SUNSET
Ilang minuto simula ng umalis ang abogado ay muling bumukas ang pintuan at pumasok ang isang may edad na babae.
“Sasamahan ko po kayo sa magiging silid ninyo, señorita.”
Natigilan ako. Tama ba ang narinig ko, señorita ang tawag nito sa akin?
Sumunod ako ng lumabas kami sa silid. Pumanhik kami sa ikalawang palapag at huminto sa kulay kayumanggi na pintuan. Binuksan nito ang sliding wood door. Pagpasok ko ay napaawang ang bibig ko dahil sa lawak ng silid na bumungad sa akin. Wala sa hinagap ko na makakapasok ako sa ganito kaganda na kwarto.
May sinasabi sa buhay si Mr. Trevino kaya parang nakapagtataka na ako ang napili niyang pakasalan. Milya-milya ang layo ng agwat naming dalawa, langit s'ya at lupa naman ako. At wala pa akong napapatunayan sa buhay dahil estudyante palang ako.
Daig ko pa nga pasan ang problema sa mundo. Kahit magkatuwang kami ni tatay para makapag-ipon ng pera para sa pagpapagamot ni nanay ay hindi ito sapat para matustusan ang pang-araw-araw namin. Kahit pa sabihin na scholar ako ay may mga bayarin din ako sa school na hindi cover ng D'Amico Scholarship Program.
Kung si Mr. Trevino na ang bahala sa expenses ni nanay sa ospital, ang pag-iipunan ko na lang ay ang nalalapit na On-the-job training.
“Ako nga pala si Mercy. Ako ang makakasama mo dito sa mansion, Señorita Sunshine.”
“Sunset na lang po ang itawag ninyo sa ‘kin. Sunshine Settie po kasi ang buo kong pangalan, pero Sunset po ang tawag sa ‘kin ng magulang ko. Huwag na po señorita. Hindi po kasi ako sanay.” Hindi naman ako haciendera para tawagin nitong señorita.
Ngumiti lang ito at iniwan na ako mag-isa sa kwarto. Wala naman akong nagawa kundi nilibot na lang ang tingin sa loob ng silid. Maganda ito kumpara sa kwarto ko sa bahay pero hindi ako masaya. Hindi matutumbasan ng magandang silid na ito ang lungkot at pangungulila ko sa magulang ko. Ito ang unang beses na nahiwalay ako sa kanila.
Kinuha ko ang phone ko at tinawagan sila para kumustahin.
“Kumusta po kayo riyan?” bungad na tanong ko ng sagutin ang tawag ko.
“Huwag ka na mag-alala sa amin ng tatay mo, anak. Bukas din ay dadalhin na ako sa ospital,” masiglang sagot ni nanay pero hindi pa rin naitago ang lungkot sa boses nito.
May sakit sa puso si Nanay Sely. Nagsisimula na kasi humina ang resistensya niya at kapag hindi kaagad naoperahan ay baka tuluyang bumigay ang puso nito. Gustuhin ko mang sumama ang loob sa kanila dahil basta na lang nila ako binigay ng gano'n na lang ay hindi ko magawa. Wala ako sa mundong ito kung hindi lumaban si nanay.
Hanga ako sa tapang niya. Mahina na ang puso niya habang ipinapanganak ako pero lumaban siya para lang mailabas ako. Sa awa naman ng Diyos ay hindi bumigay ang puso ni nanay ng mailuwal niya ako. Kaya kahit gusto pa nila ako bigyan ng kapatid ay si Tatay Eloy na ang umayaw. Natatakot ito na baka sa pagkakataong ito ay hindi na kayanin ni nanay ang panganganak. Masaya na raw sila na ako lang ang anak nila.
“Dadalawin ko po kayo, ‘nay, ‘tay.”
“Sige, anak. Mag-iingat ka parati riyan, ha. Alagaan mo ang sarili mo.”
I let out a deep sigh after talking to my nanay. I still need to be strong now, especially since I'm not with them. Pero hindi nawawala ang pagdududa ko. May kutob ako na may sinabi si Mr. Trevino sa magulang ko kaya wala silang nagawa kundi pumayag sa gusto nito. Malalaman ko rin kung ano iyon.
Unang gabi ko ay hindi ako nakatulog. Namamahay ako lalo na at hindi naman ako sanay na sobrang lambot ng kama na tinutulugan ko. Kaya para lang makatulog ay naglatag ako sa sahig. Mas naging komportable ako ng humiga ako dito.
Nakapikit na ako ng muli ako nagmulat ng mata ng may pumasok sa isipan ko. Paano pala kapag kasal na kami? May honeymoon iyon, ‘di ba? Paano kung mag-insist ito na mag-s*x kami? Syempre hindi iyon maiiwasan lalo na kung magkatabi kami sa kama.
I should clarify to Atty. Ulysses when he returns here that I don't want to have s*x with a man I don't love. O mas dapat na linawin ko ito kay Mr. Trevino. Paano kung matanda na pala ang pakakasalan ko?
Hell, no!
Maaga ako gumising para pumasok sa school. Medyo naninibago lang ako dahil unang beses akong gagamit ng shower room. Sa banyo namin, kapag napuno na ng tubig ang timba ay buhos kaagad sa katawan. Pero dito ay kailangan pa pala timplahin ang tubig dahil ang unang pinihit ko ay mainit kaya napatili ako. Mukhang kailangan ko sanayin ang sarili ko sa malaking bahay na ito dahil lahat ng wala sa bahay namin ay narito.
Hindi naman ako maarte sa katawan kaya ilang minuto lang din ako naligo. Pagkatapos ko maligo ay kaagad akong nagbihis bago lumabas ng silid. Pagbaba ko ay ang paglabas naman ni Ate Mercy sa kung saan.
“Papasok na po ako.”
“Mag-almusal ka muna.”
“Hindi na po. Sa school na lang po ako kakain.”
“Pero—”
“Sige po, Ate Mercy,” putol ko sa sasabihin pa nito.
Mabilis akong lumabas ng pintuan. Paglabas ko ay bumungad sa harap ko ang isa sa mga lalaking nagdala sa akin dito.
“Ihahatid ka na namin sa D'Amico, Miss Sunshine,” sabi nito.
“Ano'ng pangalan mo?” sa halip ay tanong ko.
“Seff.”
“Magko-commute na lang ako, Seff.” Nilampasan ko siya at naglakad palapit sa gate.
“Kailangan ka naming ihatid dahil iyon ang utos ni boss.”
Huminto ako at hinarap ito. “Si Mr. Trevino ba ang tinutukoy mo?”
Tumango si Seff.
“Pwede ko ba makuha ang number niya? May mga gusto lang akong linawin sa boss mo,” matigas kong saad.
“Kapag nagkita na kayo ay saka mo s'ya makakausap.”
Mapang-uyam akong tumawa. “O, sige. Tutal, hindi ko s'ya makakausap, ikaw na lang ang magsabi kay Mr. Trevino,” nakataas ang kilay na sabi ko.
“Sige.”
“Pakisabi na ‘wag niyang pakialaman ang gusto kong gawin. Hindi pa kami kasal kaya wala pa siyang karapatan manduhan ako.”
Biglang binalot ng pagkabahala ang mukha nito pagkatapos ko iyon sabihin. Tila mahirap para rito ang pinapagawa ko.
“I-I can't—”
“Pwes, magko-commute ako!” asik ko rito bago ako tumalikod.
Nasa gate na ako ng muli akong napahinto. Narinig kong tumunog ang phone ni Seff at nang sagutin nito ay binanggit nito ang boss.
Pumihit ako paharap at malaki ang hakbang na binalikan ko si Seff. Awtomatikong gumalaw ang kamay ko at kaagad na kinuha ang phone na hawak nito.
“Ikaw ba ‘to, Mr. Trevino?” tanong ko sa kabilang linya.
Ilang segundo ang nakalipas ay walang nagsalita. Magsasalita na sana ako ng narinig ko ang buntong-hininga nito sa kabilang linya.
“Yes, it's me.”
Kumunot ang noo ko ng magsalita ito. Hindi ito boses matanda. His voice was baritone and full, at sigurado ako na bata pa ang nagmamay-ari ng boses na ito. It seems like he is the type of man that just one order you have to obey immediately. Pero hindi ako ang tipo ng babae na magpapa-kontrol sa kanya. May sarili akong pag-iisip kaya ako pa rin ang masusunod sa buhay ko.
“Gusto ko lang linawin na hindi pa tayo kasal kaya wala ka pang karapatan sa ‘kin. Ako pa rin ang magde-desisyon sa buhay ko,” matapang kong saad.
Naging tahimik muli sa kabilang linya. Hinintay ko siyang magsalita.
“Do what you want, but once we are married, you will listen to me,” matigas nitong sagot.
Matagumpay akong ngumiti. Pero hindi ako sang-ayon sa sinabi niyang makikinig ako sa kanya kapag kasal na kaming dalawa. Hindi ko s'ya kilala kaya bakit ako makikinig? Kasal lang ang kapalit kaya mapagaamot si nanay pero hinding-hindi ako susunod sa kanya.
