Kung Siya Ang Mahal

3108 Words
'Don't cry because he left. Smile because he gave you an opportunity to find someone better.' *** Mainam ko siyang pinagmasdan. Namayat ang kanyang mukha, nakalubog ang kanyang mga mata na halata mong hindi siya nakakatulog ng maayos. Kung dati ay napaka-kinis at ganda ng kanyang kutis, ngayon ay ibang-iba na ito. May mga sugat siya, peklat at tattoo. Halos maiyak ako na makita siyang muli. Hindi ko inaasahan na sa muli naming pagkikita, ay kaya niya pa rin akong mapaiyak ng ganito. 7 years ago… Madilim na ngunit nakadungaw pa rin ako sa gymnasium ng school namin mula sa aming silid-aralan. Gaya noong nakaraan, nakiusap ako sa mga classmates ko na ako na ang maglilinis ng buong classroom namin. Isang linggo ko na itong gawain. Pagkakatapos ko kasing maglinis ay nakakasimoy ako sa ultimate crush ng mga estudyante dito, si Jayson. Transferee siya rito mula sa ibang paaralan, at sa tatlong taon ko dito bilang estudyante, ngayon lang ako nagkaro'n ng ibang motibo pagdating sa pagpasok sa eskwela. Dati kasi ay puro aral lang ang mahalaga sa akin. Oo nerd ko, bookworm at isang nobody. Pero nagbago ang lahat ng iyon mula nang makilala ko si Jayson. Nasa iisang section lang kami, kaya naman inaral ko unti-unti ang pag-aayos sa aking sarili. Sa buong klase kasi, ako lang 'yong walang ayos. At dahil nga sa in love ako, medyo nag-aayos na ako ngayon. Crush na crush ko talaga si Jayson. Kaya nga heto at nagprisinta na naman akong mag-cleaner ng classroom namin, para magkaroon ulit ako ng chance na masilayan at mapagmasdan siya kahit nasa malayo. Tuwing hapon kasi, pagkatapos ng klase namin ay lagi siyang nasa gym para maglaro ng basketball kasama ang mga kaibigan niya. Kinukuha ko naman ang pagkakataon na iyon para mapagmasdan siya. Hindi naman sa hindi ako kuntento kapag napagmamasdan ko siya sa klase, it's just... urgh! I really like him a lot. Hindi ko alam pero, gustong-gusto ko talaga siya. Kinabukasan, maaga akong pumasok dahil nae-excite ako na makita si Jayson. "Nakakapanibago ka na talaga lately. Bakit ang aga mo ngayon?" kunot-noong tanong sa akin ni Antonette habang ibinababa niya ang bag niya sa upuan niya, sa may tabi ko. Kararating lang niya at nadatnan niyang ako pa lang ang tao sa classroom. "Wala naman. Masaya lang ako lagi," nakangiti kong sagot. Antonette is my closest friend. "Masaya lang lagi? Bakit naman?" tanong niya pa ulit. "Inspired kasi ako," nakangiti kong sabi sa kanya. "Really? Kanino?" gulat niyang tanong. She's my friend naman kaya okay lang naman siguro kung sasabihin ko sa kanya. "Sa atin lang 'to ha, crush ko kasi si Jayson!" kinikilig na bulong ko sa kanya. Medyo natigilan naman siya at nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya, pero agad din iyong nawala. "T-Talaga? Well, cute naman talaga siya kaya madami talagang magkakagusto sa kanya," tugon niya sa akin. "Kaya nga eh. Sa dami ng babaeng may gusto sa kanya, malabong mapansin niya ang isang tulad ko," malungkot kong sabi. Totoo naman. Malabong mapansin ako ng gaya niya. "Ano ka ba? Maganda ka naman. Saka sigurado akong may chance na mapansin ka rin niya," nakangiting sabi sa akin ni Antonette. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. "Talaga?" Parang bata kong tanong. Nakangiting tinanguan naman niya ako. 