Kabanata 13

1627 Words
Nakatingin lamang si Leona sa folder na inilapag ni Mr. Hernandez sa desk. Nanguliglig yata ang tainga niya sa katotohanan na binulgar ng executive director. Nakanganga siya habang nakatitig sa folder na iyon. Umupo naman ang director sa office chair niya, tinungkod ang dalawang siko sa table at nagpalumbaba. Kapansin-pansin pa rin ang kulot nitong bigote at bilog na bilog na salamin sa mata. Seryoso itong nakatitig kay Leona. "Four years ago, Soterios Family adopted her," ulit nito sa sinabi niya kanina. Naramdaman na naman ni Leona ang turok sa puso. Wala na si Andrea sa lugar na ito. They were four years too late. Kinuha naman ni Inspector Giordani ang folder at binuksan. Sinuri niya ang mga papel sa loob niyon. "Xerox copy lang 'yan pero p'wede ni'yong kunin kung gusto niyo," sabi ni Mr. Hernandez. Sa tono ng pananalita nito, alam nilang masungit ang matanda. "At alam niyo naman ang batas 'di ba? Hindi niyo p'wedeng kunin ang bata sa adoptive parents niya." Napabuntong-hininga si Leona bago siya sumabat. "I'm aware of that. Hindi ko naman po intensyon na kunin si Andrea. Alam ko po na iyon ang pamilyang kinalakihan niya. Gusto ko lang po makita ang bata." "Really? Hindi ka matutukso na kunin siya?" May naglalarong ngiti sa sulok ng labi nito. Halatang hindi ito naniniwala kay Leona. Hindi alam ni Leona kung bakit hindi siya makasagot. Siguro dahil hindi rin siya sigurado sa sarili. "It's mother's instinct, Mrs. Castillo. P'wedeng hindi sa umpisa pero sa paglipas ng panahon, matutukso kang kunin ang bata roon." "Kung maayos naman po ang pagpapalaki nila kay Andrea, bakit ko po siya kukunin?" "It's her right to see and meet the kid, since she's still the biological mother. Kung sakali man po na magkaroon ng problema or issue about the custody, then let the court handle it," iyon ang kumpiyansang sabi ni Giordani. Saglit na inisa-isa ng tingin ni Mr. Hernandez ang mukha ng mga tao sa loob ng opisina. Seryoso lang din ang titig ng mga ito sa kaniya. Napabuntong-hininga na lamang siya. Nagbaba siya ng tingin at inayos ang mga papel niya sa mesa. "I already gave the papers and the information. May kailangan pa ba kayo?" Nagkatinginan silang apat. Wala na silang maisip na tanong. "Wala na?" untag naman ng director. "Then all of you can go now." *** Lumabas silang apat sa loob ng opisina ng masungit na director. Nang maisara ang pinto, natatawa na bumaling si Rebecca sa kanila. "Sungit talaga n'yon sa mga tao pero mabait naman siya sa mga bata," sabi pa nito. "Matanda na kasi eh," biro ni Aries. "Anyway, Leona," tawag nito sa babae na agad namang lumingon. "Sa pagkakatanda ko, si Mother Emmaline ang nag-alaga kay Andrea dati. Gusto mo bang sumama sa 'kin para makausap siya? Nasa Girl's Room yata si Mother ngayon." Tumango siya. "Hindi p'wede ang lalaki sa Girls Room kaya okay lang ba na maghintay muna kayo rito?" baling ni Rebecca kina Giordani at Aries. Nagkatinginan naman ang dalawang lalaki. Nakaramdam na naman sila ng pagkailang. Inalis muna ni Aries ang bara sa lalamunan. "Ehem.. s-sige. Walang problema." Mukhang lutang naman ang utak ni Leona dahil hindi niya napapansin ang dalawa. Mukhang nagising lang siya sa malalim na pag-iisip