“Kailan ka magpapakita sa ‘kin? At kailan ba ang kasal?” Kahit labag sa kalooban ko ang kasal ay kailangan ko pa rin malaman para maging handa ako.
"I will tell you when I fix everything.”
May sasabihin pa sana ako ng bigla itong nawala sa kabilang linya.
Antipatiko!
Bastos!
Nakasimangot na binigay ko ang phone kay Seff at mabilis itong tinalikuran. Binuksan ko ang gate at nagsimula ng maglakad ngunit kalaunan ay napahinto ako. Hindi ko matandaan kung saan ang daan palabas. Wala rin akong makitang ibang bahay. Bigla kong naalala na malalayo pala ang distansya ng ibang mga bahay dito. Wala rin akong makitang tricycle na pakalat-kalat sa daan.
Nagulat ako ng may bumusina sa likuran ko. Nang huminto ang sasakyan sa tapat ko ay bumungad sa harap ko ang nakakalokong ngiti ng lalaking kasama ni Seff ng nagdaang araw. Nakaupo ito sa driver's seat habang si Seff ay nasa front seat naman.
“Miss Sunshine, sumabay ka na? Malayo ang main gate kaya baka ma-late ka. Wala ring tricycle dito dahil lahat ng nakatira dito ay may sasakyan.”
Umismid ako. Pakiramdam ko kaya mabilis pumayag ang Mr. Trevino na iyon sa sinabi ko dahil alam niyang wala talaga akong masasakyan. At wala akong choice kundi ihatid ng dalawa niyang alipores. Bumabawi siya dahil ayaw ko sumunod sa kanya.
“Sige. Pakibaba na lang ako sa sakayan ng jeep.”
“Sure.”
Mabuti na lang ay hindi naging matigas ang ulo ko dahil malayo nga talaga ang main gate. Baka pagdating ko sa school ay wala na akong energy sa katawan dahil naubos na sa paglalakad.
Habang nasa sasakyan ay pinakilala na rin ni Bucke ang kanyang sarili. Mabuti naman dahil pakiramdam ko ay araw-araw sila ang makikita ko kapag nasa mansion ako.
Binaba ako ni Bucke sa sakayan ng jeep. Mabilis naman akong nakasakay. Pagdating sa school ay naabutan ko si Lorrie na abala sa phone nito. Saka lang ito nag-angat ng mukha ng umupo ako sa tabi nito.
“Good morning, besty,” bati nito sa akin.
“Good morning.”
Kapag breaktime ay sasabihin ko sa kanya kung ano ang nangyari sa akin ng nagdaang araw. Matalik kaming magkaibigan kaya wala kaming nililihim sa isa't isa.
Kinuha ko ang notes ko at tinuon ang atensyon dito, habang si Lorrie ay muling binalik ang atensyon sa phone niya. Mayamaya lang ay narinig ko ng bumati ang mga kaklase ko sa unang professor namin sa minor subject.
Tinapunan ko lang ng tingin si Mr. Barrameda at muling tinuon ang atensyon sa notes ko. Makalipas ang ilang sandali ay bahagya akong siniko ni Lorrie pero hindi ko ito pinansin. Napadaing na lang ako ng kinurot na ako nito sa tagiliran ko kaya gusot ang mukha na binalingan ko ito.
“Bakit ba?” inis kong tanong. Walang kakurap-kurap itong nakatingin sa harap.
Sa halip na sagutin ako ay dinala niya ang kamay sa pisngi ko bago unti-unti pinihit sa harapan. Kumunot ang noo ko ng makita ko ang matangkad na lalaking katabi ni Mr. Barrameda.
Para akong nanigas sa upuan ng makilala ko ito. Hindi ako maaaring magkamali, siya si Mr. Ryker De Luca, ang anak ng may-ari ng university. Ano'ng ginagawa niya dito?
“Ang guwapo naman n'ya.” Bakas sa boses ni Lorrie ang kilig. “Mabuti na lang ay magkakaroon na tayo ng guwapong classmate.”
Nanlaki ang mata ko sa narinig ko. Binalingan ko si Lorrie na nakapangalumbaba at abot tainga ang ngiti sa labi habang nakatingin sa kausap ni Mr. Barrameda.
“A-ano'ng sabi mo?” Baka kasi nagkamali lang ako ng pagkakarinig.
“Hindi mo ba narinig? Ang sabi ni Sir Barrameda ay magiging kaklase natin siya. Nag-shift siya ng course, from Business Administration to Culinary Arts.”
Seriously? Am I deaf because I didn't even hear that? Is he not known in the university because Mr. Barrameda talked to him like a normal student?