NAUPO si Halina nang marinig ang pagbukas ng pintuan. Alam niyang ang Mommy niya iyon. Alangan namang mangahas si Goddy pumasok. Aba!
“Ang gwapo naman pala kasi ng crush mo, anak.”
Napaikot siya ng mata nang marinig ang sinabi nito.
“Mommy, hindi ko siya crush. Okay? Empleyado ko nga lang po siya, e.”
Ngumiti ang ina niya sa kanya. Kakaiba at nakakaloko kaya nainis na si Halina.
“Mommy naman!”
At tumawa naman si Ayeisha sa reaksyon ng anak. “Alam mo, anak? Parang ganyan na ganyan ako noon sa Daddy mo. Nakikita ko tuloy ang sarili ko sa ‘yo talaga. Kaya hindi kita masisi na ganyan ka sa crush mo.”
“God! Bata pa ho ako noon. At pinagsisihan ko nang naging crush ko siya. Pero ngayon po, hindi na. Kaya tumigil ka na po sa pang-aasar, Mommy.”
“Anong bata? College ka na, noon! Hindi lang simpleng crush ‘yon, anak. Love na. Kaya ‘wag nga ako. Hindi mo babaguhin ang sarili mo gaya ko kung wala lang siya sa ‘yo” Hindi man lang inalis nito ang ngiti. “Ito, huh, sa tingin ko, this time nahuhulog na siya sa ‘yo. What do you think? Tingnan mo, nandito siya! Binisita ka niya!”
“Haisst! ‘Wag mo po akong iparehas sa ‘yo. Hindi ko binuhusan ng asido ang sarili ko—”
“Hindi nga. Pero tingnan mo sarili mo, ang laki nang ipinagbago. Naging cold at distant ka. Magkaiba man ng paraan, pero may pinagbago sa ‘yo. At ang laki ng impact, ‘di ba? Aminin mo, anak.”
Matagal na natigilan si Halina. Totoo naman.
“Fine. Pero tigilan mo na nga po pang-aasar. Naka-move on na po ako, e.”
“Naka-move on na nga ba, anak? Eh, bakit parang ang bitter mo sa kanya?” Napalunok si Halina sa narinig. “Alam ko ang lahat ng pinaggagawa mo sa opisina. Hmm…”
“Kasi naman po si Kalei, e! Sinadya niyang ipalipat sa akin! Kaya naiinis ako. Saka ayaw ko na pong makita talaga siya.”
“Sabi ni Kalei, hindi siya ang nagpadala ka Goddy. Kaya tadhana ‘yon, anak.”
“Sus. Nagpapaniwala po kayo kay Kalei. Siya lang ang may kagagawan no’n. Tapos talagang in-entertain mo pa po dito sa condo ko.” Umiling-iling pa siya habang sinasabi.
“Eh, mukhang sincere siya sa pagdalaw sa ‘yo kasi. Saka gusto ko lang makilala ang lalaking nagpabago sa ‘yo.” Sa pagkakataong ito, may lungkot siyang nabasa sa mga mata ng ina, pero pinasigla din nito agad. “Mukhang mabait at maalalahanin naman pala.”
Kinuha niya ang unan at pinatong sa hita.
“Siyempre, boss niya po ako. Saka naulanan ako habang nasa labas nila kaya nakonsensya lang po ‘yon.”
“Parang hindi naman dahil empleyado mo siya. Nakita ko kung paano ka niya tingnan kanina habang kumakain tayo. Kaya sa tingin ko, hindi lang dahil doon.”
“Hay, naku, Mommy. ‘Wag po kayong magpaka-cupid. Hindi po bagay sa inyo. Okay po?”
Natawa na lang ang Mommy niya. “Hindi ba?”
“Opo.”
“O, ano. Ihatid mo na siya sa labas. Magpapaalam pa raw sa ‘yo, e.”
“Eh, ‘di sabihin niyo pong nagpapahinga na ako.”