nang maramdaman niya ang kamay ni Rebecca sa braso at hinila siya patungo sa hagdan. *** Sinundan na lang nila ng tingin ang papalayong mga babae. Napabuntong-hininga nang malalim si Giordani nang maiwan siya kasama ang asawa ni Leona. Wala siyang sinabi na nilagpasan ang lalaki at umupo sa bench na nandoon. Tumingin lang siya sa mga halaman na sumasabay sa ihip ng hangin. Pinaglalaruan ng mga daliri niya ang folder na hawak. Naramdaman niya ang mga sulyap ni Aries pero wala siyang balak na kausapin ito. Kunwari na lang hindi niya ito nakikita. Iba naman ang nasa isip ni Aries kaya nakatingin ito kay Giordani. "Inaamin ko na may masama akong ugali. Kapag masama ang loob ko sa isang tao, ayaw ko siyang kausapin." Naalala niya na dahil sa ganoong ugali, naging matindi alitan nilang mag-asawa. Napabuntong-hininga siya at napatingin sa sahig. Nagsisisi siya sa ginawa niya. Mabuti na lang at mapagpasensya si Leona kundi baka sira na ang pamilya nila ngayon dahil sa kagaguhan niya. Alam niya kung ano ang mali sa kaniya. Tingin niya kailangan niyang baguhin iyon. Muli siyang tumingin kay Giordani na tahimik lamang doon. Nilakasan niya ang loob at nagsalita. "P'wede ka bang maka-usap, Inspector?" Alam niyang narinig nito ang sinabi niya ngunit hindi ito sumagot. Nagkunwaring hindi siya naririnig. Umupo na lang siya sa tabi nito. "Para hindi tayo mainip, mag-usap na lang muna tayo." Kumunot ang noo ni Giordani nang marinig iyon. Mukha yatang naisip nito na napagtritripan siya. "Ano naman ang sasabihin ko sa 'yo?" iritadong tanong nito. "Kahit ano. P'wede mo rin ikwento kung ano ang mga ginawa ni'yo ni Leona." Natahimik muli si Giordani. "Ayaw mong magkwento?" pangungulit pa rin niya. Hindi pa rin ito sumagot. "Eh 'di ako na lang," sabi lang ni Aries. Alam kasi niyang nakikinig naman ang lalaki. Saglit na katahimikan muna ang dumaan bago siya nag-umpisa. "Ilang beses na akong naloko ng babae. Tatlo ang naging ex ko, ang una ay two-timer, ang pangalawa ay kasal pala sa iba, at ang pangatlo -- scammer." Parang gusto ni Giordani na matawa sa sinabi niya pero binaling nito ang mukha sa ibang parte ng lugar. Napapangiti ang Inspector dahil naisip nitong engot pala siya pagdating sa babae. "Minsan naiisip ko na ako ang may mali... na siguro pangit ang ugali ko o may problema yata sa utak ko kaya puro mangagantso na babae ang dumadating sa 'kin." Nagpatuloy lamang siya sa pagkwekwento. "Dahil sa mga pangit na karanasan na iyon. Natutunan ko na hindi sapat ang salitang mahal kita. P'wedeng sabihin sa'yo iyon ng kahit sino, without really meaning it. Love is not enough. In the previous years, I have trust issue. Hindi ako madaling magtiwala. Hindi ako madaling mahulog. Nagbago iyon nang makilala ko ang asawa ko. Sa totoo lang, trip-trip lang naming magbabarkada ang gumawa ng account sa isang online dating app. Wala rin sa isip ko na magseryoso roon. Pero alam mo, hindi ko expected na ro'n ko makikilala si Leona." Napangiti siya nang maalala iyon. "At ang nakakatawa pa... kinausap ko lang s'ya dahil nang buksan ko ang account niya, nalaman kong nagbebenta siya ng bonsai. Pareho kami ng hilig at doon kami nagsimula. Noong mga unang usapan namin ay tungkol lang sa