MARTINA
Kasalukuyan na nasa harapan ko ngayon ang doctor na nag momonitor sa kalagayan ni tatay ng biglang dumating si Warren.
Agad kaming nagkatinginan ng makita nitong nasa kuwarto si Dr. Yohann. Napatingin din ako sa kama kung saan natutulog si tatay. Mahimbing pa rin natutulog at tila hindi alintana ang mga taong nakapaligid dito.
“Magandang araw po doc.” Narinig kong bati ni Warren kay Dr. Yohann. Tumango ito pagkatapos.
Nakita ko ring inilagay ni Warren ang mga supot ng pagkain na dala nito sa mesa.
“May dala akong mga pagkain Tin, kumain ka muna. Kayo po doc, baka gusto nyo rin pong kumain?” walang ano-ano ay tanong nito kay Dr. Yohann.
“Thank you, katatapos lang.” sagot nito kay Warren. Salitan kong sinulyapan ang dalawa habang nagpapakiramdaman ang mga ito sa tabi ko.
“Kumusta po pala ang kalagayan ni Tatay Antonio, doc?” hindi nakalimutang itanong ni Warren kay Dr. Yohann.
“He’s okay, sinabi ko na rin ang mga dapat gawin kay Manong Antonio kay Martina.” Saka niya ako tinapunan ng tingin.
Hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong maging reaksyon kaya napatango na lang ako pagkatapos.
Nakakaba pa lang kumausap ng isang guwapong doctor? Naisa loob ko na lang. Unang beses ito na kinabahan ako sa pakikipag-usap sa isang doctor sa hindi ko malamang dahilan.
Wala naman itong ginagawang masama pero kinakabahan ako ng todo sa tuwing napapalingon siya sa akin.
Naipilig ko na lang ang ulo ko at huminga ng malalim. Hindi na naging normal ang t***k ng puso ko pagkatapos.
“I’ll ho ahead, bukas ay puwede nyo ng iuwi si Manong Antonio, provided na gagawin mo ang mga binilin ko Miss Ignacio.” Nagulat ako ng sabihin ni Dr. Yohann ang apelido ko.
Medyo nagulat ako ng sabihin nya iyon pero ng maisip ko na baka natandaan nito ang apelido ni tatay kaya nito nabanggit ang ganoong pagtawag sa akin ay napatahimik na lang ako.
“Opo doc.” Tangi ko na lang nasabi sa kanya.
Saglit lang nitong sinulyapan si tatay sa kama at nagpatuloy na itong lumabas ng kuwarto.
Habang magkaharap kami sa maliit na mesa ni Warren na may dalawang nakalaang upuan ay pareho kaming saglit na natahimik.
“Paano kaya ang mabuti kong gawin Warren?”
“Huwag mo munang intindihin ang bayarin dito sa hospital, kinausap ko na si tita at pumayag siya na bumali ka muna ng pambayad dito sa hospital.”
“Iyon na nga ang iniisip ko. Kung babale ako ng pambayad sa hospital ni tatay obligado akong magtrabaho agad pagkalabas niya dito, hindi ba? Ang sabi ni Dr. Yohann ay kailangan na may magbabantay kay tatay sa bahay na pirmis kasi ay baka maulit ang pag atake ng puso nya at hindi agad siya madala sa hospital.” Paliwanag ko sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Warren sa sinabi ko at mukhang hindi nito napag handaan ang panibagong problema na kinakaharap naming mag-ama.
Nagpapasalamat na nga lang ako at sa maikling panahon ay naging magkaibigan agad kami ni Warren.
Sino ba ang mag-aakalang ang pinagbingtangan kong masamang tao ay siya ngayong tutulong sa aming mag-ama sa gitna ng unos na kinakaharap namin ngayon.
“Puwede naman siguro tayong mag salisihan sa pag-aalaga kay Tatay Antonio habang nagpapagaling pa siya.” Suhestiyon nito.
Medyo nabuhayan ako ng loob sa sinabi niya pero sa tuwing naiisip ko na pati ito ay nadadamay sa problema naming mag-ama ay nakokonsensiya ako.
Wala akong magawa kung hindi ang magpasalamat na lang sa lahat ng tulong na ginagawa niya para sa akin at kay tatay.
“Malalagpasan mo rin ang lahat ng ito, Tin…magtiwala ka lang.” walang ano-ano ay sabi ni Warren sa tabi ko.
Iyon ang isa sa magandang ugali ni Warren na nakita ko sa kanya. Mabait ito at handang tumulong sa lahat ng oras na hindi mo basta-basta makikita sa ibang lalake ngayon.
Suwerte ang babaeng magugustuhan nito. Sabi ko sa sarili.
Hindi ko alam papaano mangyayari ang sinasabi niyang makakayanang kong lagpasan ang mga problemang ito pero sa paraang iyon ay gumaan ang pakiramdam ko.
Makakaya ko ito, para sa nag-iisang taong dahilan kung bakit ako patuloy na lumalaban sa buhay. Si tatay ang lahat-lahat sa akin kaya handa akong gawin ang lahat para sa kanya.
Nagpatuloy na kami sa pagkain habang si tatay ay mahimbing pa rin ang natutulog. Sinamantala namin ni Warren na makapagpahinga pagkatapos naming kumain sa mahabang couch sa gilid ng kuwarto.
Kinabukasan ay inayos namin ni Warren ang mga dalang gamit ni tatay sa hospital sa loob ng ilang araw na nasa hospital ito.
“Dito muna kayo Martina at aayusin ko ang bill natin para makauwi na tayo.” Sabi ni Warren.
Nginitian ko siya na halos maiyak ako sa tuwa sa lahat ng ginagawa ni Warren para sa aming mag-ama. Kulang pa ang salitang salamat sa mga kabutihang ginawa nito lalo sa akin.
Habang inaantay namin si Warren ay biglang nagsalita si tatay.
“Anak…” mahina nitong tawag sa akin. Napalingon ako sa kanya at agad na lumapit.
“Bakit po tay? May masakit po ba sa katawan mo?” Nag-alala kong tanong sa kanya.
Nang magising siya kagabi ay para lang itong nagising sa mahabang pagkakatulog. Nagulat pa ito ng pag dilat ng mga mata nito ay nasa hospital na kami.
“Wala naman anak. Ayus lang ang pakiramdam ko.” natahimik ako saglit. Alam kong nagpapatatag lang din ito sa harap ko katulad ko. Ang mga sarili namin ang siyang pinaghuhugutan namin ng lakas kaya hindi namin gustong makita ang isa’t-isa na nawawalan ng pag-asa.
“Pag-uwi po natin sa bahay tay, ako muna ang mag-aalaga sayo.” Hindi agad ito nakasagot sa sinabi ko at bigla itong naging malungkot muli.
“Huwag mo akong masyadong intindihin anak, kaya ko pang kumilos na mag-isa.”
“Tay naman…”
“Alam kong nag-aalala ka sa akin kaya naisip mong ikaw na lang ang mag-aalaga sa akin. Pero anak, ayokong maging pabigat sayo.”
“Hindi po kayo pabigat sa akin tay. Gusto ko po kayong alagaan dahil obligasyon ko iyon bilang anak mo.” Pangungumbinsi ko sa kanya.
“Paano ang trabaho mo kung babantayan mo ako anak?”
“Ako na po ang bahala dun tay', mag-uusap na lang po kami ni Warren tungkol dun.” Nakangiti kong sabi sa kanya.
Pinilit kong maging masaya sa harap ni tatay na parang okay lang ang lahat sa buhay namin. Na malalagpasan namin ang lahat ng ito. Iyon dapat ang isaisip ko sa ngayon.
“Patawarin mo ako anak kung nagiging pabigat na ako sayo.” Malungkot na sagot ni tatay sa akin. Kahit kailan ay hindi ko naisip ang bagay na’yun.
“Huwag mo pong sabihin yan tay'. Hindi ka pabigat sa akin. Ang dapat mo pong gawin ay magpagaling at marami pa tayong pagsasaluhang magagandang memories.” Hindi ko na rin napigilan ang mapaluha.
Kahit sobrang bigat sa dibdib ay kakayanin ko ito, basta magkasama kaming mag-ama. Iyon na lang ang dasal ko sa Diyos.
Nasa ganoon kaming sinaryo ng muling biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Warren.