Bulacan State University
NAKATULALA si Kring-Kring sa labas ng bintana ng kanilang classroom. Malakas ang ulan, kaya baha na naman sa unibersidad nila. Hinayaan lang niyang magdaldalan sa kanyang tabi ang mga kaibigang sina Pretty at Tiara.
Naging kaibigan niya ang dalawa mula pa noong first year college siya. Magkakaklase kasi sila sa kurso nilang Education. Pare-pareho rin silang nagme-major sa English.
Naputol lang ang kanyang pagmumuni-muni nang mula sa labas ng bintana ay may nakita siyang matingkad na pulang payong. Bumilis ang t***k ng puso niya sa pag-asang si Paul Christian ang nagmamay-ari ng payong. Isang buwan na kasi ang lumipas mula nang huli silang magkita ng binata.
"Classmates, suspended na raw ang klase!" anunsiyo ng presidente ng klase.
"Kring-Kring, saan ka pupunta?" tanong ni Pretty nang bigla siyang tumayo.
"Uuwi na!" sigaw niya habang tumatakbo palabas.
Paglabas pa lang ni Kring-Kring ng Roxas Hall—ang college building ng Education—ay sumalubong na sa kanya ang hanggang bukungbukong na baha.
Lumingon si Kring-Kring sa paligid. Nakita niya ang pulang payong sa kabilang panig ng kalsada—sa Natividad Hall na college building ng Engineering. Napangiti siya nang makita si Paul Christian.
Nililis niya ang pantalon hanggang sa tuhod, pagkatapos ay hinubad ang suot na sneakers. Hindi na nakakahiyang magyapak sa eskuwelahan dahil halos lahat ng kaeskuwela niya ay iyon na ang ginagawa para maiwasang mabasa ang mga sapatos.
Bitbit ang sapatos sa isang kamay ay tinawid ni Kring-Kring ang distansiya sa pagitan nila ni Paul Christian. Nabasa siya ng ulan pero hindi na niya iyon inintindi. Tumayo siya sa tabi ng binata na mukhang hindi pa siya napapansin.
"Kung kelan naman naiwan ko ang payong ko, saka pa umulan ng malakas," malakas na sabi ni Kring-Kring.
"Chrissy?"
Nilinga niya si Paul Christian at nagpanggap na nagulat. "O, Paul Christian! Ikaw pala."
Bahagya itong ngumiti.
Nagkagulo ang mga paruparong ligaw sa kanyang tiyan. Ngayon lang siya kinilig sa simpleng ngiti lang ng isang lalaki. "Ahm, Paul Christian, mauna na 'ko, ha? Kailangan ko na kasing umuwi." Binagalan niya ang lakad, sa pag-asang baka sakaling mag-alok ito na ihatid siya kahit hanggang sakayan lang.
One, two, three—
"Chrissy, gusto mong sumabay na lang sa 'kin?"
Ngayon naman ay ang puso ni Kring-Kring ang humampas sa kanyang dibdib. Mabilis siyang naglakad paatras, pabalik sa tabi ni Paul Christian. "Talaga? Walang bawian?"
Tumango ito. "Malaki naman itong payong ko para sa 'ting dalawa."
Kinagat niya ang kanyang ibabang labi upang pigilan ang sariling tumili. "Sa Kapitolyo ako sasakay. Okay lang?"
"Okay lang. Doon din naman ang sakayan ko."
Lumuwang ang ngiti ni Kring-Kring. "Okay. Ngayon pa lang, salamat na."
Napansin niyang dumako ang tingin ni Paul Christian sa hawak niyang sapatos, pagkatapos ay sa kanyang mga paa dumako ang paningin nito. Sa kanyang pagkagulat ay hinubad ni Paul Christian ang suot na Vans at binitbit ang mga iyon sa isang kamay, habang ang isa ay nakahawak sa payong.
Sabay silang lumusong sa baha. Hanggang sa labas ng unibersidad ay baha pa rin.
Malapit lang ang nilakad nina Kring-Kring at Paul Christian kaya maiiksing usapan lang ang naging palitan nila. Nalaman niyang nasa huling taon na pala ito sa kurso nitong Civil Engineering, at mas matanda ito ng isang taon sa kanya. Nagulat ang binata nang sabihin niyang nasa huling taon na rin siya ng kanyang kurso.
Nadismaya si Kring-Kring nang dumating na sila sa sakayan ng jeep, pero ngumiti pa rin siya. "Salamat sa paghatid, ha? Ingat ka sa biyahe."
"Salamat. Ikaw din, ingat."
Nagpaalam na siya kay Paul Christian at sumakay na sa jeep. Kinawayan niya ang binata na hinahatid siya ng tingin. Nag-aalangan man noong una pero itinaas din ng binata ang kamay nito bilang pamamaalam.
Nang hindi na makita ni Kring-Kring si Paul Christian ay saka lang siya nag-abot ng bayad sa tsuper.
"Saan galing 'to?"
"Sa pusong umiibig, Manong!" patiling sagot niya na ikinatawa ng mga pasahero.
Kinagabihan, nag-log in si Kring-Kring sa kanyang f*******: account at in-add si Paul Christian. Kaka-browse ay napunta siya sa Bulacan State University Stolen Shots Fan Page at natawa siya sa nakita niyang litrato. Kuha nila iyon ni Paul Christian na magkasalo sa pulang payong habang nakalusong sa baha. Pareho silang nakatalikod sa larawan at pareho pa nilang hawak ang kanilang mga sapatos. Maganda ang pagkakakuha niyon.
I-p-in-ost niya ang picture sa kanyang blog. Isang kuwento na naman ang kanyang naisip:
Posted by Kring-Kring at 10:43 PM
#PayongLoveStory
Hindi inaasahan ang ikalawang beses naming pagkikita. Handa na akong suungin ang ulan nang may kung sinong humila sa 'kin pabalik—si PC. Oo, siya rin ang lalaking nagmamay-ari ng school ID na napulot ko noong nakaraan.
Magkasalo kami sa ilalim ng pulang payong ni PC, at habang nag-uusap kami, hindi ko namalayan na may rumaragasang jeep na pala sa gilid ko. That was when he pulled me. Nasubsob ako sa dibdib niya, habang ang isang braso ni PC ay pumulupot sa baywang ko. Tumingala ako sa kanya.
Iyon na yata ang sinasabi ng ibang tao na humihinto ang ikot ng mundo. Akala ko, hindi totoo iyon. Unti-unti niyang binaba ang pulang payong para itago kami sa mapanuring mata ng mga tao sa paligid habang unti-unti ring bumababa ang mukha niya sa akin...
***
"KUMUSTA na kaya ang Kuya Race mo?"
Bumuntong-hininga lang si Kring-Kring dahil sa tanong ng kanyang ina. Ang tinutukoy nito ay ang suwail niyang kapatid na nagloko sa kolehiyo at naglayas noong isang taon tangay ang puhunan na gagamitin sana ng mama niya sa negosyo. Kung nasaan ang kuya niya at kung ano ang ginagawa nito, hindi niya alam at wala siyang pakialam. Ang kapatid ang sinisisi niya kung bakit sa halip na maliit na grocery ay sari-sari store na lang ang naitayo ng kanilang ina.
"Masamang damo si Kuya, 'Ma. Hindi 'yon mamamatay agad-agad," nakaismid na sabi niya.
"Kring-Kring!"
"Aakyat na po ako sa kuwarto ko," agad niyang paalam para makatakas sa sermon ng ina.
Umakyat siya sa kuwarto at nag-computer. Pagbukas niya ng blog, nagulat siya sa dami ng comments ng "#PayongLoveStory" blog entry niya.
(53) comments
LittleMissPilipinas: OMG! This is our school! Sa Bulacan State University 'to, 'di ba?
Ching-ChingTabachingching: Waaah! Si Paul Christian Ignacio 'yan ng Civil Engineering, 'di ba? Crush ko siya kaya kahit nakatalikod, kilala ko siya!
BingBling-Bling: Miss Kring-Kring Lukring, ishe-share ko 'to sa schoolmates natin, ha? Nakakakilig kasi ang story n'yo ni Paul Christian Ignacio. :)
Napasinghap si Kring-Kring. Nakalimutan niyang kitang-kita nga pala sa picture nila ni Paul Christian ang unibersidad nila. Nawala sa isip niya na posibleng isa sa mga follower ng blog ay kanyang mga schoolmate. Nang i-check niya ang bilang ng followers niya, lumobo na iyon sa mahigit limandaan!
Hindi maganda ang kutob ni Kring-Kring sa nangyayari. Nag-log in siya sa kanyang f*******: account at binisita ang group ng unibersidad nila. Pakiramdam niya ay tinakasan siya ng lakas nang makita ang picture nila ni Paul Christian at sa itaas niyon ay ang link ng website niya. Isang nagngangalang Graccielle Solomon ang nag-share niyon:
Graccielle Solomon:
Guys! Visit Miss Kring-Kring Lukring's Web site! She is Paul Christian Ignacio's GIRLFRIEND!
Like. Comment. Follow post. Share. 68 people like this.
View 115 more comments
Claudine San Juan: Omo~ Si Paul Christian Ignacio, as in 'yong poging taga-Engineering department? Ngayon ko lang nalaman na may girlfriend na pala siya! >:(
Eiriz Cuevas: Oo, girl. Nagulat din ako. Brokenhearted tuloy aketch. Crush ko pa naman si Papa PC! >.
Bernadine Manansala: Nakakakilig naman ang love story nila. :)
Bea Langcay: Pero sino kaya 'yong girl? Ang suwerte naman niya. ^^
Chona Robles: ...
Nanlamig ang buong katawan ni Kring-Kring. Kumalat na pala ang picture nila ni Paul Christian at ang gawa-gawa niyang love story sa kanyang blog. Mabuti na lang at nakatalikod siya sa larawan kaya hindi agad siya makikilala ng mga tao. Pero kapag nakarating kay Paul Christian ang gawa-gawa niyang love story, lagot na!
***
"SUMUMPA kayo na hindi ninyo sasabihin kay Paul Christian na ako at si Kring-Kring Lukring ay iisa," mariing bilin ni Kring-Kring sa mga kaibigang sina Pretty at Tiara.
Tiningnan lang siya ng kanyang mga kaibigan. Sila ng mga taga-College of Education ang nakaisip na gumawa ng Freedom Board sa blackboard na nakadikit sa pader ng high school building kaya tinatrabaho nila iyon ng kanyang mga kaibigan.
"Tinatawag ka lang naman naming 'Kring-Kring' kapag tayong tatlo ang magkakasama. Kaya sa tingin ko naman, hindi alam ng mga kaklase natin ang palayaw mo," pagpapakalma ni Tiara sa kanya na kasalukuyang nilulublob ang mga kamay sa pintura.
"Ikaw naman kasi, hindi ka nag-iingat," sermon naman ni Pretty na abala sa paglapat ng mga palad nitong may pintura sa green board. "Nakilala tuloy ng kapwa natin BulSUan 'yang si Paul Christian, at itong sintang paaralan natin."
"Hindi ko naman alam na may follower akong schoolmate natin," katwiran ni Kring-Kring.
"At paano naman 'yong imbento mong love story ninyo?"
Pinilit ni Kring-Kring na magmukhang kawawa, pero napabungisngis lang siya. "Totoo namang nangyari ang lahat ng 'yon. Hinaluan ko lang ng kaunting imagination."
"Sabi ko na nga ba, eh. Creative Writing o kaya ay Journalism sana ang kinuha mong kurso imbes na Education," naiiling na sabi ni Pretty.
Dahil sa pagbanggit ng kaibigan ng salitang "Journalism" ay pumasok sa isip niya ang kaibigang si Chona Robles ng Journalism. "Oo nga pala. Alam ni Chona na ako si Kring-Kring Lukring."
Noong nagsusulat pa si Kring-Kring sa school publication nila, binabasa ni Chona ang kanyang mga gawa sa literary page. Ang ginamit niyang pen name noon ay "Kring-Kring Lukring." Pero isang beses lang na-publish ang ginawa niyang mga tula, pagkatapos ay nag-quit na siya sa publikasyon.
Pero hindi naman siguro niya ipagkakalat 'yon...
Napabuga ng hangin si Kring-Kring. "Hindi ko naman akalaing maniniwala sila sa gawa-gawa kong love story namin ni Paul Christian—na hindi ko naman pinangalanan sa mga kuwento ko."
"Pero 'PC' ang codename mo sa kanya," paalala ni Tiara. "Halata pa rin, 'no."
"Bakit hindi ka na lang magtapat sa mga reader mo at humingi ng sorry?" suhestiyon naman ni Pretty.
Matigas na iling ang isinagot ni Kring-Kring. "Ayoko. Kapag ginawa ko 'yon, magagalit sila sa 'kin at kapag nalaman nilang ako si Kring-Kring, katakot-takot na kahihiyan ang aabutin ko dito sa school. Kaya ide-deactivate ko na lang ang account ko at mananahimik pansamantala."
"Kring-Kring!"
Muntik na niyang ibato ang lata ng pintura kay Louie—ang kababata niya na lumayo sa kanya nang magkolehiyo sila dahil hindi raw ito "makakapang-chicks" kapag parati silang magkasama. Pagkatapos ng ilang taon nitong pande-dead-ma sa kanya, nakapagtatakang tinatawag siya nito ngayon sa palayaw na tanging ang malalapit lang sa kanya ang nakakaalam.
Pinandilatan niya ng mga mata si Louie nang makalapit ito sa kanya. "Sige, Louie. Ilakas mo pa," sarkastikong sabi niya.
Namaywang si Louie. "Kring, alam kong hindi na tayo close at bihira na lang tayong mag-usap. Pero ipaliwanag mo sa 'kin ang kalokohang ginawa mo nang matulungan kita."
"Hindi kita ma-gets, Louie. Anong kalokohan ba ang ginawa ko?"
"Kring, kaklase ko si Paul Christian!"
Napakurap si Kring-Kring. Dahil nga malaki ang hinanakit niya kay Louie dahil sa pagtalikod nito sa pagkakaibigan nila dahil lang tumanda na sila, pinilit niyang huwag makibalita tungkol sa buhay ng lalaki. Alam niyang Engineering ang kurso ni Louie, pero hindi niya alam ang major nito. "Ano naman ngayon kung magkaklase kayo?"
"Ikaw si 'Kring-Kring Lukring,' hindi ba? 'Yong babaeng nagkakalat na girlfriend siya ni Paul Christian."
Napasinghap si Kring-Kring. "Paano mo nala—Louie! 'Wag kang magkakamaling sabihin kay Paul Christian 'yan!"
"Too late, Kring. Kalat na 'yon sa buong university."
"Ano?!"
Nilingon niya sina Pretty at Tiara. Sabay na umiling ang dalawa na tila ba itinatanggi ang nag-aakusa niyang tingin.
"Miss, ikaw ba talaga si Kring-Kring Lukring?" tanong sa kanya ng isang babae.
"Miss, nakakakilig 'yong love story ninyo ni Paul Christian Ignacio!"
"Miss Kring-Kring, fan ako ng mga love advice mo!"
Alanganing napangiti na lang si Kring-Kring. Sumasakit na ang ulo niya kakaisip kung paano nalaman ng mga ito na siya si Kring-Kring Lukring nang may diyaryong sumulpot sa harap niya. Pinabasa iyon sa kanya ng isa sa mga taong lumapit sa kanya.
Top 10 Famous BulSUans Outside the University
By: Chona Robles
10.) Chrissy Cristel Pascual, also known as "Kring-Kring Lukring," a famous blogger for giving love advice.
Nanlaki ang kanyang mga mata. May picture pa niya ang article! Hindi iyon ang official newspaper ng unibersidad nila. Mukhang diyaryo lang iyon na ginawa ng isang klase—partikular ng Journalism class.
Traidor ka, Chona!