“Mukhang wala ka sa mood ngayon, ah?” Masaya ang mukha ni Anthonet nang bumaba ako para kumuha ng maiinom. “Masama lang ang pakiramdam ko,” sagot ko.
Gusto ko siyang kumprontahin ngunit nailag ang dila ko. Baka bumalik ulit ‘yan ng ibang bansa, Leveste.
“Bakit hindi ka uminom ng gamot, Ate? Gusto mo ba na tawagin ko si Archer?” Mabilis akong napalingon sa kaniya at umiling. “Hindi na at nagpapahinga iyon sa taas.” Tinaas niya lamang ang kaniyang isang kilay.
“Kaya pala hindi na siya nag-reply sa chat ko,” nguso niya pa. “Oo nga pala, Ate! Pupunta nga pala rito ang mga kaibigan ko. Okay lang ba na ikaw mag-asikaso?” Tumungo naman ako bilang sagot at inilapag ang baso sa mesa.
“Kailan ba ‘yan?”
“Uhmm… sa thrusday.”
Tuesday na ngayon. Ibig sabihin ay may dalawang araw na lang para mag-ayos sa kaniyang party.
“Sinu-sino ang mga pupunta? Kaibigan mo noong highschool?” Wala akong narinig na sagot sa kaniya dahil nagtitipa lamang siya ng kung anu-ano sa kaniyang telepono. Tinikom ko na lang ang bibig ko.
“Mauuna na ako sa taas, ha? Matulog ka na rin…” Malambing ko pang paalam sa kaniya nang magulat ako dahil ibinigay niya sa akin ang basong ininuman niya naman ng gatas. “Palagay nga ako lababo? Thanks!” Nabigla ako sa kaniyang inasta sa akin.
“Akyat na ako, Ate, ha? Ikaw na lang bahala maghugas d’yan.” Saka siya tumalikod at iniwan ako sa kusina. Kumurap-kurap lang ang nagawa ko nang gawin ko na rin ang inutos niya.
Ayoko namang iasa pa ito kay manang at dalawang baso lang naman.
Wednesday…
Matapos ang nangyari kagabi ay nagising na lamang akong naliligo na si Weston sa banyo. Pinagmasdan ko ang telepono niya sa gilid ng kama ngunit wala iyon sa kung saan lagi niyang inilalapag.
Umagang-umaga pa lang ay sinasampal na ako ng kasakitan sa dibdib ko.
“Good morning, my wife!” Bati niya nang makalas na siya ng banyo. Lumapit siya sa akin mula sa pagkaupo ko sa gilid ng kama at dinampian ang noo ko ng halik. “G-good morning…” bati ko rin.
“Pupunta ka ba sa office mo mamaya?” Habang isinusuot niya ang kaniyang pants sa harap ko. “Hindi. Mamimili kasi ako ng mga kailangan para sa party ni Anthonet bukas.” Nag-iba ang itsura niya nang bangitin ko ang pangalan ng kapatid ko.
“May party siya rito bukas?”
“Oo… nakiusap sa akin na ako na muna ang bahala.”
Pansin ko kung paano gumalaw ang kaniyang panga.
“May mga lalaking pupunta rito?” Hindi ko alam kung mayroon kaya nagkibit balikat na lang ako. “Hindi ko sure kasi wala naman siyang sinabi. Nagtanong naman ako sa kaniya pero baka busy siya, e.” Bakit niya tinatanong kung mga lalaki?
“Baby…” Tumaas ang tingin ko sa kaniya mula sa pagkakaupo nang ituro niya ang kaniyang tie. “Ah! Ako na.” Tumayo ako at siya naman itong pinagmamasdan lang ako habang inaayos ang kaniyang neck tie.
“Bukas ay baka gabihin ako makauwi. May kaibigan akong uuwi galing ibang bansa. Ayos lang ba?”
“Magba-bar kayo?” Para ba siyang natatakot at tumungo sa akin. “Ayos lang ba? Baka magalit ang asawa ko…” Lambing niya pa sa akin.
Bumakas ang ngiti sa aking labi nang hampasin ko ang kaniyang balikat sa hindi naman kalakasan.
“Tumigil ka nga! Bakit naman ako magagalit?” Nang matapos kong iayos ang kaniyang tie ay isinuot na nito ang kaniyang relo.
“Karapatan mo ‘yon na malaman. Asawa kita at rerespetuhin ko kung ano ang gusto mo. Ayokong magalit ka sa akin…” Kita mo na, Leveste! Hindi magsisinungaling ang asawa mo!
Ngunit sa kabila naman na sinasabi ng utak ko ay pinagtatanggol naman ang kapatid ko. Sino nga ba ang nagsasabi ng totoo sa akin?
Uminom lang ng kape si Weston at umalis na rin. Nagpaalam na rin ako kay manang na mamimili muna ako ng mga gagamitin sa party ng kapatid ko.
Naglalakad na ako sa department store nang madaanan ko ang isang baby section. Napupuno ng mga damit na maliliit at mga stroler.
“May hanap po kayo, Ma’am?” Nakangiting approach sa akin ng saleslady. “Napatingin lang. Salamat!” Kaya ngumiti naman ito sa akin at ako naman itong tumalikod na nang maalala kong may itatanong ako sa kaniya.
Baka alam niya kasi ang mga bilihan ng mga pang party.
“Ah! Miss!” Mahina ang boses ko nang lapitan ko siyang may kausap na saleslady rin. “Nakita mo ‘yung salamin niya sa mata? Ang kapal ‘no! Parang tempered glass na pang matagalan!” Saka siya humalakhak.
Tila nahinto siya sa pagtawa nang ituro ako ng kaniyang kausap.
“T-tanong ko lang sana… kung alam niyo ‘yung mga party-han na mga gamit?” Pinilit kong ngumiti kahit na gusto ko nang maiyak. Bakit ba ang sasama sa akin ng mga tao? “O-opo, Ma’am! Naroon po sa dulo! Diretso lang po kayo.” Medyo kabado siya tignan nang sagutin niya ako.
“Ikaw kasi…” Boses niya pa na aking narinig mula sa pagkakaalis ko. Mukhang nagsisisihan na sila dahil narinig ko silang mag-usap.
Sa section ng mga pang party ay kinuha ko ang iilang mga lobo at kung anu-ano pa. Kumuha na rin ako ng mga perfumes na pwede niyang ibigay sa mga kaibigan niya.
Pumalo ng seventy five thousand ang binayaran ko mula sa kinseng perfume na binili ko para sa mga kaibigan niya at limang libo naman sa mga nakita kong magagamit sa kaniyang party.
Hirap na hirap ako buhatin ang apat na paper bag na aking napamili. Medyo may kabigatan nang dahil sa perfume at ilang mga freebies nila.
“D’yos ko! Kay bigat naman ng mga pinamili mo, Leveste! Akala ko naman ay kasama mo ngayon si Anthonet na namili.” Nang makauwi na ako ng bahay. “Hindi po. Ako lang po ang namili.” Pagod akong umupo sa sofa habang si manang naman ay tinulungan akong buhatin ang dalawang paper bag at inilapag sa maliit na mesa sa harap ko.
“Kung gano’n ay saan naman pumunta ang batang iyon? Hindi nagpaalam sa akin at sinabihan pa akong matanda.” Sandaling nawala si manang at bumalik din nang may dalang tubig.
“Salamat po, manang…”
“Walang anuman. Ano ba iyan? Para saan ‘yang mga pabango?” Turo niya sa paper bag.
“Pamigay sana ni Anthonet sa mga kaibigan niya, manang. Alam mo naman si Anthonet… hindi ko rin alam kung ano ba ang mga gusto niya ipabili sa akin.” Kumamot na lang si manang at tumungo sa akin. Parehas naming inayos ang mga gamit at tila nag-iisip nang kung ano ang pwedeng idesenyo sa pool side.
Gusto ko sana doon na lang niya ganapin ang party para malawak at pwede sila mag-pool party ng mga friends niya.
“Napakaswerteng kapatid talaga ni Anthonet sa ‘yo. Kung ibang ate na ‘yan ay baka nasampal na iyang kapatid mo sa talas ng dila.”
“Manang naman… ‘wag naman kayo magsalita ng ganiyan sa kapatid ko.” Huminga lang siya ng malalim at ngumiwi lang sa akin. “Sinasabi ko sa ‘yo, Leveste. Mag-iingat ka… hindi ko sinasabing mangamba ka. Tandaan mo na kahit malakas ang bagyo ay biglang may sumisilaw na araw.” Malalim ang pinanghuhugutan ni manang na hindi ko naman maintindihan.
Mag-alas kwatro nang bumalik na si Weston sa bahay.
“Magpahinga ka na sa taas at paggising mo ay nakahanda na ang pagkain mo.” Hindi ako nagkulang bilang asawa kay Weston. Lahat ay ibinibigay ko at kahit pagod ako at galing din akong trabaho ay ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko na kaniyang asawa.
Alas dose na ng gabi nang dumating si Anthonet. Hinihintay ko siya sa sala nang ika-ika itong naglalakad.
“Ginabi ka na, Anthonet. Nag-inom ka ba?” Hawak ko sa kaniyang braso para akayin siya nang itulak niya ako. “Hindi ba halata, Ate? Ano ba ang tingin mo sa akin ngayon? Tipsy lang?!” Lasing na nga siya at iba na ang pagbuka ng bunganga niya kung sabihin iyon sa akin.
“Ihahatid na kita sa taas, Anthonet at baka mahulog ka sa hagdan.”
“Ay! Ang kulit! Kaysa sa ako ‘yung bantayan mo? Bakit hindi na lang ‘yung asawa mo? Kasi hindi pa rin maka-move on sa akin ang asawa mo. Ang hirap nang inasawa ka lang n’ya kasi hindi niya ako nakuha… kaya mag-iingat ka, ha? Babae ako at nag-iinit rin ako.” Lumapit siya sa akin at pinagmasdan ang kabuuan ko.
“No wonder kung bakit ako kinukulit ng asawa mo, Ate. Hindi kasi malaki ang dibdib mo. Hindi tulad sa akin na mabubusog siya agad.” Saka niya ako dinaanan. Naawang lalo ang labi kong sundan siya ng tingin.
Isang mariin na paglunok ang nagawa ko’t agad na kinuyom ang aking kamao.