CHAPTER 2.
#Creepy
“Wala ka bang napapansin dito sa campus?” maya-maya ay tanong sa akin nito na naging dahilan upang kumunot ang aking noo.
“Wala naman, what do you mean?”
“Dati itong hospital na naging sementeryo tapos naging simbahan naman.” makapanindig balahibo na tugon niya sa akin, “At ngayon nga ay isa na itong private school at tinawag ito na Saint Therese Simion College dahil pangalan ito ng nakatayo dati ditong simbahan.”
“Ang dami na rin palang pinagdaanan nito,” komento ko na iginala sa paligid ang mga mata, “Wala naman akong napapansin ditong kakaiba bukod sa matanda na ang itsura.”
“That's it, patanda nang patanda ang itsura ng lugar na ito kaya naman bahagyang kinatatakutan.”
“Hindi naman nakakatakot,” pakli ko sa kanya.
Nagkibit-balikat ito at hindi pinansin ang mga sinabi ko. Hindi yata ito kumbinsido sa akin.
“Saan tayo sunod na pupunta?” sa halip ay tanong niya sa akin, “Gusto mong umikot pa?”
“Sige,” pagpayag ko sa suhestiyon niya.
Habang ang iba naming mga kasama ay abala pa sa kanilang kinakain ay pumuslit na kami. Dumaan kami sa photobooth kung saan ay maraming nagpapakuha ng mga litrato.
Sa totoo lang ay hindi ko pa gaano kakilala si Harvey pero ang saya niyang kasama, ang gaan sa pakiramdam. Sinulyapan ko ang aming mga kasama upang tingnan kung tapos na sila. Nais ko silang makasama sa larawan. Habang ginagawa iyon ay napansin ko ang matamang paninitig sa akin ni Maddie. Si Maddie ay tahimik naming kaklase at seryoso rin siyang babae. Nakakatakot siyang kausapin lalo na kung iyon lamang itong bibiruin. Akala ko nga noong una ko siyang makita ay tomboy siya kasi parang lalake lang ito kung kumilos.
“Let's go!” sa huli ay sigaw ko sa kanila na agad namang nagtayuan sa puwesto nila.
Napansin ko ang pag-iwas ng tingin ni Maddie sa akin nang balingan ko siyang muli. Nagkibit nalang ako ng balikat dahil baka guni-guni lang ito. Nagpatuloy pa kami sa paglilibot sa campus, hanggang sa kung saan-saan pa kami napadpad nga aking mga kasama. Ang ibang mga section ay may mga pa-games sa kanila. Hindi tuloy namin maiwasang hindi manood sa kanila. Habang nandoon ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang bulas ng katawan ng isang lalake, matangkad ito. Nakasuot ng faded black jeans, korean style cardigan at puting damit sa panloob. Nanonood lang din siya habang seryoso ang kanyang mukha. Sa tabas ng kanyang mukha ay halatang hindi niya gusto ang kanyang pinapanood. Nakasandal siya patayo sa kaibigan niyang nasa tabi nito.
Kaagad na napaiwas ako ng tingin sa kanya nang masulyapan niya ako. Napansin ko na sa karamihan ng mga kaklase niya ay mga gwapo, kaya pala maraming babae dito na panay ang tili at cheer sa kani-kanilang mga iniidolo. Section A ang aming napuntahan kaya halos lahat ng lalakeng matatalino at guwapo ay dito napunta. Lahat talaga ng mga hearthrob sa campus na ito nasa Section A bihira ka lang na makakita ng sobrang gwapo sa ibang section.
“Banyo lang ako,” paalam ko ilang minuto pa.
“Sige, balik ka kaagad Irene.”
“Dito ko kayo babalikan, huwag kayong aalis.”
“Oo, hihintayin ka namin dito.”
Pagkatapos ngumiti sa kanila ay tumalikod na ako. Binagtas ko ang daan patungong banyo hanggang sa makarating ako sa hallway nito. Saglit akong natigilan nang mayroon akong marinig na nagsasagutan na lalake at babae.
“Love, hindi ko girlfriend si Andrea,” paliwanag dito ng lalake, “Maniwala ka naman sa akin.”
“Sinungaling ka, Justine!” malakas na sigaw ng babae na halos maiyak na. “May nakapagsabi sa akin! Huwag mo akong gawing tanga!”
“Sige, mas paniwalaan mo siya!” ganting sigaw dito ng lalake, “Diyan ka naman magaling ang maniwala sa mga basta na lang sabi-sabi.”
Dala ng kuryusidad sa kung sino ang mga iyon ay sumilip ako sa kinaroroonan nila, pamilyar sa akin ang mukha ng lalake na tila nakita na. At isa pa ang babaeng kausap niya ngayon ay mukhang hindi ang kasama niya noong nakita ko itong lalake noong nakaraan. Tama siya ng hinala, sinungaling nga ang lalakeng iyon. Noong nakita ko siyang naglalakad ay ibang babae ang kasama niya at bago pa sila maghiwalay ng daan ay naghalikan muna sila.
“Pambihira,” bulong kong umiling-iling dito.
Imbis na makisali ako sa gulo nila ay hindi ko na lang ito pinansin at nagpatuloy na ako sa aking pakay, pumasok na ako sa loob ng banyo. Pagkatapos kong gumamit ng banyo ay binalikan ko na sila Maddie na hanggang ngayon pinapanood pa rin ang laro ng section.
”Tara sa basement!” narinig ko ang lalake na niyaya ang mga kaibigan niya kasama si Justine, “Ano, sasama ba kayo?”
Noong una ay hindi sila payag pero hindi nagtagal ay pumayag na rin ang mga ito dito.
“Sige, tara!” koro na nilang wika.
Tatlo silang umalis, muling ibinalik ko ang aking atensyon sa larong pinapanood. Nang mapatingin ako sa lalakeng nakita ko kanina ay napansin kong nakatingin na rin siya sa akin. Nag-iba ang direksyon ng kanyang mga mata nang magtama ang paningin naming dalawa.
”Bakit siya tumitingin tapos iiwas?” bulong ko sa aking sarili na agad ikinalingon ng kasama.
Makaraan pa ang ilang oras na paglalaro ay natapos na rin sila. Tumungo naman kami sa isang booth kung saan ay may nakalagay na board at kukuha ka ng papel at sasabihin mo ang lahat ng mga hinanakit mo sa buhay. Mga gusto mong sabihin sa girlfriend o boyfriend mo, pwede namang qoutes or about sa mga crush mo na hindi mo kayang ipaalam dito.
“Susulat ba tayo?” tanong namin sa bawat isa na nasundan nang malakas na tawanan, “Sulat na tayo, gusto kong magsulat,” dagdag ko pa.
“Oo na, halika na,” saad ng isang kasama namin.
Nauna sa amin si Maddie na actually ay kanina pa pala siya nanggaling doon at sinalubong lang niya kami. Nang lumapit ako sa board ay hindi ko alam kung ano ang isinulat ni Maddie dahil wala namang nakalagay na pangalan iyon. Ang ibang nakasulat ay mga tungkol sa crush nila, ang iba naman ay sa mga gusto nilang maging sa hinaharap. Maliit ako doong mapangiti, alam kong kaya nilang kunin iyon.
Natigilan ako sa aking gagawing pagsulat ng may nabasa akong nakasulat at nakalagay sa papel doon na mga salitang, 'Goodbye Justine,'
Siguro ay girlfriend niya ang sumulat noon, o kaya ay naghiwalay talaga sila kanina. Mas lalo akong nagulat sa katabing sulat nito ay ang R.I.P hindi ko alam kung sinadya ba talagang ipatong sa itaas ng pangalan ni Justine o baka doon lang talaga niya nailagay.
“Eh, bakit naman R.I.P ang isusulat niya?” wala sa sariling tanong ko sa aking sarili.
“Ano ang isinulat mo?” tanong sa akin ni Harvey kapagdaka.
“Wala, hindi naman ako nagsulat,” tugon ko na may malalim pa rin na iniisip mula pa kanina.
”Ang O.A.” Natigilan ako sa sinabi ni Maddie ng muli niyang idinikit ang sinulat niya sa board.
“Sige na maglagay ka rin diyan tingnan mo ang akin oh, nilagay ko pa talaga ang pangalan ko para hindi na mahirapan si crush na hanapin ako,” natatawa nang singit ni Cherry Lou.
May isa pa akong nabasang sulat doon at sigurado ako na galing na iyon kay Justine. Ang lalakeng may kasagutang kasintahan.
‘Promise Love, I will do my best to prove to you na wala naman talaga kaming relasyon ni Andrea, hindi na ako nagsisinungaling sa'yo.’
Nagkibit-balikat ako at sa huli ay nagdesisyon na magsulat ako ng simpleng qoutes at idinikit na iyon doon sa blackboard. Si Glenn at Harvey ay nagdikit din at qoutes din ang inilagay nila hindi ko lang alam kung anong klaseng qoutes iyon. Pagkatapos namin sa isang booth ay may basketball championship naman sa gym kung saan gusto kami pumasok. Nauna silang lahat at nahuli ako nang tumawag sa akin si Mom. Tinatanong kung ipapasundo pa ba nila ako.
“No Mom, I can manage to go home,” sagot ko dito.
“Anak, sure ka ba diyan?”
“Opo, may taxi pong pwedeng tawagan.”
Ilang pilit ko pa at pinayagan na rin niya ako. Pagkatapos ng tawag ay akmang papasok na ako sa entrance nang may pumigil sa akin na parang yelo ang lamig ng gamit niyang palad.
“Kunin mo ang pangalan mo sa Open Forum Booth,” sambit niya nang walang emosyon, “Kunin mo iyon doon ngayundin kung ayaw mong ikaw ay mapahamak.”
“Ha? Bakit?” kunot ang noo kong tanong dito.
“Basta, dapat bago sumapit ang gabi ay kailangang nakuha mo na iyon doon.” dugtong pa nito bago siya tuluyang umalis.
Naiwan ako doong tulala at naguguluhan habang nakatingin sa papalayong likuran.
Ano ba ang sinasabi niya ibig ipahiwatig?
Kilala niya ba ako?
Kanina kung makatingin siya ay para bang gusto niya akong kainin ng buhay. Ngayon naman pinapakuha niya ang isinulat ko doon sa board? Ano bang meron doon?