Nagpaiwan si Teddy sa tapat ng puno ng saging. Pagod na raw ito sa paglalakad at nais ng magpahinga. Nais sumama ni Selma sa kanya dahil sa presensya ng ulo ilang metro lang sa dalaga ngunit baka mapahamak lang ito sa paghahanap nila kay Nikki. Umiyak ito at pilit na hinila ang kanyang damit ngunit nagmatigas siya.
Hinila ni Leon ang kanyang kamay at inalalayan siya sa paglalakad. Nakaramdam siya ng pagkailang sa lalaki lalo pa nang sumipol si Teddy sa likuran. Nagagawa pa talaga nitong magsaya kahit nasa ganoong sitwasyon sila.
Mabilis nilang sinuyod ang paligid. Ngayon ay nahati na naman sila at ayaw niya ng ganoon dahil nahahati ang isip niya. Kung saan-saan sila lumusot ngunit walang bakas ng dalaga. Pilit niyang inaalis sa kanyang isipan na baka katulad ito ng pagkawala ni Rosalie. Baka may kumuha rin dito at wala silang mahanap ng kahit anong bakas.
"Dahan-dahan lang." Wika ni Leon na nauuna sa paglalakad hawak pa rin ang kanyang palapulsuhan.
Habang tumatagal sila sa bundok ay pahirap nang pahirap ang kanilang sitwasyon. Bakit sa tuwing nagkakaroon sila ng pag-asa ay agad naman itong nawawala at napapalitan ng suliranin?
"Nik, asan ka?!" Kanina pa nila ito tinatawag. Itinaas ni Mang Lauro ang kanang kamay upang matigil siya sa pagsasalita. Mukhang may pinakikinggan ito sa malayo.
"Narinig niyo ba 'yun?" Tanong nito. Muli nilang pinakinggan ang boses hanggang matukoy nila kung saan at kanino ito nanggagaling. May kalayuan ito at galing sa dalagang hinahanap nila.
Nahulog ito sa isang butas na nasa isang metro ang lalim. Mukhang nahulog ito sa patibong. Umiiyak ito dahil sa sakit ng matulis na bakal na nakatusok sa hita nito. Napunit ang maong na korto nito. Kalahati ng kulay nito ay naging pula na dating dilaw. Maingat nila itong inalalayan.
"Malaki ang naging sugat niya." Wika ni Mang Lauro na kalmado lamang ang mukha.
Inalalayan nila ito paakyat at doon niya naklaro ang sugat nito. Napatingin siya sa kaibigan na umiiyak at sumisigaw sa sakit. Nangingnig ng husto ang kanyang mga kamay na nakahawak sa likod nito.
Hinubad ni Leon ang suot na Camisa de Chino at tinali ito sa hita ni Nikki. Pati ito ay natataranta na rin at pinagpapawisan. Hindi matigil ang pag-agos ng dugo mula sa sugat ng dalaga.
Nang makabalik ay sinalubong sila ni Selma. Si Teddy ay nakaupo lang sa harap ng puno ng saging at pinaglalaruan ang pugot na ulo na mas lalong nagpanginig sa kanya.
Hindi niya ito kinausap ngunit mas nadagdagan ang mga katanungan niya sa sarili. Sino nga ba ito at bakit may mga pagkakataon na kakaiba ang kinikilos nito? Puro lang ito pagpapatawa noon sa kompanya ngunit ngayon...
Kakaiba na ang uri ng pagtingin nito sa kanilang lahat.
___________________________
Mabagal itong ngumunguya. Kamote na naman ang kanilang hapunan. Sa kasamaang palad ay hindi sila nakalabas ng The Lost Mountain dahil sa nangyaring aksidente kay Nikki.
Natusok ng matulis na kahoy ang hita nito at hanggang ngayon ay nakabaon pa rin ang kahoy na iyon dahil hindi nito kaya ang sakit. Dahan-dahan nila itong kinarga at naghanap na lang ng panibagong mahihigaan. Nakaupo sila sa dahon ng saging at nakasandal si Nikki sa katawan ng puno.
"Ayaw ko na, Raquel. Busog na ako." Wika nito at inabot ang galon ng tubig. Ilang araw na nila itong dala at kakaiba na rin ang lasa ngunit ayaw nila itong itapon dahil wala silang mapagkukunan ng maiinom. Nakuha nila ito sa inabandonang tent.
Tinignan nito ang sugat at ngumiwi.
"Pasensya na ha. Hindi ko alam na ganito ang mangyayari sa lakad na ito." Umiling ito at ngumiti. Hindi nababawasan ang lungkot na kanyang nararamdaman araw-araw. Lumalaki pa nga ito. Nais niyang saktan ang sarili dahil napakawalang kwenta niyang kaibigan. Hindi niya mailabas sa bundok si Selma na alam niyang labis ng nahihirapan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi ang kanyang mga kasama. Kahit siya na lang ang maiwan sa bundok na iyon huwag lang ang mga kaibigan niya.
"Alam kong ilang beses mo ng narinig ito at ilang beses ko na ring sinabi sa'yo. Wala kang kasalanan, Raquel. Walang may gusto ng mga nangyari. Matagal mo ng sinisisi ang sarili mo mula pa noong mawala ang kapatid mo, pero nakita ko, noon pa mang unang araw natin dito ay inalagaan mo na kami. Kung wala ka rito, baka kung ano na ang nangyari sa amin."
Tinuro nito ang sugat at mga gasgas sa braso. "Itong mga 'to? Hindi mo ito kasalanan. Labis lang ang naramdaman kong takot kanina. Alam mo naman na ayaw ko talagang makakita ng mga ganoon." Natawa ito at pinunasan ang tumulong luha.
Yumuko siya at umiyak ng tahimik. Mahigpit niyang niyakap ang mga tuhod. Ilang araw na niyang kinikimkim ang nararamdaman.
She’s frustrated. She's helpless as her friends fight to survive. She’s exhausted, but she won’t admit it. All she wants is to hug her mom and whisper the pain she’s been hiding.
"I'm sorry. I'm sorry."
Naramdaman niya ang kamay ng kaibigan na humahaplos sa likod niya.
"Tama na, Raquel. Tahan na." Paulit-ulit nitong wika na hinahaluan pa ng tawa. Inangat niya ang ulo at tinignan ito. Malungkot itong ngumiti at hinawakan ang kanyang kamay.
"Raquel, if I miss the sunrise, make sure you all see it for me."
"H-Ha? Ano ang ibig mong sabihin?" Ngumiti ito at tinuro ang sugat.
"Alam mong iyon ang gusto kong makita araw-araw. Ito ay simbolo ng panibagong umaga at tingin ko'y dapat mong makita iyon. Baka mamaya pa ako makatulog dahil hinihintay ko pang mawala ang kirot nito. Ibig sabihin ay matagal akong magigising. Nais ko sanang gamutin ito kaya lang ay madilim na kaya bukas nalang. Kaya bukas, kung hindi ko maabutan ang pagsikat ng araw, gisingin mo pa rin ako upang magamot ko na ito."
Inayos niya ang dahon ng saging at nagdasal. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang humiga at tinignan ito. "Gigisingin kita ng maaga at sabay natin iyong papanuorin, Nikki."
Tumango ito at muling sumandal sa puno.
Marami silang ginawa buong araw at malayo-layo rin ang kanilang nilakad. Unang nakatulog ang matanda at ngayon ay sila nalang dalawa ang gising. Nandoon pa rin ang pakiramdam niya na parang may nagmamasid sa kanila ngunit hindi na niya iyon ininda dahil sa isip niya ay ganoon lang nararamdaman niya sa isang lugar na bago sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata at agad siyang nakatulog dahil sa pagod ng katawan.
Nagising siya sa huni ng ibon sa paligid. Malalim ang kanyang tulog at marami siyang napanaginipan na hini na niya maalala. Nang imulat niya ang mga mata ay napangiti siya dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kanila.
Lumingon siya sa kabila at nakita niya si Selma na bukas ang bibig. Sa kabila ay si Nikki na nakahiga rin sa dahon at nakatalikod sa kanya. Mabilis siyang bumangon at binulungan ito.
"Nik, the sunrise is here. See? I told you we'd watch it together."
Hindi ito tumugon kaya niyugyog niya ang balikat nito. "Nik, wake up. You'll miss the sunrise!"
Tumayo siya at nagpunta sa harap nito. Sa isip niya ay matagal itong nakatulog kaya mag-isa niyang pinanuod ang dahan-dahang pagtaas ng araw.
"Ang sabi niya kagabi ay dapat kong mapanuod ito. Simbolo ng panibagong umaga, panibagong pagkakataong ayusin ang sarili at abutin ang mga pangarap." Bulong niya sa sarili. Nilingon niya ang dalaga na nakapikit pa rin. Hinila niya ang t-shirt nito na kulay itim dahil nahahanginan ang tiyan nito.
Natigilan siya nang maramdaman na basa ito. Inisip niya kung umulan ba kagabi ngunit tuyo ang kanyang damit. Tinignan niya ang kamay at nanlaki ang mga mata niya dahil puno ito ng dugo.
Muli niyang itinaas ang damit nito at doon niya nakita ang malaking sugat sa dibdib nito. Mas malaki pa ito sa sugat nito sa hita. Ang dahon ng saging na hinihigaan nito ay puno na rin ng dugo.
Hinawakan niya ang pisngi nito at mahinang tinatapik.
"N-Nik, you're bleeding! Wake up!"
May namuo ng ideya sa kanyang isip ngunit ayaw niya itong tanggapin. Sunod-sunod na tumulo ang kanyang luha. Bakit hindi nito sinabi ang totoong kalagayan?
"Nikki, gumising ka. Gumising ka pakiusap!"