Chapter 3

2521 Words
Umalingawngaw ang malakas na halakhak ni Toni sa loob ng sinehan. Nagulat ang katabi niyang si Dianne at napalingon sa kanya. “Ate, grabe ka naman kung makatawa. Wagas.” “Ano naman kung tumawa ako ng malakas? Tayo lang naman ang nandito sa loob ng sinehan. Walang ibang makakarinig,” sabi niya at sumubo ng popcorn. “Sabagay kung may ibang tao dito iisipin nilang nababaliw ka na, Ate. Drama ‘yung palabas pero tawa ka ng tawa. Okay ka lang?” tanong nito. “Sino ba naman ang hindi matatawa? Last day na ng flop movie ni Amber. Maswerte nga na umabot pa ng two weeks ang pelikula niya. At dahil naaawa ako sa kanya, nanood na rin ako ng movie niya. I even gave away movie passes for her.” Noong una ay maraming nanood ng pelikula nito. Pero sa paglipas ng mga araw ay kumaunti ang mga iyon dahil sa di magandang review. Hilaw ang istorya at puro pa-cute lang ang mga eksena na di na bagay pa sa edad ni Amber. Bukod doon ay mediocre lang ang pag-arte nito at sinamahan pa ito ng bida nitong puro mukha lang pero di marunong umarte. What a waste of time and money. “Ate, tatapusin pa ba natin ‘to? Kailangan mo pang bumili ng regalo para kay Direk Phil,” paalala nito sa kanya. Tumayo siya at dinampot ang bag niya. “Enough of this nonsense. Let’s go.” Picking out gifts was not her forte. Lalo na pagdating kay Phil. Hindi kasi siya ganoon ka-creative lalo na sa pagbibigay ng mga regalo. Dalawang oras na silang paikot-ikot sa mall pero wala pa rin siyang mapiling nababagay na regalo para dito. Mga baduy kasi ang napipili nito kaysa sa kanya. Sana lang ay nandoon si Aya para tulungan siya. Mas alam nito kung ano ang magugustuhan ni Phil. Pero nasa Dumaguete pa rin ito nag-e-enjoy sa culinary class nito. Sa huli ay nag-settle na lang siya sa gold cufflinks. Gusto niyang isuot iyon ni Phil kapag umakyat ng entablado at tumanggap ng award. Nakakasiguro siya na pararangalan ang pelikulang ginagawa ni Phil. Who knows? Baka manalo pa ang naturang pelikula sa mga international film festival. Magiging sikat na direktor ang nobyo niya. And she would grace his arms. Siguro ay dapat niyang paghandaan iyon kapag lumakad siya sa red carpet kasama nito. “Tiyak na matutuwa si Direk Phil. Miss na miss na niya kayo dahil two months niya kayong hindi nakita,” sabi ni Dianne habang bumibiyahe ang sasakykan niya papunta sa condo ng nobyo. “Confirm na ba ang reservation sa restaurant na pinili ko para sa dinner namin?” tanong niya at nagsimula nang mag-retouch. “Opo, Ate. Wala pong problema.” Sinadya niyang i-clear ang gabing iyon para kay Phil. Dalawang buwan ito sa Bacolod pero di man lang niya nadalaw. Puro tawagan lang sila na minsan ay di pa niya nasasagot sa dami ng trabaho. Kaya naman gusto niyang bumawi dito. Aminado naman siya na sa relasyon nila ay palaging siya ang nagbibigay. Palaging ito ang nanunuyo sa kanya at palaging nagpapasensiya. Dapat naman ay ipakita niyang mahal din niya ito. Sa lobby pa lang ay binati na siya ng receptionist. “Hi! I just want to check if Direk Phil is in his condo.” “Yes, Ma’am. Sasabihin ko pong paakyat na kayo.” “No. Ako na ang bahala. This is a surprise visit actually. Thank you.” Dalawang beses pa lang siyang nakadalaw sa condo nito at pareho pang may event. Mas gusto kasi niyang dalawin ito sa ancestral home ng parents nito. It was more welcoming. Di tulad sa condo nito na masyadong