DECEMBER 11, 2007
"HALA, natanggal ka na naman," pagkausap ni Gia sa sapatos niyang natanggal na naman ang takong. Mabuti na lang at nasa classroom na siya nang bumigay 'yon. Kung sa jeep 'yon nangyari, baka naglakad siya papasok nang naka-medyas lang. "Hindi yata madikit 'yong glue na ginamit ko."
Umupo na siya sa armchair niya at hinubad ang sapatos niya. Pupulutin sana niya 'yon para idikit ang takong dahil dinala naman niya ang glue na ginamit niya kagabi, pero may nauna sa kanya.
"I'm frustrated, Gia," sabi sa kanya ni Vincent na may hawak ng sapatos niya. Pagkatapos, humila ito ng armchair at umupo sa tapat niya, saka siya nito binigyan ng seryosong tingin. "Pumayag ako na maging guitarist mo sa singing contest kahapon kasi gusto kitang manalo. May cash prize kasi ang first, second, at third placer. Kung nanalo ka, may pambili ka sana ng bagong sapatos. Ang mahal ng tuition fee dito sa school natin, 'tapos plaque lang ang consolation prize sa mga natalo."
"Sobrang happy na si Mama sa plaque kasi may bago na naman siyang na-display katabi ng mga medal at trophy ko simula kindergarten na ipagyayabang niya sa mga kumare niya," pag-a-assure niya rito. Pagkatapos, pinisil niya ang matangos nitong ilong na hinayaan lang nitong gawin niya. "Saka i-do-donate sa charity 'yong proceeds ng singing contest for a cause na 'yon kaya hindi na sila nagbigay ng cash prize sa mga natalo. Buti nga eh may nag-sponsor ng plaque kundi, "thank you for joining" lang siguro ang nakuha namin kahapon. Maging thankful na tayo do'n, okay?"
"Fine. But let me buy you new shoes. Isipin mo na lang na advance Christmas gift ko 'yon sa'yo."
Tinawanan niya lang 'yon. Madali para rito ang mag-offer ng gano'n kahit estudyante pa lang ito dahil gaya ng lahat ng mga kaibigan at ibang classmates niya, anak-mayaman din si Vincent. May-ari ng malaking construction firm ang pamilya nito. Engineer kasi ang daddy nito at accountant naman ang mommy nito. Solong anak ito kaya only heir din ng Eusebio family.
"No need," paliwanag niya nang kumunot ang noo nito sa pagtawa niya lang. "Vincent, na-a-appreciate ko ang concern mo. Pero malapit naman na ang Christmas break kaya hindi ko pa kailangan ng new shoes. Saka na ko bibili kapag nakuha ko na ang aginaldo ko. I'll be fine until then." Kinuha niya ang glue mula sa bulsa ng skirt niya. "Ito lang ang katapat niyan."
"No, that won't suffice," nakasimangot na sabi nito, saka nilabas mula sa breastpocket ng puting-puti at unat na unat na polo nito ang isang shoe glue. "Mas madikit 'to kesa sa simpleng glue lang. In-expect ko nang hindi ka papayag na bilhan kita ng new shoes kaya nagdala rin ako nito. Hindi mo naman siguro i-re-reject ang pag-vo-volunteer ko na idikit 'tong takong ng sapatos mo, 'di ba?"
Natawa siya, saka siya umiling. "Please do the honors, Vincent."
"Very well," sagot nito, saka ito nagsimula sa "trabaho."
Lalo lang siyang natawa. Itong lalaking 'to talaga, ang agang magpakilig kahit na nagsusungit pa rin. Dinukot niya ang Cloud 9 sa kabilang bulsa ng skirt niya. Binuksan niya 'yon at tinapat sa bibig ni Vincent ang chocolate bar. "Here, Vincent. Bayad ko sa labor mo."
Binuksan ni Vincent ang bibig para kagatin ang chocolate bar dahil walang libre sa mga kamay nito na parehong nagtatrabaho sa pagdidikit ng takong ng sapatos niya. "Bakit ang laki ng eyebags mo, Gia? Nagpuyat ka ba sa pag-re-review?"
Kumagat din siya sa chocolate bar at kinain muna 'yon bago siya sumagot. Medyo hindi hygienic pero sanay na silang mag-share sa isang pagkain o baso ng inumin. Nawala na ang arte nila sa isa't isa dahil magkaibigan na simula Grade One. "Buti nga sana kung sa pag-re-review ako napuyat." Periodical test kasi nila ngayong araw at goal niyang maging top 1 uli para sa grading period na 'yon. Kailangan din niyang ma-maintain ang mataas na grade para hindi siya mawalan ng full scholarship. "Pero sadly, hindi 'yon ang case. Nag-drawing kasi ako ng comic strips na special project no'ng kapitbahay namin. Hindi niya kasi nagawa 'yong home reading report niya sa English subject nila. Kaya para pumasa, kailangan niyang gumawa ng comics version ng important events sa supposedly eh binasa niyang book."
Tiningnan siya ng lalaki para taasan ng kilay. "Pero ikaw ang nagbasa ng book at nag-drawing ng comics para d'yan sa kapitbahay niyo?"
Pinakain ni Gia dito ang natirang maliit na putol ng chocolate bar bago siya sumagot. "Commissioned work 'yon, Vincent. Saka na-enjoy ko naman ang pagbabasa ng The Little Prince."
Mukhang hindi na-amuse ang lalaki sa mga sinabi niya dahil nakasimangot pa rin ito. "Bakit tinapos mo ng isang gabi lang?"
"Rush kasi. Kahapon niya lang sinabi sa'kin at ngayong umaga niya kailangang ipasa 'yon kaya pinagpuyatan ko kagabi. Alam mo namang perfectionist ako sa mga tinatrabaho ko kaya madaling-araw na ko natapos." Napabungisngis siya nang kumunot ang noo ng lalaki sa pag-aalala kaya "inunat" niya ang noo nito gamit ang daliri niya. "Don't worry. Sulit ang pagpupuyat ko kasi three hundred pesos ang binayad niya. Malaki na 'yon, ha? May pambili na ng outfit si Gio para sa Christmas party nila."
Nag-aaral na rin kasi sa daycare ang kapatid niya kaya tumatanggap siya ng sideline job gaya ng paggawa ng project na mapaggagamitan niya ng creativity niya dahil magaling din siya sa art. Gusto kasi niyang makatulong sa mga magulang niya kahit sa maliliit na gastusin lang.
"You should prioritize your health, Gia," nakasimangot na sabi ng lalaki. "Pa'no magiging sulit 'yon kung magkakasakit ka naman?"
"Hindi 'yan. Alam mo namang malakas ang resistensiya ko."
"'Wag mong abusuhin."
Nag-mock salute siya rito. "Aye, aye, Vincent."
"Puro ka kalokohan," masungit na sabi nito, saka tumayo para lumuhod sa harap niya. "Give me your feet. Okay na uli 'tong sapatos mo."
"Kaya ko namang isuot 'yan mag-isa."
Tumingala sa kanya ang lalaki para bigyan siya ng nananaway na tingin.
At dahil marunong siyang makuha sa tingin, parang maamong tupa na in-stretch niya ang binti niya rito. "Ngayon lang 'to, ha? Kaya ko namang alagaan ang sarili ko, eh. Pinagbigyan lang kita kasi tinanggihan ko 'yong offer mo na ibili ako ng new shoes. Like I said earlier, na-a-appreciate ko ang concern mo. Ayoko lang na pinagsisilbihan mo ko ng ganito. Hindi ka naman pinag-aaral ng parents mo sa expensive school para lang unnecessarily na pagsilbihan ako o ang ibang tao, for that matter."
Nahuli niyang ngumiti ang lalaki bago ito yumuko para hawakan ang binti niya para maingat na isuot ang sapatos sa paa niya. "Tell you what, Gia? Sometimes you're too mature for your own age. We're all fifteen in this class but it feels like you're older than the rest of us."
"Panganay syndrome?" nangingiting katwiran niya. "Saka hindi naman sa ina-underestimate ko kayo o gino-glorify ko ang status ko pero sa tingin ko, napabilis lang ang pag-ma-mature ko kasi alam niyo naman na hindi comfortable ang pamumuhay namin ng family ko, 'di ba? Unlike rich kids like you, mas maaga kong natutunan kung ga'no ka-harsh ang buhay kaya maaga rin akong natutong maging flexible at mag-adapt sa mahihirap na sitwasyong na-experience at na-e-experience namin."
Gumuhit ang simpatya sa mukha ng lalaki.
"They also made me strong," biglang dagdag niya. "Okay lang ako, Vincent."
Napalitan ng paghanga ang simpatya sa mukha nito. "Sa future ba wherein may sarili na kong trabaho at savings, papayag ka nang bilhan kita ng new shoes?"
"Oo," sagot ni Gia pagkatapos ng maingat na pag-iisip. Ayaw niyang tumanggap ng mahal na regalo mula kay Vincent dahil alam niyang galing sa mga magulang nito ang allowance na ginagastos ngayon. Pero kung sa future ay may trabaho na ito, sino siya para pagbawalan ito na gastusin ang kinita sa paraang gusto nito? Ang puwede lang siguro niyang gawin, i-remind ito na ingatan ang paggastos dahil alam niya kung ga'no kabilis maubos ang pera. "Basta 'wag lang super expensive. Okay lang mag-splurge paminsan-minsan pero dapat mong i-prioritize ang savings mo sa future."
Nakangiting tumango si Vincent na parang natuwa sa mga sinabi niya.
May sasabihin pa sana siya pero natigilan siya nang may maunang magsalita sa kanya.
"Cute! They're talking about their future na!"
"Aw... ang sweet!"
"Vincent would never go bankrupt since I'm pretty sure Gia would be a very efficient wife especially when it comes to handling their finances."
"Just get married already, you two."
"Wait, are they dating na ba or what?"
Nag-init ang mga pisngi ni Gia nang paglingon niya, na-realize niyang nakaupo na pala ang mga kaklase nila sa kanya-kanyang armchair at nakapalumbaba pa habang pinapanood ang eksena nila ni Vincent. Pero natawa rin siya nang makita na ilan sa mga ito, may malaking popcorn na pinagpapasa-pasahan sa likuran na para bang nanonood lang ng romantic movie.
Siyempre, nangunguna sa 'kalokohan' na 'yon ang barkada nilang sina Maj, Aron, at Wendy na nasa front row pa.
"Ginawa niyong sine ang pag-uusap namin ni Gia, ha?" reklamo ni Vincent nang tumayo na ito at himbis na sa silya, sa desk ng armchair niya ito umupo dahilan para lalo silang tuksuhin ng mga kaklase nila. Hindi man nakangiti, halata namang nag-e-enjoy ang lalaki sa pag-ma-match sa kanila ng buong Section 3-1. "Sa susunod, sisingilin na namin kayo."
"Ang sarap niyo kasing panuorin," natatawang katwiran ni Maj. "Nagkakaro'n kayo ng sariling mundo kapag magkasama kayo. See? You didn't even notice us here."
"And bro, iba ka rin dumiskarte," nakangiting dagdag ni Aron na binigyan ng dalawang thumbs up si Vincent. "Idol na kita, master."
Natawa lang si Wendy na pinaghugis-puso pa ang mga kamay habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ni Vincent.
"Tapos na ba kayong mag-moment?" nakangising tanong ni Jericho na dumadakot ng popcorn sa malaking plastic. "Puwede na ba nating pag-usapan ang business?" Nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ang class president. "A business that involves you, Mister Eusebio and Miss Tolentino."
"Kami ni Vincent?" nagtatakang tanong ni Gia. "Anong business 'yan?"
"Alam niyo naman siguro na Christmas party na ng Section 3-1 sa Friday, 'di ba?"
Ngumiti at tumango lang siya dahil ang totoo niyan, nalulungkot siya na hindi siya makakasama sa Christmas party. Three hundred pesos kasi at two hundred peson naman ang worth ng regalo para sa exchange gift. Tapos, may theme pa ang party kaya kailangan pa niyang bumili ng costume kung sakali. May Christmas party din sina Gio at nagparaya na siya para hindi burden sa parents nila.
Noon, hindi niya pa ga'nong naiintindihan na dagdag-gastos lang ang Christmas party para sa tulad nilang hindi mayaman kaya umiiyak pa siya sa mga magulang niya para makasama siya sa mga gano'ng event. Hindi maiwasang naimpluwensiyahan siya ng mga kaibigan at kaklase niyang marangya ang pamumuhay kaya madalas, nakakalimutan niyang mahirap lang sila.