“Bisita mo tapos ako ang nag-istima? Hindi naman yata tama ‘yon.”
Napataas siya ng kilay. “Sa pagkakatanda ko po, kayo nagpapapasok. Saka nakaya niya ngang pumunta rito, tapos hindi niya kayang umuwi mag-isa?”
“O sige, ako ang maghahatid sa ex mo sa labas. Tapos sabihin ko na salamat at kita na lang kayo sa opisina? Ah, kakilig na marinig. Right, anak?”
“Mommy naman! Hindi ko siya ex! At ang tanda mo na po para mag-isip ng mga ganyang kilig-kilig na ‘yan!”
“Halina, hindi tumatanda ang pag-ibig. Parang kami ng Daddy mo. Kaya kilig na kilig pa rin sa isa’t-isa.”
Napangiwi si Halina sa narinig. “Palibhasa po kasi ikaw itong habol nang habol kay Daddy noon.”
“I admit. Pero ngayon, ang Daddy mo na ang humahabol sa akin, a.” Sinundan nito nang ngiti.
“Uwi ka na po kaya?” aniya, dahil kakaiba na ang ngiti nito. Parang bumalik lang sa teenager? Dati, masaya siyang marinig ang istorya ng lovelife ng ina. Ngayon? OA para sa kanya. Kahit nga ‘yong mga nakikita niya sa kalsada naalibadbaran siya.
Alam na niya ang history ng magulang. Worth it ang sakripisyo ng Mommy niya dahil nagtagumpay itong makuha ang Daddy niya. Actually, ang Mommy niya ang inspirasyon niya nang i-pursue niya si Goddy noon. Pero hindi pala lahat sinuswerte. Siya, minalas. Nasaktan. Umiyak. Kaya heto, bitter.
“Fine, uwi na ako. Ikaw na ang bahala sa bisita mo.” Sabay tayo ng ina.
“Mom! Isama niyo na po siya pagbaba! Please?”
Saglit na tiningnan siya ng ina. “You know what, Halina? Obvious ka talaga na in love ka pa rin sa kanya.”
“Hindi ba pwedeng iniiwasan siya?”
“Bakit nga kasi ayaw mong maging civil na lang sa kanya kung wala kang nararamdaman?”
“Dahil hindi po ako plastic. Alam niyang ayaw ko siyang kasama kaya ‘wag po kayong mag-alala sa nararamdaman niya. Isama niyo na po siya.” Nahiga siya sabay talukbong. “Night, Mom!”
Kita niya ang pag-iling ng ina nang sumilip siya. Wala itong nagawa kung hindi ang lumabas na lang. Pero bago nito sinara ay nagbilin itong uminom ng gamot mamaya para gumaling na raw siya.
Para makapagpahinga ay hindi talaga siya pumasok kinabukasan. Pumasok siya nang sumunod na araw na.
As usual, sinalubong siya ni Fanny sa baba. Hindi pa man sila nakakapasok sa elevator nang magsalita ito.
“Ma’am, pinapatanong po nila kung matutuloy daw po ang monthly dinner sa Friday.”
“Hindi na ako kailangang tanungin tungkol dito, Fanny.”
“Ang ibig ko pong sabihin kung sasama po kayo.”
Tumingin siya rito. “Bakit ba kailangang tanungin ako kung pupunta ako?”
Lumunok si Fanny. “N-ngayon lang daw po kasi kayo hindi um-attend.”
“Seriously, napansin niyo pa ‘yon.”
“Opo. Usap-usapan na nga po na baka nga dahil kay Mr. Vásquez kaya po hindi kayo um-attend last month.”
Right. Nagmumukha tuloy siyang si maka-move on. Sinabi na nga rin ito ng Mommy niya.
Simula nang siya ang tumayong CEO ng kumpanya, binago niya iyon. Dati, company dinner kapag may bago, pero ngayon, monthly na. At sumasaglit talaga siya. After niyang kumain, alis na siya. Saka nakikinig lang siya sa mga ito.
“May lakad ako noon, ‘di ba? Anong gagawin ko, hahatiin ko ang katawan ko?”
Kumamot si Fanny sa batok nito.
“Pero ngayon, wala akong lakad kaya makakadaan ako.”
Sumilay ang magandang ngiti sa labi ng secretary. “Sige ho, sasabihin ko sa kanila.”
Kailangan niyang um-attend para mapatunayan sa mga ito na wala lang sa kanya si Goddy. Damn!
“Anyway, anong oras nga pala ang meeting ko with the client?” pag-iba niya ng topic.
“Afternoon pa po.” Tumango siya rito
Hindi na siya sumagot rito. At least, nabago niya ang topic. Kasi naman mukhang alam na ng lahat. Sana lang hindi nagkukwento itong si Goddy sa mga kasamahan nito.
Kakalabas lang niya sa elevator nang matanaw si Goddy na papasok sa department nila. Pagdating doon ay nakita niyang kausap nito si Irma. Pero dahil tinuro sila ni Fanny ay bumaling ito sa kanila.
“Good morning po, Ma’am,” magkasabay na bati ng dalawa.
“Kay kailangan ka, Mr. Vásquez?” tanong ni Fanny rito nang makalapit sila sa pintuan ng opisina niya kung saan nag-uusap ang mga ito.
Tumingin sa kanya si Goddy. “Um, meron po. Kay Ma’am sana.”
“Ma’am—”
“Come in,” putol niya sa sasabihin ni Fanny.
Sumunod si Goddy sa kanila ni Fanny. Lumabas din naman agad ang sekretarya.
“Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, Mr. Vásquez.” Hindi siya nakatingin dito. Inaabala niya ang sarili sa pagtingin ng mga sinend na designs sa email niya.
Wala siyang narinig na salita mula kay Goddy. Pero may pinatong ito sa mesa niya na maliit na ziplock container.
“What’s that?”
“Soup po. Mainit pa ‘yan, ma’am. Maganda po ‘yan sa recovery niyo po.”
Matagal siyang natigilan sa inilagay nito.
Dinalhan siya nito? Ito ba ang nagluto? Pero bakit?
Sa tagal na pag-iisip, hindi niya namalayan ang pag-alis nito, namalayan na lang niya nasa pintuan na ito, papalabas. At doon naman napako ang tingin niya dahil sa tunog ng pintuan.
Na-curious siya kaya inabot niya iyon at tiningnan. Bumungad sa kanya ang squash soup. Pero hindi lang kalabasa iyon, meron pa. Mukhang may hinalo itong iba pang gulay. Dahil mas marami ang kalabasa ay kulay dilaw ang lamang na kulay. May green, orange din siyang nakita. Ginamitan yata nito ng food processor kaya pinong-pino.
Napapikit siya para langhapin iyon. Ang bango kaya naman lunok ang sunod niyang ginawa.
Tinabi niya iyon sa gilid niya para balewalain nang maalalang galing iyon kay Goddy.
Bakit ba kasi kailangang bigyan siya?
Sabi niya hindi niya kakainin. Pero ang aroma nito ay pumuno na sa opisina niya. May takip na pero parang nakadikit na sa kahit na anong parte ng opisina niya. O baka sa ilong niya nakadikit?
Dahil mas lamang sa kanya na hindi niya ito pwedeng kainin. Tumayo siya at binitbit iyon palabas. Pero hindi niya akalaing nandoon pa si Goddy at may dini-discuss kay Fanny. Hindi niya tuloy malaman sa sarili kung babalik o hindi.
Nagbaba nang tingin si Goddy sa kamay niyang may hawak na container.
Dahil nakita na Goddy, humakbang siya palapit.
“Sa ‘yo na lang, Fanny, busog pa kasi ako. Kainin mo na habang mainit.” Ngumiti siya saka tumalikod sa mga ito. Hindi na niya nakita ang pagseryoso ng mukha ni Goddy.