maliit. Ngayon pa lang siya pupunta sa condo nito nang silang dalawa lang. Nakadalawang pindot siya ng doorbell bago iyon bumukas. Nanlalaki ang mata ni Phil nang makita siya. Nakasuot lang ito ng bathrobe at mamasa-masa pa ang buhok. “Toni!” Yumakap siya sa leeg nito. “Hey, gorgeous! Miss me?” Saka niya ito kinintalan ng halik sa labi. His body stiffened. Hindi rin nito sinagot ang yakap niya at ni hindi ito makangiti. “Nasorpresa ka na bigla akong dumalaw, no? Marami pa akong sorpresa sa iyo.” Hinawakan nito ang balikat niya at inilayo siya sa katawan nito. “H-Hindi ko alam na dadating ka. Naka-robe lang ako.” Tumaas ang kilay niya. “So what? Then dress up.” He was very conservative and she appreciated that. Naniniwala daw kasi ito na dapat ay mag-asawa lang ang maging intimate sa isa’t isa. “O-Okay,” anito at nananatili pa ring nakatayo sa pinto. “Hindi mo ba ako papapasukin?” tanong niya. May pag-aalinlangan itong lumingon sa loob. “Medyo magulo pa kasi dito dahil kararating ko lang.” “It’s okay. I don’t mind,” aniya at tuloy-tuloy nang pumasok sa loob. Nagulat siya nang bumukas ang pinto sa kuwarto at isang babaeng nakasuot lang ng maluwag na T-shirt ang lumabas doon. “Phil, gising ka na pala. Di mo man lang ako ginising.” Nanigas ang buong katawan niya. Pamilyar sa kanya ang boses ng babaeng iyon. Hinawi ng babae ang buhok nito at nakumpirma ang hinala niya. “Aya,” usal niya sa pangalan nito na animo’y lason mismo ang simbolo ng pangalan nito. Nawala ang antok nito at namutla nang makita siya. “A-Ate?” Namanhid ang buong katawan niya at hindi niya alam kung paano hihinga sa sobrang galit. Nakuyom niya nang mariin ang palad. “Anong ibig sabihin nito? May relasyon kayong dalawa?” Sana ay hindi ang isagot ng mga ito. Sana ay walang nangyari sa mga ito. Hindi niya kakayanin kung pinagtaksilan siya ng nobyo niya at ng kapatid niya. Sana ay doon muna tumuloy si Aya kay Phil dahil may problema ito. Dito lang ito pwedeng tumakbo at nahihiya lang magsabi sa kanya. After all, malapit naman ang mga ito sa isa’t isa na parang magkapatid. Wala iyong ibang ibig sabihin. Nagpapalit-palit ang tingin ni Aya sa kanya at kay Phil. “Ate, kasi…” Nakuha na niya ang sagot na kailangan niya. May nangyari nga sa mga ito. Niloloko lang niya ang sarili niya kung iisipin niyang walang nangyari. Dinuro niya si Aya. “Sabi mo aayusin mo ang buhay mo. Mag-iisip-isip ka. Tapos uuwi ka ng ganito?” Humarang agad sa kanya si Phil nang akmang susugurin niya si Aya. “Kasalanan ko. I was lonely and she was there to comfort me. Malungkot ako dahil parang lagi kang walang panahon sa akin. Aksidente lang kung anumang nangyari sa amin.” Ibinuka niya ang palad at muling kinuyom habang pinipigilan na masampal si Phil. “Sa dinami-dami ng babae, bakit kapatid ko pa, Phil? Pinagkatiwalaan kita. I expect more from you. Simula ngayon lumayo ka na sa aming magkapatid. Aya, uuwi na tayo.” Kalilimutan niya ang lahat ng iyon. Kalilimutan niya si Phil. Mapapatawad niya si Aya sa pagkakamali nito. Maaayos pa nila ang lahat. “Ayoko! Dito lang ako kay Phil,” tutol ni Aya at humawak sa braso ni Phil. Nahigit niya ang hininga. “Ano bang ginagawa mo?” Umagos ang luha sa mata nito. “Mahal ko siya, Ate. Dati pa man mahal ko na siya. Pero nanahimik ako dahil ikaw ang mahal niya. Pero binalewala mo ang pagmamahal niya. Masyado kang busy sa trabaho mo. Kaya ako ang nandito para sa kanya. Ako ang nag-alaga sa kanya. Kaya mo hindi mo siya masisisi kung…” Sinubukan niyang hablutin ang buhok nito pero naharang siya ni Phil at niyakap palayo kay Aya. “Tama na ‘yan.” “Anong tama na?” Lalong napahagulgol ng iyak si Aya. “Ate, sinunod ko lang naman ang nararamdaman ko.” “Ate? Ang lakas ng loob mo na tawagin akong ate samantalang hindi mo pinahalagahan ang pagiging magkapatid natin. Marami akong isinakripisyo para sa bigyan ka ng magandang buhay. Hindi ako nakapag-aral para matupad mo ang pangarap mo at di ka na maghirap. Pinahalagahan mo ba iyon? Hindi! Pati si Phil sinadya mo pang akitin para makuha mo sa akin.” Parang sinaksak siya ng mga ito sa likuran. Kung sana ay aksidente lang ang lahat, maiintindihan pa niya. Mapapatawad pa niya ang mga ito. Pero di niya mapapatawad na sinadya ni Aya na lokohin siya. Sinadya nitong saktan siya. Dahil kung siya ang nasa sitwasyon nito, hindi niya maaatim na kunin ang mahal ng kapatid niya. Magsasakripisyo siya para dito. Dahil sa pagitan ng pag-ibig at pamilya, pamilya ang pipiliin niya. “Toni, ako na lang ang saktan mo,” sabi ni Phil. “Huwag na si Aya.” “Sasaktan din kita. I just want to get my hands on that bitch.” Gusto niyang maiparamdam kay Aya kung gaano kasakit ang ginawa nitong pagtraidor sa kanya. Kahit isang sampal lang. Kahit isang sabunot lang. “Please don’t hurt her. She’s pregnant.” TUMIGIL ang mundo ni Toni sa sinabi ni Phil at maang na napatitig dito. “B-Buntis si Aya? Ikaw ba ang ama?” nanginginig ang boses niyang tanong. Yumuko si Phil. “Oo.” Sa pagkakataong ito ay di na niya pinigilan pa ang emosyon at napahiyaw sa galit. Sunud-sunod na bayo ang ginawa niya sa dibdib nito at hinayaan lang siya nito. “Dati pa pala ninyo ako niloloko pero araw-araw ninyong sinasabing mahal ninyo ako. Mga manloloko kayo. Anong kasalanan ko sa inyo at ginawa ninyo ito sa akin? Sumagot ka sa akin, Phil.” “Wala. I know you don’t have much time for me but this is wrong. Pero nandiyan na iyan. Buntis na si Aya. I am sorry.” Ubod lakas niya itong sinampal na halos magpabiling sa mukha nito. “Sorry? Sorry lang ang masasabi mo? Then I am also sorry. Hindi ko kayo mapapatawad.” Sinibat niya ng matalim na tingin ang umiiyak pa ring si Aya. “I will make sure that you will pay for this.” Nakalupasay na si Aya sa sahig habang humahagulgol ng iyak nang umalis siya. Wala siyang pakialam kung may luha man sa mata niya. Puno ng galit at kalituhan ang puso niya para intindihin pa ang nakikita ng iba. Tinawagan niya si Dianne para sunduin siya sa entrada ng condo building. Nagulat ito nang makita ang itsura niya pag-akyat ng sasakyan. “Ate, ano pong nangyari sa inyo?” natataranta nitong tanong at kumuha ng Kleenex para punasan ang luha niya. “Nasaan po pala si Direk Phil?” “Huwag mo nang mabanggit-banggit ang pangalan ng lalaking iyon.” Tumawag siya sa bahay. Ang kawaksing si Aling Mameng ang nakasagot. “Aling Mameng, iempake po ninyo ang lahat ng mga gamit ni Aya. Kung kailangang pagkasyahin ninyo sa karton, gawin po ninyo.” “Bakit po, Ma’am?” “Wala na pong tanong-tanong pa. Gusto ko nakaempake na ‘yan pagdating ko.” Hindi na siya ang talunang babaeng umiiyak na umalis condo ni Phil. Lalaban na siya ngayon. Lintik lang ang walang ganti. Sinalubong siya ng nanay niya pagdating ng villa. “Anak, bakit mo ipinaempake ang mga gamit ni Aya? Sa Dumaguete