Dahil busog pa naman ako, pinauna ko na lang sina Amang at Inay na kumain. Sa labas sila kumain, dahil madilim dito sa loob ng aming barong-barong. Wala pa din kaming ilaw kasi.
Maliwanag sa labas dahil sa ilaw sa labas ng bahay ng mga kapitbahay.
Nagmamadali kong nilabas iyong pulang kandila.
Wala pa ako n'ong buhok o damit ni Craig para mas maging mabisa ang dasal, pero puwede ko pa dim naman siyang orasyunan. Madali lang naman siyang tatablan dahil kaming dalawa ang nakatadhana.
Bakit hindi ko natanong ang apelyido niya kanina? Ano ba iyan?!
Di bale. Iisa lang naman ang Craig na kilala ko. Siya lang naman ang gusto ko. Tatalab pa din 'to.
Pero bukas, para sigurado, kukunin ko ang apelyido niya kay Ate Rose.
Teka, may picture kaya siya kay Ate Rose? Maganda din kung may picture ako na hawak para kahit hindi pa natatapos ang pitong Byernes, tumalab na agad ang orasyon.
Sinindihan ko ang kandila at sinimulan ko na ding bigkasin iyong orasyon. Kailangan ko itong ulit-ulitin ng pitong beses. Magsisimula ang dasal sa mahinang tinig hanggang sa palakas na ito nang palakas.
”Craig...”
“Craig..."
"Incobus imatrimonus in nomine
Latri et filio et espiritu sancto."
"Craig manaut sa ubod at himaymay ng iyong utak at isipan, sampu ng iyong puso't kalooban ng iyong pagmamahal at kapurihan kung hindi ako lamang edeus gedeus dedeus deus
deus deus."
"Craig egosum deus Craig gabinat deum."
"Craig hindi ka makakatulog at hahanapin mo ako sa tuwi tuwina."
Tumunganga muna ako ng ilang sandali nang matapos ang dasal.
"Anne, Anak. Kumain na para makatulog na tayo mamaya," tawag sa akin ni Inay. Sakto at natapos na akong magdasal. Kapag nagdasal ka, bawal pa man ding maistorbo.
Lumabas na ako ng bahay upang makakain. Kumain na ako kina Ate Rose kanina pero nagugutom pa din ako. Nakakatakam naman kasi itong mga pagkain na nakalatag sa karton. Naglatag ng malaking karton sina Amang at Itay.
"Babalik po ulit ako kina Ate Rose bukas," sabi ko.
"Bibigyan ka ng trabaho, Anak?"
"Bukas lang po. Hindi ko alam kung kailan ulit iyong susunod. Sana nga po kunin na lang niya akong katulong din niya."
"Oo nga, anak. Para hindi mo na kailangang magtinda pa kasama namin."
"Gusto ko namang magtinda-tinda, Amang."
"Alam ko na hindi ka na masaya, anak. Pangarap ko para sa'yo ay makapagtrabaho ka sa mga mall."
"Eh, bobo po ako."
"Hindi ka naman bobo, anak."
"Sus, Amang! Alam natin na hindi ako katalinuhan."
Nagkamot ng ulo si Amang. "Eh, maganda ka naman. Maganda ang katawan. Puwede ka na nga sa Miss Universe, e."
Natawa ako. "Maganda ba talaga ako?"
"Oo naman, Anak. Ikaw lang iyan, e. Wala kang bilib sa sarili mo."
Napaisip naman ako. "Tingin niyo po ba, makakabingwit ako ng mayaman at guwapong lalake?"
Natawa sila. "Bat kayo tumatawa? So, hind talaga ako maganda?"
"Maganda ka, Anak. At naniniwala din kami na makakahanap ka ng matinong lalake na mamahalin ka at pagsisilbihan."
Kahit hindi na ako pagsilbihan ni Craig.
Maaga akong nagising kinaumagahan. Pumila ako sa kanto upang makapag-igib ng tubig ngunit ilang metro na ang haba ng pila. Ang hina pa ng tulo ng tubig kaya nagpasya na lang ako na huwag ng maligo.
Kakapalan ko na lang ang mukha ko na doon makiligo kina Ate Rose.
"Oh, ba't ka bumalik?" tanong ni Inay. Papunta na din siya sa igiban.
"Ang haba po ng pila, e. Baka abutin ako ng tanghali. Kailangang maaga akong makarating kina Ate Rose dahil tutulong akong maglinis sa bahay nila, Inay."
Pero ang totoo, aagahan ko para makakain ako ng agahan sa kanila.
Masarap siguro ang agahan nila ngayon.
Nagpalit lang ako ng panty. Pinili ko iyong panty ko na medyo maayos pa.
Nagdala na din ako ng damit para mayroon akong pamalit kapag naligo ako. Makikigamit na lang din ako ng sabon sa kanila. Kahit bareta, sinasabon ko iyan sa katawan at buhok. Bihira lang makatikim ng shampoo itong buhok ko.
Kagigising lang ni Ate nang dumating ako. Medyo tinablan ako ng hiya, pero nandito na lang din naman na ako.
"Tara sa kusina. Nagkakape ka ba? Magluluto pa lang ng almusal si Manang," sabi niya.
"Opo, nagkakape naman po."
Masarap siguro ang kape nila. Hindi matabang. Hindi kailangang hatiin sa tatlo iyong isang 3 in 1 para mapagkasya sa tatlong tasa.
Hindi ako marunong sa gamit sa kusina nila kaya hindi na ako nakialam pa.
Nilabas ng katulong nila iyong tinapay at palaman kaya ako na ang nagprisinta na maglagay ng palaman.
Mabagal kong kinain iyong tinapay ko. Ganoon din ang paghigop ko sa masarap na kape.
"Buti at inagahan mo. Maaga daw pupunta sina Mommy dito ngayon."
"Opo. Inagahan ko po talaga kasi plano ko ding tumulong sa paglilinis dito sa bahay niyo, Ate."
"Huh? Maglinis? Hindi kita paglilinisin, ano ka ba?"
"Ang laki ng binigay mong pera kahapon, Ate."
"Tama lang iyon."
Ngumuso ako. "Ah, Ate. Puwedeng makiligo?"
"Oo naman. Wala kayong tubig?"
"Nakikiigib lang kami sa amin, Ate."
"Talaga? Ang hirap pa man din mag-igib lalo may edad na ang Amang at Inang mo."
Tumango ako. Kaya nga gagawin ko ang lahat upang mapadali ang buhay namin. Pakikialaman ko na ang tadhana. Pabibilisin ko ang proseso para mahulog sa akin si Craig para makaalis na din kami sa lugar na iyon.
Ito na lang talaga ang naiisip kong paraan.
"Doon ka na lang sa guestroom maligo. Sakto pala napilian ko na ang iba sa mga damit ko."
Napangiti ako. "Talaga, Ate?"
Ibig sabihin mapapalitan na ang mga lumang-luma ko na mga damit.
Pumasok si Ate sa kanilang kuwarto. Habang naghihintay sa kaniya, kinain ko iyong isang tinapay. Sa akin na lang daw.
"Hi, Anne!"
Napatingin ako sa dumating na lalake. Si Marko. Nakangising aso na naman ito. Naiinis na ako agad sa kaniya.
Tinanguan ko lang siya.
"Barya ka ba?"
Huh? Napatingin ako sa kaniya.
Tiantanong ba niya kung may barya ako? Mayroon naman. Aanhin naman niya ang barya?
"Bakit?"
"Kasi umaga pa lang, kailangan na kita."
Ano?!
Nakatanga akong tumingin sa kaniya. Para saan iyon? Pick up lines iyon, ah.
Bakit niya ako sinabihan ng ganoon? Trip lang niya?
Ewan ko kung matutuwa ako na hindi siya nag-i-ingles dahil tiyak na umaga pa lang dudugo na agad ang ilong ko. Pero ba't naman siya nagpi-pick up lines?
Nakangisi na naman siya ulit. Kinagatan ko naman iyong tinapay.
"Alam mo ba?" tanong niya.
"Hindi," sagot ko naman.
"Alam mo ba? Nang makita kita, nalobat ako."
Ano?
Salubong ang aking kilay na nakatingin sa kaniya.
"Nalobat first sight ako sa'yo."
Ano?
"Ano? Hindi ko gets."
Nakarinig ako ng tawa mula sa pintuan kaya napatingin ako doon.
Hala! Si Craig!
Umayos ako ng upo. Naalala ko na wala pa pala akong ligo kaya medyo nakaramdam ako ng hiya.
Nakasimangot naman na nakatingin si Marko sa kaniya.
"Oh, don't tell me you're still mad at me?" sabi ni Craig.
"You haven't watched it yet?" tanong niya.
"I watched it. You made me pay eight million for that video?" sagot naman ni Marko.
"Eh, uto-uto ka, e."
Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila. Hindi lang yata dugo ko ang dudugo kundi pati utak ko.
Hindi gaanong tumitingin si Craig sa akin. Ibig sabihin hindi pa siya gaanong tinatablan n'ong orasyon ko. Sabagay, isang beses ko pa lang naman siyang dinasalan tapos kulang pa ng apelyido iyong dasal ko.
Hanggang sa tumalikod na siya.
Naiwan naman si Marko.
"May isa pa akong pick up lines," hirit niya. Pero wala sa kaniya ang atensyon ko.
"Ba't nakatingin ka sa pangit na iyon?"
Nag-iwas ako ng tingin.
Nakataas na ang kilay niya sa akin.
"Mas guwapo pa ako do'n, no."
Hindi ako sumagot. Nakakahiya. Baka mamaya ibuking niya ako kay Craig. Dapat si Craig ang unang magkagusto sa akin.
Mabuti at umalis na din si Marko. May tumawag kasi sa kaniya.
"Ang aga ng mga kaibigan ng asawa ko. Ganoon talaga ang mga iyon. Open kasi sa kanila itong bahay namin."
Ngumiti lang ako.
"Ate, ano po'ng buong pangalan ni Craig?"
Makahulugan akong tiningnan ni Ate.
Natawa siya. "May taste ka," sabi niya.
"Sabagay, guwapo, matangkad, mayaman, funny at sweet. Magaling kang mamili."
"Hanapin ko iyong business card niya, ibigay ko sa'yo," sabi ni Ate Rose.
Hinatid niya ako sa silid na sinasabi niya.
Pumasok na din ako sa banyo. Sumilip pa siya saglit sa may pintuan.
"Naku, ba't may brief diyan?"
Napatingin ako sa kulay itim na brief.
"Alam ko na, kay Craig iyan." Umiling-iling siya.
"Nakiligo kasi siya nang nakaraan dito. Nalasing kaya dito na natulog."
Hindi ko na kailangan ng damit niya. Kukunin ko 'to.
"Diyan na muna iyan."
Tumalikod na si Ate.
Sinara ko naman ang pintuan. Bago maligo ay napangiti ako ng malapad habang nakatingin sa brief ni Craig.
Pinulot ko ito. Tinitigan ng maigi.
Lumaki pa ang ngisi ko sa mga labi nang may makita akong kulot at maiksing buhok na nakadikit sa brief.
Hindi ko na siya kailangang bunutan ng buhok, para makompleto iyong sangkap para sa gayuma
Kung sinuswerte ka nga naman. Mukhang pati ang tadhana ay umaayon din sa aming dalawa.
Hindi magtatagal, mahuhulog ka na din sa akin, Craig.