Hindi maiwasang lingunin ni Jaidyleen si Angel na nasa couch na ilang upuan din ang layo sa kanya. Abala ito sa pakikipag-usap sa isang talent scout. Bilang isang celebrity ay marami ang nagkaka-interes na kunin ito bilang modelo. Sa itsura ni Angel at kasikatan ay hindi ito mahihirapan na makakuha ng extra na trabaho. Di niya ito masisisi kung nakalimutan na siya nito.
"Mahalaga sa mga football players ang magkaroon ng extra projects. Hindi lahat ng football players ay malaki ang kinikita. Allowance lang ang nakukuha ng national team. Ang alam ko pa nga abonado pa sila kapag naglalaro para sa atin,” sabi ni Foxx habang sunud-sunod ang subo ng french fries.
"Hindi pala ganoon ka-prestigious ang football katulad ng inaakala ng marami. Paano naman ang mga club games?" tanong niya.
Mas kilala ang national football team ng Pilipinas kung saan nagsasama-sama ang mga may dugong Pilipino para lumaban sa ibang koponan sa ibang bansa. Subalit ang mga clubs o katumbas ng PBA sa football ang pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga atleta.
"Magandang magpasweldo ang El Mundo pero malaking tulong kung may mga commercials sila o kaya TV guestings. Bukod sa napo-promote ang football, extra income iyon para sa kanila. Maikli lang ang career ng isang football player. Kaya habang bata pa at kaya ng katawan nila, laban lang sila ng laban," paliwanag ni Foxx.
Mabuti na lang at naipaliwanag sa kanya ni Foxx ang sitwasyon ng mga tulad ni Angel. Akala kasi niya ay puro sarap ang buhay ng mga ito. Ngayon ay naliliwanagan na siya na hindi pala simple ang pinagdadaanan ng mga ito. They also had to earn a living. At tulad ng isang ordinaryong tao tulad niya, pinaghihirapan din nito ang bawat sentimong kinikita nito. Isama pa diyan ang hazzard ng laro gaya ng injuries na nakukuha sa laro at training.
Inilapag ng waiter na si John sa harap niya ang mango crepe. "Para po sa inyo, Ma'am."
Gulat niya itong tiningala. "Di ako umorder nito." Nakakatakam ang crepe pero isang luxury sa kanya ang ganoon kasarap na dessert.
"Sabi po ni Sir Angel dalhin daw sa inyo. Siya na po ang bahala."
Di pa rin siya makapaniwala nang sundan ng tingin si John. Lumapit ito kay Angel at itinuro siya. Nang lumingon ito sa direksiyon niya ay itinuro niya ang dessert. Ibinuka niya ang bibig. "Muchas gracias."
"Walang anuman," sabi naman nito at kinalabit ng handler nito kaya bumalik muli ang atensiyon nito sa kausap.
Parang maiiyak siya habang nakatitig sa nakakatakam na mango crepe. Hindi pa rin siya makapaniwala na ipinadala iyon ni Angel para sa kanya.
"Mas masarap yata ‘yan kung titikman natin kaysa titigan lang," sabi ni Foxx na parang sabik na sabik nang tikman ang mango crepe. "Ayaw kasi akong pakainin ni Tito Mac ng desserts. Tataba daw kasi ako."
"Sandali lang." Kinuhanan muna niya ng picture ang dessert saka siya sumubo. Nakakaligaya ang mango crepe mula kay Angel. Alam naman niyang di lahat ng babaeng nagpapakabaliw dito ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon. "Sobrang saya naman nito. Di ako nagsisisi na pumunta ako dito. Nakatagpo pa ako ng pag-ibig. Mahal ko na talaga si Angel," aniya at itinaas ang mga kamay.
Nagulat na lang siya nang makitang nakatingin sa kanya ang ibang mga players sa kabilang mesa na parang baliw siya. Mukhang na-distract ang mga ito sa seryosong pinag-uusapan ng mga ito. "You want some?" alok niya sa dessert. Umiling ang mga ito at bumalik muli sa pinag-uusapan. "Kailangan kong mag-aral ng football. Ayokong magmukhang tanga sa harap ni Angel next time na kausap ko siya."
"Naku! Basta ako kapag hindi mag-e-effort sa mga lalaking iyan. Sila ang magpakahirap sa akin.," anito at ipinagaspas pa ang buhok.
"Sabi mo lang ‘yan. Pero kapag ikaw ang na-in love, tiyak na gagawin mo ang lahat para lang magkaintidihan kayo." At kung football ang lengguwahe nito ay handa siyang matuto. She was so hyped up. Samantalang kanina lang ay parang wala siyang kabuhay-buhay. Parang kahit ano ay handa siyang gawin para lang makuha si Angel. He actually didn't have to do anything. Isang ngiti lang nito at titig sa kanya ay Masaya na siya. Malaking-malaking bonus na lang ang pagtawag sa kanya nito ng maganda hanggang sa pagbibigay nito ng mango crepe sa kanya.
Minsan ang mga bagay na di inaasahan ay makapagpapasaya sa isang tao nang todo. Isang sorpresa ang gabing ito para sa kanya mula nang makilala niya si Angel.
Nabawasan ang ligaya niya nang makatanggap ng text mula sa kapatid na si Rose.
Ate, anong oras ka daw uuwi sabi ni Tatay.
Nagulat siya nang makitang alas onse na ng gabi. "Late na pala. Umuwi na tayo. May pasok pa tayo bukas," sabi niya kay Foxx. Luminga siya sa paligid. "Wala na rin si Angel. Di na nagpaalam."
"May next game pa naman. Busy talaga ang mga players na iyan. Bawal din silang magpagabi dahil may mga training at commitments pa sila." Nanghihinayang siya dahil di siya nakapagpaalam kay Angel. Lumapit sila kay Mackintosh na kausap ang manager ng El Mundo. "Tito, uuwi na po kami."
"Thank you po, Tito. Nag-enjoy ako sa bar ninyo."
Pumalatak si Mackintosh. "Huwag mo sabi akong tawaging tito. Bata pa ako. Mac na lang."
"Sige po, Tito Mac," sabi niya at ngumisi.
Bumagsak ang balikat ni Mackintosh. "Bakit ba walang sumeseryoso sa akin na bata pa ako?"
"Amoy DOM ka na kasi," kantiyaw ni Foxx saka nagpakawala ng mataginting na halakhak.
Tumalim ang mata ni Mackintosh. "Sa susunod na magdadala ka ng kaibigan dito, iyon ngang di ako tatawaging Tito. Nakakainit lang ng ulo," pakli ni Mackintosh.
Paglabas nila ng sports bar ay nakita nila ang ilan sa mga players na naroon pa rin at pinagkakaguluhan ng mga fans. Tinapik ni Foxx ang braso niya. "O, nandito pa pala si Angel."
"Nasaan?" tanong niya at luminga.
Itinuro nito si Angel na malapit sa parking lot at gaya ng ibang manlalaro ay napapalibutan din ng mga babae. Subalit napamaang siya sa nasaksihan. Hindi lang simpleng picture at autograph ang pakay ng mga babae dito. Niyayakap pa ito at basta na lang itong dinudumog ng halik.
"Ay, grabe naman 'yang mga babaeng iyan. Kung makahalik wagas na wagas." Ngumingiti lang si Angel pero sa tingin niya ay di ito nag-e-enjoy. Pakiramdam niya ay nalalapastangan na ng mga ito si Angel. Si Angel na walang laban at inosente sa mundo.
"Natural nang dumugin ang mga babae ang mga players. Sikat sila e. At kung nasaan ang sikat, doon din ang tukso at santambak na fangirls at groupies," anang si Foxx na nagkakanda-pilipit ang labi. "Normal na lang ang mga ganyan."
"Oo. Naiintindihan ko iyon. Pero dapat ba talagang humalik sa lalaki ng walang paalam?"
"Ano?" bulalas nito at naguguluhang nilingon siya.
"Konting pino man lang. Magpaalam ka bago humalik sa lalaki."
"Kailangan ba talaga iyon?" naguguluhang tanong ni Foxx na parang tingin sa kanya ay nagmula pa sa lumang baul. “Kapag fangirls, sunggab kung sunggab.”
Tumingala siya sa langit at hinaplos ang sariling batok. "Ano na bang nangyayari sa mga kababaihan ngayon?"
"English kasi sila ng English kay Angel kaya di sila magkaintindihan. Di siguro nila alam kung paano mag-Spanish. Kaya sinusunggaban na lang nila para wala nang kawala kay Angel. Para-paraan lang 'yan kung paano makahalik."
Hindi pa rin siya sang-ayon doon. May karapatan din naman ang mga kalalakihan na pumili ng gustong humalik sa mga ito. Hindi lahat ng lalaki ay gusto na basta-basta lang sinusunggaban at hinahalikan. At si Angel ang isa sa mga ito. He was being violated.
Kinuyom niya ang palad. "Tuturuan ko ang mga batang 'yan kung paano humingi ng halik," wika niya at nagmartsa papunta sa direksiyon ni Angel. Tumayo siya sa likuran nito. "Angel!"
Lumingon ito sa kanya at awtomatikong ngumiti nang makita siya. "Jaidyleen!" Sumenyas ito sa mga babae na maghintay muna. "Un momento." At lumapit ito sa kanya.
"Angel, uuwi na siya," sabi ni Foxx. "She...will…go home."
"Uuwi? Casa?" tukoy nito sa bahay niya at nalungkot. "Pasensiya na. Sila kasi..." Ang ibig siguro nitong sabihin ay hindi na siya nito naasikaso dahil sa dami ng mga babae.
"Okay lang." Tipid siyang ngumiti. "Adios, Angel. Puedo besarte?" lakas-loob niyang tanong.
Pinag-krus niya ang daliri sa likuran. Ang problema lang kapag nagtanong siya o nagpaalam ay pwede siyang ma-reject. Bahala na. Mas gugustuhin na niya ito kaysa naman matulad siya sa ibang babae na wala man lang pasintabi at basta na lang hahalik.
Lumapad ang ngiti ni Angel. "Si!"
Parang nakarinig siya ng awitan ng mga anghel sa langit dahil sa sahgot nito. Yumuko ito para maabot niya at di na niya pinalampas ang pagkakataon. Yumakap siya sa leeg nito at kinintalan ito ng halik sa labi. Sa saglit na pagdidikit ng labi nila ay parang may tumamang kidlat sa buong katawan niya. It was crazy. Di niya inaasahan na siya pa ang hihingi ng halik sa isang lalaki. Pero di naman ito kung sinu-sinong lalaki lang. He was Angel Aldeguer. And she was kissing him.
Halata ang pagkagulat sa mukha nito nang maghiwalay ang labi nila. Kahit siya ay nagulat din. Di niya alam na magagawa iyon.
"Gracias y adios," pasasalamat niya kasunod ang pagpapaalam saka siya kumaripas ng takbo at hinila si Foxx. Nagawa niya. Nahalikan niya si Angel. Pero di pala ganoon katigas ang mukha niya na harapin ito matapos gawin iyon.
Nag-iinit ang mukha niya habang binibilisan ang paglakad palayo. Baka mamaya ay habulin siya nito at ireklamo sa baranggay. Ano bang pumasok sa utak niya nang halikan ito sa labi? Paano kung pakiramdam nito ay na-violate din niya ito?
"Sa Martes...magkita tayo," narinig niyang sigaw ni Angel.
Hindi niya ito pinansin at tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad hanggang makarating sa gilid ng kalsada at naghintay ng taxi. Malakas na malakas ang kaba ng dibdib niya. Umuugong ang tainga niya. "A-Ano ang sinabi niya kanina?" tanong niya. "Ako ba ang kausap niya?"
"Hala ka. Magkita daw kayo sa Martes," pananakot ni Foxx.
"Ano bang meron sa Martes?" tanong niya.
"May game sila."
Sinapo niya ang nag-iinit na pisngi. "Ewan ko kung kaya kong magpakita. Ako ba talaga iyon? Ako pa ang humingi ng kiss sa lalaki."
"Tindi mo nga. Sa lips pa. At ngayon ka pa nahiya."
"Kundi nga lang ako kinabahan, baka torrid pa iyon."
"Nahihiya ka pa ng lagay na iyan." Ipinakita nito ang cellphone nito. Nakuhanan pala sila nito ng picture ni Angel. "Ipakalat ko kaya ito sa internet?"
"Bruha ka! Isekreto mo na lang iyan," sabi niya at sinubukang agawin dito ang cellphone. "Kapag kumalat iyan lagot ka sa akin."
Humalakhak ito. "Ibu-bluetooth ko sa iyo tapos buburahin ko na. Nasa iyo na kung gusto mong ipakita sa iba. Gusto ko lang na may remembrance ka sa araw na ito. Sa palagay ko kasi first time ka lang nag-ask na humalik sa lalaki. Baka di na maulit muli."
Hindi niya alam kung magpapasalamat dito o maiinis. Hindi rin kasi niya alam kung gusto pa niyang maalala ang sandaling iyon o gusto niyang laging maalala. Siya ba talaga ang babaeng nasa larawan? Saan niya nakuha ang lakas ng loob na halikan si Angel? She must be insane. Sa larawan ay nakita niya ang isang babaeng walang pag-aalinlangan sa sasabihin ng iba. Isang babaeng alam ang gusto nito at handang angkinin iyon. Malayong-malayo sa imahe niya.
"E di nakalimutan mo na boyfriend mong ikakasal?" tanong nito nang nakasakay na sila ng taxi. Madadaanan kasi niya pauwi ang condo nito.
Tumaas ang kilay niya nang maisip si Nomer. "Sino naman iyon? Di ko na nga siya maalala." Wala na siyang maramdamang sakit at sama ng loob. Samantalang kanina lang ay nadagdagan ang kamiserablehan niya dahil kay Nomer. "Aba! Kung kami pa rin ngayon, magiging ganito ba ako kasaya? Lahat may dahilan kung bakit nangyayari. Nawala si Nomer ngayon para makapasok si Angel sa buhay ko."
Wala siyang dahilan para malungkot ngayon dahil isang anghel na nagpangiti sa kanya. Pakiramdam niya ay lumulutang siya. Only Angel made her feel like this. She was so happy, so alive, so young. Pakiramdam niya ay mas bumata siya ng sampung taon. Parang kaedad lang niya ang mga teenager na nagkakandapara kay Angel. Walang kahihiyan basta mapagbigyan lang ang nilalaman ng puso.
Pakiramdam niya ay bagong tao siya. Di niya alam kung tama o mali pero ang mahalaga ay masaya siya nang walang nilalabag na batas.
MAINGAT na binuksan ni Jaidyleen ang pinto ng bahay nila. Hatinggabi na siya nakauwi sa Quezon City mula sa McKinley Hills sa Taguig. Pagod siya at tiyak na matatalakan siya ng nanay niya oras na malaman nito na hindi siya nag-overtime at inumaga ng uwi dahil sa pagliliwaliw.
Pero wala siyang pakialam. Masayang-masaya siya nang mga oras na iyon. Kahit pagod ay magaan ang pakiramdam niya. Di nawawala ang ngiti niya sa labi niya at parang walang kahit anong makakasira sa mood niya.
Pakanta-kanta pa siya habang hinuhubad ang sapatos niya sa sala nang lumabas mula sa kusina ang kapatid na si Rose na may hawak na kape.
"Hello!" nakangiti pa niyang bati dito. "Tulog na ang mga bata?"
Tumango ito. "Saan ka galing?"
"Anong saan ako galing?" tanong niya. "Overtime sa trabaho."
Lumabi ito. "Trabaho? Nakita kaya kita sa TV kanina. Nanood ka ng football."
Nanlaki ang mata niya. "Ano?"
"Si Tatay pa nga unang nakakita kasi siya ang nanonood ng game kanina."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Patay!" Sinong maloloko niya? Kabisado siya ng pamilya niya kahit ano pang itsura niya. Di matatapalan ng make up ang tunay niyang itsura.
Bumagsak ang panga nito habang pinagmamasdan siya. "Ibig sabihin ikaw talaga iyon?"
"Nayaya lang ako ng kasamahan ko. Gusto ko lang naman ma-experience. Anong sabi ni Nanay? Nagalit ba?"
"Hindi niya nakita. Saka di iyon maniniwala. Iniisip niya nasa trabaho ka lang at nagpapakaalipin," anito at umikot ang mga mata.
"Huwag mong sasabihin sa kanya. Tiyak na magagalit iyon," pakiusap niya dito.
Hinalo nito ang kape nito. "Ate, hindi ka na teenager. Matanda ka na. Oras na para maka-experience ka ng konting kaligayahan. Wala ka nang ginawa kundi asikasuhin kami at ang buong angkan ni Nanay. Tingnan mo nga. Nagniningning pa ang mata mo. Sinong nakita mo na player? Nakapagpa-picture ka ba?"
Ipinakita niya ang picture nila ni Angel matapos ang game. "Wow! Ang guwapo niya! Swerte mo naman."
"Libre lang naman ang game. Wala ako halos naintindihan kasi puro kay Angel lang ako nakatitig. Grabe! Sinabihan pa niya akong maganda."
Tumaas ang kilay nito. "Maniwala naman ako na sasabihan ka niyang maganda," diskumpiyadong sabi nito.
"Mukha ba akong nakikipaglokohan? Sinabi talaga niya ako. Pinasunod pa niya ako sa bar kung saan sila laging nagpupunta tapos inilibre pa niya ako ng dessert. Grabe! Nakakakilig talaga."
Hinawakan nito ang braso niya. "Isama mo naman ako next time, Ate."
"At iiwan mo kina Nanay mga anak mo? Umayos ka. Ako naman ang magpapakasaya."
Sumimangot ito. "Gusto mong solohin ang mga guwapo."
"Di naman. Si Angel lang ang gusto kong solohin. Basta sekreto natin 'to o hindi ka na makakautang sa akin," banta niya.
"Ito naman. Sige di ko na sasabihin kay Nanay. Para makapag-asawa ka na lang at malahian tayo ng Spanish," sabi nito. Alam niyang masaya para sa kanya si Rose.
"Sinong mag-aasawa?" tanong ng nanay niya na sumilip sa hagdan. Mukhang gumising ito para gumamit ng banyo.
Mariing nagdikit ang labi ni Rose para maiwasang makapagsalita. Mabilis namang gumana ang utak niya. "Si Nomer po ikakasal na sa ibang babae. Pumunta sa opisina kanina para ibigay ang imbitasyon," sabi niya at inilabas pa ang lukot na imbitasyon.
Pahaklit na kinuha ni Aling Mona ang imbitasyon mula sa kanya at binasa. Lalo pa nitong nilukot ang imbitasyon at ihinagis sa basurahan. "Huwag mong sabihing magmumukmok at iiyak-iyak ka diyan? Ay naku! Marami tayong bayarin."
"Nanay talaga mukhang bayarin. Hayaan ninyo si ate na makaramdam ng konti," kontra naman ni Rose dito.
Nakapamaywang itong binalingan ni Aling Mona. "Isa ka pa. May narating ba ang nararamdaman mo nang patulan si Owen? Wala. Inanakan ka lang."
"Masaya naman ako sa mga anak ko, Nay. At masaya kayo sa cute ninyong mga apo..."
"Heh! Sa huli sa amin ka rin tumakbo. Iyon ang punto ko." Muli siyang hinarap ni Aling Mona. "Jaidyleen, matalino ka. Inaasahan ko na mas nag-iisip ka."
"Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko ipagluluksa ang pagpapakasal ni Nomer sa iba. Masaya ako para sa kanya at masaya rin po ako sa buhay ko."
Mataman siya nitong pinagmasdan. Parang inaalam pa nito kung nagsasabi nga siya ng totoo o hindi. Sa huli ay tumango-tango ito. "Mabuti naman kung ganoon. Magpahinga ka na. Maaga ka pa bukas."
Pero hindi siya nakatulog agad. Di agad siya pinatulog ng alaala ni Angel. Hawak niya ang labi na humalik dito habang nakatitig sa kisame.
Magkita ulit tayo sa Martes.