na ba siya titira?” “Wala po akong pakialam kung saan man siya tumira basta huwag na siyang babalik dito sa bahay ko,” matigas niyang wika. “Ano bang nangyari?” tanong nito at mukhang lalong naguluhan. “Buntis ang magaling ninyong anak.” Napanganga ito sa labis na pagkagulat at nasapo ang dibdib. “Ano? Sino ang ama?” “Si Phil! Inakit niya ang boyfriend ko.” Umiling ito na hindi makapaniwala sa sinabi niya. “Imposible iyon. Hindi iyon magagawa ng kapatid mo sa iyo. Hindi ka rin kayang pagtaksilan ni Phil. Mahal na mahal ka niya.” “Nagawa na nila akong pagtaksilan, Nay. Nahuli ko po sila sa condo ni Phil. Inamin pa niya sa akin na sinadya niyang akitin si Phil. Ahas siya! At wala akong kapatid na ahas.” “Diyos ko!” Parang mauupos na kandila itong umupo ng sofa. “Ang anak ko!” “Dianne, ikuha mo ng tubig si Nanay,” utos niya kay Dianne na dali-dali namang sumunod. “Ma’am, saan ko po ilalagay ang mga maleta?” tanong ni Aling Mameng. “Sa tabi po ng pinto.” Pero ang gusto talaga niya ay pulutin na lang iyon ni Aya sa labas ng bahay. Ayaw na niyang tumapak pa ito sa pamamahay niya o makita ang mukha nito. Pumunta siya sa kuwarto niya at inipon sa kahon ang regalo nito sa kanya. Noong una ay mahalaga sa kanya ang mga iyon. Aya knows what kind of gift suits a person. At ito lang ang nagbigay ng regalo sa kanya na nagustuhan niya nang todo. Pero ngayon ay wala na iyong halaga sa kanya. Basura na lang sa paningin niya. Ayaw na niyang makakita pa ng basura sa pamamahay niya. Nakarinig niya ng ugong ng paparating na sasakyan at alam niyang kotse iyon ni Phil. “Aling Mameng, ibaba po ninyo ang mga ‘yan,” sabi niya. Nang bumaba siya ay magkayakap sa sala ang nanay niya at si Aya. Habang nakatayo naman sa isang tabi ni Phil at nakamasid sa mga ito. “Nanay, huwag po kayong magalit sa akin. Kasalanan ko lang naman po ay nagmahal ako.” “Katwiran ba ‘yan para makasakit ka?” malakas niyang tanong at lumapit sa mga ito. “Huwag nga ninyo akong paandaran ng mga ganyang drama. Nandiyan na ang mga gamit mo. Makakaalis ka na ng bahay ko.” “Toni, pag-usapan naman natin ito ng maayos.” “Tita Pinky, alam ko pong malaki ang kasalanan ko sa inyo at kay Toni. Pero sana naman po huwag naman ninyong kamuhian si Aya. Maselan po ang kondisyon niya,” pakiusap ni Phil. “At gagawin ko po ang tama.” “Walang dapat ayusin o pag-usapan. Makakaalis na kayo,” utos niya. “Ate, huwag namang ganito. Kung itaboy mo kami parang hayop,” pakiusap nito. “Aya, mabait pa nga ako sa iyo. Ipinaempake ko nang maayos ang gamit mo. Huwag ka nang magpaawa na parang ikaw ang biktima dito. Ako ang niloko ninyo. Dapat nga magpasalamat ka dahil hindi ako naghahabol sa boyfriend ko. Sa iyo na siya.” Hinawakan ni Aling Pinky ang braso niya. “Anak, huwag ganyan. Maayos naman sana natin itong pag-usapan.” “Kayo na lang po ang kumausap sa kanila, Nanay. I will give them fifteen minutes. Kailangan na nilang umalis sa bahay ko pagkatapos,” aniya at kumawala sa pagkakahawak nito. Hindi man lang siya nag-abalang lingunin ang mga ito nang pumunta siya sa kuwarto niya at nagkulong. Sa pag-iisa niya ay hindi na niya nagawang umiyak. Ayaw na niyang magmukhang kaawa-awa. Pagdating talaga sa pagmamahal ay walang mapagkakatiwalaan. Kahit pa ang sariling kapatid ay nagawa siyang saksakin sa likod niya. Mula ngayon ay wala na siyang kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD