Aurora
Hindi ko alam kung paano ako nakabalik sa silid namin ni Sharlene. Ang tanging natatandaan ko lang, nang gumising ako, suot ko na ang lumang pajama na pinahiram ko kay Sir Raphael.
At nakaalis na siya, nang hindi man lang nagpapaalam.
Wala sa sarili na tinitingnan ko ang mga bagong marka ng labi niya na naiwan sa balat ko pagkatapos ng nangyari sa ‘min kagabi. ‘Yong mga sinabi niya. Kung paano niya ako niyakap buong magdamag hanggang sa makatulog siya.
Siguro nga, tanga ako, kung pipiliin ko pa rin na maglagay ng distansya sa pagitan naming dalawa. Kahit na andaming babae ang nagkakandarapa, matitigan lang ng isang Raphael Therion Aguilar.
“Huy, Oryang, tulala ka na naman d’yan sa mga chikinini mo!” buska ni Sharlene sa ‘kin bago siya naupo sa dulo ng kama, sinusuklay ang buhok niyang mamasa-masa pa.
Inirapan ko siya. “Iniisip ko lang kung paano ko ‘to itatago bukas.”
Humagikhik ang kaibigan ko. “Sabi ko na nga ba, magkasama na naman kayo kagabi, eh! Deny-deny ka pa d’yan!”
Nagpakawala ako ng malalim na hininga. “Ewan ko sa ‘yo, Shar.”
Sumimangot ito. “Alam mo, Aurora, ikaw lang nagpapakomplikado sa buhay mo. Kung gusto mo siya, eh ‘di sumige ka! Malaki ang takot mo na pumasok sa relationship, pero naisip mo ba na baka sakali, may matitino pang lalaki d’yan? ‘Yong tipo na kahit hindi kagaya ng nababasa mo sa libro na bampira o saksakan ng guwapo e pasok naman sa panlasa mo? Kagaya ng pinsan ko. O kaya ni Sir Raphael!”
“Magkaiba mundo namin ni Sir Raphael,” tahimik na sagot ko. “Saksakan ng yaman ‘yon, Shar. Siguro naman hindi ‘yon hahayaan ng pamilya no’n na pumatol sa isang sekretarya lang.”
“Oh, e ‘di kay Gideon na lang! Magkasing-level kayo ng pamumuhay, magkasing-edad, at alam na alam mong hindi ka gagaguhin ng pinsan ko. Seriously, Aurora. Give your heart a chance in love! Kaysa naman nagmumukmok ka palagi…”
Humiga ako sa tabi niya st tumitig sa kisame. Hindi ko alam kung anong isasagot no kay Sharlene dahil sa totoo lang, maski ako hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko noong mga oras na ‘yon.
Nagpakawala ng malalim na buntonng-hininga si Sharlene bago nahiga sa tabi ko. “Alam mo, minsan, napapaisip ako. Kung hindi mo lang siguro nakita si Tita Ada na gano’n, siguro may mga inaanak na ako sa ‘yo.”
Tumawa ako. Ngunit pagkatapos n’on ay kaagad uli akong nilukob ng lungkot. “Ayokong magaya kay Mama na paulit-ulit niloko ng asawa niya. Ayoko rin magaya sa kanya na palaging binubugbog at binubunganga kahit na sa pinakasimpleng pagkakamali. Kung gano’n lang din ang mamahalin ko, ‘wag na lang.”
“Pero Oryang, paano kung… may dumating na hindi naman gano’n? Itataboy mo pa rin ba?”
Nilingon ko si Sharlene. “Hindi ko alam…” Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga. “Dapat nga, kay Sir Raphael, matagal ko na siyang itinaboy, e. Pero… ewan ko. Para ba akong nagagayuma o kung ano kapag kaharap ko siya. Para niya akong hino-hocus pocus.”
“Speaking of hocus pocus, ano na pala plano mo ro’n sa pinapagawa sa ‘yo ni Mang Jose?” Napabangon si Sharlene. “Sabi niya, kapag daw naging bilog ang buwan, kailangan nagawa mo na ‘yon. Pakiramdam pa naman daw niya, malakas na nilalang ‘yong nanggagambala sa ‘yo…”
Napabangon na rin ako. “Alam ko. Gagawin ko na mamaya. Hindi rin ako mapakali, e.”
Nang matapos mag-ayos ay iniwanan na ako ni Sharlene para maligo at magbihis. Habang nasa shower ay ramdam ko ang bahagyang pananakit ng katawan ko, pati na rin ang mga mumunting marka ng labi sa balat ko na para bang mas dumami pa.
“Sir Raphael…” bulong ko habang mariin na nakapikit, ang tanging tunog lang na naririnig sa loob ng banyo ay ang lagaslas ng tubig. “Ano bang gagawin ko sa ‘yo?”
Nang matapos ako sa paliligo ay kaagad akong nagbihis at bumaba. Nasa tuktok pa lang ako ng hagdan nang mapansin ko si Sharlene na matamang tinitingnan ang rebulto ng fallen angel na nakalagay sa sala. ‘Yong rebulto na inaasar niya pa ako dahil nakahubad daw at nakalabas ang ano.
“Oh, ano? Na-in love ka na ba d’yan sa rebulto?” nang-aasar na tanong ko sa kanya.
“Gag*, hindi! Nagtataka lang ako, nakangiti ba talaga ‘to? E sa pagkakatanda ko, wala naman ‘tong ekspresyon sa mukha…”
Kaagad akong napababa ng hagdan. Ilang araw ko na ring hindi natitigan ang rebulto na ‘yon ngunit naaalala ko na no’ng unang gabi na nanaginip ako ng tungkol sa lalaking kasiping ko na kasing bulto ni Sir Raphael, napansin ko na nakangiti ang rebulto.
Hindi nga ako nagkakamali!
“Napansin ko rin ‘yan no’ng mag-umpisa akong managinip no’ng tungkol sa lalaki sa panaginip ko,” sabi ko bago tinitigan ang rebulto. “Hindi ko rin alam, Shar… pero alam ko rin, hindi ‘yan nakangiti…”
Napahimas sa braso niya ang kaibigan ko. Halatang kinilabutan. “Hoy, baka niloloko mo lang ako, gaga ka, ha! ‘Wag kang manakot, kung ‘di, hindi na ako mag-o-overnight sa bahay mo!”
Binatukan ko siya. “Sira! Seryoso talaga ako. Kaya nga—” Napatingin ako sa leeg ng rebulto nang mahagip ng mga mata ko ang kung anong makinang na bagay na nakasabit doon. “Kuwintas?”
Dinama ‘yon ng mga palad ko. Pagdampi pa lang ng dulo ng daliri ko ay naramdaman ko na ang mahinang kuryente na dumaloy galing sa bato. May kalakihan din ‘yon, pero halos puwedeng itago sa loob ng palad ko. Kumikinang ang kulay pulang tingkad n’yon sa ilaw. At…
Kinuha ko ‘yon at isinuot, sa kabila ng protesta ni Sharlene. “Gaga ka talaga, Aurora! Paano kung good sh*t pala ‘yan? Baka mamaya, hulihin ka ng pulis—”
“May good sh*t ba na kulay pula? Mukha ‘tong ruby, Shar. Isa pa… ngayon ko lang ‘to nakita…”
Korteng puso ang malaking bato. Nang dumikit ‘yon nang tuluyan sa balat ko ay pakiramdam ko parang pumipintig ‘yon. Para bang tinatawag ako. Na para bang…
“Lukaret ka talaga, kaya ka namamaligno, e!” Binatukan ako ni Sharlene. “Ipatingin muna natin kay Mang Jose ‘yan, at baka mamaya, galing ‘yan sa nanggagambala sa ‘yo. At saka ibalik na natin ‘tong rebulto na ‘to, at baka mamaya, kung ano pa ang dala ne ‘to!”
Pagkasabing-pagkasabi niya no’n ay pareho kaming kinilabutan, nang makita namin ang pagtaas ng pakpak ng rebulto. Napaatras kami ni Sharlene. Pareho kaming nabato. ‘Ni hindi ko magawang sumigaw, o ang tumakbo man lang.
At parang… parang nakita ko na ‘to noon. Parang—
Biglang binalot ng nakabubulag na liwanag ang buong sala. Nang imulat ko ang mga mata ko, wala na ang rebulto. Sa dating puwesto no’n, ang tanging naiwan lang ay isang ginintuang hawla na may maliit na ibon na ngayon ko lang nakita ang kulay ng balahibo. Dark violet ‘yon na may halong ginto.
“Ibon?” takang tanong ko. Kinuha ko ang hawla at tiningnan.
“Oryang, hindi na yata normal ‘yang nangyayari sa ‘yo…” sabi ni Sharlene na may kahalong takot at pagkamangha. “Kailangan mo nang makapagpatingin kay Mang Jose. ASAP!”