Kabanata 7: Pagpanaw

1260 Words
Nagkaroon ng isang tahimik na libing matapos mamatay sa aksidente ang kuya niya. Maga ang mata ng ina niya kakaiyak habang hindi halos makatingin sa kabaong ang ama niya. Tahimik ang funeral at ilang kamag-anak lang ang dumalo. May ilan namang katrabaho ng kuya niya at ilang kaibigan. Hindi na niya kilala ang ibang dumalo. Wala pa ring malay ang ate niya sa ospital kaya mas lalo siyang nababahala sa kalusugan ng ina niya. Ilang araw na itong walang maayos na tulog habang ang ama niya ay namomoblema sa kompanya. Hindi raw nito alam kung saan nagkaproblema at bakit ilang investors ang nag-pull out at bakit nalulugi ang kompanya sa loob lang ng halos isang linggo. Hindi siya sigurado sa dahilan pero may hinala na siya. Hindi lang niya masabi sa mga magulang. Kanina kasi nang dumukwang siya sa kabaong ng kapatid, nakita niya ang ilang marka ng anino sa mukha at leeg nito. Siyempre, hindi iyon nakikita ng ordinaryong mga mata kaya tinikom niya ang bibig at walang pinagsabihan kahit isa. Ang mga anino ang may kagagawan sa aksidente. Ang mga ito ang pumatay sa kuya niya. Kumuyom ang mga kamao niya at masamang pinasadahan ng tingin ang hamog ng anino na nasa paligid niya. Hindi iyon kasing kapal ng anino nang minsan siyang magalit sa isang crew, pero sapat na para maramdaman niya ang presensiya ng mga ito. Panira sa buhay niya. Naging isang linya ang mga labi niya at humakbang palapit sa ina niya. Nakaupo ito sa unang upuang katapat ng kabaong. Tulala ito. Wala nang luhang gustong tumulo mula sa mga mata kaya mas lalo siyang naawa. "Ma," tawag niya. "Pahinga ka na muna." Nag-angat ng tingin ang ina niya sa kaniya. "Kumusta ang Papa mo?" tanong nito. Pasimple siyang bumaling sa likuran. Nandoon ang ama niya sa sulok, kausap ang isang kumpare nito. "Abala siya," aniya. "Sabihin mo sa kaniyang kumain siya. Kagabi pa siyang walang kain." "Sasabihan ko siya." Ngumiti ang ina niya at nagpasalamat bago nagtungo sa mga kumare nito para magpaalam. Tinanaw niya ang papalayong bulto nito at hindi niya maiwasang mapalunok nang makita kung paano kumapit ang ilang maiitim na hamog sa balat ng ina niya. Kumuyom ang kamao niya pero wala naman siyang magagawa. Hindi niya alam kung paano mawala ang mga anino at takot siyang banggain ang mga ito, liban sa katotohanang hindi naman talaga niya mababangga ang hamog. "Alkan," tawag ng isang boses. May naramdaman siyang mainit na palad na dumapo sa balikat niya. Paglingon niya sa likod, nakita niya ang ama. Bahagya ring maga ang mga mata nito  at namumula pa mga iyon. Parang walang tulog ang ama niya. "Bakit, Pa?" tanong niya. "Hindi kami makakapunta sa ospital bukas. Hindi pwedeng walang bantay si Brigette sa ospital. Ikaw na muna ang magbantay sa kaniya roon." "Nandoon naman si Aling Yusi." "Hindi natin pwedeng asahan si Aling Yusi. May pamilya rin siya at hindi naman natin siya kamag-anak." Napaikhim siya. "Pupuntahan ko siya bukas." Tumango ang ama niya saka ngumiti. Umikhim naman siya at nagpaalala, "Pa, kumain ka muna. Kagabi ka pang walang kain." "Busog pa ako," tanggi nito. Saka walang sabi na lumayo. Nagpunta ito sa iba pang kumpare nito na dumalo sa lamay. Napabuntong-hinga na naman siya. Ngayon na wala na ang kuya niya, siya na ang magpo-protekta sa ate Brigette niya. Pero hindi naman siya kasing tapang ng kuya niya. Paano niya mapo-protektahan ang ate niya? Sukat noon ay may naramdaman siyang malamig na simoy ng hanging dumaan sa kaniya. Bigla na lang nanginig ang kalamnan niya sa lamig at napahagod sa magkabilang-braso. Nagpalinga-linga siya pero wala namang malaking bukas na pinto o bintana sa paligid. Sa'n galing ang hangin na 'yon? Nilunok niya ang takot na bigla na lang sumikdo sa puso niya at minabuti na kumustahin ang mga bisita. Sa kaniya kasi