Chapter 17
Atras
"Gabriel?"
Kahit pa nangingitim ang ilalim ng kaniyang mga mata at nahuhukot ang mga balikat ay ngumisi ito sa akin. Nagulo na ang kaniyang kulot na buhok at namumula ang mga mata. Humikab si Gabriel.
"Oh, bakit? Miss mo na naman ako? E andito lang naman ako sa'yo?"
Napangiwi ako sabay tingin kay Baby Abby na mahimbing ang tulog. Halos isang taon lang ang pagitan nila ni Adam kaya naman lahat ng tao (at anghel) ay pagod kababantay sa dalawang bata at sa resto. Napagpasyahan namin ni Gabriel na tumulong dahil sina Mama at Papa sa kabilang kwarto ay bagsak din.
"Siguro nga. Malay mo..." Unti-unti akong ngumiti.
Nang lingunin ko si Gabriel ay lumaki ang mga mata nito sa akin sabay bawi ng tingin.
"Hindi ka nakakatuwa," irap niya.
"Ikaw, nakakatuwa ka."
"Akala mo cute ka. Hindi naman---anong---awit sa'yo, lods!" Namula ang mga tainga nito.
"Alam mo, mabait ka naman talaga e. Makulit ka lang tapos mayabang." Tumagilid ang ulo ko sa anghel na sumisiksik sa pader para itago ang pagkalaki-laking katawan. "Pero nakikita ko kung bakit isa ka sa mga napiling maging anghel."
"Hindi ako ako anghel."
"E ano ka?"
"Hatdog na may pakpak."
"Ha?"
"Hatdog!"
Malakas ang halakhak ni Gabriel. Bigla ay lumaki pa ang mga mata nito sabay tayo. Halos umuga ang buong palapag dahil excited siya masyado. "Or! May hatdog na nga, may pakpak pa---"
Kumidlat ng malakas. Tatlong sunod-sunod.
Panay ang sorry ni Gabriel habang nakaluhod sa pink na carpet. Nakadaop ang mga kamay paakyat sa langit sa pangakong hindi na uulitin. Nang mawala ang mga kidlat ay siyang pag-ingit naman ni Baby Abby. Kaagad na napatayo si Gabriel para bahagyang i-ugoy ang duyan.
"Shhh. Tahan na, baby. Sorry na nga si Kuya Gab e. Tahan na ha..."
"Hindi ka naman niya naririnig---"
"Bawal ang sabatera! Kukunin agad ni Gsauce."
Ilang saglit lang ay natahimik na ulit si Baby Abby. Napadukdok na lang ang anghel sa crib.
Kahit na wala namang nakakatawa sa itsura niyang pagod na pagod ay napangiti ako. Kanina pa kami nagsasalitan sa pag-ugoy at dahil na rin siguro sa pagod pero sigurado akong kung naging tao si Gabriel ay magiging isang mabuting anak at kapatid ito.
Kahit minsan ay pilyo at pabalang sumagot ay marunong pa rin umintindi sa kapwa. Minsan, iyon ang nalilimutan ng tao at kailangan pang ipaalala ng ibang nilalang. O kaya minsan, kahit pa ang mga bagay na nagsasabi sa ating tao nga tayo. At kung minsan, ang mga ito pa ang nakatago sa mga maliliit na bagay.
Alam kong minalas ako sa aking muntik nang pagkamatay pero sinuwerte ako sa proseso dahil may isang anghel na dumating. Binigyan ako ng solusyon pero kahit isang beses ay hindi ako kinumbinsi kung alin ang dapat piliin. Sa halip ay ipinakita lang sa akin sa pamamagitan ng aking mga dating memorya kung ano ba talaga ang aking buhay at ang ibig sabihin nito.
Hinahanap ko man ang dahilan ng aking pagkamatay, ang nakita ko naman ay ang dahilan kung bakit ako nabubuhay.
Gusto kong gisingin si Anastasia Resurreccion na mahimbing pa rin ng tulog. Tatanungin ko siya kung nagkamali ba ako ng iniisip noon. Ayaw niya bang gumising dahil alam niyang wala na siyang babalikan o pinipilit niyang pang bumangon dahil kailangan niya pang lumaban?
"Gabriel! Psst!"
Bahagyang bumangon ang ulo nito pero biglang bumagsak, pikit na pikit ang mga mata at nakaawang ang bibig. Ang aking ngiting pinakawalan ay magkahalong saya at lungkot.
"Salamat ha," bulong ko.
