Tumunog na ang huling bell hudyat na tapos ang klase sa araw na iyon. Biyernes na kung kaya't makikitaan ng kaunting ngiti ang Class 2A Hydrogen dahil sa wakas makakapagpahinga na sila mula sa tambak na activities na pinapagawa ng mga professors.
August 25, 2021. Sa kasalukuyang panahon kung nasaan sila, hindi maikakaila na advance na ang mga facilities sa Eirene Academy, ang natatangi at tanyag na paaralan sa Northa dahil halos lahat ng mga estudyante na nagtatapos dito ay may matataas na IQ at nag-e-excel din sa physical activities. Hindi rin basta-basta ang mga nakapag-aaral doon dahil tanging mga may angking potensyal lamang ang natatanggap sa nasabing paaralan, natatangi o hindi pangkaraniwang kakayahan na hindi makikita sa normal at average na tao.
Subalit ang hindi alam ng lahat ng mga nasa labas ng Academy, ang hinahangaan at tinitingalang paaralan ay mayroon palang tinatagong sikreto upang mapanatili ang katanyagan.
"Sa wakas! Natapos din tayo. Itutulog ko lang ang Sabado at Linggo ko," sabi ni Cyrene na nag-uunat-unat pa.
"Baliw ka talaga, mag-review ka dahil malapit na ang exam," paalala naman ni Megan sa kaibigan.
"Bahala na ang exam sa 'kin. Ang totoong matalino, hindi nagre-review kasi kahit isabak mo 'yan sa maraming quiz, masasagutan at masasagutan niya pa rin 'yon."
"Ang kaso, hindi ka matalino. Paano ba 'yan? Baka gusto mong matulad diyan?" Hininaan lamang ni Megan ang boses habang sinasabi iyon pagkatapos ay nginusuan niya ang kaklase na nakaupo pa rin sa bandang likod, nakapangalumbaba at nakatingin sa labas ng bintana.
Malakas ang buhos ng ulan sa labas na sinasabayan pa nang pagkulog at pagkidlat. Napatingin ang magkaibigang sina Megan at Cyrene sa tinititigan ng kaklase nilang si Jayden kung kaya't napansin din nila ang pagpatay-sindi ng ilaw sa classroom sa katapat na building.
"May problema ata sa maintenance ang Academy natin. Mukhang naghihir—"
Hindi natapos ni Cyrene ang sasabihin dahil siniko siya ni Megan. "Sira-ulo ka talaga. Remember the rules, bibig mo, kapag may nakarinig sa 'yo riyan...baka gusto mong mategi katulad ng kapatid ni Jayden."
Napahawak ng bibig si Megan dahil napalakas ang boses niya dahilan upang mapalingon sa kanilang dalawa si Jayden na kanina lamang ay malalim pa ang iniisip.
Bumulong si Cyrene kay Megan. "Mukhang bibig mo ata ang kailangang mag-ingat." Ngumisi si Cyrene pagkatapos ay ginulo ang buhok ni Megan.
"Sorry, Jayden."
Walang emosyong makikita sa mukha ni Jayden sa kabila nang narinig mula sa kaklaseng si Megan. Sa halip na patulan ay pinili niyang tumayo na, kuhain ang bag at lumabas na rin sa classroom. Walang lingon-lingon niyang nilampasan sina Cyrene at Megan.
"Ang sungit talaga ng kaklase nating 'yon," reklamo ni Megan.
"Kalma. Alam mo naman kung ano'ng pinagdaanan ni Jayden. Namatayan siya ng kapatid. Kahit sino naman siguro na mawalan ng mahal sa buhay ay 'di na pipiliin pang ngumiti." Mahinang tinapik-tapik ni Cyrene ang balikat ng kaibigan.
"Wow, ang haba ng explanation, a. Kaibigan mo?"
"Hindi. Magiging kaibigan pa lang. Ang astig kayang maging kaibigan si Jayden. Bukod sa pogi, matalino rin."
"Kaso masungit."
"Naiinis ka lang kasi hindi ka pinapansin ng cru—"
Hindi na naman natuloy ni Cyrene ang sasabihin nang hawakan ni Megan ang kamay niya upang paikutin siya dahilan upang mamilipit siya sa sakit. Kahit sino naman siguro ay masasaktan sa paraan ng pagkakapulupot ni Megan sa kamay niya papunta sa kanyang likod.
Babae man sa paningin si Megan subalit nag-e-excel naman ito sa martial arts. Sa katunayan ay black belter ito kaya lahat ng mga kalalakihan sa Eirene Academy ay ilag dito. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit single pa rin ito dahil kinatatakutan ito ng ilan. Mabuti na lamang ay nandiyan si Cyrene, ang lalaking tanging may lakas ng loob na lumapit kay Megan.
"Subukan mong sabihin ulit 'yan kundi babaliin ko na talaga ang buto mo sa kamay," pananakot pa ni Megan.
"Kalma, kalma. Kahit hindi ko naman sabihin mukhang alam na ng la—"
Akmang hihigpitan sana muli ni Megan ang pagkakapulupot ng braso ni Cyrene nang magmakaawa ito.
"Sorry na, sorry na. Huwag mo'ng itutuloy 'yan. Maawa ka naman sa braso ko."
Huminga siya nang malalim pagkatapos ay binitiwan na si Cyrene at tinulak palayo sa kanya.
"Lesson Learned."
"Hindi na mauulit. Alam ko namang hindi kita matatalo sa labanan dahil mas lalaki ka pa...mas lalaki pa ang lakas mo sa 'kin." Hindi na tinuloy pa ni Cyrene ang balak sanang sabihin dahil sinamaan siya ng tingin ni Megan. Ayaw na niyang galitin pa muli ang babae dahil siguradong kawawa na naman ang mga buto niya rito. Isa lang naman ang paraan upang galitin o asarin ang kaibigan, iyon ay kapag inuungkat niya o sinasama niya sa usapan ang lihim nitong pagtingin kay Jayden na noon pa man ay hindi na pinapansin ng lalaki.
Naiiling-iling na lamang si Cyrene sa babae dahil kung gaano ito kapopular sa kalalakihan dahil sa taglay nitong skills ay siya namang kinaligwak nito sa napupusuang lalaki.
"Hindi na talaga mauulit dahil paniguradong wala ka ng buto sa susunod."
"Brutal ka talaga. Sikat ka nga sa mga lalaki kaso walang nagtatangkang manligaw sa 'yo kasi takot din sila sa 'yo." Tumawa si Cyrene nang malakas. "Bangis mo kasi, kababae mong tao...pero suko talaga ako sa 'yo sa martial arts dahil paniguradong talo na ako. Maglaban na lang tayo ng card games? Ano?"
Malakas ang loob ni Cyrene na yayain si Megan dahil alam niyang doon lamang niya matatalo ang babae. Hindi naman sa sobrang talino niya, sadyang lapitin lang talaga siya ng swerte kapag hawak ang baraha. Ayon nga sa kasabihan, daig ng lapitin ng swerte ang mga matatalino. Kung baga kahit pa-easy-easy lang sa buhay, inuulanan pa rin ng biyaya. Luck versus Brain. Para kay Cyrene, sa buhay, swertihan lang ang labanan. Kung nasa iyo ang pagkakataon, okay, pero kung hindi, better luck next time.
"Ayoko. Dinadaya mo ata ako kapag naglalaro tayo, e," tanggi ni Megan.
"Dinadaya talaga? Sadyang maswerte lang ako palagi."
"Ewan ko sa 'yo. Kaysa maglaro ka ng baraha, mag-review ka na lang."
Nilagay ni Cyrene ang dalawang kamay sa batok at saka sumipol-sipol. "Hindi uso sa 'kin ang review. Sabi ko nga, bahala na ang exam sa akin. Hindi ko na kailangang pahirapan ang sarili ko, tutal, lapitin naman ako ng swerte."
"Swerte sa panghuhula ng sagot."
"At least hindi ako palaging stress hindi tulad n'yo na trying hard."
"Sira-ulo ka talaga. Hindi ka ba takot mamatay? Baka gusto mong sumabog na lang bigla ang—"
Napatakip ng bibig si Megan pagkatapos ay lumingon-lingon sa paligid kung may taong malapit at nakarinig sa sinabi niya.
"Mamatay? Hindi namamatay ang anak ng god of luck," pagmamalaki pa ni Cyrene habang patawa-tawa. Dahil sa pagtawa ng lalaki, pwede na ring pasukan ng langaw ang bibig nito sa sobrang lawak nang pagkakanganga.
"Bahala ka nga riyan."
Binilisan na ni Megan ang paglalakad niya dahil tumila na rin ang malakas na ulan. Tamang pagkakataon iyon upang makabalik sa kuwarto niya.
Bawat piling estudyante sa Eirene Academy ay binigyan din ng sari-sariling silid. Mayroong provided building ang paaralan para sa lahat ng mag-aaral at ang building lang naman na iyon ay binubuo ng seven thousand mahigit na rooms. Sobra pa sa three thousand mahigit na estudyante ng Eirene Academy.
Hiwalay ang daan paputa sa room ng mga lalaki sa babae kaya naman hindi na kailangang sumabay pa ni Megan sa kaibigang si Cyrene.
"Sandali!" tawag ni Cyrene.
"Bye na muna. Una na 'ko sa 'yo."
Tumakbo na si Megan palayo kay Cyrene. Pagkalabas ng main building ay tinawid niya ang lane papunta sa kabilang building kung nasaan ang mga kuwarto na nilaan para sa mga estudyante. Ginamit niya ang dalawang palad upang italukbong sa ulo dahil mayroon pang ambon.
Nakayuko siya habang tumatakbo kaya naman hindi sinasadyang may nabangga siya.
"Sorry, Kuya. Sorry, Kuya," paumanhin ni Megan. Inalalayan niya sa pagtayo ang isang lalaki. Basang-basa ito at puro pasa sa katawan.
"Tulungan mo ako. Umalis na tayo rito. Kailangan nating makaalis dito. Tulungan mo ako. Mamamatay ako. Kapag hindi tayo umalis dito, pare-pareho tayong mamamatay!"
Mahigpit ang kapit ng lalaki sa kanya. Nanginginig ang mga kamay at labi nito. Maputla ang katawan ng lalaki at panay linga sa paligid na animo'y may tinatakasan na kung sino man.
"Tulong!"
Napaatras si Megan nang narinig ang tunog na kinakatakutan niyang marinig sa paaralang iyon.
Ting!
Patuloy siya sa paglayo sa lalaki subalit patuloy naman ang paglapit nito sa kanya. "Tulong! Tulong! Mamamatay rin kayo, sigurado akong mamamatay rin ka—"
Hindi na natapos pa ng lalaki ang sasabihin dahil sa pagsabog ng katawan nito na sinabayan ng malakas na tunog. Napatakip na lamang si Megan at napaupo dahil sa pangyayaring iyon. Kahit ilang beses na niyang nasasaksihan ang pagsabog ng katawan ng mga estudyante sa Eirene Academy, hindi pa rin siya sanay roon.
Nangangatog ang mga tuhod niya habang unti-unting nag-aangat ng tingin. Wala na ang lalaking kanina lang ay nasa harap niya at nanghihingi ng tulong. Tanging dugo at durog-durog na lamang-loob na lamang na nagkalat sa daan ang natatanaw ng kanyang mga mata. At dahil sa pagsabog ng katawan ng lalaki, halos maligo na rin sa dugo si Megan. Nanginginig niyang tiningnan ang kanyang mga kamay na nabahiran na ng dugo pagkatapos, nagbaba rin siya ng tingin sa daan na binaha na rin ng dugo na mula sa pagiging malapot ay nagiging malabnaw dahil sa paghalo ng lumakas na patak na ulan matapos ang pagsabog.
Iyon ang kinakatakutan ni Megan na mangyari sa kanya. Kailanman ay hindi niya pinangarap na maging ganoon ang kahihinatnan ng katawan niya. Totoong malakas siya physically subalit mahina ang loob niya. Natatakot siya kaya naman ganoon na lamang ang pagsunod niya sa rules ng paaralan. Nag-iingat siyang magbitiw ng mga salita laban sa paaralan dahil maaari niya iyong ikamatay.
Kakaiba kasi ang sistema sa Eirene Academy. Anything that shows disobedience and any act against the Academy is equivalent to death.
Kung hindi gusto ng isang mag-aaral na sumabog ang katawan niya, kailangan niyang sumunod dahil wala pang sino man ang nakaliligtas sa bagsik ng paaralan. Walang sino man ang nakaliligtas dahil sasabog ka sa isang iglap lamang. Kung paano nangyayari ang pagsabog na iyon? Malaking palaisipan pa rin iyon sa lahat.
Nanginginig ang mga tuhod ni Megan habang sinisikap na tumayo. Ang paaralan na hinahangaan niya noon bago siya makatungtong doon ay isa na ngayon sa kanyang kinatatakutan. Para sa kanya ay hindi bagay sa paaralan ang pangalan na 'Eirene' na binase sa pangalan ng God of Peace dahil simula nang tumuntong siya roon, hindi na naging payapa pa ang kanyang isipan. Sino nga ba naman ang dadalawin pa ng peaceful mind if there is a Terror in Academy?
Kung iyon ang panakot sa lahat ng mag-aaral sa Eirene Academy, malabong may lumabag sa rules. Magkakaroon talaga ng kapayapaan sa lugar subalit hindi kapayapaan ng isip.