(THE HELP) BUMABA ako mula sa kwarto ni Fiandro dahil sa pagka-uhaw. Ika-dalawang araw ko na rito, at masasabi kong sobrang nakakabagot sa bahay na’to. Gusto kong magbalak na tumakas, pero mahigpit ang bantay ng mga bodyguards niya. Halos bawat sulok ng labas ng kanyang mansyon ay may bantay. Kaya wala na 'kong nagawa kun'di ang maghintay na lang. Ilang hakbang palang sa hagdan mula sa taas ko ay dinig ko na ang boses ng lolo niya at kausap mismo si Fiandro. Bumaba pa'ko ng ilang hakbang para sumungaw sa baba at marinig lalo ang pag-uusap nilang dalawa. Nakaupo ang lolo niya sa isahang sofa samantalang si Fiandro nakatayo sa harapan nito, pagitan nila ay iyong glass table. Ulo at likod ng lolo niya ang nakikita ko, pansin ko din ang dalawang kamay nito na nakahawak sa tungkod paharap.