Kahit na alam kong maaaring hindi niya ako naririnig ay alam kong maririnig naman ng langit. Sinilip ko ang itim na himpapawid. Hindi na makita ang mga bituin sa madaling-araw. Nagbabadya na ang pagbitak ng liwanag.
"Salamat..." muli kong bulong.
Isang araw sa mundo ng aking memorya ay nagluluto na naman si Ana. Pansin kong lagi niya itong ginagawa pagkauwi galing eskwela. Kakaway-kaway pa ito sa kusina dahil ang batang bersyon ni Flor ay kumakain sa resto kasama ng mga magulang. Halos matapon ang kinakain ni Gabriel na Sinampalukan dahil sa paghagalpak.
"Kaya pala best friends kayo. Ikaw si Hello Kitty tapos siya naman si My Melody! Nasaan si Kero Keroppi?"
Inirapan ko si Gabriel at tinuon na lang ang pansin kay Ana.
Naka-apron at lulugo-lugong itong nagpunta kay Mama may kausap na delivery. Namukhaan ko kaagad si Lola Aida. Bagama't matanda pa rin ang kaniyang itsura ngayon ay may laman pa ang mga pisngi at hindi mukhang isang bulate na lang ang hindi pa pumipirma.
"Oh, Ana! Anong nangyari? Bakit umiiyak ang panganay ko?"
"Mama! Bakit napakahirap lutuin ng Kare-Kare? Kanina pa ako sa kusina. Hindi na ako nakaalis!"
Kahit na mangiyak-ngiyak ang batang si Ana ay kalmado lang si Mama. Kung si Papa siguro iyan ay hindi na alam ang gagawin. Nagsusumbong ang bata kong bersyon at si Mama ay walang ginawa kung hindi ang haplusin ang aking ulo at punasan ang aking mga luha. Habang nanonood sa dalawa ay napahawak ako sa aking mukha. Parang nararamdaman ko na rin ang marahang hawak ni Mama.
"Ano na po ba kasi ang secret ingredient ni Papa? Lagi niyang kinukwento sa akin pero ayaw naman niyang sabihin! Mama, alam mo kung ano?"
"Ang Papa mo talaga, oo..."'
"Mama, ano na? Bilis na!"
Pumangalumbaba ako sa lamesa. Si Gabriel na nakaupo sa tabi ko ay nagsisimula nang tumingin sa menu ng panibagong kakainin.
"Hindi ko rin alam kung anong secret ingredient ang sinasabi niyong mag-ama pero kapag may oras ka ay tingnan mo kung paano gumagalaw ang Papa mo sa labas at loob ng kusina."
Pagkasabi pa lang ni Mama ay napatingin ako sa paligid. Sumentro ang tingin ko kay Papa na nasa harap ng isang lamesa at nahihiyang nakangiti sa mga bumabating customer. Tumagilid ang ulo ng batang si Ana.
Nang pumasok si Papa sa kusina ay natatanaw ang pag-aayos niya ng hairnet at apron. Ang bimpo sa kaniyang balikat ay malimit ang pagpunas sa pawis sa kaniyang noo. Kahit gaano na katagal itong nakatayo at minsang nasusugatan o napapaso ay hindi ko nakitaan ng kahit anong pagod o nakarinig ng reklamo.
Maya-maya pa ay lumabas ulit si Papa dahil sumisigaw naman ang isang customer. Yumuko si Papa at minadaling ipinalabas ang bagong luto, humihingi pa rin ng paumanhin.
Pagkatapos noon ay balik na naman sa loob. Trabaho na naman.
"Hindi po ba napapagod si Papa?" nagtatakang tanong ni Ana.
"Napapagod ang Papa mo pero sa kabila ng pagod niya ay nagtatrabaho pa rin siya," ngiti ni Mama.
"Bakit naman po? Ayaw ba niyang magpahinga?"
"Nagpapahinga pa rin kapag break time at lunch. Ikaw talaga, Ana."
"Hmm. E bakit po parang walang tigil siyang magtrabaho?"
"Hayok na hayok pala si Papa magtrabaho. Nakaka-pressure naman..." bulong ni Gabriel sa tabi ko.
"Papa mo?" nguso ko.
Halos sabay-sabay kaming tatlong mga babae sa buhay ni Papa na binalik ulit ang tingin sa kaniya. Puno na ng usok ang mukha nito at nakasingkit ang mga mata habang nagluluto. Punas ng pawis. Inda ng paso. Ngawit ng mga kamay at paa.
"Hindi ko rin alam, Ana. Ang alam ko lang ay sobrang swerte natin sa Papa niyo. Mahal na mahal tayong lahat at mahal na mahal ang pagluluto. Siguro, iyon ang secret ingredient niya na ayaw niyang sabihin sa'yo."