'Sana nga, sana dumating ang araw na mapansin ako ng taong gusto ko.' *** PASADO alasais na ng hapon, pero ngayon pa lang ako magsisimula sa paglilinis ng buong classroom. Kakatapos lang kasing maglaro nina Jayson, and as usual, kakatapos ko lang din siyang panoorin mula sa malayo. Sinimulan ko ang paglilinis sa pagwawalis. Isa-isa kong inusod ang mga upuan sa classroom namin. "What you're doing?" "Ay, palakang bakla!" sigaw ko sa gulat nang may magsalita mula sa likuran ko. Kumalabog ng malakas ang puso ko dahil pamilyar na pamilyar sa akin kung kanino ang boses na iyon. Marahan akong humarap sa kanya at agad kong natanaw ang maganda niyang mga mata na nakatitig sa akin. Para akong naestatwa, kahit ang paghinga ay hirap akong gawin. "Bakit mag-isa ka lang na naglilinis dito?" tanong niya. Wala akong mahalungkat na ano mang salita para sa kanya. Nanatili lamang akong nakatayo habang hawak ang walis tambo at habang nakatitig sa mga mata niyang para akong hini-hypnotize. Kumunot ang kanyang noo at masasabi kong napaka-gwapo niya pa rin kahit kumusot ang mukha niya. "Okay ka lang ba, Aira? May problema ba?" tanong niya. "H-Huh? Ah… eh... uhm..." Ano bang dapat kong sabihin? "A-Ano... uhm... eh... ah..." 'Hi, Jayson! Ang gwapo mo! Matagal na kitang crush, pwede bang akin ka na lang?' Iwinasiwas ko ang aking ulo dahil sa isipin na iyon. Hindi ko kayang sabihin ang mga salitang iyon sa harap niya. "Do you need help?" tanong niya, lumapit siya sa akin ng bahagya. Napalunok naman ako. "H-Hindi. H-Hindi na. K-Kaya ko," mautal-utal na sagot ko. "Madilim na, tapos mag-isa ka lang. Gagabihin ka na sa daan niyan. Delikado. Tulungan na kita," nakangiting sabi niya. Juice ko! Panaginip ba ito? Kumuha siya ng isa pang walis tambo tapos tinulungan niya akong magwalis. Hindi matahimik ang puso ko dahil sa ideyang, kami lang ang tao sa buong classroom at tinutulungan niya pa akong maglinis. Gusto kong tumalon at tumili sa sobrang kilig. Mula nang hapon na iyon, naging malapit na kami ni Jayson na hindi ko inisip na posible palang mangyari. Hanggang sa sumapit ang Acquaintance Party ng school namin. "Sayaw tayo, Aira," yaya sa akin ni Pablo, isa sa mga kaklase namin. "Sorry. Wala pa ako sa mood sumayaw eh," tanggi ko dito, nakita ko ang pagkadismaya sa kanyang mukha. "Ganoon ba? Sige okay lang," saad niya bago siya tuluyang mawala sa paningin ko. Napabuntong hininga ako at muli kong tinanaw si Jayson sa gitna ng dance floor. Masaya siyang nakikipagsayaw sa kung kani-kaninong babae. Samantalang ako, panay ang tanggi ko sa mga nagyayaya sa akin na makipag-sayaw. Nagmumukmok sa isang tabi, naghihintay na sana ay mapansin niya at sana ay maisayaw niya rin. "Okay ka lang ba, Aira?" tanong sa akin ni Antonette. Tumango lamang ako. "Bakit hindi ka nakikipagsayaw?" Hindi ako sumagot, sa halip ay ibinalin ko ang tingin ko kay Jayson. At mukhang nakuha naman niya ang gusto kong sabihin. "Hinihintay mong maisayaw ka niya?" "Ganoon na nga, Antonette," malungkot kong wika. "Gusto mo bang… sabihin ko sa kanya na—" Pinutol ko ang sasabihin niya. "Hindi na. Gusto kong maisayaw niya ako na siya mismo ang may gusto. Na hindi dahil sa sinabihan lamang siya," saad ko. "Sige. Ikaw ang bahala. Pero mas mabuti kung mag-enjoy ka din at 'wag kang magmukmok lamang diyan," aniya. Tumango ako at ngumiti sa kanya. Lumipas pa ang ilang oras at panay lamang ang sulyap sa akin ni Jayson habang may kasayaw siyang iba. Ilang oras na lang ay matatapos na ang party. At ang buong akala ko ay uuwi akong bigo at luhaan, pero hindi pala. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay... nilapitan niya ako. "It's the perfect time," nakangiting sabi niya sa akin. "Can I have a dance with you?" Hindi ako makapaniwala sa tinuran niya. Nalaglag ang panga ko at namilog ang mga mata ko. "Aira? Okay ka lang ba?" "H-Huh? Ah... eh..." Ito na naman ako. Nauutal sa harapan niya. "Ang sabi ko, kung pwede ba kitang maisayaw?" malambing na tinig ng boses niya sabay lahad ng kanyang kamay sa akin. Sino ba naman ako para tumanggi sa alok niyang kanina ko pa inaasam. Ipinatong ko ang kamay ko sa nakalahad niyang palad. Mainit naman niya iyong tinanggap saka ako binigyan ng isang nakamamatay na ngiti. Dinala niya ako sa kalagitnaan ng dance floor. Tumugtog ang isang magandang musika na sinabayan namin ng pag-indayog. Mainam siyang nakatingin sa mga mata ko na siyang nagpapalutang sa aking puso. "Kanina ko pang gustong lumapit sa'yo para yayain ka," aniya. "H-Hindi naman. Nag-eenjoy ka nga sa pagsasayaw kasama ng ibang babae," saad ko sabay iwas ng tingin sa kanya. Narinig ko ang marahang paghalakhak niya. "Nagseselos ka ba?" tanong niya na siyang ikinalundag ng puso ko. Napalunok ako at tila ba ay may nagbara sa lalamunan ko, dahilan para hindi ako makapagsalita. "Sila naman kasi ang nagyayaya at lumalapit sa akin. At kahit na madaming babae ang naisayaw ko, ikaw naman ang huli,” nakangiting sabi niya. "Huh?" "Don't you get it, Aira? Hindi man ikaw ang nauna, but I want you to be my last." Napatigil ang mga paa ko sa pagkilos. Hindi lamang ang mga paa ko dahil maging ang puso ko ay tumigil din. Hindi ako makahinga at para akong hihimatayin. "I like you, Aira. Will you be my girlfriend?" Pinakawalan ko ang aking paghinga at hindi na tumigil sa pagkabog ng malakas ang puso ko. Sana totoo ang lahat ng ito. Sana hindi ako nananaginip. *** DALAWANG linggo na ang nagdaan matapos ang Acquaintance Party namin na iyon, matapos na magtapat sa akin si Jayson at matapos na sagutin ko siya. Oo ganoon na nga. Right there at that moment, no'ng tinanong niya ako na kung pwede niya akong maging girlfriend ay walang pakundangan akong sumagot ng ‘oo’ sa kanya. At ngayon ay two weeks na kaming mag-on. Pero hindi pa rin ako makapaniwala na kami na. Marami ang may gusto sa kanya, dahil isa siyang typical heartthrob ng school namin. At ako? Isang nobody. Siya ang first boyfriend ko, at ako na ang last girlfriend niya. Hindi ko maitatago na mahal na mahal ko siya. Sa bawat ngiti niya ay para akong matutunaw. At dahil nga sa boyfriend ko na siya ngayon, lagi ko siyang tinutulungan sa paggawa ng mga homeworks niya. Busy rin kasi siya sa paglalaro ng basketball, kaya ako lagi ang gumagawa ng mga homeworks niya. Wala naman iyon kaso sa akin. Mahal ko siya at mahal niya ako, boyfriend ko siya at girlfriend niya ako. So, walang masama kung ako ang gumawa ng mga homeworks niya. Naiinis kasi ako sa mga kaibigan ko na tumututol sa relasyon namin ni Jayson. Kaysa niloloko lang naman raw ako ni Jayson, kaysa ginagamit lang naman raw ako. Syempre mahal ko si Jayson, at isang insulto para sa akin ang mga sinasabi nilang iyon kaya naman inaway ko sila. Nagalit ako sa kanila. At sinabi kong hindi ko na sila kaibigan. Pero hindi nagbago bilang kaibigan ko si Antonette. Lagi pa rin siyang nandyan para sa'kin, para sa amin ni Jayson. Natapos ko ng maaga ang mga homeworks ni Jayson, kaya naman naisipan kong magpunta sa gymnasium kung saan ay naglalaro siya ng basketball kasama ang kanyang mga kaibigan. "Babe!" tawag ko kay Jayson sabay kaway. Nanlaki ang mga mata niya sabay bato ng bola sa isang kalaro niya. At mabilis siyang naglakad palapit sa akin. Hinatak niya ang braso ko palabas ng gym. "Bakit ka nagpunta dito? Hindi ba at sabi ko sa'yo hintayin mo lang ako sa classroom natin?" Nakita ko ang pag-igting ng panga niya, at hindi ko alam kung magugustuhan ko ba ang tinuturan niya ngayon sa akin. "B-Babe..." sambit ko. Ang kanina'y galit niyang ekspresyon ay napalitan ng maamo niyang mukha. Unti-unti ding lumuwag ang pagkakahawak niya sa braso ko. "I-I'm sorry," bulong niya sabay yuko. "Sabi ko naman kasi sa'yo doon mo na lang ako hintayin," aniya sa kalmadong boses. Sabay kami palaging umuuwi. Pero pinagbabawalan niya akong manood ng laro niya, lagi niyang sinasabi na doon ko lang siya sa classroom hintayin. Napansin ko rin na pinapauna niyang umuwi ang mga barkada at kalaro niya bago kami sabay na lumabas. Ayaw kong isipin na tama ang sinasabi sa akin ng mga kaibigan ko noon na hindi talaga seryoso sa akin si Jayson. Pero sa inasta niya ngayon, may pagdududa na ang puso ko kung tunay nga ba ang pagmamahal niya sa akin. "N-Natapos ko na kasi ang mga... homeworks mo. K-Kaya naisip kong daanan ka na dito," saad ko ng hindi makatingin sa kanya. "Oh, Bro. May kasama kang chicks ah." Sabay kaming napalingon ni Jayson sa mga barkada niyang lumapit sa amin. "Ipakilala mo naman kami sa kanya," sabi no'ng isa na may hawak ng bola. Napatingin ako kay Jayson na siyang hindi mapakali. "H-Hindi pa tayo tapos sa laro natin. Balik tayo doon," natatarantang sabi ni Jayson sabay taboy sa mga barkada niya. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko dahil sa inasta niyang iyon. "Nakita kasi namin ang kasama mo. Ipakilala mo naman kami sa kanya," sabi naman ng isang lalaki sabay tingin sa akin. Ngumiti ako sa kanila saka buong tapang na ipinakilala ang aking sarili. "Ako si Aira Cabalejo. Girlfriend ako ni Jayson," saad ko. Narinig ko ang mahinang pagmumura ni Jayson, at kasunod no'n ang malakas na pagtawa ng mga kaibigan niya. Hindi ko alam, hindi ko maintindihan pero para bang isang panunuya ang bawat pagtawa ng mga kaibigan niyang iyon. "Seriously, Bro? Tinotoo mo nga ang plano mo?" natatawang tanong ng lalaking may hawak ng bola, sabay tapik pa sa balikat ni Jayson, na ngayon ay hindi na maipinta ang mukha. "A-Anong nakakatawa? Anong ibig mong sabihin?" tanong ko sa lalaki pero hindi niya ako sinagot at nagpatuloy lamang siya sa pagtawa, kasama ng iba pang mga kaibigan nila. Pinagtitinginan na rin kami ng ibang mga estudyante na naroon. "So, kumusta, Bro? Okay naman ba? Napapalapit ka naman ba sa kaibigan niyang si Antonette? Kung ganoon ay panalo ka nga sa pustahan natin," sabi naman ng isa pang kaibigan niya. Halos mabingi ako sa mga sinalita niyang iyon. Nangilid ang mga luha kong tiningnan si Jayson. Madaming tanong sa isipan ko na gusto kong bigyan niya ng sagot. "A-Anong sinasabi nila? P-Pinagpustahan niyo ako?" tanong ko kay Jayson. "Oo," deretsyong sagot ni Jayson sa akin na siyang naging kutsilyo na sumaksak sa puso ko. Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha ko. Dinig na dinig ko ang tawanan ng mga kaibigan niya, ang bulungan ng mga estudyanteng nanonood sa amin, at ang paghiyaw ng puso ko sa sobrang sakit. "S-Sabihin mong nagbibiro ka lang... H-Hindi totoo iyon, ‘di ba?" garalgal na sabi ko. Isang ngisi ang ibinigay niya sa akin bago siya nagsalita. "Umalis ka na," saad niya sabay talikod sa akin, ngunit hinawakan ko siya sa kanyang braso at nagmakaawa. "S-Sabihin mo sa akin ang totoo, Jayson. Hindi mo ba ako minahal kahit kaunti? Sabihin mo sa akin na nagbibiro ka lang, ‘di ba?" umiiyak na sabi ko. Marahas niyang inalis ang kamay ko sa braso niya, saka ako mahigpit na hinawakan sa aking palapulsuhan. Ang sakit. Sobrang sakit. Hindi ako makapaniwala sa sakit na nararamdaman ko ngayon. "You want to know the truth? Well, wake up, Aira. Do you really think na magugustuhan talaga kita? I like your friend, si Antonette. Siya ang gusto ko talaga. Ginamit lang kita para mapalapit ako sa kanya dahil