Kabanata 18: Bulalakaw

1116 Words
Ilang araw na ang lumipas at nakalipat na sila ni Valeria sa lumang bahay. Sa paglipas ng mga araw ay nakita niya ang pagbago ng babae, lalo na at nakakaya na siya nitong tingnan diretso sa mga mata. Para bang nasanay na itong makita ang mga anino at hindi gaya niya na sa apat na taon ay takot pa rin siyang makakita niyon.  "Ito ba talaga ang bahay?" manghang tanong nito.  Tiningala niya ang lumang bahay. Naayos na ang tarangkahan. Wala nang kalawang dahil bagong pinta, pati na ang mga haligi ng bahay. Malinis na rin ang noo'y masukal na bakuran. Lihim na napangisi si Alkan. Talagang maaasahan ang grupo ni Paeng.  Hinila niya si Valeria papasok sa bagong bahay. At nunkang nakita niya sina Paeng sa loob. Ngiti sila nitong sinalubong. "Nalinis na ang lumang bahay, iho." Tumango siya sa sinabi nito saka nilibot ang tingin sa loob. "Maganda ang bahay," aniya saka umikhim. "Bibilhin ko na." Nagpunta pa sila sa munisipyo para mag-notaryo ng kontrata sa pagitan niya at ni Paeng bago tuluyang nabili ang bahay. Manghang-mangha pa rin si Valeria habang tinitingala iyon. Hindi naman niya masisi ang babae. Parang bahay na bato kasi ang disenyo niyon na tipikal sa mga disenyo ng bahay na makikita sa El Salvador. Kung hindi pa niya alam na nasa Sitio Batumbakal sila ay baka akalain niyang nasa El Salvador pa sila.  Sabay nilang nilibot ang kabuoan ng bahay. Mas malaki pala sa inaasahan niya. Apat ang kuwarto at pawang malalawak at engrande ang disenyo.  Sayang nga at napagkamalan 'yong sinumpang bahay dahil sa kamatayan ng huling umupa, at hindi na nalinis pa ang bahay kaya hindi na nakita ang naturang ganda nito.  Matapos magliwaliw ay nagtungo si Valeria sa kusina. May pinamili na sila kanina kaya plano nitong magluto na ng hapunan. Nandoon lang si Alkan sa mesa at panaka-nakang tumitingin sa gawi ni Valeria na kanina pa tahimik.  "Lacon," ani bigla ni Valeria. "Casa Lacon ang pangalan nitong bahay." Nangunot ang noo niya. "Sinong nagsabi?" Nagkibit-balikat si Valeria at bahagyang sumulyap sa gawi niya. "Nakita ko sa maliit na arko sa tarangkahan. Casa Lacon ang pangalan nitong bahay." Tumango lang siya at hindi na umimik. Wala naman siyang pakialam kung may pangalan ba ang bahay o wala. Ang mahalaga sa kaniya ay may matirhan sila ni Valeria.  Siya na ang nagpresentang maghugas ng pinggan matapos silang maghapunan. Hindi naman tumutol si Valeria at tumulong na lang sa paglinis ng hapag-kainan, saka ito dumiretso sa sala.  Wala silang telebisyon. Hindi siya bumili dahil wala naman siyang balak na magtagal sa San Roque. Hindi naman nagpumilit si Valeria at mukhang hindi naman nito hilig ang manood ng telebisyon. Pero nagpabili ang babae ng maraming libro. Hindi siya tumutol sa kagustuhan nito at bumili ng limang makakapal na aklat sa sentro.  Paglipas ng mga araw ay mas lalong napalapit sina Alkan at Valeria sa isa't isa. Noon ay akala ni Alkan na hindi na siya ma-a-attract sa isang babae pero mali siya nang paggising niya isang araw, hindi na niya maalis-alis sa isipan ang magandang mukha ni Valeria. At habang tumatagal ay mas lalo lang siyang nahuhumaling sa babae. Pero pilit siyang lumayo rito. Hindi niya gustong magkaroon pa ng panibagong relasyon dahil takot na siyang masaktan na naman. Ayaw na niyang maranasan 'yon lalo pa't napansin niyang gustong-gusto ng mga anino na nagagalit siya. Mas lalo lang silang kumakapal sa paningin niya at kakainin ng takot ang buong sistema niya. Mas lalo lang magbubunyi ang mga salot sa buhay niya.  At pagdating ni Valeria sa buhay niya, napansin niyang hindi na nagpapakita ang mga anino sa kaniya. Nabawasan na ang takot na nararamdaman niya araw-araw dahil do'n. Hindi na siya nag-aalala na baka bigla siyang sikmalin ng mga aninong naghihintay lang ng oras kung kailan siya mahuhulog na naman sa mga negatibong emosyon. Wala na ang mga anino. Mas malaya na siya.  Kaya naglakas-loob siyang ayain ang babae para mamasyal sa bayan ng San Roque. Pero isang hilaw na ngiti ang pinakita ni Valeria sa kaniya. "Ayos ka lang ba?" tanong nito.  Kumurap si Alkan saka tumango. "Gusto kitang ayaing lumabas. Ayaw mo?" Hilaw na natawa ang babae at kalaunan ay umuo na rin. Sukat sa araw na 'yon ay mas lalo lang nahulog ang loob niya sa babae. Lingid sa kaalaman niya na noon pa siya gusto ni Valeria. Sadyang ayaw lang aminin ng babae dahil natatakot ito sa resulta kapag ginawa 'yon. Kaya nagdesisyon itong ilihim na lang ang nararamdaman nito para sa kaniya.  Isang gabi, hindi na matiis ni Alkan ang nararamdaman. Gusto na niyang aminin kay Valeria kaya naman inaya niya ito sa isang duyan sa likod bahay. Magkatabi silang naupo roon at sabay nilang tinanaw ang madilim na kalangitang puno ng kumikislap na mga bituin. Malamig at sariwa rin ang simoy ng hangin.  Mas lumawak ang ngiti sa mga labi ni Alkan. Akmang bubuksan niya ang bibig para magsalita nang sa isang iglap, binalot ng kakaibang liwanag ang madilim na kalangitan.  Sabay silang napatayo ni Valeria. Kita niya sa dalawang mga mata ang mga lalaking may pakpak sa likod na lumilipad sa himpapawid. Ang isang grupo ng mga lalaki ay may puting pakpak habang ang kabilang grupo naman ay may itim na pakpak. May kani-kaniya silang hawak na espada at nagpapalitan sila ng hampas sa isa't isa.  Isang digmaan ng hindi nakikita ang nangyayari sa himpapawid.  Nanlamig ang kamay ni Valeria na kasalukuyan niyang hawak. Napabaling siya saglit sa babae bago binalik ang tingin sa himpapawid. Patuloy pa rin sa pakikipagdigma ang mga ito. At sigurado si Alkan na siya at si Valeria lang ang nakakakita sa pangyayaring 'yon. Napalunok siya. Bigla na lang sumikdo ang puso niya sa kaba dahil sa nakikita.  "Pumasok na tayo sa l-loob," bulong niya sa babae.  Kita niya sa gilid ng mata ang pagtango nito. Umikhim na naman siya at sabay silang humakbang pabalik sa bahay. Pero hindi pa sila nakakalayo ay may isang bagay na kumislap sa kalangitan.  Napatingin siya sa itaas at gano'n na lang ang pag-awang ng labi niya nang makita ang isang bulalakaw na paparating sa kinatatayuan ng bahay niya.  "T-Takbo..." Tinulak niya si Valeria pabalik. "Bilis, takbo!" sigaw niya.  Doon na natauhan si Valeria na kanina pa natulala sa paparating na bulalakaw. Mabilis itong pumihit at tumakbo papalayo sa bahay. Nakasunod lang siya sa babae at panaka-nakang lumilingon sa likuran. "Wag kang lilingon!" sigaw niya. "Tumakbo ka lang!"  Hindi nagtagal, narinig niya ang pagbagsak ng bulalakaw sa lumang bahay at gumalaw ang lupa. Niyakap niya si Valeria bago sila nagpagulong-gulong sa matarik na bahagi ng burol na nasa likuran ng Casa Lacon.  Niyanig ng bulalakaw ang buong bayan ng San Roque.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD