Sumigid ang ulo ni Antoinette“Toni” Fabregas matapos ang duet nila ng kapwa recording artist at ang mahigpit na katunggali na si Amber Kintanar. Matagal niyang pinaghandaan ang guesting nito sa musical variety show niyang Simply Toni. After all, ito ang tumalo sa kanya sa isang singing contest at nagsabing hindi siya sisikat. Gusto niyang ipamukha dito na siya na ngayon ay isang multi-media star at top endorser. She was the Ultimate Diva. May sarili siyang show habang ito naman ay magbabalik-showbiz matapos ang ilang taong pagkawala sa industriya dahil kung anong bilis ng sikat nito ay ganoon din kabilis ang pagbagsak nito.
Sa kasamaang-palad ay hindi nakisama ang sakit ng ulo niya. Nasa kalagitnaan ng production number nang sumigid ang sakit ng ulo niya. Dumagdag pa ang paghina ng sounds sa earpiece niya. It was not good. Pakiramdam niya ay may sumabotahe sa kanya para matalo siya ni Amber. She was Toni Fabregas. Hindi siya dapat matalo ng isang talunan tulad ni Amber.
“Mukhang kinabahan ka sa duet natin,” komento nito pagpunta nila sa backstage. There was a smug smile on her face. “Hindi mo na-hit ng tama ang high notes mo. Parang nag-alangan ka.”
“Pinagbigyan lang kita. Minsan ka lang naman nag-guest sa show ko kaya gusto ko naman na bigyan ka ng chance na sumikat,” aniya at nginisihan ito.
Hindi niya aaminin dito na sumakit ang ulo niya. Idagdag pa doon ang problema sa earpiece niya. Basta na lang humina ang sounds at nawala.
“Come on. Just admit that you are a loser,” nakangising sabi nito habang naglalakad sila sa hallway ng studio papunta sa dressing room. “Nangangatog ka na siguro dahil matatalo na naman kita.”
Isang nakakainsultong halakhak ang pinakawalan niya. The nerve of this woman! Nang magsabog ng kayabangan sa mundo ay nasalo nito lahat. “Amber dear, don’t be so cocky about it. Baka nakalimutan mo na nanalo ka lang dahil sa gobernador mong ama. Remember the public outcry when I bested me.”
“That’s what you say. Bitter ka lang dahil marami akong supporters.”
Yes. Her own father’s constituency. “But I am the crowd’s darling. I am the Ultimate Popstar now. Ako ang maraming projects. Ako ang may show, maraming endorsements at multi-platinum albums. How about you? Hanggang gold lang ang album mo. Ni hindi ka nagkaroon ng sarili mong show. At anong ipagmamalaki mo sa akin? Ang flop mong movie at ang career mong pilit na binubuhay.”
Naningkit ang mata nito. “I am better now. I can best you. At titiyakin kong ilalampaso kita katulad ng ginawa ko kanina.”
Pumalatak siya at magaang tinapik ang pisngi nito. “Gawin muna bago mo ako pagmalakihan. At kung hindi kita pinagbigyan, paano ka pa nila mapapansin? Baka masapawan ng galing ko ang promotion mo ng pelikula mo. Walang manonood at flop ka na naman. Kawawa ka naman. Paano na ang career mo?”
“You b***h!”
Inangat nito ang kamay at akmang sasampalin siya. Dali-dali niya iyong sinapo at handa talaga siyang labanan ito nang marinig niya ang yabag sa likuran nila. “Toni! Amber!” Nabosesan niya ang isang showbiz reporter na bayaran ng manager ni Amber. Hindi siya pwedeng gumawa ng kahit anong magpapasama ng imahe niya.
Tumawa siya at hinatak si Amber saka bineso-beso. “Thanks for guesting, Amber. Sana maging successful ang movie mo. Alam ko magiging hit iyan. After this, tiyak na magkakaroon ka na ng new album. I am so excited for you.”
Nagulat si Amber at mukhang hindi alam ang sasabihin. Sanay kasi itong magmaldita sa harap ng maraming mga tao. Unlike her, she knew how to play the game. Alam niya kung kailan niya dapat ilabas ang sungay niya.
“Isn’t this nice? Magkasundo kayong dalawa,” sabi ng showbiz reporter na si Kristeta. “Pwede ko ba kayong ma-interview?”
“Si Amber na muna ang interview-hin mo, Kristeta. I need to freshen up a bit. Maraming fans na naghihintay sa akin sa labas. Maiwan ko na muna kayo,” aniya at dali-daling pumasok sa dressing room niya.
Pagpasok ay isang impit na tili ang pinakawalan niya. Tinanggal niya ang Loubutin pumps niya at ibinato sa isang sulok ng dressing room. “That witch! Sino ba kasi ang may idea na i-guest ang babaeng ‘yan sa show ko? I don’t want to give her even a second of my airtime. Siya na nga itong umaamot sa kasikatan ko, siya pa ang may ganang magyabang.”
Dali-daling pinulot ng personal assistant niyang si Dianne ang sapatos niya. “Ate Toni, kumalma lang po kayo. Sayang naman po itong sapatos ninyo.”
“I don’t care. May pambili ako niyan. At pwede nga lang ihinampas ko na ‘yan sa mukha ng Amber na ‘yon. Ang taas ng ambisyon niya. Tatalunin daw niya ako. As if!”
“Ate, m-medyo mas magaling nga po siya kanina…”
Matalim niya itong tiningnan. “Anong sinabi mo?”
Ngumiwi ito. “K-Konti lang naman po.”
“Pinagbigyan ko siya kanina. Saka masakit ang ulo ko at may sira ang earpiece ko,” aniya at hinilot ang sentido.
Nanlaki ang mata nito at dali-daling kinalkal ang bag niya. “A-Ate, bakit hindi mo sinabi kaagad? Sabi na nga ba may masakit sa iyo kaya di mo naitodo ng birit kanina.” Inabot nito ang kapsula ng headache tablet niya at bote ng mineral water. “Ate, di ba kasasakit lang ng ulo mo kanina? Wala kang isang oras mula nang uminom ka niyan. Baka iba na ‘yan. Magpatingin ka na kaya sa doktor?”
“Hindi ko kailangan ng doktor. It’s just a headache. Na-stress ako dahil kay Amber.” Hindi talaga niya matanggap na natalo siya ng ganoon-ganoon lang. There was something wrong.
Maya maya pa ay may kumatok sa pinto at pumasok ang nobyo niyang si Phil na may dalang isang bouquet ng rosas. “Congratulations, sweetheart! Another superb performance.”
“Ayan! Tanggal na ang stress ninyo, Ate,” kinikilig na sabi ni Dianne.
Kahit naman sinong babae ay kikiligin kay Phil. Guwapo ito at galing sa pamilya ng mga Valiente, isang mayamang angkan sa Naga. He was an advertisement and indie film director. Marami ang nagsasabing maswerte siya dahil naging boyfriend niya ito. Mabait kasi ito at maalalahanin. Isa sa dahilan kung bakit ito ang sinagot niya sa maraming mga manliligaw ay dahil considerate ito at hindi insecure sa estado niya.
Sinalubong niya ito ng yakap. “Oh, Phil! It was a disaster. Nakakahiya talaga.”
“So nag-flat ka ng isa o dalawang beses pero nakabawi ka naman. You are still great. Makakalimutan mo rin iyan oras na makita mo kung saan kita dadalhin para sa dinner.”
Bumuntong-hininga siya at umiling. “I…I can’t.”
“Pero tapos na ang trabaho mo.”
“May importante pa akong meeting. I need to meet the staff. Kailangang malaman ko kung sino ang sumabotahe sa akin,” aniyang muling sumilakbo ang iritasyon.
Maang itong napatitig sa kanya. “Sumabotahe?”
“Yes. Basta na lang humina ang earpiece ko kanina. Halos wala na nga akong narinig. Kaya nga hindi ganoon kaganda ang performance ko,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. “Hindi ako papayag na ipahiya lang ako ng ganito.”
“Pero paano ang dinner natin? It is our monthsary, remember?” malungkot na tanong nito.
“Oh! I….I forgot.” Nawala iyon sa isip niya at di naman niya nailagay sa schedule niya dahil sobrang dami ng iniisip niya. Tinapik-tapik niya ang pisngi nito. “How about we reschedule it tomorrow?”
Iling ang isinagot nito. “May flight ako mamayang umaga sa Bacolod para sa shooting ng movie ko. Isasali ko iyon sa Sundance Film Festival. Nakalimutan mo na ba? Halos dalawang buwan tayong hindi magkikita.”
Now she really felt guilty. Ilang beses na itong nangyari sa kanila. Pero konting lambing lang niya ay mawawala ang tampo nito. Yumakap siya sa leeg nito. “Pero naiintindihan mo naman ako, hindi ba? Mahalaga ito sa akin. Why don’t you go home? Ayoko namang mapuyat ka.”