Pero ngayong taon, na-remind siya kung ga'no kahalaga ang budget sa pamilya nila nang makita niyang murahin ng ibang tao ang mama niya dahil na-delay ito sa pagbabayad ng utang. Nahiya siya sa sarili niya at nangakong tutulong na sa gastusin sa bahay sa pamamagitan ng pagtitipid.
"We need an emcee and a performer for the party," pag-a-announce ni Jericho habang nakatingin at nakangiti sa kanya. "We're hiring you, Gia."
Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. "Huh?"
"Sagot na namin ang food at costume mo as your talent fee kung tatanggapin mo ang offer namin," pagpapatuloy ng class president, saka ito tumingin kay Vincent. "Ikaw din, Vincent. I-ha-hire ka rin namin bilang guitarist ni Gia kaya um-attend ka na rin ng party. Couple look ang plano naming concept para sa inyong dalawa kaya hindi puwedeng hindi ka pumunta."
"What?" naguguluhang tanong ni Gia, saka siya tumingala kay Vincent. "Hindi ka rin a-attend ng Christmas party?"
Nagkibit-balikat lang si Vincent, halatang walang planong magpaliwanag.
"Yes, Gia," sagot ni Wendy para sa lalaki kaya napatingin siya sa kaibigan. "Hindi daw sasama si Vincent sa Christmas party kasi wala ka naman daw do'n."
"Huh?" Tumingala si Gia kay Vincent na hindi nakatingin sa kanya kaya kinurot niya ito sa tagiliran dahilan para bigyan siya nito ng iritadong tingin. Pero pinanlakihan niya ito ng mga mata kaya para itong biglang naging maamong tupa. "Bakit naman hindi ka a-attend ng Christmas party dahil lang wala ako do'n? Baliw ka ba?"
"You know I hate parties," katwiran naman ni Vincent. "Hindi mo ba napansin na nagsimula lang akong um-attend ng mga Christmas party no'ng inaya mo ko no'ng Grade Four tayo?"
Isang malakas na "ayyyiiieee" ang umugong sa buong klase.
"Nando'n naman ang friends natin, ha?" katwiran niya kahit kinilig siya sa revelation nito.
"Uhm, actually, hindi rin sila nag-sign up," singit ni Jericho. "Sasama lang daw sina Maj Sy, Wendy Estrella, at Aron Anderson kung kasama kayo ni Vincent Eusebio. Kaya nag-decide kaming class officers na i-hire kayo as performers sa party natin. Kasi Gia, alam naman namin na hindi ka papayag kung aabonohan ng buong klase ang pang-Christmas party mo after naming bayaran 'yong fee para makasama ka sa field trip natin last year. Nag-promise kami na hindi na namin uulitin 'yon."
Naitakip niya ang mga kamay sa mukha niya dahil na-ta-touch siya at nahihiya sa nangyayari.
Last year nga, hindi niya alam na nag-ambagan ang classmates niya para makasama siya sa field trip. Nagulat na lang siya nang sunduin siya sa bahay ng mga kaibigan niya kasama si Jericho na may dalang waiver na pinapirmahan ng class president sa parents niya. Madaling-araw 'yon kaya siguro disoriented pa sila ng pamilya niya at bigla na lang napa-"oo". Namalayan na lang niyang nasa bus na siya at umiiyak habang nagpapasalamat sa mga kaklase niya.
Pero siyempre, sinabi niya na last na 'yon. Nakakahiya kasi sa mga magulang ng classmates niya.
"Hindi masaya ang party kung wala ka, Gia," dagdag ni Jericho mayamaya. "Lalo na kung ang buong grupo niyo ang absent sa celebration. Kaya sana sumama kayo this year."
"Gia, I want you to be there," gentle na sabi naman ni Vincent. "And it's work. We won't be there to party. We will be there to perform for the class."
Napangiti si Gia. Alam naman niyang excuse lang ang pagiging "performer" nila. Pero na-touch siya sa ginawa ng mga kaklase niya kaya nawalan siya ng dahilan para tumanggi. Mukhang pinag-isipan 'yon ng buong section kaya mas nakakahiya siguro kung aarte siya. "Sige na nga," nahihiya at naiiyak na sabi niya. Inalis niya ang mga kamay sa mukha, saka niya tiningnan ang mga kaklase niya. Babawi na lang siya sa pagbibigay ng magandang performance. "Anong gusto niyong kantahin ko?"
At isang malakas na hiyawan ang sinagot sa kanya ng mga kaklase niya.