inatas ang pamamahagi ng snacks sa mga bisita. May ilang tumanggi sa inaalok niyang biskwit habang ang ilan ay nanghingi ng kadagdagang biskwit. Pagkagat ng dilim ay siya na ang nagpresentang makipaghalubilo sa ilang bisitang dumating para makilamay. Pinagpahinga na niya nang maaga ang ama at ina dahil wala pa itong maayos na tulog. "Kay bait na bata," bukambibig ng isang matandang babae habang pinagmamasdan siyang nagbibigay ng snacks na mga bisita. Tipid lang siyang ngumiti sa matanda at pinapatuloy ang pagbibigay. May ilan namang katulong na tumulong sa pag-aasikaso. Nang lumalim pa nang lumalim ang gabi ay mas lalong nababawasan ang mga bisita. Naghanap siya ng isang pwesto kung saan pwede makapagpahinga. Nakakita naman siya ng isa sa sulok at doon na siya naupo. Nakatulog siya saglit habang nakasandal sa malapad na sandalan ng upuan. Kinabukasan ay dinalaw niya ang ate Brigette niya sa ospital. Maayos daw ang lagay nito ayon sa doktor. Sinabihan pa siya na maganda ang pag-respond ng katawan nito sa mga gamot kaya malamang daw ay magigising ito hindi kalaunan. Gusto niyang ngumiti nang matamis sa doktor pero hindi niya magawa. Kakamatay  pa ng kuya niya at hindi niya alam ang magiging reaksyon ng ate Brigette niya kung sakaling malaman nitong patay na ang kuya nila. Naupo siya sa upuan sa gilid nito at pinagmasdan itong nakaratay sa kama na parang mahimbing na natutulog. "Ate, gumising ka na," aniya. "Para hindi na masyadong mag-alala sina Mama at Papa." Pero hindi nagising ang ate niya sa panawagan. Hanggang sa mailibing nila ang kabaong ng kuya niya ay nanatiling pikit ang mga mata ng ate Brigette niya.  Hindi rin nakatulong ang unti-unting pagkalugi ng kompanya ng mga magulang. Isang araw nga ay narinig niya ang mga itong nagtatalo dahil sa utang ng kompanya. Masyado raw malaki ang gastos nila sa ospital at kapag nagpapatuloy ang pagkalugi ng kompanya ay baka hindi na nila kayanin. Kaya nagdesisyon siyang 'wag nang gamitin ang credit card para mabawasan ang bayarin ng mga magulang. Unti-unti na rin silang nakakabangon. Nakikita na niya ang ngiti sa mga labi ng ina habang naghihintay sa paggising ng ate niya, habang naging mas masipag pa ang ama niya. Akala niya ay magiging tahimik na sa wakas ang buhay niya. Pero isang umaga, nagising na lang siyang patay na ang ama niya. Binangungot daw ito at hindi na nagising mula sa mahimbing na pagtulog. At ngayon, patuloy sa pag-iyak ang ina niya dahil sinisisi nito ang sarili sa pagkamatay ng ama niya. Pero paulit-ulit  niyang sinasabi na hindi nito kasalanann ang nangyari, kaso ayaw tumigil sa pagpalahaw ng iyak ang ina niya hanggang sa paglibing. Hindi nagtagal ay namaalam na rin ang ina niya dahil sa labis na lungkot. Inatake ito sa puso at ewan, wala nang luhang lumalabas mula sa mga mata niya. Pagod na siya. Pagod na pagod na siya sa nangyayari sa pamilya. Dahil wala rin naman siyang alam sa pagpapatakbo ng kompanya, kaya bilang inheritor nito, binenta niya ang sariling shares. Siguro ay hindi maganda ang ginawa niyang pagbenta, pero sa tuwing nagpupunta siya sa opisina, naalala lang niya ang mga magulang. Kaya plano niyang gamitin ang perang nalikom sa pagbenta para sa pagpapagamot ng ate Brigette niya, at gamitin ang ilang halaga nito sa pagpapatayo ng isang negosyong alam niya. Kaso ilang araw pa ang lumipas ay nabalitaan niyang nasunog ang ospital na kinalalagyan ng ate niya. Hindi na-rescue ng otoridad ang ate niya sumiklab ang sunog na galing mismo sa kuwarto nito. May nakita silang sunog na bangkay sa loob ng kuwarto at pinalagay nila na 'yon si Brigette Buena, nakakatandang kapatid niya. Isang panibagong libing na naman ang ginawa niya. At sa pagkakataong 'yon, doon niya naintindihan ang salitang 'mag-isa'.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD