Dumiretso ako sa circle at naupo sa mga benches doon. Mas gugustuhin ko pang umagahin ng pag upo doon kaysa umuwi at salubungin ng panunuya ni papa.
Habang nakatulala sa kawalan ay bigla kong naalala si Ashly. Agad kong kinuha ang cellphone ko saka ko siya tinawagan. Sa kabila ng panloloko niya, siya parin ang naisip kong makakapagbigay ng kaunting lakas ng loob sa akin.
"Hello Nate?"
"Ash, pwede ba tayong magkita ngayon, please."
Ilang segundong katahimikan ang naging tugon nito.
"S-sige. May importante rin akong sasabihin sa 'yo. Nasaan kaba?"
Bigla akong tinamaan ng kaba sa sinabi niya. Anong importante ang sasabihin niya?
"N-nasa circle ako. Gusto mo puntahan na lang kita?"
" ‘Wag! Hintayin mo na lang ako diyan hmm?"
"Hmm"
Napabuntong hininga na lang ako noong matapos kami sa pag uusap. Kalahati ng utak ko ay gusto ng umalis doon pero kalahati ay gusto pang manatili at mapakinggan ang sasabihin ni Ash. Ito na ba ang kinakatakutan ko? Bakit ngayon pa? Kung kailan kailangang kailangan ko siya.
Wala pang sampung minuto ay natanaw ko na ang papalapit na si Ash. Nanlalamig ang kamay ko sa maaari kong marinig mula sa kaniya.
Hindi ako nagbitaw ng tingin dito hanggang makarating siya sa kinaroroonan ko. Kung ito na ang huling araw na matatawag ko siyang akin, susulitin ko na ito.
"Nate?"
"O-oh.. Ash." sinikap kong magpakita ng ngiti sa kaniya, "Ano pala yung sasabihin mo?" kinakabahang tanong ko
Please Ash, wag mong sasabihin ang nasa isip ko.
Please.
Bakas ang pag aalinlangan sa mukha nito. "Ikaw? B-bakit mo ako gustong makita? Hindi ba may pasok ka ngayon? May problema ba?"
"Floating muna raw ako, poor performance daw." ngumiti pa ako ng pilit
"Huh? Eh paano yan malapit na ang finals?" nag aalala ang mukha nito
Napaisip tuloy ako, totoo pa kaya ang pag aalalang nakikita ko ngayon mula kay Ash.
"Bahala na, hahanap na lang ako ng part time." tugon ko saka nagkibit ng balikat, "Ano nga yung sasabihin mo? Importante kamo."
Napaiwas ito ng tingin. "Ah. Wala lang iyon. Mas importante na mapagaan ko ang loob mo. Kain tayo? Libre ko." aniya at ngumiti ng matamis
Napatango na lang habang nangingiti. Kung pwede ko lang burahin sa isip ko lahat ng natuklasan ko tungkol sa 'yo Ash. Sana pwede kong gawin yun.
Habang kumakain ay di ko mapigilang titigan si Ash. Nakangiti ito pero hindi kasing saya ng ngiti niya noong makita ko siya sa restaurant. Wala na ang kislap sa mga mata niya tulad noon. Kahit anong pagbubulag bulagan ko ay kitang kita na ang pagbabago kay Ash.
"Nate? Bakit nakatitig ka sa kin?" pagpukaw niya sa atensiyon
"Wala. Oh, 9pm na pala. Can i walk you home?"
Sandali muna itong nag isip saka tumango.
Nabalot ng katahimikan ang paglalakad namin. Napakalayo sa maingay at magulo naming paglalakad noon sa tuwing hinahatid ko siya pauwi.
"Nate..."
Napabaling ako dito bilang tugon. Tuloy parin kami sa paglakad.
"What if... magbreak tayo? Kakayanin mo ba?"
Awtomatiko akong napahinto sa paghakbang. Ramdam ko ang mabilis na pagpintig ng puso ko.
"Bakit? Gusto mo na ba akong hiwalayan?" bahagya pa akong tumawa para maikubli ang kaba
Bahagya lang sumilay ang pilit niyang ngiti. "Natanong ko lang naman. So ano, kakayanin mo ba?"
Hindi. Hindi ko kakayanin Ash.
"Hindi. Kasi hindi naman tayo maghihiwalay e. Halika na." Ginulo ko pa ang buhok niya saka ko hinawakan ang kamay niya, saka muling nagpatuloy sa paglakad.
Hindi ko kaya Ash. Hayaan mo na lang akong magpakatanga.
