Makailang ulit na niyang natatagpuan ang sarili niyang nakatitig sa dalagang pilit itinatanggi ng kaniyang isipan kung ano nga ba ang nararamdaman niya para rito. Kanina sa elevator ay nagi-guilty siya kung bakit hindi niya ito pinapansin.
Isa marahil sa mga dahilan ay ayaw niyang buksan ang puso niya sa kahit kanino. Masasaktan lang siya. Ngunit sa tuwing nakikita niya itong nakikipagkulitan sa binata ay parang nais niyang ilayo ito at itago. Pero bakit?
“Sir?” pukaw ni Hazel sa atensiyon ng boss niya na tila malalim ang iniisip at hindi man lang siya nito napansin na nakapasok na siya sa loob ng opisina.
“Sir!” Ikalawang tawag niya ngunit tila hindi pa rin siya nito naririnig.
“Kapag hinalikan ko kaya ‘to e papansin na niya ako?” bulong ni Hazel sa sarili. Tila may kumiliti sa kaniya dahil sa isiping iyon at napapangiti pa siya.
“Yes, Ms. Casipe? Do you need anything?” Tila ito naman ang lumilipad ang isipan at hindi nito narinig ang boss niya. Pinagpitik ng binata ang dalawang daliri para gisingin ito sa naglalakbay nitong isipan na tila nakarating na kng saan.
“Y-yes, Sir!” Sa pagkabigla ay napasigaw si Hazel ng yes sir dito.
“I said, what do you need? You seem to be mentally absent,” sabi nito na seryos na naman ang mukha.
“Y-yes, Mr. Laxamana. Your meeting with Ms. Winona,” agad na sabi ni Hazel. Narinig na niya ang pangalan ni Winona nang makailang beses pero hindi pa rin niya alam kung sino ito. Bukod sa lalaking si Winston na ka-meeting nito minsan ay isa rin si Winona roon. At kapag ito ang ka-meeting niya ay hindi siya nito isinasama.
“Okay,” at katulad noon magpahanggang ngayon ay matipid na okay lang ang sagot nito.
“Anything else?” muling sambit nito nang makailang minuto na ay nakatayo lang siya sa harapan nito.
“That’s all, Sir,” sagot na lamang niya dahil sa sungit nito ay ayaw na niyang pahabain pa ang sasabihin niya st baka lalo lang siyang sungitan nito. Paalis na siya sa harapan nito nang mag-ring ang telepono nito. Agad naman itong sinagot ni Greg ba nakapagpahinto sa kaniya.
“Hey, Win.” Agad na napahinto siya nang marinig ang pangalan ng kausap nito at hinala niya ay si Winona iyon.
“I’ll be there in a few minutes. See you at the lobby.” dinig pa niyang sabi nito. Nang mapalingon ito sa kaniya ay mabilis siyang umalis ng opisina nito at naupo sa desk niya.
“May kontak naman pala sa phone. Bakit kailangan pa ng appointment?” busangot ang mukha na sambit ni Hazel. Pakiramdam niya ay may something kay Winona. At bakit may special treatment ito sa schedule katulad nung Winston na ka-appointment nito.
Ilang minuto pa ay lumabas na si Greg at nagtungo sa elevator. Agad na napaisip siya kung susundan ba niya ito. Baka kaya hindi man lang siya mapansin nito ay dahil kay Winona. Pero alam din naman niyang hindi sila magka-level ng boss niya at hindi ito pumapatol sa empleyado.
Nang makasakay ito ay dali-daling nanakbo si Hazel patungo sa kabilang elevator at agad na pinindot ang lobby. Nang makarating ay agad na umikot ang mata niya at sinuyod niyon ang lahat ng upuan sa lobby kung nasaan ang dalawa. Nakakubli lamang siya sa isang malaking paso ng San Francisco.
“Oi!” agad na napalukso sa pagkagitla ang dalaga.
“Ano ka ba?” dismayadong sambit nito sa lalaking kakambal na yata niya kung nasaan man siya.
“Anong ginagawa mo rito? Nag-spy ka ‘no?” taas-baba pa ang kilay na sambit nito.
“Hindi, a. At sino naman ang i-spy ko?” pagsisinungaling niya sabay silip muli sa ka-meet nito. Ngunit hindi niya makita ang dalawa.
