Hindi pinansin ni Raquel ang bumati sa kanya. Pagod na ang kanyang katawan at gusto na niyang umuwi. Madali niyang kinuha ang gamit sa locker room at nagtungo sa elevator.
"Samahan mo muna ako! Isa pa, pag umuwi ka agad ay maaalala mo lang ang nangyari kanina. Baka mapanaginipan mo pa iyon." Pangungumbinsi ng kanyang kaibigan. Panay ang kalabit nito sa kanyang likod. Nilingon niya ito at sinamaan ng tingin.
"Gusto ko ng umuwi Selma. Pagod na ako."
Parang wala itong narinig. Panay ang pangungulit nito hangang makalabas sila ng gusali. Hinila ni Selma ang kanyang kamay at pumasok sa isang mall na malapit lang sa kompanya. Hindi na niya binawi ang kamay nang makita ang kaliwa't kanang pagkain na bumungad sa kanila na nagpagaan ng kanyang loob. Naamoy rin niya ang paborito niyang panghimagas kaya siya na mismo ang humila sa kaibigan papunta sa istante. Naaliw siya sa mga makukulay na pagkain at napabili ng tatlo.
"Selma?" Tawag niya sa kaibigan ngunit wala na ito sa kanyang likuran. Iginala niya ang paningin at hinanap ang kaibigan. Mabilis niya itong nakita dahil sa pula nitong buhok. Nasa istante ito ng mga inumin.
"Saan ba tayo pupunta? At bakit kailangan nating bumili ng maraming pagkain?"
"Malayo ang kabundukan na pupuntahan natin." Napatda siya sa narinig. Bumilis ang pintig ng kanyang puso at namamawis siya. Kamuntikan din niyang mabitawan ang hawak na donut.
"A-Ano?" Tumalikod ito at muling kinausap ang lalaking nagbebenta. Hindi ito tumugon sa kanya.
Nairita siya dahil sa pagiging insensitibo ni Selma. Hindi siya makapaniwalang nais nitong magpunta sa lugar na kanyang iniiwasan. Ni makita ang larawan ay ayaw niya.
Hinila siya ng kaibigan papunta sa bakanteng upuan. Hindi ito nagsasalita na parang natauhan sa ginawang pagpaplano ngunit nagkamali siya. Lumingon ito sa kanya at malungkot na ngumiti.
"Raquel, I think it's time for you to let go of the past."
Nagulat siya sa sinabi nito. Hindi siya tumugon sa kaibigan. Yumuko siya at nagpatuloy nalang sa pagkain.
"You’ve carried this weight for too long, but it was never yours to bear. The world keeps moving, yet you’re stuck in the moment you lost him. Forgive yourself, Raquel. Not because you should, but because you deserve peace. It’s not your fault that he’s gone, and it was never in your hands to change."
Bumaling siya sa kabilang dako. Ayaw na niyang pag-usapan ang nangyari. Alam ito ni Selma. Alam ng kanyang kaibigan na nagluluksa pa rin siya. Na wala pa ring araw na nagdaan na hindi niya naiisip ang kapatid.
Natahimik si Selma sa kanyang tabi. Nilingon niya ito at umirap siya nang makita itong nakangiti. Selma crossed her arms and smiled broadly. Alam na niya ang kasunod nito. Napailing siya at pinagkrus na rin ang mga braso.
"We fight, we fuss, we make a scene. But life’s too short to be this mean!" Sabay nilang wika at tinalikuran ang isa't-isa. Natawa na siya ng malakas dahil pinagtitinginan sila ng mga batang naglalaro.
"Fine, I forgive you. Just buy me fries." Wika niya nang muli silang magharap at saka masungit itong tinuro.
"Deal! But next time, share your pies." Tugon nito at natawa na rin.
"No more drama, no more dread." They shake hands like it's a peace treaty.
"Besties for life. Now hug it out, you blockhead!" Tugon ng kanyang kaibigan at tinulak siya ng malakas.
___________________________
Bumalik na ang kanyang sigla at ngayon ay nasa supermarket sila upang bumili ng pagkain na kasya sa kanilang lahat. Ngayon lang siya nagtaka kung bakit maaga silang mamimili ng babaunin.
"Ang sabi mo, next month pa tayo aalis." Tumawa ito at pinukpok ang kanyang ulo ng napulot nitong talong.
"Raquel, okay ka lang ba? Last day na ng buwan ngayon. Ang sabi ko ho ay unang weekend tayo aalis papuntang kabundukan." Napailing si Selma.
Kahit naaaliw siya sa pagsama sa kaibigan ay hindi pa rin mawala sa kanyang pandinig ang boses ng estrangherong tumawag sa kanya. Hindi siya makapaniwalang may prank na ganoon ka husay. Labis na nanikit ang kanyang dibdib nang matapos ang kanilang pag-uusap kaya siya napahagulgol sa kanyang station.
Mabuti nalang talaga na prank lang iyon dahil kung hindi, baka madagdagan lang ang rason upang sisihin niya ang sarili.
"Okay ka lang?" Untag ng kanyang kaibigan. Tumango siya at ngumiti.
Marami silang kinuha na delata at mga biskwit. Sa sobrang dami ay mabilis napuno ang dalawang hila-hila nilang kart. Bumili rin sila ng para sa first aid at kung anu-ano pa.
"Bakit tayo ang bumibili nito at papano natin ito iuuwi?" Tanong niya sa kaibigan na nakatingin sa monitor ng cashier.
Nasagot ang kanyang katanungan nang makita ang dalawang tao na papalapit sa kanilang kinatatayuan. Nakasuot pa ng ID ang mga ito. Natawa siya nang makita ang eyebags ng mga ito. Halata na rin ang antok at pagod sa kanilang mukha.
Mabilis nitong kinuha ang kanilang pinamili. Tumango lang ang mga ito kay Selma at ngumiti sa kanya.
"Sina Teddy at Gael na ang magdadala niyan kina Nikki."
Sunod nilang pinuntahan ang isang store na bilihan ng flashlight at kung anu-ano pang gamit na kailangan nila sa mahabang byahe. Sa loob-loob niya ay nagdadalawang-isip pa rin siya kung sasama sa kaibigan. At hindi rin niya alam kung tama ba ang planong ito.
Ang kanyang kaibigan ay madalas na nagdedesisyon dahil sa bugso ng damdamin. Hindi nito iniisip ang mga kapalit sa bawat desisyong ginagawa nito at para kay Selma, kung mangyayari man ang isang bagay ay mangyayari iyon kahit gaano pa katagal ang ginawang paghahanda.
Mabilis na pumasok si Selma sa loob at sinabihan siyang mag-antay na lang sa harap ng entrada. Malamang ay nakita nito ang kanyang panginginig. Sa tingin niya ay hindi pa siya handang pumasok doon kahit ito pa ang una niyang pinupuntahan sa tuwing pupunta siya ng mall noon.
Kinalikot niya ang cellphone at naghanap ng magandang awitin. Pinagpag rin niya ang baldosa gamit ang kanyang sling bag at naupo roon.
Nakapansak sa magkabila niyang tenga ang earphones at pinapanuod ang mga taong dumadaan sa kanyang harapan. Sa mga taong iyon ay nakita niya ang kapatid na masayang nakatingin sa kanya habang hawak ang bagong biling binoculars.
Nakailang kanta na siya nang lumabas ang kanyang kaibigan. Tumayo siya at tinulungan ito sa mga dala.
"Akala ko ay ayaw mo ng hawakan ang mga ito." Umiling siya at kinuha ang malaking supot.
Naghanap sila ng makakainan. Pinili nila ang isang fast food chain at doon nila napag-usapan ang tungkol sa kanilang lakad.
"Doon na tayo kina Nikki magkikita dahil kanila yung van na sasakyan natin papunta sa The Lost Mountain."
Sa pangalan pa lang ng bundok ay natatakot na siya at nais na niya iyong sabihin kay Selma.
"Ano ba ang dahilan ng pagpili mo sa lugar na ito?" Tanong niya sa kaibigan na umiinom ng tubig.
"Gusto kong makasama si Gideon na malayo sa nobya niya at para na rin makapunta sa ibang lugar. Kaya lang ay nais din pala niyang sumama." Tingin niya ay ang nobya ni Gideon ang tinutukoy nito. Umirap siya dahil tama nga ang kanyang hinala.
"Seryoso ka ba talaga sa nararamdaman mo kay Gideon? Papano na ang nobyo mo?"
"Wala na kami, Raquel. Para sa akin ay wala na kami."
Hindi niya malaman kung nagsasabi ba ito ng totoo. Mabilis nitong ibinalik ang usapan sa kanilang lakad.
Ipinakita nito ang screen ng cellphone at doon niya unang nakita ang imahe ng bundok. Kabaliktaran pala ang pangalan nito dahil base sa maraming anggulo na pinakita si Selma, napakaganda ng lugar na iyon. Hindi siya binigo ng kaibigan. Siguro nga ay kailangan na niyang sanayin ang sarili na muling umakyat ng bundok. Pinakiramdaman niyang ang sarili at nandoon pa rin ang takot. Pero tama ang kanyang kaibigan.
It’s not her fault that he’s gone, and it was never in her hands to change.
Kailangan na niyang matutunan ang pagpapatawad sa sarili. Dadahan-dahanin niya ito at araw-araw na ipagdarasal.
"Hindi raw pagmamay-ari ng gobyerno ang bundok na ito. Konti lang ang alam ko kaya magtanung-tanong nalang tayo sa mga nakatira roon."
Nang matapos sa pagkukwentuhan ay naisipan na nilang umuwi. Dumaan sila sa kabilang kanto dahil doon ang sakayan ng jeep. Inihatid niya ito at hinintay na makaalis ang jeep at saka pa lamang siya umuwi.
Pakanta-kanta siya habang hawak ang payong. Muli siyang tumingala at nakita ang apartment. Ibig sabihin ay malapit na siya.
Unang beses niyang dumaan doon pero dahil tirik pa ang araw ay hindi siya nangangamba. Lumiko siya at muling hinanap ang apartment ngunit malayo na ito. Napamura siya dahil sumasakit na ang kanyang paa sa paglalakad. Naghanap siya ng masisilungan. Madali siyang naglakad papunta sa maliit na tindahan.
Naupo siya at hinubad ang sapatos. Hinilot niya ang mga daliri sa paa hanggang sa mawala ang sakit nito. Napatingin siya sa saradong pintuan ng maliit na tindahan. Sa pintuan ay nakasabit ang karatula na bukas ito. Muli niyang sinuot ang sapatos at lumapit sa pintuhan. Dahan-dahan niya itong binuksan at natigilan siya sa nakita.