Muli kaming binalot ng katahimikan hanggang makarating sa kanila.
"Ingat ka sa pag uwi, Nate. Bye."
Hinihintay ko ang nakagawian niyang paghalik sa pisngi ko, pero wala.
"Pasok na 'ko." aniya sabay tingin sa kamay niyang hindi ko parin binibitawan
"Nate?"
Sa halip na sumagot ay hinila ko siya para yakapin ng mahigpit. Pakiramdam ko ito na ang huling pagkakataon kong magawa iyon.
"Mahal na mahal kita, Ash." bulong ko
Wala akong nakuhang sagot, at mukhang iyon na ang sagot. Kumalas na ako sa pagkakayakap at pilit ngumiti.
"Sige pasok kana."
Tumango na lang ito at tila naguguluhang naglakad papasok. Ni hindi niya man lang ako nagawang lingunin.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa tindi ng sakit na nararamdaman ko. Hindi ko nga alam kung paano kong nagawa ang makauwi sa bahay.
Papunta na ako sa kwarto ko noong maulinigan ko ang impit na pag iyak na nagmumula sa kusina.
"Ma?"
Mukhang nagulat naman ito at mabilis na nagpunas ng luha. Pero may iba akong napansin sa mukha nito.
"Ma, sinaktan ka na naman ba ni papa?"
Kahit anong pilit niyang itago ay kitang kita ko na ito.
"Ma naman, hanggang kailan niyo ba titiisin makisama sa isang iresponsable at lasenggo niyong asawa?!" Hindi ko na napigil magtaas ng boses dahil sa inis. Hindi ito ang unang pagkakataon na nasaktan siya ni papa.
"Nate, wag mong pagsalitaan ng ganiyan ang papa mo, tatay mo parin yun!"
"Tatay ko nga siya, pero hindi naman siya nagpapaka-tatay. Di ka ba napapagod, Ma? Kasi ako pagod na akong maghintay sa sinasabi niyong pagbabago ni papa. Pagod nako Ma." tuluyan ng bumagsak ang mga luha ko, "Kung di ka naaawa sakin, maawa ka naman kina Nichole at Liam. Hanggang kailan pa ba sila maghihintay sa pagbabagong sinasabi mo."
Nag iiyakan na kami ni mama doon. Tuluyan na nga yata akong sumabog sa dami ng dinadala kong sama ng loob.
"Nate, sa inyong magkakapatid ikaw dapat mas nakakaintindi. Nakita mo naman ang papa mo noon diba? Naranasan mo ng matagal na panahon ang pagiging mabuti at responsable niyang ama."
"Ma, limang taon na e! Limang taon ng bagsak ang negosyo niya, bakit di niya parin matanggap. Bakit ako? Noong biglang bumaliktad ang takbo ng buhay natin, huminto ba ako? Diba hindi. Natuto akong magtrabaho para mapag aral ang sarili ko. Ikaw Ma, ikaw na buong buhay mo nakukuha mo lahat ng gusto mo. Natuto kang magbanat ng buto, kahit di ka sanay magtrabaho, nagtrabaho ka parin. Sila Nichole, tingnan mo sila sanay na sa buhay meron tayo ngayon. Lahat naman tayo naapektuhan pero bakit siya lang itong huminto na ang mundo. Ma, hindi na makatuwiran yon! Hindi na e!"
Parang sasabog ang dibdib ko. Sa dami ng nasabi ko ay ang bigat parin sa loob.
"Kung hindi tayo magiging matatag, sino pa ang panghahawakan ng papa mo. Pamilya tayo Nate, kaya kung sino ang mahina hindi natin iyon tatalikuran. Konting pasensiya pa anak. Kung wala kang tiwala sa papa mo, sakin ka magtiwala. Ha?"
Sinubokan pa nitong hawakan ako pero agad akong umiwas. Sawang sawa na ako. Sagad na ang hangganan ng pasensiya ko.
"Sawa na ako, Ma. Pagod na pagod na ako."
Mabilis akong nagtungo sa kwarto ko at doon ay nagpatuloy ang pagtulo ng luha ko.
Pagod na pagod na 'ko sa lahat.
Pagod nakong maging malakas.
Kinailangan kong maging matatag para may makapitan sila, pero paano naman ako? Sino ang hahawakan ko pag ganitong durog na durog na ako?
Wala.
Maging ang nag iisang taong inaasahan ko. Wala na.
Sana ay mawala na lang rin ako.