“Hindi pala, a. Kaya pala hinahanap mo si Mr. Laxamana.” panghuhuli nito.
“Hindi ‘no!” buong tanggi niya.
“Ayun sila o!” sigaw nito na agad naman niyang tinakpan ang bibig nito na hatak-hatak pa ng isang kamay ang braso nito para magtago sa likod ng halaman.
“Sabi na nga ba, e!” sambit nito nang maalis ang kamay ng dalaga na nakatakip sa bibig niya.
“Alam mo ang daldal mo. At saka, bakit ka ba narito?” iritableng sabi ni Hazel dito.
“Nakita kasi kita na sinundan mo si Mr. Laxamana. Alam ko naman na hindi kayo magkasama sa meeting niya kay Ms. Winona today kaya sinundan kita kaagad,” nakangisi at taas-baba muli ang kilay na sambit nito.
“Kilala mo si Ms. Winona?” mabilis na usisa niya.
“Hindi.” Napanguso si Hazel sa sagot nito.
“E, bakit mo alam na si Ms. Winona ang ka-meet niya ngayon?” patuloy pa rin ang pagsilip-silip niya. Mayamaya ay napansin niyang isang seksing babae ang tumayo mula sa upuan sa may likod ng poste at kasunod nito si Greg na napalingon sa dakong kinaroroonan nila. Agad namang umiwas si Hazel at muling nagtango.
“Alam mo? Bumalik na tayo. Para kang tanga na sunod nang sunod diyan kay boss. Nakita mo naman, seksi ang kasama niya ngayon.” masakit din minsan magsalita itong si Tantan. Nanlulumo na pumasok ng elevator si Hazel pabalik ng desk niya.
“Okay ka lang?” Tanong ni Tantan sa dalaga ngunit hindi siya nito pinansin.
“Sasabihin ko na kung bakit ko alam na si Ms. Winona ang ka-meeting niya pero pansinin mo muna ako.” Ngunit parang walang narinig si Hazel. Nang magbukas ang elevator ay dire-diretso lang ito sa desk nito. Napapakamot naman si Tantan na sinundan na lang ito ng tingin.
“Tama naman siya…” tukoy niya sa tinuran ni Tantan. Kausap niya ang sarili habang nakatingin sa monitor ng computer niya. Kanina ay nasa mood siya magtrabaho. Pero ngayon ay wala na. Isang oras pa ang hihintayin niya bago ito bumalik sa opisina nito.
Napapaisip naman si Tantan kung ano ang gagawin niya para pansinin siya ulit ni Hazel. Aminado siyang nasaktan ito sa sinabi niya. Tumayo siya at nagtungo sa pantry pagkatapos ay tumungo sa desk ng dalaga.
“Coffee, o. Para kasing inaantok ka. Para naman magising ka sa katotohanang ako lang ang nagmamahal sa’yo.” seryosong tumingin si Hazel sa kaniya dahil sa narinig. Tinitigan niya ito sa mga mata nito.
“Alam mo? Puro ka kalokohan. Lumayas ka na nga sa harapan ko. Wala ako sa mood makipagbiruan sa’yo.” sabi niya sa binata.
“Sayang! Akala ko pa naman maniniwala ka. Sige na. Lulubayan na kita. Pero ngayon lang. Bukas ulit. Inumin mo pala ang kape na iyan ha. Para naman maalala mo ang tamis ng pagmamahal ko sa’yo.” Pagkasabi ay nagmamadaling bumalik ito sa upuan niya dahil baka batuhin pa siya ni Hazel.
“Puro kalokohan,” naiiling na sabi ni Hazel saka hinigop ang kapeng bigay ni Tantan.
“P’we!” Muntik pa niyang mahulog ang cup ng iniinom niyang kape nang malasahan ito. Inubos yata ng binata ang kape sa pantry sa tamis nito. Agad na ininom niya ang tubig sa tumbler niya. Pagkatapos ay masamang tinitigan ang binata. Taas-baba naman ang mga kilay nito na nakangisi sa kaniya.
Pilyo talagang binata. Siya lang ang namumukod-tanging kinukulit nito. Palibhasa kasi ay nagre-react siya kaya aliw na aliw naman ito sa kaniya.