Kabanata 5: Galit

1225 Words
"Kung ayaw mong umuwi, diyan ka na tumira!" Pikit-matang inilayo ni Alkan ang cellphone sa tainga saka niya pinilig ang ulo. Ang ina niya ang nasa kabilang linya at gusto nitong umuwi siya sa bahay nila pero hindi siya pwedeng umuwi sa oras na 'yon. Kasalukuyan kasi siyang naghahanda ng sorpresa para sa babaeng nililigawan. Plano niyang kunin ang matamis nitong oo sa gabing 'yon, pero pinaulanan siya ng sermon ng sariling ina. Hindi pa raw siya umuuwi nang isang linggo at kung hindi pa siya uuwi sa gabing 'yon ay puputulin na nito ang credit card niya. Napakamot ng batok si Alkan. "Ma, may ginagawa akong importante ngayon. Uuwi ako 'pag tapos na ako," aniya. "Ikaw na bata ka! Kailangan ka pa naging suwail --" Pinatay niya ang tawag at binato ang cellphone sa malambot na kama ng hotel. Ngiti niyang inayos ang necktie saka nagpapogi sa salaming nakasandig sa dingding. Saka niya pinasadahan ng kamay ang sariling buhok bago kinuha ang wallet at cellphone sa kama. Naglakad siya palabas ng hotel room. Lingid sa kaalaman ng pamilya niya na may nililigawan siyang babae. Umanib din siya sa relihiyon ni Daniella na hindi alam ng pamilya niya. Pero iyon na yata ang magandang desisyon sa buhay niya lalo pa at napapansin niyang nagiging manipis ang hamog ng aninong nakapaligid sa kaniya sa nakalipas na mga araw. Di bale na. Ipapakilala niya si Daniella sa pamilya sa oras na sagutin na siya ng dalaga. Ngiti niyang pinaharurot ang kotse tungo sa lugar na pinagkasunduan nila ng babae. Siya ang unang nakarating sa gazebo kaya hinanda niya ang set-up ng dinner date. Parte ng isang kilalang restaurant ang gazebo kaya may tumulong na crew sa kaniya habang hinahanda niya ang lugar. Nagpahinga siya saglit nang matapos ang set-up saka niya tinawagan si Daniella. Noong una ay hindi ito sumagot sa tawag niya, pero makaraan ang ilang sandali ay may sumagot sa kabilang linya. "Dan," ngiti niyang bati. Tinanaw niya ang nagliliwanag na city lights sa malayo. "Nandito na ako." "Sorry, Alkan. Hindi ako makakapunta." Kumurap siya. "What?" Unti-unting nagsalubong ang mga kilay niya sa sinabi nito. "Sorry talaga." Narinig niya ang buntong-hinga nito. "Pero kasi... alam mo naman na strict si Papa. Saka, hindi ako pwedeng... uh, sorry. Hindi ko gustong may umasa sa akin kaya ngayon pa lang ay sasabihin ko na. Alkan, hindi ako pwedeng makipagrelasyon sa 'yo." "Dan..." Huminga siya nang malalim. Umawang pa ang mga labi sa gulat. "Sorry. First time ko kasing makaranas na may manligaw sa akin kaya pumayag ako kahit labag sa loob ni Papa. Pero habang nagmuni-muni ako kanina, naisip kong nagiging suwail ako sa tuwing kasama ka. Alkan, ikaw ang dahilan kung bakit kaya ko nang magsinungaling kay Papa. Lumalabag ako sa utos sa akin. Kaya sana, maintindihan mo. Hindi tayo pwede." Nangunot nang husto ang noo niya. "Don't joke with me, Dan." "Totoo ang sinasabi ko. Kaya please, itigil mo na ang ginagawa mong panunuyo dahil wala akong balak makipagrelasyon. Sorry talaga pero naisip kong maging prangka para hindi ka na umasa pa." Pinuno niya ng hangin ang baga at pinasadahan ng kamay ang buhok. Naningkit ang mga mata niya sa malayo. "Ginawa ko lahat para makuha lang ang sagot mo, pero ito lang ang sasabihin mo, Dan?" aniya, may inis sa boses. Natahimik saglit ang babae maya-maya pa'y nagsalita. "Sorry." "Buls***!" pagmumura niya. "I spent too much money to please you. Come on!" aniya. Pero narinig niya ang buzz sa kabilang linya. Binabaan siya nito. Paulit-ulit siyang huminga nang malalim, pero hindi niya napigilan ang pag-alburuto ng damdamin. Hinulog niya sa sementadong sahig ang cellphone at galit na tinapakan. Basak ang screen niyon. Hindi pa siya nakuntento. Sinipa niya ang basag na cellphone at lumipad iyon tungo sa lawa sa gilid lang ng gazebo. Rinig pa niya ang tilamsik ng tubig. "Sir?" tawag ng waiter na kanina pa pinapanood ang pag-aalburuto niya. Sumulyap siya sa waiter. "Itapon mo. Itapon mo lahat ng iyan!" sigaw niya habang tinuturo ang pagkaing nakalatag sa maliit na mesa. Kung kanina ay malakas kabog ng dibdib niya dahil sa kaba, ngayon ay kumakabog ang dibdib niya sa galit at inis. Sa paraan ng pag-ayaw ni Daniella, para bang pinandidirihan siya nito. Nasaktan ang ego niya. Aba, ginawa niya ang lahat para lang mapalapit sa babae at ilang libo na ba ang ginasto niya para mapasaya lang ito at iluluwa lang siya na para bang mainit na kanin? Bwis*** talaga. Walang kwenta! Dahil nagpupuyos siya sa inis na halos umusok na ang tainga niya sa galit, hindi na niya pinansin kung paano unti-unting kumakapal ang aninong hamog na nakapalibot sa kaniya. Mula sa watak-watak at manipis na hamog, lumapit ang mga ito sa kaniya. Kasabay ng marahang simoy ng hangin ang pagsayaw ng mga ito, parang alon na sumasabay sa agos ng hangin pero hindi nagkakahiwalay. Hanggang sa naging makapal na anino ang mga itong nakapalibot sa kaniya na parang kaniyang mga tauhan. Hinarang pa nito ang ilaw na galing sa malaking ilaw sa ibabaw ng gazebo. Napakurap si Alkan. Doon lang niya napansin ang aninong pumalibot sa kaniya, sumasayaw kasabay ng marahang simoy ng panggabing hangin. Nagsasaya ang mga ito. Nanginig ang kamay niya at nanlamig ang kalamnan sa hilakbot. Umatras siya nang umatras at pilit na lumalayo sa mga anino pero para bang nakadikit ito sa kaniya na hindi kailanman lumalayo ng higit sa isang metro. Nanaig ang takot sa sistema niya. Pinagpawisan siya nang malamig at palaki nang palaki ang hakbang niya paatras. "Sir!" tawag ng waiter. Nagtataka ang ekspresyon nito habang pinagmamasdan si Alkan na patuloy sa pag-atras. Kita niya mula sa kinatatayuan ang hilakbot sa mga mata nito. Anong nangyayari dito? Kanina lang ay halos hindi siya makalapit dahil sa init ng ulo nito, pero ngayon ay para itong asong bahag ang buntot na umaatras. Pero hindi ito pwedeng umatras nang umatras dahil may lawang nakaabang sa likuran nito. Kaya naman nagdesiyon ang waiter na lumapit kay Alkan. Hinawakan niya ang braso nito. "Sir, maupo na muna kayo." Nabigla siya nang marahas nitong binawi ang braso at tinulak siya sa lawa. Tumilamsik ang tubig kasabay nang pagyakap ng lamig sa katawan niya. Dahil sa gulat kaya hindi siya nakakilos at tinanaw lang ang liwanag sa ibabaw ng tubig habang patuloy sa paglubog ang katawan niya sa ilalim ng lawa. Natauhan sa ingay si Alkan. Nang mapagtanto niya ang ginawa, mabilis siyang lumusong sa lawa at hinanap ang waiter. Nakita niya ito sa ilalim kaya nilangoy niya ito hanggang sa maabot niya ang kamay ng waiter. Hinawakan niya iyon at lumangoy paitaas tangan ang lalaking aksidenteng naitulak. Sabay silang sumagap ng hangin nang sumungaw ang mga ulo nila sa ibabaw ng tubig. "Siya! 'Yan ang tumulak kay Samuel! Dakpin niyo 'yan!" biglang sigaw ng isang babaeng nakatayo sa gazebo. May dalawang lalaking nakatayo sa gilid nito, at sa tingin niya ay mga security personnel ang mga iyon. Ang hindi lang niya nagustuhan ay ang babaeng nagsisigaw. Pare-pareho lang ang mga babae. Nagbibigay lang ng kapahamakan sa kaniya. Umismid siya. Lumangoy siya tungo sa kabilang parte ng lawa at hindi na magkamayaw sa pagsigaw ang babae. Narinig niya ang ingay ng pagtilamsik ng tubig sa likuran kaya nakakasiguro siyang lumusong na ang dalawang security personnel. Mas lalong nandilim ang paningin niya. Naglapat ang mga ngipin niya sa inis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD