Jahzara:
“Love was never part of the agreement so don't expect me to love you back, Jahzara.” Mariin, tiim at puno ng katotohanan na sabi niya sa akin nang makarating kami sa condo unit niya. Hindi ko paman naiibaba ang envelope kong hawak kung saan ang laman niyon ay ang marriage certificate namin. Ilang beses akong napakurap-kurap bago ko siya tingalain. Nakikita ko ang determinasyon sa mga mata niya. Halatadong seryoso nga siya sa mga sinabi niya. Agad akong napalunok ng unti-unti akong natupok sa matiim niyang tinginan.
“Huwag kang mag-alala Sir, dahil bago ako umapak sa hall of justice, may isang daang beses kong tinatak sa sarili ko na sa papel lang naman tayo magkakilala. At hindi rin ako umaasa na tapunan mo ako ng kahit katiting na pagmamahal galing sa'yo dahil hindi ako ang tipo mo.” Matapang kong pananagot sa kanya. Mata sa mata at harap-harapan. Kahit ang pakiramdam ko ay nasusunog na ako dahil sa masasakit niyang tinginan, hindi parin ako nagpatinag. Ayaw ko na makita niya ang pagiging mahina ko. Oo, aminado ako na disie-otso anyos palang ako pero hindi 'yon sukatan para maging mahina ako.
Ngumisi siya ng nakakaloko. Natatawa siya dahil sa sinabi ko pero binaliwala ko ang reaksyon niya. Hinubad niya ang wedding ring na suot. Pabalang niyang itinapon iyon sa mesita habang ang hitsura ay tila nasusuklam. Hindi niya maatim na makita na nakasuot iyon sa palasingsingan niya kaya marapat lang naman na tanggalin niya.
“Good to know that you're exactly aware of the mess you made. Dapat lang na isipin mo ang mga bagay na 'yon, Jahzara. You ruined my life because of this dāmn shotgun marriage!” Bahagyang tumaas ang boses niya dahilan para mapa-urong ako. Nakadalawang hakbang ako bago ulit siya nagsalita.
“Ang mahirap sainyo, porket mayaman at guwapo pinapatus niyo agad kahit ang kapalit ay puri at kahihiyan.” Naiiling niyang habol. Naiikom ko ang aking mga kamay dahil sa masakit na guhit na parang pumilas sa aking kalooban. Ang sakit ng sinabi niya!
“Sige lang, Sir. Insultuhin niyo ako hanggang sa matapos ang kontrata ng pinagkasunduan natin. Lubuslubusin niyo na hanggat maaga pa. Hindi ko rin naman kayo papatulan dahil tama kayo. Hindi ko didepensahan ang sarili ko dahil kasalanan ko. Alam ko ang pagkakamali ko at simula nang pumirma ako sa lesensya ng kasal natin tinatanggap ko narin ang kapalit na mga kabayaran ng pagwasak ko sa buhay niyo.” Buong tapang ko siyang sinagot. Hindi siya nakahuma pero nakita ko kung paano siya umismid na parang tuwang-tuwa pa.
“Aalis ako ngayon and don't expect me to come back early.” Walang kabuhay-buhay niyang paalam sa akin. Nang makita ko siyang gumalaw, hindi narin ako nagdalawang-isip kundi ang tumabi nalang para mabigyan siya ng sapat na madadaraanan. At ano pa nga ang in-expect ko? Na pagkatapos naming maikasal ay masaya kaming magsisiping sa iisang kama? Tapos magpapagulong-gulong kami habang masayang ginagawa ang karaniwang ginagawa ng mga bagong kasal? Imposible! Nakakatawa isipin na parte lamang iyon ng nakakatawa kong imahinasyon. At ang pagiging isang Mrs. Yang ko ay tanging sa papel lang 'yon mababasa at naka-imprinta. Sa madaling salita our marriage is a deal made in desperation.
Pagkaalis ni Sir Najee hindi agad ako nakakilos. Tahimik ko muna na pinagmasdan ang kabuuan ng kanyang condo unit. Ngayon ko lang na-realise na sobrang ganda pala ng loob nito pero hindi ko magawang mamangha. Pakiramdam ko kahit saan ako tumingin ay tanging plain na kulay lang ang nakikita ko. Para akong nasa isang parisukat na kahon at walang nakikita kundi ang apat na sulok ng kahon.
Kagabi lang ako nakarating dito sa condo unit niya. Asal tao naman ang pagdala at pagtanggap niya dito sa akin. Oo, may parte sa isipan ko na pilit sinasabi sa akin na hindi ko kailangan makipagmabutihan sa kanya. At hindi ko rin kailangan humingi ng atensyon niya dahil sa aming dalawa siya ang dehado. Aaminin ko na ako may kasalanan kung bakit nasa ganitong sitwasyon kami ngayon pero ano ba naman ang magagawa ko kung ang isang hampas lupa na kagaya ko ay walang ibang mahihingan ng tulong kundi ang mga taong nagbubudbod sa'min ng sustento para makakain sa araw-araw.
Hindi ko namalayan na nanunubig na pala ang mga mata ko. Hindi ko inaksaya pang mahintay na pumatak ang mga namumuong luha. Inampat ko ang sarili at saka tumingala. Kumurap-kurap ako ng dalawang beses bago napagpasyahang pumunta ng kusina para makapaghanap ng makakain. Siguro naman hindi niya ikakahirap kung kukuha ako ng isang pirasong tinapay para makain ngayong gabi.
Nang matapos ko ang ginagawa kong pagkain ng tinapay saka ko naisipang linisin ang ilang kalat sa kusina niya. Hindi parin ako nakapagpalit ng dress. Hindi sa nagugustuhan kong isuot iyon dahil kahit hubarin ko man ay wala parin naman akong maiisuot. Wala akong kagamit-gamit na dala kagabi kundi ang sinuot kong damit at pantalon na siyang nilabhan ko rin kanina pagkaligo. Hinihintay ko palang matuyo ang mga iyon bago ko ulit susuotin.
Matapos kong linisin ang kusina ay sinunod ko naman ang sala. Wala masyadong kalat. Inayos ko lang ang pagkakatayo ng mga sofa at mesita. Napadapo tuloy ang mga mata ko sa sing-sing na nakalapag sa mesita. Mapait akong ngumiti at agad rin na napa-iling. Kasabay ng ginawa ko sa ulo ko ay lumakbay ang mga mata ko sa suot kong wedding ring. Nanginginang ang pagka-gild nito. Plain lamang ito pero halatang mamahalin. Sigong-sigo ito sa daliri ko na animoy sinukat talaga.
Wala sa sariling hinubad ko ang sing-sing bago inilapag din sa mesita kung saan naron ang kapares nito. Bahala na kung ano ang isipin niya kapag nakita niya ang mga bagay na iyon. Props lang naman ang mga sing-sing na iyon para masabing kasal na kami. Walang halaga iyon sa katulad naming hindi naman talaga tunay na nag-iibigan. Parte lang 'yan ng kasunduan at hanggang doon lang 'yon. Sanhi 'yan ng hindi maganda at maayos na pagsasama namin ni Sir Najee.
Nang sa tingin ko ay malinis at walang kalat na ang sala saka ko niyaya ang sarili sa isang kuwarto kung saan ako natulog kagabi. Dalawa ang kuwarto sa unit na ito at ang kabilang silid ay si Sir Najee ang umuukupa. Masyado din malaki ang kuwarto na tinulugan ko pero sino ba naman ako para magreklamo pa. Mabuti nga at dito niya pa ako pinatulog at hindi sa labas kaya pasalamat nalang din ako. Pasasaan ba at matatapos din ang gulong ginawa ko.
Mapait akong napangiti matapos kong hubarin ang suot kong puting dress. Napakasimple lang ng pagkakayari nito pero alam kong mamahalin iyon. Hindi ko alam kung bakit kasukat din ito sa katawan ko at kung sino man ang bumili niyon ay talagang masasabi kong magaling ito na tumansya.
Ibinalik ko sa kahon na pinaglagyan nito. Bukas na bukas din ay ipapa-laundry ko iyon saka ulit itatabi. Gano'n din ang ginawa ko sa suot kong flat shoes. Itinabi ko rin sa kahon nito saka inilagay sa ilalim ng kabinet na nasa gilid lamang malapad na kama. Mabigat akong huminga ng malalim bago umupo sa dulo ng kama. Nakakalungkot isipin na mag-isa lang ako dito sa napakagandang condo. Nabibingi ako sa katahimikan. Nami-miss ko ang maingay at masayang bahay namin sa probinsya. Nami-miss ko ang nag-iisa kong bunsong kapatid. Nami-miss ko si Nanay at Tatay. At nami-miss ko rin ang mga kaibigan ko. Lahat sila ay pinapangulilaan ko ngayon.
“Dalawang taon lang naman ito, Jaz. Sikapin mo nalang pakisamahan ang isang tao na hindi ka matatanggap kahit kailan. Mabilis lang ang mga araw.” Pagpapanatag ko sa aking sarili habang sinusuot ang damit at pantalon. “Kaya ko'to! Alang-alang sa pamilya ko.” Dugtong ko pa bago inumpisahang ipikit ang aking mga mata. Mahaba-haba ang lalakbayin ko kaya kailangan ko muna ipahinga ang aking sarili.