"Alin po? Ang swerte?"
"Pagmamahal, Ana." Nakatanaw si Mama kay Papa.
Natahimik ang batang si Ana. Natahimik din ako.
"Hindi mo pa maiintindihan ngayon dahil bata ka pa pero kapag malaki ka na ay ikaw mismo ang makakakita at makakaranas para sa sarili mo. Kapag hindi mo na alam ang sagot sa lahat ng mga bagay o hindi mo na makita ang dahilan kung bakit mo sinimulan ang isang bagay, bumalik ka sa umpisa. Pilit mong aalalahanin ang pagmamahal na naging dahilan ng lahat."
"Para sa Kare-Kare ko?"
Napailing na lang ako at natawa kay Ana. Tumango naman si Mama at humalik sa pisngi nito.
"Hindi lang sa Kare-Kare pero pwede rin sa Nilaga, sa Mechado at sa Pansit. Hindi lang sa pagluluto pero pati na rin sa larangan ng buhay, Ana."
Hindi ko maalis ang tingin kay Ana na hindi pa rin maintindihan ang lahat. Tama si Mama. Mura pa ang isip ko noon para maintindihan pero habang nakikinig ngayon sa ikalawang pagkakataon ay pumapasok ang lahat ng kaniyang sinasabi sa aking kokote.
Isang linggo makalipas ay namatay si Lola. Inatake sa puso. Wala pang dalawampung araw nang si Lolo naman ang sumunod. Inabutang hindi humihinga sa pagkakatulog. Ilang araw na ring sarado ang resto dahil sa nangyari.
Mapait ang hangin ng umaga sa minsang padaan-daan ng mga tricycle. Kahit ang mahal na mahal kong langit ay maputla. Kanina pa ako palakad-lakad dahil sa kabila ng malungkot kong pamilya ay nawawala pa si Gabriel.
"Isarado na lang kaya natin ang resto?"
"Ano, Archie? Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo? Gusto mong ipasara ang pinaghirapan ng mga magulang mo?"
Napahinto ako sa paglalakad dahil natanaw si Mama at Papa na nakaupo sa mga sementong baitang sa harapan ng nakasarang resto. Tensyunado ang mga balikat ni Papa samantalang si Mama ay halata ang ilang araw na puyat.
"Ano pa bang saysay, Luisa? Wala na sila Tatay. Hindi ko alam kung paanong magmando. Ang alam ko lang ay magluto. Isara na lang natin----"
"Archie, ano ba? Paano na ang mga anak mo? Paano na tayo?"
"Hindi ko rin alam. Pinaghirapan 'to ng mga magulang ko pero nasaan na sila ngayon? Wala na, hindi ba?"
"Archie naman..."
Nanatili akong nakatayo at nakatanaw. Bakas na bakas sa mukha ni Papa ang pagod at lungkot. Si Mama na wala pa ring tulog ay ayaw pang bumigay. Hawak ni Papa ang magkabilang sentido gamit ang isang kamay, ang palad ay sumasakto sa mga matang nagsimulang uminit.
"Huwag kang matakot, Archie. Kakayanin natin ito. Huwag kang matakot..." Paulit-ulit ang sinasabi ni Mama habang mahigpit ang hawak sa nanginginig na kamao ng aking ama.
Hindi ko alam kung ilang minuto silang nakaupo sa harapan ng resto pero tumango si Papa at tumingala sa langit katulad ng lagi kong ginagawa.
"Sana ay nakapagpaalam pa ako at nakapagpasalamat. Kung pwede ko lang ibalik ang panahon. Kahit lumakad ako nang paatras ay gagawin ko," aniya sa himpapawid.
Tiningala ko ang langit. Walang imik ngunit mabigat sa balikat. Tumagilid ang ulo ko kay Papa na gustong bumalik sa panahon. Gustong maglakad paatras.
Gusto niyang lumakad hindi pasulong pero paatras.
Paatras.
Nanlaki ang mga mata ko, palinga-linga sa paligid. Kahit anong hanap ko ay walang anghel na sumusunod sa akin. Parang may nagdugtong sa aking utak na sa halip pasulong mula simula ang aming gawin ay dapat paatras at galing sa likod. Sa ganitong paraan, walang magugulong memorya dahil mas madali kung manggagaling kami sa aking pinakadulong memorya para marating ang gabi kung kailan nangyari ang nakawan!
"Gabriel, nasaan ka na ba?" bulong ko sa langit.