halaman. Hanggang nagkagaanan kami ng loob. Nagkita kaming dalawa at doon na nabuo ang relasyon namin. Sa simpleng mga pangyayari nagsisimula ang mga espesyal na bagay. Ang pagiging matapat ni Leona ang dahilan kung bakit ko siya nagustuhan. Iyon ang katangian na hinahanap ko sa babae. Kaya nang malaman kong may tinatago siya, ganoon na lang ang galit ko. Nang ipagtapat niya sa akin ang tungkol kay Andrea, inaamin ko na mahirap tanggapin..." "Bakit mo ba sinasabi sa 'kin 'yan?" Hindi na napigilan ni Giordani na putulin ang kwento niya. Ayaw na nitong makinig sa sinasabi niya. "Ikinuwento ko 'to sa'yo para malaman mo kung gaano ko kamahal ang asawa ko," aniya na diretsong tumingin sa kausap. "Good for you. Mahal ka rin niya." Umiwas ito ng tingin. Nairita na naman ito dahil ang daming sinabi ni Aries, iyon lang pala ang dahilan. "May gusto ka ba kay Leona?" Ang tuwirang tanong na iyon ang nagpatalbog sa puso ni Giordani. Hindi pala manhid si Aries. Marunong pala siyang makiramdam sa tao. "Nakita ko kayo sa Starbucks noong nakaraan. Batay rin sa kilos mo, may gusto ka nga sa asawa ko. I have a bad temper, Inspector. Pinipilit ko lang ang sarili ko na huwag kumulo sa selos kapag magkasama kayo." "P'wede mo kong sapakin ngayon. Hindi naman ako magagalit. Naiintindihan ko naman. Lahat naman binabakuran ang mga mahal nila kung may nagbabanta 'di ba?" sagot nito at lumingon na rin sa kaniya. "Hindi ko gagawin iyan. Baka kasuhan mo pa ako ng physical assault." "Lilinawin ko sa'yo, hindi ako mang-aagaw, Mr. Castillo. You earned her, you got her. May anak kayo. Alam ko 'yan. I'm not a home wrecker." "Mabuti naman at nasabi mo 'yan sa kin para hindi ako mangamba. Lilinawin ko rin sayo na hindi kita sinisisi. Hindi natin nakokontrol ang puso. Hindi kita masisisi kung mahulog ka sa asawa ko. P'wede kang magkagusto kay Leona pero para sa 'kin pa rin siya." "Alam ko 'yan. Huwag kang mag-alala. Ilang beses rin akong nagkamali sa babae... katulad mo." "Right!" Tumayo si Aries at nagpagpag ng salawal. "I'm glad na nagkaintindihan tayo. At least alam ko na hindi ka banta. Sa tingin ko rin naman ay kaya na naming mag-asawa na hanapin ang bata." "I get it," sang-ayon ni Giordani. Naunawaan niya na gusto ni Aries na sila na ang maghanap sa bata. Hindi na kailangan ng tulong niya. Isa pa, kailangan niya munang lumayo dahil baka lumalim pa ang damdamin niya kay Leona. Mahirap na. "Nabigay ko na ang lahat ng tulong ko kay Leona. Ikaw na ang bahala na sumunod sa traces ni Andrea," sabi niya at tumayo na rin. Inabot niya ang hawak na folder kay Aries. Tinanggap iyon ni Aries at muling inalahad ang palad. "Thank you for your service, Inspector Giordani." Ngumiti siya nang pilit. Napabuntong-hininga muna ang Inspector at tinitigan ang mga kamay na iyon. Tama. Hindi dapat siya magmukmok dahil sa simpleng crush. Malalaki na sila. Hindi na dapat mag-astang bata at makipag-away dahil sa babae. Isa pa, mas mahalaga ang kapakanan ni Andrea kaysa sa pesteng damdamin niya. Mahinahon siyang nakipagkamay rito. Kung nagkasundo sina Aries at Leona dahil sa halaman. Maaring magkasundo rin sila sa isang bagay... pareho silang naging malas sa babae. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD