GOODBYE YESTERDAY

3937 Words
GOODBYE YESTERDAY   PA’NO BA MAG-MOVE ON? HUMAKBANG ng isa? Dalawa? Tatlo? Tapos tumalon-talon? Kumanta? Sumayaw? Magsisisigaw? Lilibangin ang sarili para makalimot? Iiyak? Maghamon ng away? Ikwento ng ikwento sa mga kakilala at mga kaibigan ang pinagdaraanan hanggang sa mamanhid ka nalang sa sakit? Magalit sa sarili? Magalit sa mundo? Pa’no nga ba? Pero kailangan ba talagang mag-move on kapag iniwan ka ng iyong minamahal? Kapag nawala siya dapat ba kalimutan mo na siya at mawala narin ang nararamdaman mo para sa kanya? Di ba pwedeng manatili kang nagmamahal? INIWAN NIYA ako para sa iba. Napakasakit nun. Lalo pa’t di ko alam kung bakit? ‘Nagkulang ba ako?’ yan ang lagi kong tanong sa sarili ko? Di ko mahanapan ng sagot. O ayaw ko lang talagang alamin ang sagot? Denial lang ba ako kaya wala akong maisagot? Baka talagang may pagkukulang ako di ko lang alam kung ano? O di ko lang maamin sa sarili ko? Akala ko siya na ang tinadhana sa’kin? Na panghabambuhay na at destiny na maging kami? Disaster pala. ISA NA NAMAN bagong umaga. Pero ang sakit ng kahapon dala ko parin. Ni di ko makuhang ngumiti. Di ko makuhang magsaya. Di ko kayang sumamasa sa barkada. Mas pinipili ko mag-isa. Pati trabaho ko napabayaan ko na. Marami paring naiwang katanungan ang kahapon na di ko magawang iwan. Lahat daw talaga nagbabago sabi nila. Lumingon ka sa kanan, iba ang makikita mo. Lumingon ka sa kaliwa, iba makikita mo. Pagtalikod mo iba nanaman ang makikita mo. Ganun lang daw kabilis ang pagbabago, sa isang iglap lang. Pero ganun lang ba kasimple yun? Parang di naman? Ilang beses na akong lumingon sa kaliwa’t kanan, umikot-ikot pa ako pero nasasaktan parin ako. Sinasabi ko paring ‘I love you’ kapag nakatingin ako picture niya. Lagi ko parin siyang naiisip. Umiiyak parin ako. Di ko alam kung ilang libong iyak na? Iniisip ko kung iniisip niya ba ako? Kung naaalala niya man lang ba yung mga panahon magkasama kami? Hindi ko alam kung hanggang kailan ako ganito? Tuloy ang buhay. Pero natatakot na ako. Dahil parang hindi ko kayang wala siya sa buhay ko. Minsan naiisip ko kung mamatay kaya ako, iiyak siya? Dadalaw man lang ba siya sa burol ko? O kahit man lang ba sa puntod ko kapag nalibing na ako? Sabi ko, lahat naman masasaktan at nagkataong ito ako ngayon nakakaranas ng sakit ng maiwan. Sabi ko, magiging okay din ang lahat. Okay lang yan, sabi ko sa sarili ko. Pero ang hirap talaga magpaka-okay. Ang sakit, eh. Mahal na mahal ko talaga kasi siya. at naramdaman kong minahal niya rin naman ako. Kaya bakit? Bakit niya nagawa yun? NUNG GABI ng kinabukasang nawala siya, napanaginipan ko pang kinakasal kami. Napakaganda niya sa suot niyang wedding gown.  She’s so perfect, wearing her perfect smile. Kitang-kita ko ang saya niya habang naglalakad siya sa isle palapit sa’kin. May mga nagliliparan pang rose petals. Napakasaya ng lahat sa loob ng simbahan. Lahat nakangiti. Lalo na ako. Sobrang saya ng pakiramdam ko. Napaka-magical ng moment na yun. ~~~FLASHBACK~~~ NAGISING akong may ngiti sa labi. Pero wala si mahal sa tabi ko. Paglabas ko ng kwarto, naamoy ko ang masarap na luto. Sinigang na baboy? At sininghot-singhot ko pa yung amoy sa hangin, yun ang paborito ko. Hanggang tainga ang ngiti ko habang papunta ako ng kusina. Nadatnan ko si mahal na naka-apron habang hinahalo ang niluluto niya. I hug her back and kiss her neck. Na-miss ko siya. Ilang araw narin na uuwi ako ng bahay na sobrang pagod at di ko man lang siya mayakap dahil nakakatulog ako agad. Ni di man lang kami nagkakausap. May kalayuan kasi ang work ko sa bahay. Nauubos ang oras ko sa traffic pauwi. At pagdating dito sobrang pagod ko. Sa umaga naman, may pagkakataong nauuna pa ako sa kanya gumising at maaga akong pumapasok dahil sa mga report at commitment na kailangan tapusin at ayusin sa trabaho. Kaya halos di talaga kami nagkakausap at nagkakakumustahan man lang. May pagkakataon din na late na ako umuuwi at tulog na siya pagdating ko. “Ang bango ng mahal ko, amoy sinigang.” Biro ko sa kanya. Pero wala man lang siyang reaksyon. “Maupo kana, dun.” Siya at naupo ako. Di parin mawala ang ngiti sa labi ko. “Ba’t parang ang seryuso mo?” tanong ko sa kanya habang naglalagay siya ng kape sa cup. “Wala lang,” matipid na sagot niya na di ako tinitingnan.   She gave me a sad smile. “Eh, ikaw? Ba’t parang napakasaya mo?” tanong niya. “Wala lang,” nakangiting sagot ko. Di ko alam ba’t bigla niyang niluto ang paborito ko? Usually, in good mood siya kapag nagluluto ng sinigang dahil alam niyang favorite ko yun. Pero ngayon ang seryuso niya. Kumain kami at sinubuan niya pa ako. Iniihipan niya pa yung sabaw bago isubo sa’kin. “Bakit?” pagtataka ko nang haplosin niya ako sa mukha. She gave me her sad smile again. “Wala. Namiss ko lang nagawin ‘to sa’yo.” Akala ko may problema na? Napangiti nalang ako at dinampian ko ang labi niya. Hinatid niya pa ako sa pinto bago ako pumasok sa trabaho. Di niya naman usually ginagawa ‘to. Pero lalong ikinatuwa ko yun. Talagang napakasaya ng umagang ‘to. Para na talaga kaming tunay na mag-asawa. Kasal nalang ang kulang. Yung panaginip ko kagabi na siguro ang hinihintay kong sign para mag-propose kay mahal? At kanina, pinagluto niya pa ako ng sinigang. Siguro ito na ang araw na yun? DI MAALIS ang ngiti sa labi ko habang nagmamaeho ako. Pina-practice ko na kung ano ang sasabihin ko sa kanya pagdating ko sa bahay. Nakakabading man sabihin, pero kinikilig ako. Hanggang sa office di mawala ang ngiti ko. Nakatingin ako ngayon sa engagement ring na bigay pa ng mama ko. Sabi niya kapag natagpuan ko ang babaeng ipagluluto ako ng masarap na sinigang ibigay ko ‘to. Alam kasi ni mama na paborito ko ang sinigang na baboy. Napapangiti ako habang naaalala ko ang araw na yun. “Hey! This is the day?” si Darren. Nagulat naman ako sa kumag na ‘to. Bigla nalang kasing pumasok sa office ko. At naaktuhan niyang nakatingin ako sa singsing. Napatango nalang ako na di parin talaga mawala ang ngiti sa labi ko. Kaibigan ko si Darren mula pa ng college. At matagal niya na akong kinukulit na magpakasal na. Napag-iiwanan na daw kasi ako. Sila kasi ng misis niya may dalawa ng anak. Tatlong taon narin naman daw kaming nagsasama ni mahal sa iisang bubong ba’t di pa kami magpakasal? Eh, kaso ayaw ko talagang minamadali ang lahat. Para sa’kin may panahon sa bawat desisyon. Namuhay noon ang pamilya namin na mahirap pa sa daga mula ng mamatay si papa. Kaya di ako papayag na maranasan yun ng magiging pamilya ko. “Gusto ko sana, may mga surprises kapag nag-propose ako sa kanya. Yung tipong nandun lahat ng relatives at friends namin. Yung mga napapanood natin sa youtube?” Ako. “Eh, ba’t di natin gawin? Hakutin natin lahat ng barkada para mapagplanohan yan.” Excited na suggestion ni Darren. “Pre, ayaw niya ng ganun. Ang baduy daw. Gusto niya kasi yung tahimik lang. Kilala mo naman yun.” Tumango-tango nalang ang kaibigan ko. Alam naman kasi niyang tahimik na tao lang si mahal. “Okay. Di kayong dalawa nalang. Pag-uwi mo ng bahay, tanong mo na agad.” Napatungo nalang ako. Tama, ganun nalang siguro. “Pre, congrats. At sana madaliin niyo na. Para magkaroon na ako ng inaanak. Alam kong ginagawa niyo yun. Pero dapat wag na kayong mag-ingat ngayon. Ikakasal na din naman kayo. Gabi-gabihin niyo na.” Natawa nalang ako. Umandar nanaman ang kalokohan nito. “Loko ka talaga.” Alam ko kung ano ang tinutukoy niya. Kaso talagang minsan wala kaming romansa ni mahal. Pagod kasi ako lagi pagdating sa bahay at dala ko pa ang stress ng trabaho. May mga araw pa nga na halos di kami nagkakausap sa sobrang pagod ko. Gusto ko kasi matulog nalang. BAGO AKO umuwi ng bahay, bumili muna ako ng bulaklak at mamahaling wine. Habang nagmamaneho ako pauwi, napapalingon ako sa tabi ko kung saan naroon yung bouquet ng bulaklak at wine. Excited na ako sa mangyayari mamaya. Magpo-propose na ako. This is it! Gabi na nang makarating ako sa bahay. Excited akong bumaba ng sasakyan. Sinadya kong wag mag-ingay. Tahimik kong binuksan yung gate at di ko muna pinasok yung sasakyan para walang ingay. Hinanda ko ang sarili ko sa harap ng pinto at nag-door bell ako. Ding dong!   Ding dong!   Ding dong! Nawala na ang ngiti sa labi ko. Ewan, pero medyo kinutuban ako. Halos 15 minutes na akong nagdo-doorbell, walang nagbubukas. Wala akong ingay na marinig sa loob ng bahay. Napakatahimik ng paligid. Bumalik ako sa kotse para kunin ang susi ng bahay at iniwan ko muna yung bulaklak at alak. Pagbukas ko ng pinto ng bahay napansin ko ang kahon sa center table ng sala. May notes sa ibabaw ng kahon. Kinuha ko ito at tahimik na binasa. SORRY. HUWAG MO NA AKONG HANAPIN PA. GOOBYE.   Yun ang nakalagay sa sulat. Sulat kamay ‘to ni mahal. Nablangko ako. Di ko magalaw ang katawan ko. Nakatitig lang ako sa kawalan. Inilapag ko ang sulat at binuksan ang kahon. Mga alahas ang laman. Mga bagay na binigay ko sa kanya. Wala parin gaanong pumapasok sa isip ko. Natahimik lang ako at pinagmasdan ang kabuuan ng bahay. Kinuha ko yung kahon at dinala ko sa kwarto. Binuksan ko yung drawer para ilagay yun. Binuksan ko yung kabinet para kumuha ng bihisan ko. Damit ko nalang ang naroon. Wala ang mga gamit niya. Nilibot ko ang paningin ko sa kabuuan ng kwarto. Ibang-iba na ang hitsura nito. Napabuntong hininga nalang ako. Pagkabihis ko lumabas ako para ipasok ang kotse. Kinuha ko ang bulaklak at wine, at yung singsing. Dinala ko sa kwarto yung singsing at tinago sa drawer sa tabi ng kama. Pati dun wala na siyang gamit. Wala na talaga ni isang gamit niya sa kwarto. Lumabas ako para pumunta sa kusina. Nakita kong may nakahanda ng pagkain. Binuksan ko ang nakatakip. Di na mainit ang ulam. Buti yung kanin medyo mainit pa sa loob ng rice cooker. Naupo ako at tahimik na kumain. May natirang ulam. Nilagay ko ito sa lalagyan at nilagay sa ref para bukas initin nalang. Niligpit ko ang pinagkainan ko at hinagusan narin, at inayos ko ito sa lalagyan. Pinunasan ko narin ang mesa bago pumasok sa kwarto. Tumuloy ako sa banyo para mag-toothbrush. Wala ang toothbrush niya sa lalagyan. pati ang mga gamit niya sa pagpapaganda. Sabon niya, shampoo, conditioner at yung mga iba pa na di ko alam kung para saan. Tahimik lang akong nag-toothbrush habang nakatingin sa salamin. Pagkatapos, nag-shower ako. Nakatayo lang ako habang bumubuhos ang tubig. Ni di ko pa nahuhubad ang damit ko. Basta nakatayo lang ako. At walang ibang naiisip. Walang pumapasok sa isip ko. Blangko lang ang utak ko. Di ko alam kung anong emosyon ang dapat na meron ako. Basta nakatulala lang ako. Pagkatapos maligo pumanta ako ng sala. Kinuha ko yung bulaklak at tahimik ko itong tinapon sa basurahan. Kumuha ako ng wine glass sa mini bar namin. Pagbalik ko sa sala, nanood ako ng tv at binuksan ko yung wine. Natatawa ako sa palabas. Prank show kasi na isa sa mga pantanggal stress ko pagkagaling ko sa trabaho ang palabas. Tawa ako ng tawa habang umiinom ng wine. Halos makalahati ko na yung bote. Okay lang naman kasi day off ko bukas. Naubos ko yung wine. Pero di naman ako gaanong nalasing. Di naman sa pagmamalaki pero malakas akong uminom. At di rin naman malakas talaga yung tama nung wine. Pinatay ko na yung tv. Natapos na yung palabas pero tawa parin ako nang tawa kapag naaalala ko yung mga nakakatawang eksena habang papasok na ako ng kwarto. Naupo ako sa kama. Nakatulala nanaman ako. Nakatingin ako sa salamin sa tapat ko kung saan madalas ko makita si mahal na nagsusuklay ng buhok niya. Napangiti ako at tahimik nang nahiga sa kama. Bukas pa ang ilaw, bumangon ako at in-off ko ito. Muli akong nahiga at nakatingin lang sa kisame. Napalingon ako sa tabi ko kung saan siya nakahiga. Wala na siya? Wala na ba talaga siya? Iniwan niya ako? Yan ang mga nasa isip ko. Doon, naluha na ako. Umiyak na ako. Wala na ang mahal ko. Iyak ako ng iyak. Nabalot ng ingay ng hagulhol ko ang buong kwarto. Napakasakit. Sobrang sakit. Iniwan niya ako na walang kamalay-malay. Hindi ko talaga alam kong bakit? KINAUMAGAHAN may luha parin sa mga mata ko. Di ko alam kung ga’no katagal akong umiyak? Ni di ko alam kung pa’no ako nakatulog? Di ako papayag na mawala siya. Hahanapin ko siya. Dahil mahal na mahal ko siya. Hinanap ko siya. Pinuntahan ko ang mga kaibigan niya, pero walang may alam kung nasaan siya. Nagulat pa sila sa paghahanap ko sa kanya. Maging ang pamilya ko tinanong ko kung may alam sila. Malapit kasi si mahal sa pamilya ko. Naisip ko na baka nagpaalam siya. Pero wala rin. Pumunta rin ako sa pamilya niya sa probinsya para hanapin siya. Pero nagulat lang din ang pamilya niya. Kung saan-saan ko pa siya hinanap. Lahat ng halos na kakilala namin natanong ko na. Tinulungan narin nila ako. Pero wala parin. Walang nakakaalam kung nasaan siya. Lahat nagulat sa pag-alis niya at nagtataka kung nasaan na siya. Kapag umuuwi ako ng bahay, iniisip ko madaratnan ko siya. Pero wala siya. In-imagine ko na kasalo ko siya sa pagkain. Pero hindi, mag-isa lang ako. Sa pagtulog ko, sana katabi ko siya. Pero wala talaga. Sa paggising ko, excited ako. Na sana siya ang una kong makita sa pagdilat ko. Pero wala. Minsan ayaw ko nalang dumilat. Dahil kapag nakapikit ako, malinaw ko siyang nakikita. Mababaliw na ako. Hindi ko alam kong kakayanin ko pa ‘to? Bigla siyang nawala ni di ko alam ang dahilan. Mababaliw na talaga ako sa kakaisip. Iniisip ko nang wakasan ang buhay ko. Nagawa ko pang mag-report sa pulis, pero di nila ako inintindi. Wala daw dapat gawing imbistigasyon dahil obvious naman na naglayas siya. Pero bakit niya ako nilayasan? Nagmakaawa pa ako sa mga pulis. Pero parang ako pa ang ginawang suspek. Baka daw sinasaktan ko o baka napatay ko? Mababaliw na talaga ako. Kinulit ko rin yung mga kaibigan niya, baka naman may alam sila. Pero binabagsakan nalang nila ako ng telepono at di narin hinaharap. Yung pamilya niya muli kong pinuntahan sa probinsya. Pero sinabi lang nilang wag ko na siyang hanapin. Tanggapin ko na daw na wala si mahal at iniwan niya na ako. Pinilit ko sila kung saan ko siya pwedeng makita, pero pinagtabuyan lang nila ako. Tumawag pa ako sa mga radio station. Nag-share ng problema ko at humingi ng payo. At para manawagan narin. Pero lumipas ang ilang buwan, walang resulta. Inisip kong manawagan sa tv, pero sinaway na ako ng pamilya ko. Itigil ko na daw ang kahibangan ko. Tama na daw ang kabaliwan ko. Sinisira ko na daw ang buhay ko para sa babaeng tinalikuran ako. Pero pa’no ba ako mabubuhay ng wala siya? Pero sabi ko, okay, maghihintay nalang ako. ~~~END OF FLASHBACK~~~ NARITO AKO sa mall, pumayag ako sa pakiusap ni Darren na manood kami ng sine kasama lahat ng barkada namin. Showing kasi yung bagong movie ng paborito naming action star. Madalas namin gawin yun nung nasa college pa kami at maging sa ngayon. Bonding na yun ng barkada namin. Natapos na kami sa panonood at sa paglakad-lakad. Nag-uwian na sila pero nagpaiwan ako. Sabi ko dito na ako magdi-dinner. Gusto nila akong samahan, pero sabi ko manuna na sila at wag na akong alalahanin pa. Pinipilit kong maging okay na. Sinusubukan kong muling buoin ang sarili ko. Tahimik akong kumain. Dito kami madalas sa restaurant na ‘to ni mahal. Umaasa akong makita siya. Oo, umaasa parin akong makikita siya. Dahil kumakapit parin ako sa tadhanan namin dalawa. Hanggang sa… “Mahal?” mahinang nasambit ko. Nakita ko siya sa labas ng glass wall. Napatulala ako. Alam kung siya yun. Alam kung siya ang nakita ko. Tuliro akong tumayo na di pa nauubos ang pagkain ko. Baka mawala pa siya sa paningin ko sa dami ng tao dito mall. Nakaasul siyang damit at naka-pony tail ang buhok. Sinundan ko siya. Hinawakan ko siya sa kamay at hinarap siya. Pero di siya ‘to. Hindi siya si mahal. Binitiwan ko yung babae at humingi ako ng paumanhin. Nilibot ko ang paningin ko. Alam kong nandito siya. Hindi ako nagkakamali, siya talaga ang nakita ko. Naghahabol na ako ng hininga at nanlalambot na ang mga tuhod ko. Di ko na alam kung talagang nakita ko siya. Naluluha na ako. Para akong tanga dito. May mga taong pinagtitinginan na ako. Hanggang sa makita ko siya na nakasakay sa escalator pataas. Umakyat ako ng hagdan na malapit sa’kin. Uunahan ko siya kung saan siya pupunta. Mabilis kong inakyat ang hagdan. Nakita ko siyang naglakad sa direksyon ko. Pero nasa kabilang bahagi siya. Tumakbo ako papunta dun. Ngayon, magkaharap na kami. Halos apat na dipa ang layo namin sa isa’t isa. Siya nga, si mahal nga. Naiiyak na ako. Di ko napigil ang pagpatak ng luha ko. Pero pinilit kong ngitian siya at nagpunas ng luha sa aking mga mata. Di ko alam kung ano ang nararamdaman niya? Gulat na gulat siya. Na para bang di niya na ako kilala at di niya ako gustong makita. Nakakatawang isipin lang na nasa malapit lang pala siya? NAKAUPO NA kami ngayon sa isang coffee shop. Halos ilang minuto na kaming nandito. Pero nakatingin lang ako sa kanya. Habang siya nakatingin lang sa hawak niyang tasa ng kape. Mukhang hindi siya komportable. Gusto ko siyang yakapin, pero di ko magawa. Mukhang ibang tao ang kaharap ko. At nararamdaman kong ibang-iba na siya. “K-Kumusta ka na?” tanong ko. “Mabuti. Ikaw?” walang emosyon niyang sagot. “Maayos na.” sagot ko na direcho ang tingin ko sa kanyang mga mata. “Mabuti naman.” Bahagya siyang ngumiti pero ramdam ko parin ang pagka-ilang niya. “Dahil nakita na kita. Kaya maayos ako.” Natahimik siya. “Umuwi na tayo.” “Wala ng tayo.” Direchong saad niya. Natahimik ako at napayuko nalang. Mga ilang segundo bago ako muling nakatingin sa kanya. “Bakit?” sa ilang segundong natigilan ako, yun lang ang nasambit ko. “Aalis na ako.” Tapos tumayo siya na parang diring-diri siya sa’kin at walang balak sagutin ang tanong ko. Pero pinigilan ko siya dahil ayaw kong muli siyang mawala. “Ano bang dahilan? Anong nagawa ko? Ano bang nangyari? Ba’t ganun?” sunod-sunod na ang naging tanong ko at di ko na napigilan ang maluha. “Sabihin mo naman.” “Gusto mong marinig?” dumaloy ang luha niya. “Gusto kong malaman ang dahilan.” “Okay.” Tapos nagpunas siya ng luha. Di ko alam kung luha yun dahil nasasaktan din siya sa nangyayari o luha yun dahil naawawa siya sa’kin. “Di na ako satisfy. Nagsasawa na ako sa pagsasama natin.” “Satisfy?” Tumango siya. “Bored na ako. Wala ng- wala ng excitement. Di na ako masaya.” “Tatlong taon yun. Saan ako nagkulang?”                    “Di ka nagkulang. Ako lang talaga ang di makontento. Di mo na ako mapasaya. Di mo na ako mapaligaya.” “Sa anong paraan?”                       “Sa lahat.” “Sa s*x?”     “Oo.” Direcho niyang sagot. Napangiti ako pero naluluha ako. Di ako makapaniwala. Tama nga si Darren. Posibleng maging rason yun. At aminado naman talaga ako na di namin halos gawin yun. Dahil gusto kong makasal muna kami. “Pero di lang naman yun. Dahil piling ko nasasayang ang buhay ko. Nasa bahay lang ako maghapon. Gusto kong magkabuhay, Sid. Marami akong gustong gawin pa sa buhay ko. Ayaw kong makulong lang sa apat na sulok ng bahay na yun.” “Ano? Pero di naman kita pinaghihigpitan. Binibigay ko ang lahat sa’yo. Kahit nga hindi mo hilingin.”                                                                    Muli siyang nagpunas ng luha. “Oo. Mabait ka. Pero ewan ko, ewan kung bakit nararamdam ako ng hiya sa’yo? Pakiramdam na di ko dapat maramdaman dahil magkarelasyon tayo. Pero nahihiya ako sa’yo. Nahihiya akong humingi. Nahihiya ako sa lahat ng bagay, sa lahat nang binibigay mo. Tatlong taon tayong nagsama, pero parang di ako yun. Nung una, okay tayo. Pero naramdaman ko nalang na ayaw kong makasira sa mga plano mo. Ayaw kong maging hadlang sa gusto mong marating.” “Pero ikaw ang inspirasyon ko. Kasama ka sa planong yun.”                                         “Pero di na ako masaya.”   “Pero mahal kita.”   “Pero di ko maramdaman. Puro trabaho kalang. Pakiramdam ko obligasyon mo lang ako. Na ginagawa mo yun dahil yun ang dapat mong gawin bilang lalake.”   “Ang gulo mo! Mas gusto mo bang mamatay tayo sa gutom?” “Hindi naman sa ganun yun. Pero oo, magulo nga. Maging ako di ko maintindihan ang sarili ko. Pero may pangangailangan ako bilang babae.” “So, s*x lang talaga? Dahil di ko magawa yun gabi-gabi? Di ko magawa dahil pagod ako galing trabaho? Dahil gusto kong bigyan ka ng magandang buhay kasama ng mga magiging anak natin.”                                                                                                                                  “Siguro nga hanap ko yun? Pero Sid, malungkot ako. Ni di mo man lang minsan tanungin kung kumusta ang araw ko? Di mo napapansin kung bagong gupit ba ako. Ni di ko na alam kung may tayo pa. Para tayong nagsasama lang sa iisang bubong. Minsan di ko maramdaman na tayo. Natatanong ko pa minsan kung bakit pa tayo nagsasama? Mahal mo ako pero di mo pinaparamdam. Puro kalang materyal na bagay.”   “Babaguhin ko yun.” Pagmamakaawa ko. “Pero Sid, huli na.” “May iba na ba? Nabibigay ba niya ang pangangailangan mo? Satisfy ka ba sa romansa niya?” I felt offensive. At aminado akong rude na ang mga binitiwan kong salita.                                    “Sid, meron na. Pero kailan lang kami nagkakilala. At yung pagmamahal ko sa’yo nawala na yun. Sorry.” Kalmado niyang sagot. “Sa tingin mo, siya na talaga ang para sa’yo? Pa’no kung magsawa ka nanaman?” “Naramdaman ko sa kanya ang pakiramdam na di mo nabigay. Minahal kita, oo. Pero iba yung pagmamahal ko ngayon sa kanya. Iba yung pagmamahal niya. Maaring muli akong masawa o siya masawa sa’kin. Pero kami na ang bahala dun.”   “Dami mong sinabi. Pero ang totoo, niloko mo lang ako. Pinagpalit mo ako.”   “Hindi kita niloko. Gaya ng sabi ko, kailan lang kami nagkakilala. Wala ng tayo nang naging kami.”   “Di pa nawala ang tayo dahil ikaw lang ang lumayo. Para sa’kin, tayo parin.”   “Please Sid, wag mo nang ‘pagpilitan. Wala ng tayo. Hindi na maibabalik ang dati. Hayaan mo na ako. Pakawalan mo na ang sarili mo sa kahapon. Pakawalan mo na ako sa puso mo. Palayain mo ang sarili mo. May mga bagay talagang nangyayari na di natin gusto. Hindi ako ang para sa’yo, Sid. I’m sorry. Makakakilala ka pa ng mas higit sa’kin. At sana wag lang ang pangarap mong magandang buhay para sa magiging pamilya mo ang panghawakan mo.”   Hinawakan niya ang kamay ko. Hawak na nakakainsulto. Na parang sinasabi niyang ‘naaawa ako sa’yo’. Hawak ng tuluyang pamamaalam. Napapailing nalang ako. Parang gusto kong isiping panaginip nalang sana ‘to. Dahil kahit papaano, nang di ko siya matagpuan may konting pag-asa parin ako. Pag-asang kapag nakita ko siya ay babalik kami sa dati. Pero ngayon, tuluyan ng naglaho ang pag-asang yun. “Sorry, Sid. Goodbye.” Mahinang sambit niya. Wala na akong naitugon. Tapos umalis na siya. Naiwan akong umiiyak parin sa coffee shop. Pero natatawa ako. Natatawa habang lumuluha. Wala akong naintindihan sa pag-uusap namin. Di ko alam kung ano talaga yung rason niya at pagkakamali ko. O di ko lang matanggap na may pagkukulang ako? At di ko lang matanggap bilang lalake na di ko siya mapasaya bilang babae? Pero may sapat ba talagang rason sa paghihiwalay ng bawat magkarelasyon? Kailangan ba may pagkakamali o pagkukulang para iwan niyo ang isa’t isa? At may sapat rin bang dahilan para manatili ka pa sa relasyong di kana masaya? Naguguluhan parin ako. Pero wala na akong katanungan sa kahapong nagdaan. Sa pag-uusap namin, di man nasagot ang mga tanong ko pero naramdaman kong nabuo ang pagkatao ko. Tatanggapin kong wala na siya. Na di talaga kami ang para sa isa’t isa. Hindi siguro talaga kami ang nakatadhanang magsama. Kahit ipagpilitan mo man ng sobra-sobra para sa huli kayo parin, kung talagang hindi kayo ang nakalaan sa isa’t isa wala kayong magagawa. Mismong tadhana narin ang magpapahiwalay sainyong dalawa. PA’NO NGA BA MAG-MOVE ON? Siguro, walang tamang paraan. Basta matoto ka lang magpaalam. At tanggapin nalang na ang kahapon ay di na magiging bukas pa. …Goodbye yesterday. ~~~end~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD