Kabanata 20: Tribal

1576 Words
Ilang araw na rin siyang sinusundan ng mga lalaking may puting pakpak. Hindi niya alam kung matutuwa o mababahala sa ginagawang pagsunod ng mga ito. Wala naman itong sinasabi sa kaniya at hindi naman ito nanggagambala sa kaniya. Pero sadyang hindi siya komportable sa pagsunod na parang isang werdong stalker sa kaniya. Nitong mga nakaraang taon ay anino ang palaging nakasunod sa kaniya at ngayon naman ay mga lalaking may puting pakpak. Hindi niya maintindihan kung bakit siya ang sinusundan ng mga nilalang na 'yon. Sa dinarami-rami ba naman ng mga tao sa mundo, bakit siya pa? "Alkan? Ayos ka lang ba? Kanina ka pa tulala," ani Valeria saka nilapag sa isang tasa ng kape sa tapat niya. Bumuntong-hinga siya saka tumingala sa babae na nakatayo sa gilid niya. "Wala ka ba talagang napapansing kakaiba sa paligid?" tanong niya. Umiling ito saka pinaningkitan siya ng mga mata. "Ilang araw mo na 'yang tinatanong. May problema ba?" Hinawakan niya ang palapulsuhan ni Valeria at seryosong tumitig sa mga mata nito. "Sabihin mo, nakikita mo ba ang mga anino sa paligid ko?" Ilang segundo itong natahimik bago nagsalita. "Noon, nakikita ko. Pero nitong nakaraang mga araw, hindi ko na nakikita. Para bang nawala na ang mga 'to." "Bakit ngayon mo lang sinabi?" tanong niya, may inis sa boses. Humigpit pa ang hawak niya sa palapulsuhan ni Valeria. Nagkibit-balikat ito. "Hindi ka naman nagtanong." Naningkit ang mga mata niya. Maya-maya pa'y napabuntong-hinga. Hindi niya rin nakikita ang mga anino sa paligid at kung tama nga ang sinabi ni Valeria, ibig sabihin lang na nawala na ang mga anino nang magsimula siyang sundan ng lalaking may puting pakpak. Hindi kaya may kinalaman ang kakaibang nilalang sa pagkawala ng mga anino? Ilang araw ang lumipas at hindi siya pinatahimik ng imahinasyon niya. Iniisip niyang baka may kinalaman ang mga 'yon. Dapat siyang magtanong sa mga ito. Kaso, natatakot siyang baka hindi nito magustuhan kapag malaman nitong nakikita niya ito. Natigilan siya nang may umihip na hangin sa loob ng nakasarado niyang kuwarto. Napakurap siya. Isa lang ang ibig sabihin ng pag-ihip ng hangin kahit pa nakasarado ang pinto at bintana ng kuwarto. Nasa loob ang lalaking may puting pakpak. Palihim niyang nilibot ang tingin sa paligid at tama ang hinala niya. Nakasandal sa dingding malapit sa paanan ng kama ang lalaking may puting pakpak. Nakahalukipkip ito at blankong nakatingin sa nakasaradong bintana na parang may tinititigan. Dahan-dahan siyang umalis sa kama at naglakad tungo sa bintana. Binuksan niya 'yon at tinanaw ang tanawin sa labas. Madilim pero may illang ilaw na mula sa mga bahay-bahay sa malayo. Bumuga siya ng hangin saka dahan-dahang tumalikod paharap sa lalaking may puting pakpak. Agad nagtama ang tingin nilang dalawa. Nakita niya kung paano rumehistro ang gulat sa mga mata nito at napatayo pa nang tuwid. Ilang minuto itong naghintay bago nagtanong. "Nakikita mo ako?" Naglapat ang mga labi niya sa iisang linya bago tumango. "Nakikita kita." Nagsalubong naman ang dalawang kilay ng lalaki saka pinaningkitan siya ng mga mata. "Sabi ni Manuel na hindi ka nakakakita ng mga nilalang. Paanong nabuksan ang mga mata mo nang ganito kaaga?" "Hindi ko alam. Basta apat na taon na akong nakakakita ng kababalaghan." Umikhim siya para mawala ang kaba sa dibdib. "Sino si Manuel?" Napaisip ito saglit bago tumalikod. Tumaas ang mga pakpak nito at bago pa man siya makapagsalita ulit ay nakalipad na ito palusot sa dingding ng kuwarto niya. Tumakbo siya tungo sa kinatatayuan nito kanina sabay hawak sa dingding. Hindi lumusot ang kamay niya. Napahakbang siya paatras at napatingala. Talagang kakaibang nilalang. Nakakaya nitong lumampas sa mga pader na hindi kaya ng mga taong tulad niya. Napabuntong-hinga siya at napasabunot ng buhok. Ngayon na alam na nitong nakikita niya ang mga uri nito, malamang na hindi na ito magpapakita. Sayang. Gusto pa naman niyang malaman kung bakit nawawala ang mga anino 'pag nakabuntot ang mga ito sa kaniya. Pero ngayon na lumayo na ang nilalang na 'yon, ibig sabihin makikita na naman ni Valeria ang mga anino? Kaso, mali siya sa hinalang hindi na ito magpapakita sa kaniya. Kinabukasan ay nakita niya ang lalaki na nakasandal sa dingding ng kusina. At hindi ito nag-iisa. Kasama nito ang kauri nito na nakita na niya noon. Sabay pa ang dalawa na napatingin sa gawi niya nang humakbang siya papasok sa kusina. Hindi niya pinansin ang dalawa at lumapit kay Valeria. "Anong para sa agahan?" tanong niya. Nakita niya sa gilid ng mata ang paglapit ng lalaking may puting pakpak. Malaki ang pakpak nito pero sa isang iglap ay nawala ang kumikinang na pakpak sa likod. Para na itong taong lumapit sa kaniya pero alam niyang siya lang ang nakakakita sa mga ito. "Tortang talong lang," sabi ni Valeria sabay tulak sa kaniya palayo. "Maghintay ka nalang sa mesa." Hindi na siya nakipag-argumento sa babae. Naupo siya sa upuang katapat ng mesa. Pero akala niya ay hindi siya lalapitan ng dalawang nilalang. Mali siya. Nawala na rin ang pakpak ng isa at sabay ang mga itong umupo sa mesa. Pero dahil may kahabaan ang mesa, hindi na siya nag-atubiling pigilan ang kagustuhan ng dalawang nilalang. May sapat pa namang espasyo para sa kanila ni Valeria. Tahimik ang dalawang nilalang habang sabay silang kumain ni Valeria. Hanggang matapos niyang hugasan ang mga pinggan ay hindi siya pinakialaman ng dalawang nilalang na nakatayo lang sa magkabilang gilid niya. "Bakit kayo nandito?" tanong niya nang makapasok siya sa kuwarto at hinarap ang dalawa sa likuran niya. "Bakit kayo sunod nang sunod?" Nagkibit-balikat ang isang lalaki. "Utos lang sa amin." "Hindi." Umiling siya. "Wag niyo na akong sundan dito. Bumalik na kayo sa pinaggalingan niyo." "Talaga bang gusto mo 'yon?" tanong ng isa saka humalukipkip. Walang ngiti sa mga labi nito. "Nakita naming may aninong nakapaligid sa 'yo. Tuwing nasa malapit kami, nawawala ang mga anino. Talaga bang ayaw mong binabantayan ka?" Naglapat na naman ang mga labi niya sa inis. Taliwas sa sinasabi niya ang kagustuhan niya. Sa katunayan, may parte ng utak niya na gustong nasa malapit lang ang mga ito pero may parte naman sa kaniyang ayaw siyang sinusundan na parang isang bata. Napabuntong-hinga siya. "Sino ba kayo?" tanong niya saka naupo sa gilid ng kama. Nakatayo hindi kalayuan ang dalawa at parehong nakahalukipkip sa harapan niya. "Galing kami sa lupain ng Tribal." "Tribal?" Tumango ang lalaking nagsalita kanina. "Ang Tribal ay lupain kung saan naninirahan ang mga nilalang na ayon sa mga tao, isang alamat at kuwentong-bayan lamang." Naningkit ang mga mata ni Alkan. Noon ay hindi siya naniwala sa mga nilalang na laman ng haka-haka at misteryo, pero matapos niyang makita ang mga anino ay naniwala na siya. Pero mahirap pa ring paniwalaan dahil hindi naman niya nakikita nang personal. "Tulad ng...?" tanong niya. "Tulad ng sirena, mangkukulam, aswang, engkanto --" Tinaas niya ang kamay sa lalaking nagsalita. "Pwede ba akong mamasyal sa Tribal?" Nagkatinginan ang dalawang nilalang. Maya-maya pa'y bumuntong-hinga ang lalaking palaging nakasunod sa kaniya. "Hindi pa ngayon ang tamang oras para bumisita ka sa lupain namin pero matagal nang nakabukas ang mga mata mo. Mas mabuti na makita mo nang husto ang lupain para maging handa ka sa mga mangyayari sa mga susunod na araw." Nangunot ang noo niya. "Anong ibig mong sabihin?" "May malaking papel kang gagampanan sa lupain ng Tribal at sa bayan ng San Roque." Pero hindi niya pa rin maintindihan ang paliwanag na 'yon. Kahit gayonpaman, hindi na siya nagtanong pa at hinayaan ang dalawa na hawakan siya sa magkabilang braso at liparin siya palusot sa dingding. Halos lumusot na sa dibdib ang puso niya dahil sa labis na kaba pero nang lumusot siya sa dingding na wala namang problema, nakahinga na siya nang maluwag. Binuksan niya ang mga mata at manghang tinanaw ang tanawin sa ibaba. Kasalukuyan siyang lumilipad kasabay ng mga ulap sa madilim na kalangitan. Hawak ng dalawang nilalang ang magkabilang braso niya. Tama nga ang sabi ng ilan. May kalakihan ang bayan ng San Roque. Kita niya sa himpapawid ang kabuoan ng bayan. May mangilan-ngilang ilaw siyang nakita sa liblib na parte ng bayan. Hanggang sa mawala sa paningin niya ang bayan ng San Roque at napalitan ng isang malawak na kagubatan. Nanlamig ang pakiramdam niya nang mapagtantong sa mismong gubat na 'yon namatay ang kaibigan niyang si Estong. Napalunok siya sa kaba. Mukha namang napansin ng isang lalaki ang kaba niya kaya nakita niya sa gilid ng mata ang pagbaling nito sa kaniya. "Wag kang mag-alala. Hindi ka mahuhulog sa gubat." "H-Hindi naman ako takot sa gubat," aniya. Isang kasinungalingan. Natawa ang nilalang. "Maya-maya pa'y papasok tayo sa isang portal tungo sa lupain ng Tribal. Nasa pusod 'yon ng kagubatan na hindi pa napupuntahan ng mga tao." At tama nga ang sinabi nito dahil bukod sa pusod ng gubat kung saan nila nahanap ang bangkay ni Estong, may mas malaking pusod ng gubat pa na ilang kilometro mula sa pinaniniwalan nilang pusod ng gubat. Iyon pa lang nakita nilang pusod ng gubat ay isang maliit na clearing lang kumpara sa malaking clearing kung saan unti-unting bumababa ang dalawang nilalang kasama na siya. Bago pa man siya makaimik ay sabay na humakbang paabante ang dalawang nilalang at isang nakakabulag na liwanag ang dumaan sa kanilang tatlo. Napapikit si Alkan. Nang maramdaman niyang nawala na ang liwanag ay nagmulat na siya. Gano'n na lang ang pag-awang ng labi niya sa nakita. "Maligayang pagdating sa lupain ng Tribal," anunsyo ng nilalang na nakahawak sa kaliwang braso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD