lang. Noon pa lang alam ko nang masama ang ugali niya pero mas lalong sumama ngayong tumuntong na kami ng kolehiyo.
"Kailangan natin siyang mahanap bago pa malaman ng lahat ang tungkol do'n," matigas na sambit ko at binilisan na ang paglakad ko.
Nakatingin ang ilan sa mga estudyanteng nadaanan namin at halatang nakita na nila ang post na 'yon. Sa paraan kung paano nila ako tingnan, malalaman mo nang may alam na sila tungkol do'n.
Mga mapanghusgang tingin na nakasanayan ko na pero nakakasira ng araw at ng buong pagkatao. Hanggang kailan ko titiisin 'to?
"HOY! BABAENG KINULANG SA ARUGA!"
Nagulat ako sa biglaang pagsigaw ni Vanessa nang nakarating kami sa building ng Engineering. Napatingin ako agad kung saan siya nakatingin at doon ko lang nalaman na si Lauren pala ang nakita niya. Kaya pala gano'n agad ang reaksiyon niya.
"Ako ba ang tinutukoy mo or 'yang friend mo?" Aniya nang makarating siya sa harapan namin. Ewan ko kung saan siya nanggaling pero hindi niya kasama ang mga kaibigan niya ngayon.
Umangat ang isang kilay niya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Halatang dinidiskubre kung ano ang naging pagbabago sa katawan ko.
"Bakit mo ginawa 'yon ha?! Hobby mo na ba ang manira ng tao?" Galit na tanong ni Vanessa.
Biglang tumawa si Lauren na ikinagulat naming pareho ng kaibigan ko. Para siyang nababaliw na hindi ko maintindihan. Natuwa pa talaga siya sa ginawa niya.
"Alam mo masama ang mang-bintang? I can sue you dahil sa ginagawa mo," aniya.
"At p'wede rin kitang idemanda dahil sa mga ginawa mo. Alam mo bang p'wede kang makulong dahil sa mga paninira mo?" Biglang sabi ko na ikinatahimik niya. "Lalo na wala kang sapat na ebidensiya. Kaya p'wede ba tumigil ka na? Hindi na 'ko natutuwa sa mga pinanggagawa mo," dugtong ko.
"I don't post anything without evidences. Meron ako, bakit gusto mong makita or huwag na?" Aniya dahilan para mas lalo akong kabahan.
Saan niya nakuha ang mga 'yon? Nakapagtataka na may mga ebidensiya siya na totoo lahat ng mga sinabi niya. Talagang pinaghandaan niya 'to pero bakit? Bakit niya nagawa sa'kin 'to?
"Tumigil ka na nga sa kahibangan mo, Lauren. Walang ginagawang masama sa'yo ang kaibigan ko para siraan mo siya ng gan'yan," wika ni Vanessa, halatang napipikon na.
"Wala nga pero gusto kong gawin, eh. Ano'ng magagawa ko?" Aniya na ikinagulat ko.
Hindi ako makapaniwala na gano'n ang isasagot niya. So ano ang gusto niyang palabasin? Na trip niya lang na siraan ako?
"Ano?! Ginawa mo 'yon dahil sa gusto mo lang? Ano bang problema mo, Lauren?!" Asik ko at nagbabalak na sanang sugurin siya pero napigilan ako ni Vanessa.
Kanina pa 'ko nagtitimpi sa babaeng 'to. Iniiwasan ko ang makipag-away pero nagkakaroon talaga ako ng dahilan para awayin siya.
"Wala akong ginagawang masama sa'yo, ni hindi kita nagawang siraan o ipahiya sa ibang tao pero .. pero pagdating sa'kin nagagawa mo 'yon? Nababaliw ka na ba?!" Galit na sigaw ko. Pero parang wala lang sa kan'ya ang mga sinabi ko, hindi siya apektado, ni hindi siya naka-react.
"Well, I'm having fun that's why I didn't stop ruining your life. Eh, sa nag-eenjoy ako, ano ang magagawa ko? Dapat kasi hindi ka nag-aral dito, 'yan tuloy lalong nasira ang image mo sa maraming tao. Nasira ka na dati pero mas lalo kang nasira ngayon at mas lalo pa kitang sisirain."
"H-Hindi kita maintindihan, da-dahil do'n kaya mo ginagawa sa'kin 'to?"
Mahina siyang tumango bilang sagot at sarkastikong napangiti sa akin. Parang bigla akong nanghina, hindi kapani-paniwala ang mga sinabi niya.
"Balita ko, titigil ka na sa pag-aaral. Dahil ba d'yan?" Aniya at kaagad na tinuro ang tiyan ko. Hindi ako nakasagot kasi tama ang hula niya. Hindi ko na maikakaila 'yon.
"Oh my gosh! So, it was true? But, anyways, congrats for having a baby. Mapapalaki mo kaya 'yan ng maayos?" Dugtong niya dahilan para tuluyan ng bumagsak ang mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan.
"So, I think this will be the last time that I'll see you but this is not the end of ruining your name. But I'm not that bad naman, I'll stop for now for your .. baby."
Bigla siyang tumawa ng malakas at seryosong napatingin sa akin. Humakbang siya papalapit sa akin at bumulong sa tenga ko.
"Take care of your baby. We'll meet again soon." At kaagad niya na 'kong nilagpasan.
Bigla akong napaupo at napatulala dahil sa mga sinabi niya. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko para malagpasan 'to. Pero gusto ko nang umalis dito, gusto kong magpakalayo-layo para maiwasan ang mga banta ni Lauren.
Kahit anong laban ko, ako pa rin ang talo sa huli. Hindi ko na alam kung hanggang kailan ko ipaglalaban ang sarili ko.
"Para sa baby ko .. lilisanin ko ang lugar na 'to."