masyado siyang mailap, at masyado siyang mabait sa'yo. I found out that you like me. So, I used you. And guess what now? Nililigawan ko na siya. We date, we kiss. And soon, we will be officially on. So please? Get f*****g off in my life!" sigaw niya sa akin. Tumigil sa pag-ikot ang mundo ko ng sabihin niya sa akin ang mga salitang iyon. Ano bang maling nagawa ko? Minahal ko lang naman siya, mali ba iyon? Mali ba ang magmahal ng lubusan? Ano pa bang kulang? Bakit hindi ako sapat? Hindi ko matanggap, at hindi ko yata kayang tanggapin kahit na kailan—na niloko ako ng lalaking labis kong minahal at ng kaibigan kong pinagkatiwalaan ko. *** "AIRA..." sambit niya sa aking pangalan. "K-Kumusta ka? Hindi ko inaasahan na... dadalawin mo ako. After all—that I did for you." Kahit ako, hindi ko din inaasahan na sa ganitong tagpo kami magkikitang muli. Simula nang araw na ipinahiya niya ako sa harap ng mga kaibigan niya at ng mga estudyante noon, ay hindi na ako nagpakita pa sa kanya. Pinilit ko si mama na payagan akong sa Manila na ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Maraming nagbago sa buhay ko mula nang araw na iyon, mula nang araw na saktan niya ako. Sila ng itinuring kong kaibigan. "Hindi ko rin ito inaasahan," walang emosyong sabi ko. "Bakit ka nga pala nagpunta dito?" tanong niya. "Isa ako sa mga volunteer ng NGO na bumibisita sa mga… ganitong lugar… para magbigay ng tulong," tugon ko. Nag-iwas siya ng tingin sa akin. "You're still the same. Ang bait mo pa rin talaga." "So, what happened to you?" tanong ko sa kanya. Nagbuntong hininga siya saka sumagot. "Ito, pinagbabayaran ko na ang mga kasalanan ko sa'yo noon,” tugon niya sa mababang boses saka muling nagpatuloy sa pagsasalita. “Naging mag-live in kami ni Antonette." Parang may sumampal sa akin ng marinig kong muli ang pangalan ng aking taksil na kaibigan. "Pero hindi naging maganda ang pagsasama namin. Nakita ko siya kasama ng lalaki niya, sa aktwal pa. Kaya naman... hindi ko napigilan ang sarili ko at… napatay ko ang lalaki niya—" "At ipinakulong ka niya?" putol ko sa kanya. Marahan siyang tumango sa akin "I'm sorry. For all of the wrong things that I did for you." Nangingilid ang mga luha niya. Hindi ko alam kung handa na ba talaga ako na patawarin siya sa lahat ng sakit na ibinigay niya sa akin noon. Pero sino ba naman ako para hindi magpatawad? I've learned my lesson, so I think... he did the same as well. "Ms. Aira, we have to go. Lilipat naman po tayo sa kabilang Jail," sabi sa akin ni Roxie habang may hawak na mga libro. Tumango naman ako sa kanya. "I have to go," saad ko saka ako tumayo, pero muli siyang nagsalita. "Please, Aira. Patawarin mo ako sa lahat ng kasalanan ko sa'yo," pagsusumamo niya. Nilingon ko siya at natanaw ko ang mga mata niya, ang mga mata niyang gustong-gusto kong tinititigan noon. Ang mga mata niyang inakala kong akin noon. "Pinapatawad na kita," saad ko. "Salamat. Maraming salamat, Aira!" masayang wika niya. May kung anong humaplos sa puso ko. Siguro nga, panahon na rin para ibaon ko sa limot ang lahat ng sakit na naranasan ko noon. Pero sabi nga nila, first love never dies, kaya naman sa kabila ng lahat ng ito... batid kong may espesyal na lugar pa rin siya sa puso ko. Ngunit sadyang ganoon talaga ang buhay, hindi lahat ng mahal natin, ay mapapa sa atin. Minsan, darating lamang sila sa ating buhay para makaranas tayo ng sakit at sa huli ay may matutunan tayo sa sakit na iyon, na siyang nagiging bahagi ng resulta kung sino at kung ano tayo ngayon. -------- Song: Kung Siya Ang Mahal by Sarah G.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD