New York
BEATRICE
NAKAUPO SIYA SA isang antique na upuan habang tanaw niya ang nagkukulay kahel na kalangitan. Lumipas na ang isang linggo hanggang sa matanggap niya nang tuluyan ang lahat ng pangyayari sa kanyang buhay. Pero kahit na puro sakit ang kanyang nararanasan ay meron pa ring magandang nangyari sa buhay niya. Masaya siyang natagpuan na niya ang kanyang tunay na pamilya. Nakatutuwa dahil napakaluwag ng pagtanggap ng pamilya ng lolo niya na pamilya na rin niya.
Napahinga siya nang malalim nang maisip ang dati niyang pamilya. Ang daddy at mommy niya, pati na rin si Xander. Gusto niyang makita ang mga ito bago man lang siya umalis. Gusto niyang magpaalam sa mga ito dahil alam niyang nag-aalala na rin ang mga ito.
“Apo!” Mula sa pagtingin sa kalangitan ay napalingon siya sa Lolo Miguel niya na nakabihis na. Tumayo siya para alalayan ito dahil minsan ay sinusumpong na ito ng rayuma. “Handa ka na ba?” tanong nito. Humawak siya sa braso nito at niyakap habang nakatingin sila sa malawak na lupain ng mansyon.
Ngumiti siya rito at tumango. “Handa na po, ’Lo.”
“Kung gano’n ay halika na. Baka mahuli tayo sa flight.” Tumango siya at inalalayan ito papunta sa sasakyang maghahatid sa kanila.
LULAN NA SILA ng sasakyan habang nakatanaw siya sa mga nadaraanan nila. Tanging mga puno at bangin lamang ang kanyang nakikita. Nagulat nga siya nang malaman niyang magkalapit lang pala ang bayan ng lolo niya mula sa lugar ng mommy niya. Kaya hindi siya mapakali dahil tanaw niya ang kabilang intersection na siyang daan patungo sa mansyon. Gusto sana niyang masilayan man lang ang pamilyang kumupkop sa kanya kahit sandali.
“Apo, may problema ba?” pukaw sa kanya ng lolo niya. Tila napansin nito ang kanyang pagkabalisa. Napabuga siya ng hangin at tumingin sa matanda na katabi niya lamang sa backseat.
“’Lo, gusto ko po munang masilayan ang mga taong nag-ampon sa akin. Gusto ko po silang makita bago ako umalis,” hiling niya rito. Ngumiti ito at tinapik ang kanyang kamay na nasa kandungan niya.
“No problem, Apo,” sabi nito bago binalingan ang driver nila. “Ambo, paki liko nga ang sasakyan sa kanan. May dadaanan lang kami d’yan sa lupain ng mga Ford.”
NAE-EXCITE SIYA DAHIL natatanaw na niya ang mansyon. Malaki ito kaya kahit sa malayo pa lang ay matatanaw mo ito. Na-miss niya bigla ang mansyon dahil sa tagal na nilagi niya ay kabisado na niya ang kasuluk-sulukan nito. Bagong pintura ito na kinulayan ng puti at pinatungan ng parang gintong pintura kaya lalong nabunyag ang ganda nito.
Huminto ang sasakyan nila sa medyo malayong distansya mula mansyon. Pero tanaw pa rin niya mula sa pwesto ang loob ng mansyon. Nakita niya ang ilang kasambahay na nagsisilong ng nilabhan. Nakita niya rin ang ilang gwardya na nakamatyag sa buong paligid.
Nakita niyang lumabas ang isang elegante, maganda, maputi, at mahinhing babae—ang kanyang ina. Napaluha siya habang nakatingin dito na patungo sa favorite spot nito, sa garden. May kasunod itong kasambahay na may bitbit na tsaa. Kabisado na niya ang mommy niya. Lagi itong umiinom ng tsaa tuwing hapon. Nakita niya ang pagtawa nito habang kausap si Manang Cita, ang isa sa mga pinakamatagal ng kasambahay ng mga Ford. Masaya na siyang makitang tumatawa ito dahil baka kapag nagpakita siya ay baka magbago ang isip niyang umalis. Ngayon pa nga lang ay kating-kati na siyang lapitan ito at mahagkan, pero pinigilan niya ang sarili. Napabaling ang kanyang tingin sa dalawang kotse na parating. Kilala niya kung sino ang sakay ng mga ito: ang Montero na itim ay ang daddy niya, kasunod noon ang Mercedez na dilaw na pagmamay-ari ni Xander. Huminto ang mga ito habang hinihintay ang pagbukas ng gate.
“Apo, hindi ka ba lalapit sa kanila?” pukaw sa kanya ng Lolo Miguel niya. Umiling siya habang lumuluhang nakatanaw sa mga ito.
“Sapat na po ang pagtanaw ko sa kanila mula sa malayo, Lolo. Dahil kapag nagpakita ako sa kanila, baka hindi na po ako makaalis. Kahit na gustong-gusto ko silang hagkan ay pinipigilan ko ang aking sarili,” nakangiti niyang sabi pero bakas sa kanyang mukha ang pangungulila.
“Kung ’yan ang gusto mo, ikaw ang bahala. Pero kailangan na nating umalis, Apo. Baka tayo ay maiwan pa ng eroplano.” Tumango siya rito at kinapa ang bag. Binuksan niya iyon at may kinuha sa loob. Kinuha niya ang isang sobreng naglalaman ng kanyang mensahe sa mga ito. Napatingin siya sa lolo niyang nakangiti sa kanya. Tumango ito at binalingan si Mang Ambo.
“Ambo, bumaba ka nga at lumapit sa gwardya. Ipaabot mo ang sulat ng ma’am mo sa amo nito,” suyo nito kay Mang Ambo. Tumango ito kaya inabot niya ang sulat. Bumaba na ito at lumapit sa gate ng mansyon. Habang nakikipag-usap si Mang Ambo ay tumingin siya sa kinaroroon ng mommy niya. Kausap na nito ang daddy niya na humalik muna sa noo nito bago naupo sa tabi ng ginang. Ang Kuya Xander naman niya ay naupo rin. Nag-uusap ang mga ito nang iabot ng gwardya ang kanyang sulat. Sumakay na rin si Mang Ambo kaya bumaling siya sa lolo niyang nakatanaw rin pala sa dati niyang pamilya.
“Halika na po, Lolo. Masaya na po ako at natanggap nila ang sulat ko,” sabi niya rito.
Tumango ito at sinabihan si Mang Ambo na paandarin na ang sasakyan paalis.
“Paalam po muna sa inyo. Pangako po kapag okay na ang lahat ay babalik po ako,” ani niya sa isip habang nakatingin sa mga ito na binabasa na ang kanyang sulat. Napasandal siya sa upuan nang mawala na sa paningin niya ang mga ito.
Napahawak siya sa tiyan at hinaplos ito. Naalala niya si Dimitri. Kahit na may galit siya rito ay hindi maitatangging may feelings pa rin siya rito. Iniisip niya kung kamusta na kaya ito. Himala nga at hindi man lang siya nito hinanap. Dati, kahit saan siya magtago ay alam na alam nito kung saan siya mahahanap. Pero ngayon ay tila sumuko na ito. Siguro ay sumama ito sa babaeng kalampungan nito. Siguro mas nag-e-enjoy itong kasama ang babaeng iyon. May pa-I love you- I love you pa ito sa kanya. May pa akin-akin pa ito. Iyon pala ay wala rin pala itong isang salita.
Napabuga siya ng hangin dahil bigla siyang nainis. Kapag iniisip niya ito ay nagbabago na lang bigla ang mood niya.
“Are you okay, Apo?” Napatingin siya sa lolo niya at ngumiti para sabihing okay lang siya. Hindi niya alam na napansin pala nito ang reaksyon niya.
“Yes, Lolo. Huwag n’yo po akong pansinin.”
“Okay. Akala ko ay may dinaramdam ka. Halos lamutakin mo na kasi ang bag mo,” puna nito. Napatingin siya sa bag na nasa kandungan niya. Halos pisain na pala niya ito nang hindi niya namamalayan. Natawa siya na parang tanga at inayos ang bag sa kandungan.
“Wala po ito. Masyado po kasing masarap hawakan kaya napisil ko,” palusot niyang sabi rito. Tumango naman ito na tila naniniwala sa palusot niya. Lihim siyang nakahinga nang maluwag.
Time Square, New York City
NILIBOT NIYA ANG tingin sa kinuhang condo unit ng kanyang lolo. Maganda, maaliwalas, malaki, at sa unang tingin pa lang ay halata mong mamahalin na ito. Alam niya na isang exclusive unit ito na tanging mga bigating personalidad lamang ang kayang makakuha. Nang malaman niya iyon sa kanyang lolo ay ibig niyang magreklamo dahil para siyang malulula nang malaman niya ang presyo ng isang unit dito. Pero hindi na siya nakaangal pa dahil nakapirma at nabili na pala iyon ng lolo niya bago pa sila dumating.
“Nagustuhan mo ba, Apo?” tanong ng lolo niyang nakaupo sa couch habang nakangiting nakamasid sa kanya.
Bumaling siya rito matapos niyang magtingin-tingin sa harap ng malaking glass wall, na kung saan ay makikita mo ang buong lawak ng Time Square. Matataas ang mga building habang kita niya rin ang malayong karagatang akala mo ay kay lapit lang mula sa pwestong kinatatayuan ng unit niya, pero sinisiguro niyang malayo pa iyon kung pupuntahan.
“Lolo, masyado pong mahal at malaki ito para tirhan lamang ng isa o dalawang tao. Baka po maubos ang pera n’yo, sige kayo,” sabi niya rito na kinahalakhak nito.
“Apo, kahit magkano pa ’yan ay wala lamang ’yon sa akin. Gusto ko lamang na makasigurong maayos ang titirhan mo para hindi ako mag-aalala kapag bumalik na ako sa Pilipinas. Saka, huwag kang mag-alala, may kinuha akong makakatulong mo rito para naman kung sakaling gusto mong maglibot o ano mang gusto mong gawin ay may maiiwan na magbantay at maglinis na rin ng buong unit na ito,” wika nito. Babalik din kasi agad ito sa Pilipinas dahil may hawak pa rin itong negosyo na kailangang bantayan.
Lumapit siya rito habang nakangiti. “Kayo talaga, Lolo. Masyado n’yo akong ini-spoiled. Baka masanay ako niyan?” sabi niya at tumungo sa likod ng couch para mayakap ito mula sa likuran. Mahinang tinapik-tapik nito ang kamay niyang nasa leeg nito.
“Hayaan mo na ako, Apo. Alam mo namanng ngayon lamang ako babawi sa ’yo. Gusto kong ibigay ang nararapat sa ’yo. Gusto ko na kung sakali mang mawala ako ay nagawa ko man lang na bumawi at magpaka-lolo sa ’yo,” mahinahon nitong sabi. Umalis siya sa pagkakayakap dahil sa sinabi nito.
“Lolo, huwag n’yo pong sabihin ’yan. Huwag n’yo na pong uling banggiting iiwan n’yo ako. Ngayon pa nga lang po tayo nagkasama tapos sasabihin n’yo po ang ganyang bagay,” sermon niya rito sa tonong naiinis.
“Apo, alam mo namang ang katulad kong matanda na ay karaniwan nang kinukuha. Kaya ko sinasabi ito para kahit wala na ako ay maalala mo ang aking bilin at payo. Gusto kong maging maayos ka kung sakali mang dumating na ang oras na ’yon. Pero huwag kang mag-alala, malakas pa kaya itong lolo mo.” Tumingin siya rito na tinaas pa talaga ang braso na akala mo ay may muscle. Napangiti siya dahil may tinatago rin pala itong kalokohan.
“Kayo talaga, puro kayo biro, Lolo.” Napaiiling at napapangiti niyang sabi. Nanlaki pa ang mga mata niya nang makita niya itong ngumuso. Jusko. Isip bata rin yata itong lolo niya. “Oo na po, alam ko na pong malakas kayo. At para masigurong maging malakas pa kayo ay ipagluluto ko kayo ng gulay.” Lihim siyang natawa nang pumait ang itsura nito. Naikwento rin kasi ng Tita Olive niya na hate na hate nito ang gulay.
“Sandali, Apo. Ayoko—” Bago pa ito makapagprotesta ay inangat na niya ang kamay para pigilan ito.
“Hep! Hep! Whether you like it or not, kakain kayo ng gulay,” mariin niyang sabi rito habang nakataas ang kilay niya. Ambang aapila pa ito nang unahan niya agad. “No more buts, Lolo.” Tumalikod na siya para maghanda ng kakainin nila. Hindi pa kasi sila kumakain magmula nang dumating sila sa New York.
Pagdating niya sa kusina ay napahinto siya nang may mapagtanto. Napatampal siya ng noo nang malamang hindi nga pala siya marunong magluto. Nabuga siya ng hangin at paulit-ulit na sinabihan ang sarili ng tanga. Ano ba ’yan! Nagprisinta-prinsinta pa siya, hindi nga pala siya marunong magluto.
Pero wala na siyang magagawa, nandoon na, e. Kailangan lang niya ng cook book para may guidelines siya. Nilibot niya ang tingin sa buong kitchen. Napangiti naman siya dahil tila pinaghandaan talaga ng lolo niya ang lahat, dahil kompleto ang appliances. Meron na ring mga grocery. Lumapit pa siya sa refrigerator at bumungad sa kanya ang refrigerator na punong-puno ng stock. Napailing siya dahil masyadong boy scout ang lolo niya.
Sinara niya ang ref at naghanap ng cook book. Napadako ang tingin niya sa isang stand kung saan maraming cooking recipe. Lumapit siya at kumuha ng isa. Isang American food iyon kaya binalik niya iyon sa stand. Ang hinahanap niya kasi ay Filipino recipe, kaso ay nahirapan pa siya dahil halos foreign recipe ang nandoon. Hanggang sa may nakita na rin siya sa wakas. Napangiti siya nang malawak.
“Finally, I found you! Grabe, pa-hard to get ka pang libro ka! Gusto mong nasa huli para talagang pahirapan ako, ha?” parang tanga niyang kausap sa libro. “Pwes! Halika rito, magtutuos tayo,” mariin niyang sabi at nilapag ito sa kitchen counter. Binuklat niya ang bawat page para maghanap ng pwedeng gulay na madali at sandali lang lutuin.
Nag-twinkle ang mga mata niya nang makahanap siya. “Perfect! Madali lang siya. Ginisang repolyo with shrimp.” Nilapag niya ang libro at tiningnan ang ingredients. Tinungo niya ang ref at kinuha ang bawat sangkap na nakalagay roon. Nang makumpleto ay kumuha siya ng apron, pagkatapos ay kinuha niya ang chopstick na naka-display sa table. Pinulupot niya iyon sa buhok niya bilang panali. Hinugasan niya ang gulay at kumuha ng sangkalan. Sinunod niya ang intructions kung paano hiwain ang mga iyon.
Matagal bago niya natapos ang paghihiwa. Napangiti siya dahil kahit papaano ay nakuha niya ang tamang hiwa. Iniwan muna niya ito at naisipang magsaing muna ng kanin. Naku! Tanging pagsasaing lang ang maipagmamalaki niya dahil sa awa ng Diyos ay marunong siyang lutuin iyon. Tinuruan siya ng mommy niya noon kung paano magsaing kaya proud siya.
Nang maisalang sa rice cooker ang bigas na isasaing ay bumaling uli siya sa lulutuing ulam. Binuhay niya ang electric stove at naglagay ng kawali. Kinuha niya ang mantika at naglagay ng sakto lang para sa lulutuin niya. Sinunod niya ang procedures ng libro. Naggisa siya ng bawang at iba pang sangkap, pati ng hipon. At ilang minuto lang ay nilagay na niya ang gulay at sapat na tubig. Tinakpan na niya ito para pakuluin. Napatingin siya sa rice cooker nang mapansin tila luto na ang kanin. Hinugot niya ang saksak at bumaling sa nilulutong gulay. Tinikman niya ang pinaka-sauce nito at halos mapatili siya sa tuwa nang ma-perfect niya iyon. Pinatay na niya ang stove at kumuha siya ng lalagyan para maghain na. Maging ang plato at kubyertos na gagamitin ay hinanda na niya.
Nang maihanda na niya ang lahat ay lumabas na siya ng kusina upang puntahan ang lolo niya. Ngayon niya lang napansing tahimik ito. Pagkalapit niya sa sofa ay nakita niya itong nakahiga sa sofa at tila nakatulog na.
Lumapit siya rito at lumuhod sa harap nito. Mukhang pagod ito kaya nakatulog agad. Nakangiti niyang niyakap ang matanda.
“I love you, Lolo.”
Copyrights 2016 © MinieMendz
Book Version 2019