“S-Sige,” lulugo-lugo nitong sabi.
“Ma’am, pwedeng ituloy na lang ninyo ang dinner date ninyo?” bulong ni Dianne sa kanya nang lumabas ng dressing room si Phil.
Naging matiim ang anyo niya. “Hindi. Oras na para malaman nilang walang pwedeng sumabotahe sa akin. Magbabayad kung sinuman ang gumago sa akin. Titiyakin kong mabubura ang pangalan niya sa industriyang ito.”
“TONI, that’s insane! Bakit ka naman nila isa-sabotage? Top-rating ang show mo. Siyempre aalagaan nila ‘yan.”
Na-frustrate si Toni nang hindi man lang siya paniwalaan ni katiting ng manager niyang si Jocelia Fuertez o mas kilala sa tawag na Mommy Jho. Pinapunta siya nito sa opisina nito at akala niya ay ibibigay nito ang suporta nito sa kanya. She felt helpless. Wala kasi siyang paraan para paaminin kung sinuman ang sumabotahe o mga sumabotahe sa kanya noong taping.
“Bakit nawala ang sounds ng earpiece ko noong duet namin ni Amber?” argumento niya at idiniin ang mga palad sa desk nito. Hindi man lang ito nabahala sa inirereklamo niya at hinahaplos lang nito ang s**t zu nitong si Pitimini.
“Alam mo naman ang mga equipment minsan pumapalya. But it was not intentional.”
Lalo lang siyang nanggalaiti. Bakit walang gustong maniwala sa kanya? “Malakas ang kutob ko na sinadya iyon. Ilan sa mga staff doon malapit kay Amber. Who knows if they are priming her up to replace me?”
“That’s silly. Malayong-malayo ang talent ninyo sa isa’t isa. Hindi naman magtatapon ng pera ang network para sa kanya at ikaw na nagpapasok ng maraming pera sa kanila ang mawawalan ng program. Hindi sila ganoon kaistupido,” kalmante pa ring wika nito.
“I am not sure about that.” Walong taon na siya sa showbusiness. Parang di naman niya alam ang palakasan at maling pamamalakad sa mga networks minsan. Dahil sa favoritism ay mas nabibigyan ng projects ang ibang magaling sumipsip kaysa sa ibang may talent. Malay ba niya kung gumagana ang galamay ng gobernador na ama ni Amber para mapaboran ito?
Tumawag ito sa intercom at nagpakuha ng milk tea sa sekretarya nito. “Inumin mo ang milk tea. Alisin mo na sa isip mo na may gustong sumabotahe sa iyo. Makakaapekto iyan sa working relationship mo sa mga staff mo. Ilan na ang napaiyak mo pati na si Direk. You apologize to them.”
Humalukipkip siya at umingos. “No! I stand my ground. Ako ang napahamak dahil sa kagagawan nila. Ako ang napahiya. Di pwedeng palagpasin ko na lang ang nangyari. Magiging katatawanan ako ng lahat. I am the face of the show, not them.”
Itinaas nito ang dalawang kamay. “You are blowing it out of proportion.”
“No! I have to defend myself. Mommy Jho, huwag po ninyo akong pabayaan ng ganito.”
“Fine. I will talk to the management about it. Magre-request tayo ng investigation. Sa ngayon alisin mo muna iyan sa isip mo.”
“Paano kung may sabotahe na namang mangyari?” nag-aalangan niyang tanong.
“Wala na. Magiging mas maingat na sila ngayon.” Pinisil nito ang baba niya. “At ayokong makikipagsigawan ka pa sa mga staff mo. Kailangang iwasan mo ang mga bad publicity. It won’t help your career.”
“I know what I am doing, Mommy.” Matigas pa rin siya. Hindi siya nagsisisi kung ipinagtanggol niya ang sarili niya sa staff niya.
“I am just protecting you.” Pumasok ang sekretarya nito dala ang milk tea. “Sige na. Inumin mo na para kumalma ka.”
Ito na ang nagsilbing nanay niya sa industriya. She was seventeen then, a runner-up in a singing contest. Down na down siya noon pero binati siya nito at inalok na maging talent nito. Ito ang kumanlong sa kanya nang panahong talunan ang tingin sa kanya ng lahat. She harnessed her talent and turn it into gold. Ito ang nagturo sa kanya ng kalakaran sa industriya at nagprotekta sa kanya.
At dahil naman sa kanya ay lalo itong naging mayaman. Sa ngayon ay siya ang pinakasikat nitong talent. Her pot of gold. At kung magtutulungan daw siya ay mananatili silang makikinabang sa isa’t isa. Kung ganoon ay magpapakahinahon siya para dito.
“Ma’am, nandito na po si Rushmore,” anunsiyo ng sekretarya nito sa intercom.
“Send him in.”
Natigilan siya sa pag-inom ng milk tea. “Rushmore? Nandito si Rushmore?”
Tumango ito. “Yes.”
Tumayo siya at dinampot ang bag niya. “Then I must be going.” Ayaw niya itong makita. He was part of her past. A part she didn’t want to visit or face anymore.
“No. You stay,” Mommy Jho said in a commanding tone. A tone she didn’t want to contest. Napilitan siyang bumalik sa upuan.
Pumasok si Rushmore at humalik sa pisngi ni Mommy Jho. “Good afternoon, Mommy Jho.”
Tahimik lang siyang uminom ng milk tea habang iniiwasang tingnan ito. Kahit na di naman niya itong tingnan ay damang-dama niya ang presensiya nito. Rushmore Huntelar up until now lives up to his name as the Philippine’s ultimate heartthrob. Sa simpleng light blue polo na naka-tuck in sa dark blue jeans at leather shoes ay malakas pa rin ang dating nito.
Nagsisimula pa lang siya sa showbiz habang ito naman ay isa sa pinakasikat na artista sa henerasyon nito. He was also a singer and a songwriter. Mula bata hanggang lola ay mapapasigaw ng “I love you, Rushmore!” kapag nakikita ito.
Nasa rurok ito ng kasikatan sa edad na twenty-seven nang mag-decide itong mag-quit ng showbusiness at mag-focus sa farm na nabili nito sa Davao. Ngayon ay thirty-two years old na ito at isang matagumpay na businessman.
He was the man of every girl’s dream including hers. She even fancied herself in love with him. Hanggang ngayon ay matikas pa rin ito at guwapo. His maturity made him more desirable. Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Sa dinami-dami naman ng pagkakataon na dadalaw ito kay Mommy Jho ay ngayon pang nandoon siya.
“Bumalik ka na sa showbiz. We miss you,” lambing ni Mommy Jho dito. Di naman kaila sa kanya na mas malaki ang kita ni Rushmore sa kanya nang panahon nito kahit pa sabihing siya na ngayon ay pinaka-bankable na talent ni Mommy Jho.
“No amount of money can buy the quiet life I want.” Nakangiti itong bumaling sa kanya. “Hello, Ultimate Diva.”
Hindi niya gusto ang pagkakasabi nito ng diva. He made it sound like she’s bitchy.
Isang praktisadong ngiti ang ibinigay niya dito. “Hello, Ultimate Heartthrob. Looking good. Nice to see you again. Here for an idle chat?”
“I am here on a serious business,” anito at umupo sa tapat niya.
“Bebentahan mo ba kami ng kaing-kaing na saging?” tanong niya. “Kukuha ako ng isang kaing. How much?”
Bahagyang naningkit ang mata nito sa bahid ng insultong binitawan niya. “I’ll have it delivered to your home next time. For free.”
Tumikhim si Mommy Jho. “Ikaw ang ipinunta niya dito. Gusto sana niyang mag-organize ng concert para sa mga batang may disability. Kailangan ng tulong ng school nila.”
“Lalo na sa mga pipi at bingi. They can’t sing or hear music. Kaya maganda na tayong mga normal na tao ang kakanta para sa kanila. Makakatulong ito sa pag-aaral nila,” paliwanag ni Rushmore. “If you have time, I have a presentation ready. Para maintindihan mo ang tungkol sa project na ito.”
Puno ng disinteres niyang tiningnan si Rushmore. “I don’t have time for this right now. Pero kung gusto mo, pwede naman tayong mag-meet bukas for lunch.”
Tiningnan nito ang schedule sa cellphone nito at sa palagay niya ay hindi ito pwede bukas. Subalit nakangiti pa rin itong tumingin sa kanya. “Okay. I will inform my assistant to meet you tomorrow.”
“Why your staff? Ikaw ang gusto kong kausap.”
“But…”
Gumuhit ang malapad na ngiti sa labi niya. “Tomorrow. Gusto ko tayong dalawa lang.”